Chapter 9:

1923 Words
"Daming langgam," sabi niya. Ginising niya ako habang tila malikot siya sa aking tabi. Kasalukuyan pa ring tumatakbo ang bus noon at madilim na rin sa labas. "Sweet daw kasi tayo," sagot ko naman na tila inaantok pa. "Gago ka! Haha. Seryoso...tingnan mo." Tiningnan ko ang pader at ang kanto ng salamin na bintana. Doon ay nakikita ko ang mga kulay pulang langgam na nakalinya. "May tumapon na pagkain. Sa atin ba 'yan?" tanong ko. Umiling lang siya. Tiningnan ko ang kumpol ng aming mga bag na nakasandal sa bakanteng upuan sa kanyang tabi. Hindi nga doon tumutuloy ang mga langgam na iyon. Lumiyad ako nang kaunti at halos sandalan na siya. Hindi naman siya kumibo. Sumabay lang siya sa pagtagilid ng katawan ko at tila nahiya sa aking ginagawa. Sinisilip ko ang magkabilang dulo ng bintana at sa likod ay nakita ko ang isang butil ng biskwit. "Ay nako naman," bulong ko. Inis akong tumayo at tumalikod. "Uhmm. Hi po, puwede pong pakitapon yung biskwit? Nilalanggam kasi eh," sabi ko. Ngumiti naman na parang nakangiwi ang lalaki na aking sinabihan. Katabi niyang natutulog ang kanyang kasama na lalaki din. Nakasandal pa ang lalaking iyon sa kanyang balikat at nagulat na lang ako nang makita kong sila'y magkahawak kamay. Nanlaki na lang ang mga mata ko nang umupo akong muli sa aking puwesto at tuwid na tumingin sa kawalan. "Bakit?" bulong ni Charmaine. Tinuro ko nang palihim ang aking likod at bumulong din. "Ang sweet nga..." sabi ko. "Really? Lovers?" nakangiting tanong ni Charmaine. Tumango lang ako at ngumiti din. Nawala ang antok ko dahil sa aking nakita. "My gosh, hayaan mo na nga. Uso naman 'yan ngayon," sabi niya. "Hindi ako makikiuso sa kanila, 'no," bulong ko. Natawa na lang siya at pinalo ang aking braso habang nagtatakip ng bibig. "Nasaan na ba tayo?" tanong ko. "Hindi ko alam," sagot niya. "Kanina ka pa gising?" tanong ko. "Nagising lang ako kasi may mga gumagapang sa paa ko." Kinuha ko ang aking bag, tumagilid na naman ako sa direksyon niya at tila naipit siya nang kaunti nang kunin ko ang alcohol. Bumalik ako sa dati kong posisyon at tila binaril ng watergun ang kanto ng bintana upang hindi na gapangan pa ng mga langgam. "Uhmm. Ibabalik mo ba?" tanong niya. "Alin?" "'Yang alcohol?" Tumango lang ako at ngumiti. Sumandal naman siya at itinaas nang bahagya ang kanyang mga kamay para makaiwas sa akin. Tila nailang naman ako sa ginawa niya at dahil na rin sa ganda ng hubog ng kanyang katawan at puti ng kanyang balat ay lalo akong hindi nakapag-isip ng tama. "Kanina ko pa ginagawa 'to, 'di ba?" natatawa kong tanong. Tumango siya at tinapik ang likod ko. "Sige na, okay lang," sabi niya. Lumiyad ulit ako sa direksyon niya at ipinasok sa aking bag ang dala kong alcohol. "Teka punasan ko lang," sambit ko nang kunin ang isang putol ng tissue at pinunasan ang kanto ng bintana. "Okay na, puwede mo na ulit itaas ang paa mo," sabi ko pero bago pa man ako maupo nang diretso ay niyakap niya at sinandalan ang likod ko. "U-Uhm...okay ka lang?" tanong ko. Umupo ako nang diretso at tumingin sa kanya. Ngumiti lang siya at hinaplos ang pisngi at leeg ko. "Huy..." sambit ko. "Ang cute cute cute mo talaga!" wika niya sabay pisil sa aking pisngi. Nakayakap pa ang kanyang kaliwang braso sa aking leeg. "Haha. I know," tugon ko. Tumawa na lang siya at muling sumandal sa akin. "Remind mo ako kung may surot na naman diyan sa sangktwaryo mo ah?" sabi ko. "Yes, boss," sabi niya at muli niyang itinaas ang kanyang paa sa kanto ng bintana. "Hindi ka nilalamig? Gusto mo ng jacket?" tanong ko. "No!" sabi niya sabay hugot sa aking kanang braso na ginawa niyang tila kumot at pinulupot sa kanyang katawan. Bahagya ko pang naramdaman ang umbok ng kanyang dibdib sa pagkakatama nito. Napaiwas ako nang bahagya at ibinaba iyon sa kanyang tiyan. "Manyak..." bulong niya sabay angat muli ng braso ko patungo sa kanyang dibdib. "Sino kaya?" tanong ko sabay ngiti. ________________________ "Ilang stop over ba ang mayroon tayo?" tanong niya. Nakatigil ulit ang bus at kasalukuyan naman akong naghahalo ng kape na aming iinumin. Nakatagilid kami sa mesa at pinapanood lang ang mga nagdaraang mga sasakyan sa may kadilimang highway. "Hmm. Pangatlo na 'to. Andito na tayo sa Naga. Siguro mga tatlo pa?" hindi ko siguradong sagot. Iniabot ko sa kanya ang kanyang kape. Hinawakan niya naman ang babasaging baso at inilapat ang kanyang mga kamay, tila pinapainit niya ang kanyang nilalamig nang mga kamay habang nakapikit. Tumagilid naman ako at tinitigan lang siya. Maya-maya pa ay huminga na siya nang malalim, dumilat at nakangiting tumingin sa akin. "Anong iniisip mo?" tanong ko. "Ikaw? Anong iniisip mo 'nong tinititigan mo ako?" tanong niya naman. Natawa ako nang kaunti at humigop na lang ng kape. "Seryoso?" pahabol niya. Nagbago naman ang timpla ng aking mood, tila sumeryoso nang kaunti at naging malumanay. "Masaya ako..." sabi ko. Inangat naman niya ang kanyang kanang kilay at tila naghintay pa ng susunod kong sasabihin. "I mean...ewan ko. Masaya lang ako," wika ko. Umiling na lang ulit ako at umiwas ng tingin sa kanya. Ayokong maging seryoso. Minsan magulo ang utak niya, baka mamaya ako na naman ang magmukhang tanga. "Wala ka talagang balak magtanong ano?" matigas nang kaunti ang kanyang tugon na may halong ngiti. "Tanong tungkol saan?" "Sa atin? Grabe...ikaw pa ang manhid?" natatawa niyang sagot. "Babae na daw kasi ang nage-effort ngayon," nang-iinis ko namang sambit. "Pabebe ka! Baka kasama ka na sa grupo nung mga juding sa likod natin kanina ah!" sabi niya nang malakas. "Ssshh...loko 'to. Nasa gilid lang natin," saway ko sa kanya. Ngumisi naman siya at tila nagtago sa pamamagitan ng pagyuko. "Sorry." Humigop muna siya ng kape bago tumingin sa likod ko na katabing mesa lang namin. Ngumiti siya ng kaunti nang makita ang dalawang lalaki na nag-uusap ng seryoso at nakangiti. "Sa lahat ng lalaking nagkagusto sa akin ikaw lang yung ganyan?" bigla niyang sambit. Napatigil naman ako sa paghigop ng kape at napatingin sa kanya. "Ano namang ganyan?" "Yung ganyan, hindi opportunist!" "Sus, kala mo lang hindi ako opportunist," pabulong kong sambit habang umiiwas ng lingon sa kanya. "Anong sabi mo?" "Wala, kako ang ganda mo. Kaso ang bingi mo lang," sagot ko. "Eh ikaw ang gwapo mo 'no? Kung hindi ka lang takot magtanong. Mag-Ritemed ka kaya?" inis niyang sambit bago humigop ng mainit na kape. Napangisi na lamang ako. "Puwede bang maging tayo?" binigla ko siya Alam kong iyon ang gusto niyang marinig. Alam kong gusto niyang malaman kung ano na nga ba ang naiisip ko sa sitwasyon namin. Ngumiti siya nang matamis at hinawakan muli ng parehong kamay ang kanyang baso. "Hindi pa ba?" tanong niya. Tumawa lang ako at yumuko sabay iling. Humigop ako ng kape at muling tumingin sa kanya. Muli lang akong natawa nang makita ko ang kanyang mga mata at ang mga kilay niyang naglaro na naman pataas at pababa. "Manyak ako, bahala ka," sambit ko. "Manyak din naman ako, ah? It's a tie. Hahaha!" Nagtawanan kami at muling humigop ng aming kape. "Hindi halata sa 'yo," sambit ko bigla. "Na manyak ako? Haha. Bakit?" "Everytime...na maaalala ko yung sa Tagaytay. Yung weird na girl na bumibili ng kape. Mahaba ang buhok, nakapalda pa na parang ethnic yung kulay. Kapag naaalala ko 'yon, naiisip ko na 'yon talaga yung totoong ikaw," sabi ko. "Tama ka, actually this is my outer shield. Bitchy, maangas, magulo, drunked. But I think I moved on," sagot niya sabay tingin sa akin. "Thank you, Ian," pahabol niya. "No, thank you...for this moment," sabi ko naman. Ngumiti siya at idinikit niya ang kanyang noo sa aking balikat. Muli kaming humigop ng kape at tumingin sa isa't-isa. Sakto namang nagtawag ang konduktor at nagsabi na aandar na ulit ang bus na aming sinasakyan. "Tara na nga leche, para tayong nasa Nescafe commercial," sabi niya. "Panira nga ng moment, eh," sagot ko naman. Tumawa lang siya at muling humigop ng kape. ______________________ "Anong silbi ng bibig kung ang mismong galaw naman ay humihiyaw? Anong silbi ng tanong kung na'ndyan naman ang sagot? Ano ang silbi ng salitang gusto kita kung ang sambit naman ng puso ay mahal ka pala? Minsan hindi na natin kailangang magtanong, mas maigi nang makiramdam na lang...kaysa masaktan at umasa." Bahagyang kumulog at mula sa di kalayuan ay makikita na ang ilang kaulapan na unti-unting bumibigat. Huminga lamang ako nang malalim at tumingin kay Jen. "A certain flashback can sometimes make you feel...guilty," sabi niya. "Oo. Masarap balikan...gaya ng isang tsokolate na matamis sa una, unti-unting pumapait sa panlasa. Saka mo mare-realize yung mga bagay na sana ginawa mo noon. Mas pinag-igihan mo, mga bagay na sana hindi mo ginawa. Pero gano'n na lang 'yon. Pagsisisi," sabi ko. "Gasgas na salita. Ang pagsisisi ay nasa huli," wika ni Jen habang nakangiti. "Sobrang gasgas..." tugon ko habang natatawa. "Kayo na noon?" tanong niya. Tumango ako bilang tugon. "Kill joy ang oras kapag masaya ka, umiikli ang byahe sa bawat kwentuhan, tawanan at lambingan. Tatlong stop over, nauubos nang mabilis. Bumabagal na lang sa tuwing pagmamasdan ko siya. Yakap ko siya sa aking bisig at hinahalikan ang ulo niya. Sasandal, pipikit ang mga mata, hinihiling na paggising ko ay hindi pa tapos ang biyahe," kwento ko. "Noong natapos ang byahe?" tanong niya. Nagkibit balikat lang ako at muling pinagmasdan ang ganda ng lawa habang unti-unting dumidilim ang kalangitan sa kabilang ibayo. "Balik sa dati. Akala ko sa paghihiwalay namin, tapos na ang saya. Pero hindi, nagbalik man kami sa dating mundo...hindi na kami ang dating tao. Nangako kami na magiging masaya palagi, kahit busy ako, kahit busy siya sa teatro, kahit kung saan-saan pa ako mapunta...sabi niya susunod siya. Baliw talaga." Umiling ako nang kaunti at hinaplos ang aking braso. Maya-maya pa ay itinaas ko ang manggas ng aking longsleeves, tiningnan ang kulay gintong relo at tinitigan ang pagpintig ng bawat segundo ng espada nito. "Isang halik sa pisngi, isang halik sa noo, isang halik sa ilong, isang halik sa bibig...isang mainit na yakap. Isang bagong araw, linggo, buwan, taon...hindi ko alam kung hanggang kailan ang epekto ng pangakong 'yon. Nagtagal kami nang kaunti sa bus station sa Cubao, hirap bitawan ang isa't-isa. Ang hirap magbitaw ng salitang paalam...hindi niya kaya," sambit ko. Tinanggal ko ang relo sa aking braso at inilapag iyon sa nakausli nang ugat ng puno sa aking tabi. "Sinubukan kong magsabi ng 'paalam.' Lumapit siya sa akin at yumakap ulit. Huminga nang malalim at suminghot nang kaunti. Nang tumingin ako sa kanya, nakita ko ang luha na tumutulo sa pisngi niya. Tinanong ko siya: 'Bakit? Anong nangyayari sa 'yo?' Umiling siya at pinilit na ngumiti at muling yumakap sa akin. Saka ko lang naisip, ayaw niya nang masaktan. Hindi niya na gustong maulit ang mga nangyari noon, ang mga nasayang na pagkakataon, ang mga nasayang na pangarap at pangako. Sinabi ko sa kanya na huwag siyang mag-alala. Hindi naman ako mawawala. Hindi ako mawawala sa kanya," kwento kong muli. Napasimangot naman si Jen habang nakatingin sa malayo. Napayuko naman ako at tila nalukot ang mukha. "Pangako ng lasing..." sabi niya. Napangisi ako nang pilit. "Pangako ng lasing sa pag-ibig," sambit ko naman. Dumagundong ang kulog sa malayong ibayo. Tumingin ako kay Jen, tumingin din siya sa akin. Naiinis siyang muli ngunit napawi rin iyon agad at napalitan ng kalungkutan. Muling umihip ang hangin, muli rin niyang inayos ang kanyang mahaba at kulot na buhok.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD