"Oh, kumusta?" tapik sa akin ni boss. Napansin niya yata na nakatulala ako sa harap ng ine-edit kong album. Napatingin lang ako sa kanya at ngumisi sabay iling.
"Ayos lang, boss," matamlay kong sagot.
"Iiling-iling ka diyan tapos sasabihin mo ayos lang. Gagong 'to," sagot niya naman sabay upo sa harap ng kanyang laptop.
"Eh yung sa contest? Ready ka na ba? Ilang araw na lang, deadline na ng registration," dagdag ni boss. Napatulala akong muli sa harap ng aking computer.
"Kung ako sa 'yo kunin mo na 'yon. 'Di ba, boss?" ika ni Greg.
"Oo nga. Sayang p're. Minsan lang 'tong opportunity na 'to," dagdag ni Marco.
Napatingin ako kay boss. Nakatitig siya sa akin, naghihintay ng sagot. Lumunok muna ako ng kaunting laway bago nagsalita.
"Sige, boss," sambit ko habang nakangiti.
"Chang ina! Yun!" Tumayo si Marco at tinapik ako sa likod. Halos alugin niya pa ang aking balikat matapos noon.
"Nako boss! Ito na 'yon! Tsk tsk! Pagkatapos nitong lahat, gallery na 'to p're! Makikita na pangalan nito 'Christian Palado: Beautiful Photographies!' bulyaw naman ni Greg habang itinataas pa ang mga kamay na para bang ini-imagine ang pangalan ko na nakapaskil sa isang malaking poster.
"Tang ina, Beautiful Photography ka diyan? Sagwa ampota! Dapat Christian Palado: A journey to begin!" sawsaw ni boss. Napakamot na lamang ng ulo si Greg.
"Para namang debut 'yon, boss," sabat ko.
"Langya ka kokontra ka pa! Mamaya ka na kumontra! I-Email ko sa 'yo tong form! I-print mo! Sagutan mo na, ah?!"
"Yes boss," matipid kong sagot habang ako naman ay pinagti-tripan ng dalawa at ginugulo ang buhok ko.
"Nga pala...nasabi mo na ba sa kanya?" pahabol na tanong ni boss Ronald. Saka naman nanahimik ang dalawa at napatingin sa akin. Bumagsak naman ang aking balikat at napahinga nang malalim bago umiling.
"Eh...kailan mo sasabihin?"
Isang tanong na hindi ko alam kung bakit hindi ko masagot. Napatingin na lamang akong muli sa ine-edit kong album habang patuloy na binabagabag ng mas dumarami pang tanong.
Bakit ba kailangang pigilan ako ng sarili ko? Bakit ba hindi ko puwedeng pagsabayin ang dapat na takbo ng buhay ko at ang bagay na nakakapagbigay ng buhay sa akin? Saan na nga ba ako lulugar? Sumasakay na nga lang ba talaga ako sa alon ng buhay ng ibang tao para lang maging masaya? Masaya nga ba ako? Masaya ba siyang talaga? 'Yon lang naman ang importante sa akin. Ang maging masaya siya.
___________________________
"Nakapagpasya rin ako sa wakas na sabihin ang tungkol sa international contest na 'yon. Inisip ko na magiging maayos din ang lahat. Think positive kumbaga. At kahit na luma na ang estilo, bumili ako ng bulaklak at tsokolate. Nag-taxi papunta sa pinagpa-practice-an niya, nagpagwapo sa salamin. Kinausap nang kaunti ng driver:
'Oh mukhang magtatapat ka na, ah. Ready ka na ba?' tanong niya. Napangiti lang ako habang inaabot ang bayad sa kanya.'Nako manong, kami na po. May importante lang akong sasabihin sa kanya.' Sinuklian niya ako, sinabayan ng isa pang tanong. Magpo-propose ka na?' Natawa na lang ako. Pero aaminin ko. Napaisip na rin ako noon," kuwento ko kay Jen. Nakikinig lamang siya habang ang hawak kong bato kanina ay nasa kanyang mga kamay na.
"Bumaba ako sa taxi. Alam kong medyo nahuli na ako ng dating at hinihintay niya ako, gabi na rin noon at iilang mga ilaw na lang ang nakabukas sa paligid ng building. Nakita ko ang kotse ni Charmaine na nakapark sa gilid katabi ang isa pang itim na kotse. Nakangiti, nagmamadali, pinipilit na sabihin sa isipan ko na magandang balita ang sasabihin ko sa kanya bilang isang sorpresa. Sumilip ako, naghintay ng kaunti, at saka sumilip ulit," may kung anong bumara sa aking lalamunan. Isang mapait na katotohanan na pilit kong itinutulak pababa. Muli akong ngumiti at tumingin kay Jen. Nginitian niya rin ako ngunit sa kanyang mga mata ay nakikita kong alam niya na ang mga susunod na nangyari.
"Nakita ko siya...nakita ko rin si Jerick. Magkayakap sila. Lumuluha si Charmaine, hinalikan niya sa labi at niyakap siyang muli. Halos lumuha na rin sa pagmamakaawa si Jerick na bumalik sa kanya. Isang mahigpit na yakap ang ibinalik niya at alam kong sa yakap na iyon, muli niyang tinanggap ang taong totoong nilalaman ng puso niya. Maluha-luha, ngumiti na lang ako, umatras, naglakad palayo. Tumingala sa langit upang silayan ang mga bituin na unti-unting lumalabo. Tumingala ako para lang muling saluhin ng mga mata ko ang mga luha, para hindi makita ng mga taong nakakasalubong ang katotohanan na nasugatan ako. Malalim. Nagdurugo, nababasag."
Pinahid ko ang kaunting luha na tumulo sa aking kaliwang pisngi. Muli akong tumingala gaya ng ginagawa ko tuwing ako ay naiiyak. Ngumiti na para bang isang batang itinatago ang sakit. Sinilayan ko ang mga ulap sa kalangitan habang tinatapik at hinahagod ni Jen ang aking balikat. Miski siya ay napaluha rin nang kaunti. Lumingon lamang siya sa kanyang kanan upang hindi ko makita ang kanyang pagtangis.
"Noong bata pa ako nagtataka ako kung bakit minsan sa basurahan tumutubo ang mga bulaklak. Noon ko lang nalaman ang sagot," sabay ngisi. Pilit na pinapagaan ang dibdib. Napangisi naman si Jen pero halatang napapaluha pa rin.
"And yes...I was bleeding that night. Ayun...sa bar napadpad, lahat yata ng iba't-ibang klase ng alak natikman ko. Tahimik na umiiyak, titingala, tatawa," sambit ko habang napapailing.
Muli akong nagpahid ng pisngi at tumingin sa papalubog na araw. Pinatong naman niya ang kanyang kamay sa aking balikat at ngumiti nang matipid.
_______________________________
Tatlong araw, hindi ako nagparamdam. Parang wala lang sa kanya 'yon. Matapos ng tatlong araw na iyon ay saka niya ako hinanap. Tumawag siya, yung dating hugis puso bilang pangalan niya sa phonebook ko eh napalitan na lang ng isang tuldok.
"Oh?" matamlay kong sagot.
"Anong nangyayari sa 'yo?" tanong niya na para bang naiirita.
"Medyo busy lang, nasa studio pa 'ko eh. Marami pa 'kong tinatapos."
Totoo naman, nasa studio lang talaga ako. Nakatunganga, nakatitig sa monitor ng computer ko. Ayokong umuwi, ayokong kumilos. Ayokong pumunta sa kung saang lugar para magmukmok.
"Ayos ka lang ba? It's been 3 days, Ian. May sakit ka ba? Bakit hindi ka nagte-text o tumatawag man lang?" tanong niya. Sa tono niyang iyon ay medyo nainis ako.
"Wow. Dapat ba palaging ako yung unang kumokontak? Eh ikaw nga parang wala nang pakialam sa atin, eh," napapangisi ako sa sagot na iyon pero sa totoo lang ay naiinis ako.
"Grabe! Tatlong araw, Ian. Wala ka man lang paramdam tapos ngayon babaliktarin mo ako? Ni hindi mo nga ako magawang sunduin ngayon, eh."
"Hindi mo ako driver," sagot ko.
"Hindi naman kita driver, ah?! Ano bang nangyayari sa 'yo?! Bakit ka ba nagkakaganyan?"
Hindi ako sumagot. Ngumisi na lamang ako at ipinarinig ko sa kanya. Hinilot nang kaunti ang napapagod ko nang mga mata at hinintay ang susunod niyang sasabihin.
"Ian, what's happening to you? Hindi mo ba ako susunduin?"
"Hindi pa ba sapat na si Jerick na yung sumusundo sa 'yo? Okay na naman kayo 'di ba? Bakit hinahanap mo pa ako?!"
Sa inis ko ay naibulalas ko ang mga salitang iyon. Hindi siya nakapagsalita, tila natahimik lamang siya at bumuntong hininga.
"Ian, can we talk?"
Tila biglang nanamlay ang kanyang boses. Katahimikan ang sumunod. Muli kong hinilot ang aking mga mata at tumayo. Lumabas ako ng kwarto ng opisina namin upang tumambay sa veranda.
"Alam ko naman, Charmaine. Pero, okay lang naman, eh. Okay lang talaga. Sana sinabi mo na lang..." sagot ko.
Kumuha ako ng yosi at inipit sa aking mga labi. Sinindihan iyon gamit ang lighter, huminga, bumuga at tumitig sa kawalan habang ang cellphone ay nasa aking kaliwang tenga.
"Ian, please?" Nanginginig na ang kanyang boses, nababasag, tila numinipis. Huminga ako nang malalim bago muling magsalita.
"Ano ba talagang gusto mo, Charmaine? Hindi na kasi kita maintindihan eh."
May pait na umaakyat mula sa aking dibdib. Inayos ko ang aking boses at naghintay ng kanyang sagot ngunit ang aking narinig lamang ay ang kanyang paghikbi. Matapos ang ilang segundo ay binaba niya ang tawag. Binaba ko na rin ang aking mga kamay, pinatong ang cellphone sa mesa, humithit muli ng yosi at bumuga ng isang kumpol ng usok.
"Tang ina..." bulong ko na lang. Sa inis ay halos ibalibag ko pa ang bakal na upuan sa tabi ng mesa, mabuti at napigilan ko pa rin ang aking sarili.