Prologo

552 Words
Malakas na panaghoy mula sa ina na 'di makapaniwala sa sinapit ng kaniyang anak ang gumising sa ‘kin. Isang nakakalungkot at nakakagimbal na pangyayari ang bigla na lang bumulaga sa kanilang mag-asawa nang makitang wala ng buhay ang nag-iisa nilang anak. Buong baranggay ang halos naging maagap para makakuha ng kahit na anomang maaari nilang masagap na balita at bakit ganoon na lang ang naging iyak ni Aling Beth. Dumungaw ako sa bintana ng aking kwarto para makiusosyo no’ng araw na ‘yon, tutal katapat lang naman ng bahay namin ang pinanggalingan nang ingay. Nagpunas-punas ako ng aking mata gamit ang aking mga palad at kinapa gamit ng aking mga daliri kung may makukuhang muta. Bumaba ako nang hagdan at pagkatapos ay patakbong pumunta sa bahay nila Chandria. Napansin kong hindi ako nakasuot ng aking tsinelas dahil sa naramdaman kong lamig ng sementong dumadampi sa aking mga talampakan. Bumungad sa akin ang nagtutumpukang mga kapit-bahay namin na ngayon lang nagkaroon nang pakialam sa pamilya Buendia. Pinilit kong isinuksok ang aking sarili sa maraming tao na nagsisiksikan at nagkukumpulan. Nakipagsikuhan pa ako para lang makapunta sa tapat ng mismong pinto ng kanilang bahay, doon ay nakita ko na kinakausap ng kapitan ng aming baranggay si Manong Berto; ang tatay ni Chandria at asawa ni Aling Beth. Tumatagos ang ingay mula sa bahagyang nakaawang na pinto ang malakas na hagulgol at pagwawala ng ilaw ng tahanan sa loob ng bahay. Maririnig mo ito hanggang dito sa aking puwesto, malalaman mo na nagpapadyak ito dahil sa madiin na pagtama ng mga paa nito sa sahig at isa pa ay pamilyar ang gano’ng ingay kapag may tumatangis. Malakas na wangwang ang bigla na lang namin narinig mula sa aming likuran na senyales na dumating na ang mga pulis at ambulansiya na pagsasakyan nang bangkay ng aking kaibigan, nagkusang nagbigay daan ang mga nagkakagulong kapit-bahay namin sa tatlong pulis kasama ang tatlong lalaki rin na may hila-hilang stretcher. Sumenyas lamang ang mga ito gamit ang pagtango ng ulo sa may-ari ng bahay na kasalukuyang kausap ng aming kapitan bago pumasok sa loob. Nakilala ko ang isang pulis dahil tatay ito ng isa ko sa mga matatalik kong kaibigan. Napaikot ako nang aking tingin sa paligid at napansin ko ang isang babae na pamilyar at malapit sa akin, kasalukuyan itong nakadungaw sa bintana ng aking kwarto. Napasingkit ako ng aking mata kung tama ba ang nakikita ko at hindi nga ako nagkakamali, si Chandria iyon base pa lang sa bangs at sa pagkakapusod ng buhok. Napapihit ako ng aking ulo at saktong sumentrong napatingin sa bintana ng kwarto ng aking kaibigan, doon ay muli ko na naman siyang nakita, nakatayo ito at nakatagilid sa tapat ng kaniyang bintana na gawa sa salamin. Napaatras ako nang hakbang nang marahan nitong ipinihit ang kaniyang ulo paharap sa bintana. Nanlalaki ang mga mata ko sa aking nakita, hindi ako sigurado kung siya ba iyon o kung namamalik-mata lang ba ako. Ngunit kilala ko ang aking kaibigan at hindi ko maaaring itanggi na siya ‘yon. Pero, paanong nangyari na nawala ang kaniyang mukha? Habang nilalabas ang bangkay ni Chandria mula sa kaniyang tahanan na nakabalot ng puting tela at sakay ng stretcher ay nakatulala lang akong nakatingin sa kaluluwa niyang walang mukha na nakasilip sa bintana ng kaniyang kwarto. Itutuloy...
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD