ELAYZA
"Hindi ka mamamasukan, Elayza," deretsong sagot ni Mama.
"Pero Ma, kailangan natin ng pera para maipagawa ulit ang bahay natin," giit ko.
Napatigil si Mama sa paglalaba at tumingala sa akin. "Paano ang pag-aaral mo? Ano? Basta ka na lang hihinto?"
"Ehh... kahit gustuhin ko naman po na makatapos hindi na din naman ako makakapagtapos dahil sa taas ng tuition namin ngayong semester," mahina at malungkot na wika ko.
"Gagawa ako ng paraan. Kahit magkakalyo-kalyo ako sa paglalabada titiisin ko iyon para makapagtapos ka!"
Nakagat ko ang ibabang parte ng labi ko. Umiwas ako ng tingin para pigilan ang nagbabadyang pagtulo ng luha sa mga mata ko.
"Para din naman sainyo ang pag-aaral na iyan. Madadala niyo 'yan sa habang panahon. Kapag nakapagtapos ka, kahit anong trabaho pwede mong pasukan. Hindi 'yong gaya sa akin na walang ibang choice kundi ang maglabada na lang kasi elementary lang tinapos ko." Mas binilisan niya ang pagkuskus ng brush sa damit.
Umupo ako at ipinatong ang dalawang kamay ko sa tuhod ni mama. Tiningnan ko siya nang masinsinan.
"Ma... isang taon lang naman po. Babawi lang tayo ng isang taon. Babalik din naman ako pag-aaral kapag nabayaran na natin ang mga utang natin at naipagawa na ulit natin itong bahay," pakiusap ko sa mahinahon na tinig.
"Hindi! Hindi ka mamamasukan! Makinig ka sa akin. Hindi ka magtatrabaho bilang isang katulong. Ni hindi mo nga kilala kung sino ang magiging amo mo! Paano kung pagmalupitan ka niya? Hindi ko kaya 'yon anak. Dito nga ni minsan hindi kita napagbuhatan ng kamay. Paano na lang kaya doon? Ayoko! Magtatapos ka. Gagawa ako ng paraan para makapagtapos ka," iritadong litanya ni Mama.
Hindi na ako nakapagsalita. Kilala ko si Mama. Kapag may isang salita siya na binitawan. Iyon ang gagawin niya. At hindi na 'yon mababago.
Lumipas ang mga araw ay naging maayos na ang kalagayan ng bayan namin. Mabilis na bumalik maayos ang lahat. Samantalang kami ay nanatiling lugmok. Ganoon parin ang bubong namin. At nakahilig parin sa harapan ang kawayang pader ng balkonahe namin kasi nga wala pang bubong doon.
"Elayza! Elayza!" humahangos na tawag sa akin ni Tiya Myrna. Ang nanay ni Janela.
"Po? Bakit po?" mula sa paglilinis sa loob ng bahay ay lumabas ako para tingnan si Aling Myrna.
"Nasaan ang nanay mo?"
"Naglabada po kina Ms. Uy. Bakit po?" kunot-noong tanong ko.
"Tawagin mo ang nanay mo. Si Carlo! Naaksidente siya. May malaking pako na naapakan ang kapatid mo!"
"Po?!" Para akong binuhusan ng malamig na tubig ang ulo ko. Mabilis akong tumalima para tingnan si Carlo na noon ay nasa likuran lang pala ng bahay ni Aling Myrna.
Nakaupo siya sa malaking bato habang nakaangat ang kanang paa kung saan nasa ilalim pa ang lumang pako na nakatusok sa paa niya. Mas dumoble ang takot ko nang makita ko ang dugo na tumutulo doon.
"Ate..." parang naiiyak na tawag sa akin ni Carlo nang makalapit ako sa kanya. Niyakap ko agad siya.
Nagsimula ng mangitim ang mga labi niya sa takot.
"Dalhin na natin siya sa hospital, Elayza. Baka may tetano ang pako na 'yan. Kailangan siyang maagapan," sabi ni Tiyo Nestor asawa ni Tiya Myrna.
Tumango na lamang ako. Wala ng salita na lumabas sa bibig ko dahil nanginginig na rin ako sa takot.
Pero... hospital? Gastusin na naman?
"Elayza, pumunta ka na sa Mama mo. Sabihin mo ang nangyari. Sumunod kayo sa Lopez Hospital."
"O-Opo."
Mabilis akong tumalima. Tumakbo ako papunta sa bahay ni Ms. Uy na ilang agwat din ang layo sa amin.
"Ma! Si Carlo po sinugod sa hospital. Natinik po siya ng pako!"
***
"Ano ba kasing ginawa mo sa likod ng bahay nina Myrna, ha? Masyado ka bang bulag para hindi mo makita pako, ha?" sermon ni Mama kay Carlo na siyang nakaratay sa hospital bed.
"Ma... aksidente lang po ang nangyari. Hindi naman po ginusto ni Carlo 'yon."
"Sorry, Ma. May kinukuha kasi akong bunga ng mangga tapos 'di ko namalayan 'yong nakausling pako," malumanay na wika ni Carlo.
Napakamot si Mama. Kitang-kita ko ang stress sa mukha niya.
"Paano na tayo niyan? Tatlong araw ka pa rito. Patong-patong na nga utang natin kung saan saan, dumagdag ka pa!" Tumayo si Mama at lumabas ng kwarto ng hospital.
Natahimik kaming dalawa. Nakatinginan na lamang kami ni Carlo. Hinawakan ko ang balikat niya. Para aluhin siya sa nagbabadyang luha sa mga mata niya.
Isang tipid na ngiti ang binigay ko kay Carlo. "Kakausapin ko lang si Mama."
Tumango naman agad siya at umiwas ng tingin.
Nang lumabas ako ng kwarto ay nakita ko si Mama na nakaupo sa waiting area. Malayo ang tingin. Bahagya akong nag-isip kung lalapitan ko siya. Sa huli ay napabuntong-hininga ako at marahang humakbang palapit.
Nakaupo na ako sa tabi niya pero hindi niya parin ako nililingon. Nakita ko ang patulo ng luha sa mga mata niya. Parang pinilas ang puso ko nang makita ko iyon kaya naman hinawakan ko ang kamay niya. Mas dumoble ang bigat na nararamdaman ko nang maramdaman ko ang makalyo at magaspang niyang mga kamay kakalabada kina Ms. Uy.
Iyon ang unang beses na mahawakan ko ang kamay ni Mama na magaspang.
"Wala tayong pera. Hindi ko na alam kung saan kukuha ng pambayad sa hospital na ito. Nagreklamo na rin si Ms. Uy kasi pang tatlong buwan na ang mga utang ko sa kanya," malumanay na wika ni Mama. Impit na humikbi siya.
Nakagat ko ang labi ko. Hindi ko alam kung ano ba ang saktong salita na pwede kong sabihin sa kanya. Salita na magpapakumbinsi sa kanya na payagan akong magtrabaho.
"Ma... mayroon pa naman paraan."
Napatingin siya sa akin. "Ano naman?"
"Payagan niyo po ako mamasukan sa sinasabi ni Aling Lorna." Umiling siya kaya hinawakan ko nang maigi ang kamay niya. "B-Baka makapag-advance ako para sa bayarin natin sa hospital. Tapos... kung may sobra pampaayos natin ng bahay."
"Ayoko-
"Ma... hindi kita pipilitin ng ganito kung hindi kita nakikitang nahihirapan. Ramdam ko kung paano ka nahihirapan kahit na sabihin mo na kaya mo. Ma... may lakas na ako para tulungan ka. Ma... para din naman sa atin ang desisyon ko." sunod-sunod na paliwanag ko.
Mahabang katahimikan ang namahagi sa pagitan namin.
"Ma..." Pukaw ko sa pag-iisip niya.
"P-Paano ang pag-aaral mo? Paano ang pangarap ko na makapagtapos ka? Balewala na lang ba sa 'yo iyon, Elayza?"
Nangilid ang luha sa mga mata ko pero agad akong napailing. "Ma, hindi ko binabalewala ang pangarap mo kasi pangarap ko din 'yon. Pero may mga bagay siguro na kailangan muna natin bitawan pansamantala. P-para... para mabawasan ng kahit kaunti ang gastusin natin."
"P-Paano kung masanay ka sa trabaho mo? Paano kung makahanap ka na doon na asawa?"
"Ma, asawa agad? Hindi ko gagawin 'yon at tsaka may tiwala ka sa akin 'di ba?" natawang sabi ko. Si Mama talaga... nasa kalagitnaan na ako ng pagdadrama eh.
Sa pagkakataon na iyon ay tiningnan ako ni Mama.
Matagal bago siya nakapagsalita. "Kailan ka magsisimula doon?"
****
"T-Teka sir... paano po ang pagbukas nito?" Bahagyang uminit ang mukha ko dahil ignorante kasi ako sa pagbukas ng pinto ng kotse.
First time kong sumakay sa magarang kotse at ang simpleng pagbukas ng pinto ay sobrang struggle na sa akin.
"Ganito lang 'yan, Madam." Inabot niya ang itim na holder sa pintuan ng kotse at bahagya niya lang kinabig iyon saka marahan na tinulak.
"Naku, sir huwag mo na akong tawaging Madam. Katulong lang po ako dito," mabilis na sabi ko.
"Huwag mo din akong tawaging Sir. Kasi driver lang po ako ng pamilya Silvestre."
Bahagyang umawang ang bibig ko. "Ay ganoon po ba? Edi ano po dapat itawag ko sa 'yo?"
Matanda na siya mga around 50's na. Makikita na kulubot sa mukha niya at mangilan-ngilang puti sa buhok niya.
"Kuya. Kuya Ofel na lang."
Ngumiti ako. "Salamat Kuya Ofel sa paghatid sa akin. Elayza po pala ang pangalan ko."
"Elayza." Tumango-tango siya. "Ilang taon ka na?"
"Nineteen po."
Muli ay tumango-tango ulit si Kuya Ofel saka ngumiti. "Ahh, kasing-edad mo lang pala anak kong babae."
Ilang sandali ay lumabas na ako. Sa paglabas ko ng kotse ay bahagya akong napaawang sa ganda at laki ng bahay ng mga Silvestre.
Inilapit sa akin ni Kuya Ofel ang sako bag na ginamit ko para mapaglagyan ko ng gamit ko.
"Grabe! Ang laki pala ng bahay ng magiging amo ko."
"Goodluck! Huwag kang mag-alala mga mababait naman sila."
Tiningnan ko si Kuya Ofel saka ngumiti. "Thank you po."
"Hello, Lara nga pala," pakilala ng katulong sa akin na nasa tabi ko na pala. Nakadamit na siya pangkatulong at kung titingnan ko ay nasa mid 30's na siya.
"Ahm, Elayza po."
"Ah, ako na magdadala niyan." Kinuha niya ang hawak kong sako bag. Hindi naman siya ganoon kalaki kasi kakaunti lang na damit ang dala ko.
"Naku! Ganito din ako noong una kong pagpasok dito," humagikhik siya sa komento niya. "Sako bag din ang dala ko."
Napangiti ako. "Wala po kasi akong bagpack."
"Ok lang 'yan. Ang mahalaga may trabaho ka na. At swerte mo kasi dito ka napunta. Hindi kuripot sina Ma'am at Sir sa pera. At saka parang pamilya ang turing nila sa mga katulong."
Pumasok na kami sa bahay at hindi ko mapigilang igala ang paningin ko sa napakalaki at napakagandang mala-mansyon na bahay na ito. Napakamoderno ng pagkakagawa ng bahay at halatang milyon ang gastos niyon.
"Parang hindi nga sila kuripot, kasi pina-advance agad nila ako. Bago ako pumasok dito."
"Oh 'di ba? At saka hindi niya iyon sisingilin sa 'yo ng buo sa katapusan. May makukuha ka parin kahit papano sa sahod mo."
"Ang bait naman po pala talaga nila."
"Sinabi mo pa!"
Marami pang dinadaldal si Ate Lara sa akin. Medyo hindi na rin pumasok sa isip kasi hindi ko mapigilan igala ang mga mata ko sa napakagandang bahay na titirahan at pagtatrabahuhan ko.
Ilang minuto ang lumipas ay pumunta kami sa itaas para ipakita sa akin ni Ate Lara ang bawat kwarto na naroon. Grabe! Nakakalula sa laki at ganda ang bahay na iyon! Banyo pa lang kabog na sa laki at lawak. Parang dinoble iyon sa laki kumpara sa bahay namin.
"Ito ang kwarto ni Sir Arnold at Ma'am Beverly. Nakasarado talaga 'yan tuwing umaalis sila para magtrabaho."
"Kahit pala linggo may trabaho sila?" usyoso ko.
"Ah, hindi! Sa ngayon nagbakasyon silang buong pamilya sa France. Ngayon ang uwi nila. Mayamaya lang ay nandito na ang mga iyon."
Naglakad pa kami. Sa dulo ng bahay malapit sa terrace ay tumigil kami sa isa pang pinto.
Hinarap ako ni Ate Lara. "Eto naman ang kwarto ng kanilang kaisa-isang anak na lalaki."
May tinuro si Ate Lara. Sinundan ko naman iyon ng tingin. At mula sa wall ay naroon ang malaking picture frame kung saan nasa loob ng frame ang larawan ng isang masayang pamilya.
'Yong dalawang nakaupo paniguradong sila na Sir Arnold Silvestre at ang asawa na si Ma'am Beverly Silvestre. At nasa ibabang bahagi nila nakaupo ang anak nila.
"Siya si Arc Silvestre. Ang anak ni Sir Arnold at Madam Beverly. Huwag kang mag-alala. Mabait naman siya. Iyon nga lang pilyo siya sa babae."
Tumango-tango ako.
"Sinasabi ko na sa 'yo mga ugali nila para hindi ka na mabigla."
"Salamat po," nakangiting sabi ko.
Isang malakas na busina ang narinig namin. Mabilis na pumunta si Ate Lara sa terrace at patakbo din na bumalik sa akin.
"Nandiyan na sila. Tara! Alalayan natin sila sa mga gamit nila."
Mabilis akong tumango pero bahagyang umahon ang kaba sa dibdib ko. Sinulyapan kong muli ang malaking picture frame. Mas tumutok ang tingin ko kay Sir Arnold. Hindi kasi maikakaila ang kagwapuhan niya kahit na may anak at asawa na siya. At saka wait... parang nakita ko na siya dati.
Pinilit kong isipin kung saan, hanggang sa napailing na lang ako. Hay, baka kamukha niya lang. Nagpasya na lamang akong humakbang pababa ng hagdan para sundan si Ate Lara.