Maaga akong gumigising upang kahit paano'y makatulong pa sa mga gawaing bahay bago pumasok sa opisina.
Bumaba ako sa kusina upang magluto ng agahan ngunit kagaya pa rin ng dati, si Mama Cassy pa rin ang naunang nakapagluto roon.
"Good morning po, Ma!" masiglang bati ko sa ina ni Seb.
"Good morning, Iha!" Lumapit siya sa akin saka ginawaran niya ako ng halik sa pisngi.
Ganito parati bumati si Mama Cassy sa akin kung kaya naman mas lalo akong napapalapit sa kaniya. Napakalambing nito at sadyang hindi niya ipinaparamdam sa akin na ibang tao ako sa kanila.
"Ma, sana po ako naman ang mauna sa iyo sa pagluluto rito sa susunod," ani ko sa kaniya.
Nginitian lang ako nito saka iniabot sa akin ang tray na may lamang bowl na may umuusok pang sabaw.
"Mararanasan mo rin iyan sa tamang panahon, Iha. Sa ngayon, pakidala mo na lang muna ito kay Seb at kailangan niyang makahigop ng mainit na sabaw," malumanay na ani nito.
"Pakialagaan mo na lang din muna ang batang iyon at nilalagnat daw siya. Aasikasuhin ko na muna ang Papa Baste mo pati na rin ang iba pa," dagdag pang sabi nito.
"Sige po, Ma. Ako na pong bahala kay Seb." Matamis na ngumiti sa akin si Mama Cassy bago ko siya tinalikuran.
Pagdating ko sa may tapat ng pinto ng kwarto ni Seb ay kumatok pa muna ako roon bago tuluyang pumasok sa loob.
"Seb?" tawag ko sa binatang nakatagilid na nakahiga sa may kama.
Inilapag ko muna ang tray ng pagkain sa may side table saka dinukwang ko ang natutulog pang binata.
"Ang gwapo mo talaga!" naiiling kong anas sa sarili habang pinagmamasdan ang mukha nito.
Nagulat ako nang hilahin sa kamay ko kung kaya nawalan ako ng balanse sa pagkakatayo. Napadapa ako sa ibabaw ng kaniyang katawan.
"Seb!" bulalas ko sa kaniyang pangalan.
"Good morning, Baby!" nakangiting bati sa akin nito.
"M-may sakit ka raw sabi ni Mama Cassy?" pautal kong tanong sa kaniya.
Naramdaman ko ang matigas nitong sandata na tumutusok sa aking tiyan dahil sa nipis ng suot niyang boxer short.
"Meron nga, Baby," tila batang anas nito sa akin na sinabayan pa niya nang paghaba ng nguso.
Hindi ko mapigilan ang matawa sa itsura ng mukha nito kung kaya tuluyan na akong napahagalpak ng tawa.
Malakas akong napatili nang kilitiin ako nito. "Seb!"
"Tinatawanan mo ako porke't maysakit ako," nakalabing turan nito.
"Tinatawanan kita dahil ang pangit mong tingnan sa palabi mong iyan."
Mahinang hinampas ko siya sa kaniyang dibdib saka pilit bumangon upang umalis sa ibabaw ng kaniyang katawan. Ngunit lalo lamang nitong hinigpitan ang pagkapit sa aking baywang.
"Seb, kainin mo na muna ang nilutong sabaw ni Mama Cassy at lalamig na," paalala ko sa kaniya.
"Uhm... Pwede bang ikaw na lang muna kainin ko?" mapupungay ang mga matang wika nito.
"Hindi pwede!" mataray kong sagot sa kaniya.
Pinalungkot nito ang bukas ng mukha saka kunwaring maluha-luhang tumitig siya sa akin.
"Unahin mo munang kainin iyang sabaw na pinaluto mo kay Mama Cassy," may panenermon kong anas sa kaniya.
"Subuan mo ako, please?" pakiusap nito sa akin.
Napabuntonghininga na lang ako sa kalokohang naisip nito. Tinulungan ko siyang makabangon mula sa pagkakahiga at nakapa ko nga sa palad nito ang singaw ng init na lumalabas sa kaniyang katawan.
"May lagnat ka nga!" nag-aalalang bulalas ko sa kaniya. "Hala, kumain ka na para makainom ka na ng gamot."
Kinuha ko ang bowl mula sa loob ng tray saka sumandok ako ng isang kutsarang sabaw upang isubo sa kaniya.
Nakailang subo lang naman ako sa kaniya dahil naubos din niya ang sabaw.
Kumuha ako ng gamot sa medicine kit saka iniabot ko iyon sa kaniya upang inumin nito.
"Ayoko talaga ng lasa ng gamot," nakangiwing reklamo nito.
"Kahit ayaw mo, kailangan mong inumin upang gumaling ka agad," ani ko naman sa kaniya.
Inilagay ko ang baso sa ibabaw ng side table saka binalikan ko si Seb upang tulungang makahiga sa kama.
"Baby..." Gusto kong kiligin sa endearment niya sa akin ngunit naroon pa rin ang takot sa dibdib ko na isang araw ay tapos na pala ang lahat nang pagpapanggap sa pagitan naming dalawa.
"Pwede bang dito ka na lang muna sa tabi ko?" nagsusumamong pakiusap nito.
"Pero..." Nahinto ang sasabihin ko nang hilahin na niya ako kung kaya napaupo na ako sa tabi nito.
Ipinulupot nito ang mga kamay niya sa aking baywang saka isinubsob doon ang kaniyang mukha.
"Tabihan mo muna ako rito, Baby." Ikinuskos pa nito ang mukha niya sa aking baywang.
May kung anong kiliti akong naramdaman sa ginagawang iyon ng binata kung kaya pilit kong inilalayo ang katawan sa kaniya.
"Hindi pwede Seb. Kailangan kong pumasok sa opisina lalo na't maysakit ka. Walang mag-aasikaso roon ng mga kailangang asikasuhin," pagdadahilan ko naman sa kaniya.
"Huwag ka nang pumasok, Baby," may paglalambing na wika nito.
"Hindi nga pwede! Sayang sasahurin ko!" kunwa'y naiinis kong tugon sa kaniya.
"Ako naman ang magpapasahod sa iyo, Baby," nakalabing tugon nito.
Napakamot ako sa ulo nang marinig ang sinabi nito. Oo nga naman, siya nga pala ang boss ko at siya rin ang nagpapasahod sa akin.
"Dinadaan mo na ba ako sa pagiging empleyado mo gano'n?" Tumayo ako mula sa pagkakaupo sa tabi nito saka namaywang sa kaniyang harapan.
"Sige, pumasok ka na lang sa opisina. Sina Cony at Cory na lang ang magbantay sa akin dito." Nakasimangot na tumagilid siya patalikod sa akin.
Ilang ulit muna akong humugot ng malalim na buntonghininga at saka nagdesisyong hindi na papasok sa opisina.
Umikot ako sa kabilang side ng kama upang makaharap ang binata. "Hindi na ako papasok. Babantayan na lang muna kita hanggang sa gumaling ka."
Bigla siyang bumangon mula sa kama saka binuhat niya ako.
"Seb!" natitilihang sambit ko. "Maysakit ka 'di ba?"
"Mawawala rin iyan. Nandito na ang gamot ko eh," sagot sa akin nito saka kinindatan pa ako.
"Huh? Paa--" Naputol ang anumang sasabihin ko nang siilin niya ako ng halik sa labi.
Halik na agad ko namang tinugon at namalayan ko na lamang na nasa ibabaw na kami ng malambot na higaan nito.
Naudlot ang gagawin sanang pagsubo nito sa aking dibdib ng mula sa likod ng pinto ay sunod-sunod na kumatok doon ang kambal na sina Cony at Cory.
"Seb..." Pigil ko sa kaniya ng akmang itutuloy pa rin sana nito ang pagsubo sa aking dibdib.
"Kuya Seb! Tawag ka ni Mama. Bumaba na raw kayo ni Ate Nena," sigaw pang muli ng dalawang kambal mula sa likod ng pinto.
"Agh! Istorbo kayo!" sigaw naman ni Seb sa kaniyang mga kapatid.
Mahinang tinampal ko siya sa braso saka mariing pinisil ko ang kaniyang ilong.