Chapter 2

803 Words
TINAHAK nila ang likurang bahagi ng bahay. Sa kusina sila dumaan at tuluy-tuloy sa backdoor na may makitid na kawayang hagdang nakakabit sa paanan ng pinto. Pagbaba ay dinalawang hakbang lamang niya ang bangkito na napalilibutan ng ilang maliliit na bulaklak at nasa lilim ng mababang puno ng santol. Pamaktol siyang naupo roon. “Hanggang kailan natin paglalaruan ang damdamin ni Lolo Vito? Hindi tayo dapat umaarte ng ganoon sa harap niya! Mauunawaan naman niya ang mga pangyayari dahil matagal na panahon na ang nagdaan, Add!” “Paano mong nasasabi iyan samantalang mahigit dalawang taon kang hindi man lamang sumilip dito? Alam mo ba ang kalagayan ni Lolo ngayon?” Nakatayo itong paharap sa kaniya. Bahagya siyang nakatingala sa lalaki sa kaniyang pagkakaupo pero hindi pa rin niya maiwasan ang mataktikang pagmamasid dito. Noon lamang niya napansing nakasuot-pambukid ito at ikinataas iyon ng kilay niya. Pinandigan pala talaga nito ang pagiging magsasaka kung ganoon. “For heaven’s sake, Add, kitang-kita naman ng mga mata ko kung gaano kalakas si Lolo! Ano pa ba ang gusto mong sabihin?” “Malakas na kung malakas pero pisikal na katawan lang ang tinutukoy mo, Althea! He’ll be turning eighty-five in less than a month at hindi na bumabata ang alaala niya. Guguluhin mo pa ba ang iilang pagkakataong nakakakapit siya sa kasalukuyan?” Saglit itong tumigil, pero muling nagsalita habang matiim na nakatingin sa kaniya. “Last week, he was sharing sweet memories of him with Lola Mela. Yesterday, he was blaming himself for being a stubborn son to his father and mind you, inilalahad niya iyon na tila noong isang araw lamang iyon nangyari. Kaninang bumisita ako ay kinumusta ka agad niya sa akin…na tila ba hindi niya alam na nasa malayo ka at hindi tayo magkasama...” “At sinamantala mo iyon para humabi ng kasinungalingan at paasahin na naman si Lolo? Alam naman niyang umalis ako ng San Simon kaya ang papaniwalain siyang maayos pa rin tayo ay isang bagay na hindi ko maintindihan, Clodualdo!” “Bahala ka sa gusto mong isipin. Hindi ko lang kasi kayang saktan ang damdamin niya. Hindi mo ba nakikitang ang saya-saya niya kanina? Isa pa’y hindi pagpapaasa ang tawag sa ginawa ko, Teyang, dahil ikaw lang naman ang mahilig gumawa ng ganyan.” Tumalim ang tingin niya kay Add pero inignora niya ang sinabi nito. Hanggang maaari ay hindi niya ibig ipakipagtalo ang nakaraan. Tapos na ang mga iyon para sa kaniya at hindi na dapat ungkatin pa. “Kahit na, hindi natin siya dapat na niloloko. Hindi tamang nililinlang natin siya,” sa halip ay tugon niya. “Who’s talking?” “Ano’ng sinabi mo?” Bahagya niyang narinig ang pasaring nito pero hindi niya sigurado kaya siya nagtanong. “Wala akong sinabi. Aalis na kako ako at pumanhik ka na kay Lolo Vito. Baka mamaya lang, five years old na naman siya eh hindi ka na maka-relate pa.” Binato niya ito ng laglag na bunga ng santol bago tuluyang makatalikod. Hindi na siya nito nilingon kahit pa bahagyang nagulat sa bungang tumama sa balikat nito. Naiwan siyang mag-isa habang nagmumukmok sa ilalim ng puno. “IYON nga ang ibig namin sanang sabihin sa iyo, anak. Mangyari ay napakaliksi mong kumilos kaya hindi ka na namin napigil pa.” Naghihiwa ng sibuyas ang kaniyang ina habang umiinom naman siya ng tsaa ng hapon ring iyon. “Hindi kami dapat na nagkita pa, Mamang. Alam ninyo naman siguro kung bakit, hindi ba?” “Pero anak, panahon lang marahil ang kulang sa inyong mag…sa inyong dalawa. Ang dapat lamang ay mag-usap kayo.” “Mamang, it’s been three years and I used to live my own life without him! Wala na akong nakikitang rason para makipag-usap pa sa kaniya!” “Nasasaktan ka pa rin ba sa mga nangyari, anak? Matagal na iyon kaya sana ay kalimutan mo na.” “Mamang, sabi mo nga ay matagal na iyon kaya hindi ko na iyon iniisip pa. Ang hindi ko maaring balewalain ay ang epekto ng pangyayaring iyon sa aming dalawa ngayon. Hindi ko nga lamang maunawaan kung bakit sa tinagal-tagal ay ayaw niya akong pagbigyan sa kahilingan kong annulment.” “Maging ako rin naman ay hindi pabor sa bagay na iyan, Althea. Hindi ko ibig isiping ang nag-iisa kong anak ay mahihiwalay sa asawa.” “Eh ano nga po ba ang nangyari, ‘Mang? Ganoon naman talaga ‘di ba? Nananatili kaming mag-asawa pero sa papel lamang iyon. Panahon na siguro upang itama ang lahat.” “Malaki ka na, anak. Ang sa akin ay paalala lamang. Sana lang ay tama ang ano mang magiging desisyon ninyong dalawa.” Tamang umaayon ang kaniyang ina pero ramdam niya ang pagtutol ng kalooban nito. Napahugot na lang siya ng malalim na paghinga sanhi niyon.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD