Chapter 36

1018 Words
"Tuloy ka muna," alok ko kay Seb nang ihatid ako nito sa inuupahang bahay ko. Binuksan ko ng malaki ang pinto upang makapasok siya sa loob. Pinagmasdan ko ang likurang bahagi ng katawan nito nang makalagpas na siya sa 'kin. "Huwag mo akong titigan ng ganiyan at baka hindi kape ang hingiin kong inumin mula sa iyo." Namula ang magkabilaang pisngi ko nang marinig ang sinabi nito. "Pasensiya ka na kung wala pa akong sofa na maiaalok sa iyo." Nilapitan ko ang bangkitong plastik na nasa sulok saka iniabot ko iyon kay Seb. "Upo ka muna!" Malamlam ang mga matang tinitigan ako nito saka humakbang palapit sa akin at hinapit ang aking baywang. "Seb!" usal ko sa kaniyang pangalan. Umangat ang palad nito sa aking pisngi saka masuyong hinaplos niya ako roon nang paulit-ulit. "Hindi ka na babalik sa club." Napatitig ako sa kaniyang mga mata. Kay gandang pagmasdan ng kulay asul niyang mga mata na tila nangungusap sa pagkakatitig sa akin. "K-kailangan ko ang trabahong ito." Nagawa ko pang tumugon sa kaniya sa pautal na salita kahit abala na rin ang aking mga mata sa pagsusuri sa kaniyang mukha. Katulad ng dati ay maangas pa rin tingnan ang mabigote nitong mukha. Namumutok ang mga panga niya na tila kay sarap haplusin niyon. Nadako ang paningin ko sa kaniyang mapupulang mga labi na tila inaaya akong halikan siya ngunit iba ang aking nagawa dahil umangat ang palad ko sa makinis niyang pisngi saka hinaplos ko siya roon. "Katulad ka pa rin ng dati," tila bumubulong sa hangin kong saad sa kaniya. Malawak na ngiti ang namutawi sa labi nito saka ipinagdikit niya ang aming mga noo. "Ano ba ako noon?" mapang-akit nitong tanong saka pinapungay ang kaniyang mga mata. "Hah?" Natauhan ako bigla nang marinig ang tanong nito. "Sabi ko, ano ba ako noon?" nakangiting pag-uulit niya ng tanong sa akin. Biglang nag-init ang mga pisngi ko kasabay nang pag-ahon ng hiya sa aking dibdib. Pakiramdam ko'y nagbalik ako sa panahon ng pagiging estudyante ko. Panahong nagtatago pa ako sa likod ng libro upang masilayan lamang ang napakagwapo niyang mukha. Inggit na inggit ako noon sa mga kaklase kong babae dahil sa madalas niyang kausap ang mga iyon. Hindi ko naman maamin sa kaniya na crush ko siya. Noong nagtuturo pa lang siya ay inspirado akong makinig sa kaniya. Bawat itinuturo niya sa klase ay iniintindi't pinakikinggan kong maigi. "Nelia Nava aka Nena..." sambit nito. Napaawang ang labi ko sa pagbigkas nito sa tunay kong pangalan. Halos lahat na lang yata sa akin ay alam na alam niya na. "Ano pa ba ang hindi mo alam tungkol sa akin?" tanong na naibulalas ko sa kaniya. "Ang laman nito..." Pinagkiskis niya ang mga noo namin saka itinuro ng isa niyang daliri ang tapat ng aking dibdib kung saan nakapuwesto ang puso ko. "A-anong ibig mong sabihin?" nagugulumihanan kong tanong sa kaniya. Hinalikan niya ako sa tungki ng ilong ko bago siya nagsalita. "Simula sa araw na 'to, sa akin ka na magtatrabaho." Naguguluhan ako sa sinasabi nito. Hindi pa ba ako nagtatrabaho sa kaniya gayong binili niya na nga ang serbisyo ko. Salubong ang mga kilay kong tinitigan siya sa kaniyang mga mata. Aliw na aliw siyang pagmasdan ako kahit pa nga wala namang nakakatuwa. Inirapan ko siya saka itinulak palayo sa akin. Maagap naman niya akong nahapit sa baywang kung kaya dalawa kaming tumimbuwag sa sahig. "Aagghh..." hinaing nito kung kaya agad akong bumangon mula sa pagkakadagan sa kaniyang katawan. "Nasaktan ka ba?" may pag-aalalang tanong ko sa kaniya saka sinipat-sipat ko ang katawan nito upang suriin. Hindi ko alam kung bakit pakiwari ko'y parang ang OA nang pagkakatimbuwag namin sa sahig gayong hindi naman pwersado ang pagkakatulak ko sa kaniya. Malakas na humalakhak ito nang nakakaloko saka bumangon mula sa pagkakahiga sa sahig. "Bwisit!" Malakas kong tinampal ang kaniyang braso saka mabilis na umalis sa tabi nito. Dumiretso ako sa loob ng kwarto upang doon magkulong. "Kainis na lalaking 'yon!" nanggigigil kong bulong sa sarili. "Nena!" tawag ni Seb mula sa likod ng pinto saka kumatok pa roon. "Pwede ka nang umuwi!" naiinis kong saad sa kaniya. "Hindi ako aalis dito dahil hindi pa tayo nakakapag-usap ng matino," tugon naman nito. "Bumalik ka na lang kapag ipapagawa mo na ang trabaho mo sa akin," patuloy kong anas. "Open this door!" matigas niyang turan. "Umalis ka na!" tanging sagot ko lamang sa kaniya. Narinig ko ang papalayong hakbang nito. Nagbilang pa muna ako ng ilang minuto at ng wala na akong marinig na kahit anong kaluskos mula sa labas ay nagdesisyon na akong lumabas ng kwarto. "Mabuti naman at naisipan niyang patayin ang ilaw bago umalis," bulong ko sa sarili. Lumapit ako sa may pinto upang i-check ang pagkakasara niyon at para ipad-lock na rin iyon ng husto. "Aayy!" Napalundag ako sa gulat nang hawakan ni Seb ang baywang ko. "Palagay mo ba makakaligtas ka sa akin," pabulong nitong anas sa likod ng aking tainga. "Akala ko ba umuwi ka na? Saan ka nagtago at 'di kita napansin diyan," sunod-sunod kong tanong sa kaniya. Ipinaharap ako nito sa kaniya. "Uuwi akong kasama ka." "Ano?!" gulat kong tanong sa kaniya. "Uuwi akong kasama ka, Nena. Naghihintay na sa atin sila Mama kaya sasama ka sa akin sa bahay," tugon sa akin nito saka mas ipinadikit ang kaniyang mukha sa aking mukha. "Anong ibig mong sabihin?" nalilitong tanong ko sa kaniya. "Sa bahay ka na titira simula ngayon," ani niya sa akin. "Ha?!" Nanlaki ang mga mata ko sa sinabi nito. "Pero... Bakit?" "Magpapanggap ka bilang girlfriend ko sa harap ng mga magulang at kapatid ko," tugon niya sa 'kin. Pakiramdam ko'y nanlambot ang mga tuhod ko kaya bumuway ang aking pagkakatayo. Mabuti na lang at maagap akong nasalo ng kaniyang mga bisig kung kaya hindi ako tuluyang bumagsak sa may sahig. "I-ito ba ang trabahong ibibigay mo sa akin?" tanong ko sa kaniya na tinugon niya lamang nang masuyong pagtitig sa aking mukha. Bakit ba kasi ang hilig-hilig nitong manggulat at parati na lamang niya akong sinosorpresa. Kung maysakit lang siguro ako sa puso malamang kanina pa ako inatake.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD