Chapter 38

1032 Words
Alam kong isa lamang itong pagpapanggap pero sa kaibuturan ng puso ko ay may lihim na kilig akong nadarama. Magkahawak kamay kami ni Seb na pumasok sa loob ng bahay nila at nakangiting sinalubong kami ng pamilya nito. "Hi, Ma!" bati ni Seb sa kaniyang ina at humalik pa siya sa pisngi nito. "Hello po!" bati ko naman. Nakangiting lumapit sa akin si Mama Cassy saka niyakap ako nito. Nakaramdam naman ako ng kasiyahan sa ginawang iyon ng ina ni Seb. Pakiwari ko'y nabuhay ang presensiya ng sarili kong ina sa paligid. Napaluha tuloy ako nang maisip si Mama. "Bakit ka umiiyak, Iha?" may pag-aalalang tanong sa akin ni Mama Cassy. "W-wala po! Naalala ko lang po si Mama sa iyo," tugon ko sa ina ni Seb. Mabilis na lumapit sa akin si Seb saka niyakap ako nito. "Ma, dito na po titira sa atin si Nena simula sa araw na 'to," pahayag ni Seb sa kaniyang ina. Akala ko'y magagalit si Mama Cassy dahil lumapit siya sa amin na walang anumang reaksyon na nakabakas sa kaniyang mukha. Nagulat ako nang bigla na lamang akong yakapin nito. "Magsasama na kayo, Kuya?" tanong ni Cristel kay Seb. "Uhm... Iyon ay kung papayag sina Mama at Papa," nakangiting tugon ng binata sa kaniyang kapatid. "Anak, hindi ako kokontra para riyan. Nasa hustong gulang ka na at hindi ka na rin naman bata pa," sabat naman ni Papa Baste. "Papayag akong magsama kayo pero may gusto muna akong malaman mula kay Nena," maawtoridad na anas ni Mama Cassy. Tumingin sa mukha ko si Mama Cassy saka tumitig siya sa aking mga mata. "Nena, hindi ka ba pinilit lang ng anak ko na magsama kayo?" Napalunok ako sa tanong na iyon ni Mama Cassy at sandaling natulala sa maganda nitong mukha na kahit may edad na ay nababakas pa rin ang kagandahang taglay. "Nena?" Pag-uulit nito sa aking pangalan. "Ma, saan mo naman napulot ang kaisipan na iyan. Bakit ko naman po pipilitin si Nena?" Lumapit sa akin si Seb saka kinapitan nito ang nanlalamig kong kamay. "Seb, kailan mo lang ipinakilala sa amin si Nena. Masyado kang mabilis magdesisyon para sa inyong dalawa, alam mo ba iyon? Hindi naman iyon gano'n lang kadali, Anak. Gusto kong manggaling mismo kay Nena na hindi siya napilitang sumama sa iyo. Hindi ko gustong makitang umiiyak siya sa bandang huli ng dahil lamang sa iyo," mahabang litanya ni Mama Cassy. "Ma, bakit po si Ate Nena ang inaalala mo? Bakit hindi si Kuya?" natatawang tanong ni Sandra sa kanilang ina. "Dahil mas mahal ko si Nena kaysa sa Kuya niyo," paismid na tugon naman ni Mama Cassy. "Ma, naman!" nakasimangot na anas ni Seb. Kakaibang saya ang naramdaman ko nang marinig ang sinabi ni Mama Cassy. Lalo ko tuloy naramdaman ang pagka-miss sa aking ina. Kung nabubuhay lang si Mama, tiyak na ganito rin ang proteksiyong gagawin nito sa akin. Niyakap ko si Mama Cassy bilang pasasalamat sa pagmamahal na sinasabi nito para sa akin. "Huwag ka pong mag-alala sa akin, Mama Cassy. Hindi po ako pinilit ni Seb sumama sa kaniya," nakangiting turan ko sa ina ni Seb. "Sigurado ka ba, Iha?" may pagdududang tanong pa nito. "Ma!" pabulalas na maktol ni Seb sa kaniyang ina. "O bakit?!" mataray na tugon naman ni Mama Cassy sa binata. "Ako po anak mo, Ma," nakalabing anas ni Seb sa kaniyang ina. Napangiti ako sa itsura ng binata saka masuyong pinisil ko ang kamay nito na ginantihan niya rin naman. "Sige, pumapayag na ako sa gusto niyong mangyari," ani ni Mama Cassy. "Yes!" Mahigpit akong niyakap ni Seb sa harap ng kaniyang ina. "Hay salamat!" sabay-sabay kaming napalingon sa taong nagsalita. "Anong ipinagpapasalamat mo riyan, Sandro?" masungit na tanong ni Mama Cassy kay Sandro. "Wala po Ma! Natutuwa lang po ako na hindi na uuwi ng umaga si Kuya Seb dahil nandito na si Ate Nena," kakamot-kamot sa ulong tugon ni Sandro. "Oo nga naman Ma. Mabuti na rin na nandito na si Ate Nena sa atin para wala ng dahilan si Kuya Seb na magtagal sa labasan," susog naman ni Sandra na kakambal ni Sandro. "Sa kuwarto rin po ba ni Kuya Seb matutulog si Ate Nena?" painosenteng tanong naman ni Carmie. "Ay hindi!" mabilis na sagot ni Mama Cassy. "Hon!" suway naman ni Papa Baste rito. "Magsasama lang kayo sa iisang bahay pero hindi kayo magsasama sa iisang kwarto hangga't hindi kayo kasal. Nagkakaintindihan ba tayo, Seb?" nandidilat ang mga matang turan ni Mama Cassy. "Opo, Mama Cassy," nakangiting tugon ko sa ina ni Seb na kahit hindi ako ang tinatanong, ako na ang sumagot para sa kaniya. "Babe!" maktol ni Seb sa akin. Natatawang hinarap ko ang binata. "Sundin natin si Mama Cassy." "Wala rin palang silbi ang pagbahay ni Kuya Seb," naiiling na wika ni Sandro. Lumapit si Sandra kay Sandro at napahagikhik ako sa sumunod na ginawa nito sa kaniyang kakambal. "Mapang-asar ka rin talaga kay Kuya Seb!" asik ni Sandra kay Sandro. "Aray!" nakangiwing reklamo ni Sandro nang batukan siya ni Sandra. "Lilipat tayo ng bahay," bulong sa akin ni Seb. Pinandilatan ko siya ng mga mata ko. "Loko!" "Seryoso ako!" ani pa niya sa akin. "Bahala ka. Ikaw naman ang may gusto nito," natatawang tugon ko sa kaniya. Alam ko naman na nagbibiro lamang si Seb dahil tiyak na hindi siya papayagan nila Mama Cassy na bumukod. Bukod kasi sa malaki ang bahay nila na animo'y isang mansion ay hindi yata sila sanay na nagkakalayo sa isa't isa. "O siya, ihatid mo na si Nena sa dating guestroom na tinulugan nito, Seb," utos ni Mama Cassy sa binata. "Okay po Ma!" nakangiting tugon ni Seb sa kaniyang ina. "Sus, si Kuya Seb ngiting tagumpay!" mapang-asar na anas ni Sandro. Lalapitan sana ni Seb si Sandro ngunit maagap kong napigilan ang kamay nito. "Hayaan mo na si Sandro." "Salamat, Ate Nena! Mukhang magiging favorite ate na kita," natatawang saad sa akin ni Sandro na tinawanan ko lang din naman. "O, tama nang pagngiti sa ugok na iyan at baka magselos pa ako," bulong sa akin ni Seb. Naiiling na hinarap ko ang binata saka inaya ko na siyang ihatid ako sa silid na tutulugan ko.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD