Kabanata 8

2773 Words
Nagkalat ang maraming kuwento sa aming paaralan tungkol sa mga kababalaghan at katatakutan, karaniwan mo na itong maririnig sa mga nagkukumpulang estudyante na ang libangan ay takutin ang isa’t isa. Sa sobrang daming kuwento ay hindi mo na matukoy kung alin doon ang totoo at alin doon ang hindi, basta’t ang mga kuwentong iyon ay nagpasalinsalin, at nadadagdagan sa tuwing napapasa sa iba. Madalas ay nakikipagkwentuhan din ako sa aking mga kaklase tungkol sa katatakutan, lahat ng mga karanasan tungkol sa mga ‘di maipaliwanag na bagay ay naikuwento na nila maliban sa akin na parang immune yata sa mga kababalaghan na nababalot sa aming paaralan. Kaya nga madalas ay gabi na ako umuuwi dahil kadalasan raw ay ganoong oras nagpaparamdam ang ilang espirutu na naninirahan sa buong campus. Ngunit sa tagal ko nang ginagawa ang bagay na ‘yon ay kahit kailan ay wala naman akong naengkwentrong kababalaghan, parang pakiramdam ko tuloy ay niloloko ko lang ang sarili ko, mali yata na maniwala ako sa mga kuwentong naririnig ko mula sa mga kaklase ko. Hanggang isang araw ay may nagpakilala sa akin na isang lalaki, graduating din siya tulad ko, mahilig din siya sa mga kababalaghan at katatakutan na gaya ko at parehas din kami na ang nais ay malaman kung totoo nga ba na hindi lang tao ang naninirahan sa mundo kundi may mga kaluluwa din na nananatili sa lupa pagkatapos nilang bawian nang buhay o ‘di kaya’y naghahanap ng hustisya at kapayapaan. Simula nang magkakilala kami ay pinakilala na rin niya ko sa iba pa niyang kaibigan na may parehas ng hilig namin, kaya magmula noon ay hindi na ako naging mag-isa sa pag-iimbestiga tungkol sa paranormal events. Nagkaroon ako ng mga kaibigan, kapatid at mga taong malalapitan mo kapag may problema ka. Sa patuloy naming pag-iimbestiga tungkol sa aming paaralan ay marami kaming natuklasan tungkol sa kasaysayan nito, kung paanong ang kulungan noon nang panahon ng mga kastila para sa mga ‘di umano’y rebelde at taksil ng bayan ay naging paaralan sa kasalukuyan. Kapag may nahuhuli raw ang mga kastila noon na mga rebelde ay dinadala sa aming paaralan at doon ay pinaparusahan sa iba’t ibang paraan, maaaring dadaanin sa pag-to-torture, ikukulong o ‘di kaya’y pinapatay ng walang kalaban-laban. Ang mga kuwentong iyon ay naging kasama sa aming ginawang pag-iimbestiga at pangangalap ng ebidensya kung may katotohanan ba ang mga bagay na ‘yon ngunit sa huli ay nabigo kami at napatunayan na isa lang din iyong kuwento o sa madaling salita ay haka-haka. Ngunit ang grupo namin ay hindi sumuko sa paghahanap ng ilan pang mga kuwento, pinagpatuloy pa rin namin ang aming mga gawain na hanggang sa makilala namin ang nagpakilalang babae na may ngalan na ‘Lily’ ang sabi niya raw ay parang may ugnayan kaming dalawa ngunit hindi niya matukoy kung ano, basta’t naaalala ng puso niya ngunit salungat ng isip niya. May mga ibinigay din siyang propisiya tungkol sa mangyayari sa amin sa hinaharap at iyon ang nagpabago ng takbo ng aming kuwento dahil bawat isa sa amin ay makikita niyang mamamatay sa isang karumal-dumal na pangyayari, maging siya ay nakikita niya rin kung ano ang ikamamatay niya sa hinaharap at iyon ang dapat naming pigilan na mangyari. Subalit... makakaya ba namin na pigilan ang nakatadhanang iyon? Juno's Feelings Pagsapit ng hapon ay napagdesisyunan ng mga ito na maligo sa swimming pool maliban kay Ethan na mas gustong magbabad ng oras sa silid-aklatan at si Juno na nakadungaw lang sa living room habang pinapanood ang mga kaibigan niyang nagkakasayahan na maligo sa labas. Kapansin-pansin na mas gusto nito ang mag-isa, kaya matapos kong dalhin ang ilang mga towel sa labas, mga alak, at mga tsitsirya ay dumiretso akong pumasok sa loob para kumustahin ang nag-iisang tao ngayon sa loob ng living room. "Ayaw mo bang sumali sa kanila?" wala itong naging sagot at wala din sulyap nang tingin. Siguro ay hindi talaga ito mahilig magsalita at makipag-usap, may mga kakilala ako noon na may kaparehas niya rin na ugali, sobrang tahimik at hirap talaga makipagkilala sa iba. Pero, kalaunan ay natuto din sila at nakahanap ng hindi lang isa, bagkus hindi na mabilang sa mga kamay sa daliri sa dami ng mga naging kaibigan. Umupo ako sa tabi nito at ginaya ang pagkakaupo niya na nakabaluktot ang mga tuhod at nakapatong ang baba sa sandalan ng sofa, hindi ako nito nilingon bahagya pa akong natawa dahil para akong bata sa ginagawa ko. "Mahirap pala itong puwesto na ginagawa mo, buti hindi ka nangangalay?" wala parin itong sagot sa mga tanong ko, wala din pagbabago sa reaksyon ng mukha nito na blanko lang at parang malalim ang iniisip. "Alam mo bang nag-alala ako sa'yo sobra?" napansin ko bahagyang paggalaw ng ulo nito, ibig sabihin ay nakikinig ito sa mga sinasabi ko at hindi ako parang hibang na nakikipag-usap sa hangin. Ayos lang naman sa akin na hindi niya sagutin sa mga tanong ko, marami pa naman pagkakataon at tiyak na mas maraming pang araw ang lilipas para makapag-usap kami. "No’ng nakita kita sa loob ng refrigerator habang kinukubli ang sarili mo, natakot talaga ako ng sobra, hindi ko lubos akalain na makakakita ako at makakatagpo ng isang tulad mo na itatago ang sarili doon para lang hindi makita ng iba" kuwento ko, nilingon ko siya at napatitig sa mukha niya. Napansin ko na mahaba pala ang pilik-mata ni Juno, matangos din ang ilong na nagpadagdag sa kagwapuhan nito, napalunok tuloy ako nang malalim nang mapansin na ang lalaking nagtatago pala sa hoodie jacket ay isang gwapong lalaki. "Bakit mo ko tinitingnan?" aniya, hindi ko napansin na nakatulala na pala akong nakatitig sa mukha niya, bigla tuloy uminit ang mukha ko dahil nakaramdam ako ng hiya, malalim at magaspang pala ang boses ni Juno. Nilihis ko ang aking tingin sa labas ng living room, siguro matagal ko siyang tinitigan kaya napilitan na ito magsalita. Ano ka ba naman, Ayeng, nakakahiya ka! Bakit ko ba siya tinitigan ng ganokn katagal? Napansin niya tuloy! Ano na lang ang sasabihin ko? Ang hirap pa naman mabasa kung ano ang nasa isip ng lalaking ‘to. "Marunong ka naman pala magsalita, kanina pa kita tinatanong," pag-iiba ko ng usapan, ayokong sagutin ang tanong niya, wala akong maisip na dahilan kung bakit ko nga ba siya tinitingnan ng gano’n. Mayroon naman talagang dahilan pero kailangan pa ba niyang malaman 'yon? Na kaya ko nakatulala habang tinitigan siya kanina dahil nagagwapuhan ako sa kaniya. "Bakit ba ang bait mo?" hindi ko inaasahan na magbabago siya ng tanong sa akin, parang mas mainam na lang tuloy na hindi siya nagsasalita, ‘yong tahimik lang siya at hayaan niya lang akong magsalita. Mayroon kase siyang epekto sa katawan ko na parang bigla nalang akong nakakaramdam na mabilis na pagkabog sa puso ko, kahit wala naman siyang ginagawa. "Kase gano'n ako pinalaki ng magulang ko, kailangan kong maging mabuting tao para masuklian din ng kabutihan 'yung ginawa ko" turan ko, nilingon niya ko ngunit ilang segundo lang ay muli na ulit nitong binaling ang tingin sa labas. Tumayo na ako sa pagkakaupo ko dahil kumaway sa akin si Ash at mukhang may iuutos, kaso biglang nakaramdam nang pamamanhid ang dalawang paa ko, susubukan ko sanang umupo muli pero nawalan ako ng balanse dahil hindi ko sinasadyang magkrus ang mga paa ko, na siyang dahilan naman para matumba ako at mapahawak sa balikat ni Juno, napalakas ang pagkakatulak ko dito kaya natumba din siya at napahiga siya sa sofa at ako naman ay sa dibdib niya. Naramdaman ko ang maingat na pagalalay niya sa akin gamit ang kanyang mga kamay na ngayon ay nakahawak sa bewang ko. Parang bumagal ang takbo ng mga oras nang nagkatitigan kami, ganito pala ang itsura ni Juno nang mas malapitan, na may ibubuga din siya sa kagwapuhan ng anim pang nakatira sa loob ng mansyon. "Kailangan ba talagang palagi ko kayong mahuli na ganiyan ang posisyon kapag walang ibang tao at kayong dalawa lang?" napabalikwas ako nang marinig ko ang may pagkakasarkastikong tono nang paninita ni Ethan. Namula ako at naginit ang mukha dahil sa mga narinig ko at sa posisyon namin ni Juno, nakahiga pala ako sa ibabaw ni Juno at tila komportable lang. Maya-maya ay parang s**o na nagtago sa loob ng shell si Juno na pilit na ikinubli ang sarili sa sandalan ng sofa, nakabaluktot ito at itinatago ang mukha roon. Tila hiyang-hiya sa nangyari, hindi kaya parang may mali? Ako nga itong dapat mahiya ng sobra dahil ako 'yong babae at hindi siya, pero siya itong mas sobra ang naging reaksyon. "Ikaw pala 'yan, Ethan, akala ko nasa library ka?" magiliw kong pagkakasabi, binigyan ko siya ng hindi maintindihang ngiti. Napailing-iling lang siya saka ako tinalikuran at iniwan pabalik sa kanyang paboritong lugar. Miserable akong tumingin kay Juno na nakabaluktot at nagtatakip parin ng mukha sa sandalan ng sofa, ako dapat 'yong mahiya ng sobra, ako 'yong babae talaga, eh. Bakit parang dapat ako lang 'yong sumalo ng mga nangyari kanina? Parang gusto ko tuloy hilahin 'yong lalaking ito sa sofa. Hindi ko malaman kung nadidiri ba ito o nahihiya eh, nakakainis! Bakit pa kase namanhid 'yong paa ko? Eh, ‘di sana’y hindi kami mahuhuli ni Ethan na gano'n ang posisyon namin. Nakakahiya! Argh! "Ayeng, pakuha naman kami tatlong dorittos at lima pang beer," utos ni Ash na binuksan lang bahagya ang pinto, katabi niya si Jazerou na nakangiti lang na parang aso. "Saglit!" pasigaw kong sabi, umiinit 'yong ulo ko, hindi ko alam kung dahil ba nahuli kami ni Ethan o kay Juno na tinatago ang mukha sa sandalan ng sofa? "Bakit nagagalit ang panget?" narinig kong bulong ni Jazerou kay Ash, parang gusto kong ibuhos na lang lahat ng init ng ulo ko sa isang 'to, nagawa pang iparinig ang bulong sa akin na halata naman maririnig ko iyon dahil sa malakas na pagkakasabi niya. "Mas lalo pala siyang pumapangit kapag galit" turan naman ni Ash kaya nakasimangot akong binalingan sila nang tingin, agad na nagtakbuhan ang dalawa palayo sa pinto na halos magkandapa-dapa. Kung mag-usap akala mo hindi naririnig ang pinag-uusapan nila. Pagdating ko sa kusina ay kumuha ako ng limang beer sa refrigerator at tatlong dorritos, agad akong bumalik sa living room at pumunta sa labas para ilapag 'yong pinapautos sa akin, napansin ni Darrex 'yong presensiya ko kaya palangoy itong lumapit papunta sa aking puwesto. Nakangisi ito na nakakaloko, kabaligtaran naman ang naging ganti ko dito, nakasimangot na mukha ang naging tugon ko sa kanya. "Panget, bakit parang bad mood ka 'ata? May nangyari ba?" aniya, na parang sa tono ng pananalita ay may pakialam siya sa akin, ano naman kaya ang nakain ng isang ‘to? Ang hirap talaga basahin ng mga tao dito sa mansyon. "Ano naman sa'yo kung bad mood ako? 'Di ba 'yon naman ang gusto mo?" pagsusungit na turan ko, mula sa pintuan sa labas ng mansyon ay naglakad ako ng mga pitong hakbang at umupo sa bench habang nakahalukipkip. Lumangoy si Darrex at sinundan ako. "Ang gusto ko kase ay ako lang 'yong nagiging dahilan kung bakit ka nababanas, masama ba 'yon, panget?" umismid ito at ipinatong ang malapad niyang braso sa sahig at inihiga niya ang kanyang ulo doon. "Ang ganda ng goal mo sa buhay, ah! Ang mang-inis ng bago niyong yaya, siguro 'yong mga dumaan din na yaya sa inyo ‘di kayo kinaya, mas makukulit pa kayo sa bata," ani ko, tumawa lang ito sa mga sinabi ko, kung hindi lang 'to sanggano, malamang ay maraming magkakagustong babae dito pero dahil sa ugali nito mukhang magdadalawang isip na tuloy sila. "Ito ang unang beses na nagpadala ng yaya si Mr. Philip, hindi mo alam? Nakakapagtaka nga eh, sa dinadami-daming pwedeng maging yaya naming pito bakit ang isang panget na katulad mo ang napili niya?" aniya. Bakit hindi sa akin sinabi ni Mr. Philip na ako ang kauna-unahang naging yaya ng pito? Naalala ko pa 'yong huling sinabi niya sa akin bago ako nawalan nang malay sa loob ng sasakyan na hanggang sa muli naming pagkikita raw namin. Sa totoo lang kahit na limang buwan ang naging paghahanda ko para sa trabahong ito ay parang kulang pa rin ang mga nalaman ko tungkol kay Mr. Philip, sabagay, 'di hamak na katulong lang naman talaga ang trabaho ko at ganap ko rito. "Ba't biglang natulala ka 'ata? Hindi mo parin matanggap na pangit ka?" paninita niya, nakakainis talaga ang sangganong ito, kung hindi ako maganda sa paningin niya ay pwedeng manahimik nalang siya, hindi din naman siya sobrang gwapo sa paningin ko. Tumayo na lang ako at hindi ko siya pinansin, mas mabuting doon na lang ako sa loob ng living room, mas payapa ang sitwasyon ko doon kaso bigla kong naalala ang nangyari sa amin ng tao sa loob ng sala, nando’n parin pala si Juno. Bahala na! Hindi bale na mailang at mahiya basta't mawala lang sa paningin ko ang sangganong 'to at hindi ko na marinig ang lahat ng mga panlalait niya. "Saan ka na naman pupunta, panget?" sinundan ako nito hanggang sa makarating ako sa pinto at bago ako tuluyang makapasok ay muli naman ako nitong pinigilan. "Panget, dito ka lang, ang dali mo naman maasar eh, saan ka pupunta?" isinara ko na 'yong pinto. "Magpapaganda!" masyado 'atang napalakas ang pagkakasabi ko kaya napatingin sa akin ang iba pang abala sa paglalangoy at tinigil ang kanilang ginagawa at sa akin tuloy nabaling ang atensyon nilang lahat. Sinara ko na lang ang pinto at patakbong pumunta sa sofa, mali talaga ang desisyon kong muling buksan ang pinto na ‘yon at patulan pa si Darrex sa pangaalaska niya. Pag-upo ko sa sofa ay nakita ko si Juno na nakaharap ang mukha sa telebisyon, lumingon ito nang marahan sa akin nang mapansin ang presensiya ko, kaso mabilis din nitong binalik ang tingin nito kung nasaan kanina. Pinagmasadan ko ang pagkakaupo niya, hindi talaga ito sana'y umupo ng maayos, nakatupi na naman ang mga tuhod nito at nakapulupot na naman ang mga kamay nito sa tuhod, parang kapag nakita mo siya ay aakalain mong laging nilalamig. "Ganoon ba ako kapangit?" tanong ko sa kanya, nilingon ko siya at naghintay ng sagot pero wala itong kibo, mukhang hindi talaga ito mahilig magsalita, 'di bale, wala naman sapilitan sa pagsagot niya sa tanong ko. Naiinis lang talaga ako kay Darrex na panay ang lait at binigyan pa ako ng alyas na 'panget' bigla tuloy akong napaisip kung ganoon ba ako ka sobrang panget o mataas lang talaga ang standard niya pagdating sa kagandahan. "H'wag mo na sagutin 'yung tanong ko, ewan ko ba kung bakit iyon ang biglang naging bungad na tanong na lumabas sa bibig ko, 'yong mga kaibigan mo kase panget na panget sa akin. Hindi ba nila alam na may malaking epekto sa mga babae at sa isang tulad ko kapag naririnig nilang sinasabihan silang panget, bumababa ang tiwala namin sa aming mga sarili na maganda kami tulad ng ibang babae diyan," paglalahad ko ng aking damdamin, sumandal ako sa sofa at humalukipkip, tiningnan ko siya pero nasa iba parin ang baling ng tingin nito. Ano kayang nasa isip ng lalaking ito ngayon? Siguro, naiinis na ito sa akin dahil sa pagiging madaldal ko at pagiging pakielamera, marahil, naiingayan din ito sa akin. Pasensiya naman kase, ayaw mo kaseng magsalita diyan, hindi ka naman pipi, narinig ko na nga ang boses mo, eh. "Namiss ko na sila itay at kapatid ko, parang ang bagal ng oras dito sa loob ng mansyon, parang hindi ko yata kakayanin na magtagal dito, kung hindi ko lang kinakailangan ng pera para mapauwi ang inay ko, hindi talaga ako makikipagsapalaran na maging katulong. Sana nga—" "Hindi," sambit niya. Lumingon siya sa akin at ganoon din ako. "Huh? Anong hindi?" Blanko lang ang mukha nito at hindi mo mababasa kung ano ang nasa isip. "Hindi ka, pangit," Pagkatapos niyang sabihin ang mga litanyang iyon ay ibinalik na ulit niya ang baling ng kanyang tingin kung nasaan ito kanina, nakaramdam ako ng biglang kakaiba sa dibdib ko, bigla yatang naging abnormal ang puso ko at ganito kabilis ang kabog. Kulang nalang ay mapunit ang dibdib ko at lumabas ang puso kong nag-aalburuto. Ganito pala ang epekto ng isang Juno Buenavisto.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD