"Ano bang ginawa niyo kagabi at bangag na bangag ka ha Chen? Early Celebration?" wika ni ate Franchette sa masungit na tono. Early Celebration ng ano? Ng bata sa tiyan ko if ever? Nasa loob kami ng kotse niya. Sinundo niya kasi ako sa boarding house dahil Sabado ngayon at kailangan kong umuwi sa bahay dahil buong linggo akong nasa school. Idagdag pa na sembreak. Nang mapagtanto ko iyon ay kusang rumolyo ang mata ko.
"Early Celebration? Ng alin? Nagkayayaan lang kami nila Britt Ate. Saka hindi naman ako pabaya," sagot ko. Halos masamid ako sa sarili kong linya nang maalala ko kung pano ako gumising kaninang umaga. Sh*t! Pakiramdam ko maduduwal ako iniisip ko pa lang na baka gumising na lang ako isang araw buntis ako. Responsable naman pala ano Chen?
"Pagkarating sa bahay ayusin mo yung kilos mo baka mahalata ni mama! Naku pag nahuli ka tignan na lang natin kung saan ka pulutin hays!" Hindi ko na pinakinggan ang mga sumunod pang sinabi ni ate. Sa halip, isinandal ko ang ulo ko sa bintana ng kotse. Sinalpak ko rin yung earphones sa tenga ko at saka ko hinayaang makatulog ulit ang sarili ko.
Hindi ganon kalayo ang byahe mula sa boarding hanggang sa bahay. Nagising na lang ako nang tapikin ako ni Ate Franchette sa braso. Kung hindi siguro ako nagmasid-masid sa paligid ay aakalain kong nasa bahay na kami. Maya-maya, narinig kong magtawag si Ate. Nasa tapat kami ng mall at mahinahong naka parada ang kotse niya. Ibinaba ko agad yung earphones ko at saka iginiya ang sarili palabas ng kotse.
"Akala ko kailangan pa kitang buhatin eh. Kain muna tayo sa loob," ani Ate. Marahan akong tumango sa alok nito. Sinundan ko ang direskyon na nilalakaran niya. Sakto lang ang bilis ng lakad ko kaya nakakasunod naman ako nang hindi nalalayo masyado sa likuran niya.
"Bilisan mo. Halatang bangag ka pa oh?" sambit muli ni ate nang nilingon niya ako sa kalagitnaan ng paglalakad niya. Sumagot ako, "Hindi naman natin kailangang magmadali Ate. Saka hindi ako papagalitan ni mama kung ikaw naman kasama ko." Narinig ko na lang na tumawa si Ate Franchette. Maya-maya, bumagal ang lakad niya at saka sinabayan ang bilis ko. Gulat ko naman nung hinatak niya ako at saka inakbayan. Sinilip ko siya mula sa pwesto ko at doon ko napansin kung gano kalapad yung ngiti niya. Nagtataka ko siyang tinanong, "Parang ang saya ng gising mo ate? Ano bang meron? Kanina ka pa masigla ah?"
"Ewan ko ba sayo bakit di mo alam anong meron ngayon"
"Ano nga? Sabihin mo na lang kasi"
"Pwede mo naman akong pilitin pa ng very light para i-kwento ko na sayo Chen," aniya at mas nang iintriga ang boses nito. May kung ano sa kinikilos ni Ate na hindi ko mabasa. Kasunod noon, nilingon niya ako habang nakabalandra pa rin ang malapad niyang ngiti sa mukha.
"Hindi na. Baka boyfriend mo lang yan eh," baling ko. Agad-agad naman ay may tugon siya, "Wala nga akong boyfriend eh. Minsan naiisip ko baka babae pala talaga yung makakatuluyan ko."
Laglag panga kong sinalubong ang sinabi ni Ate. Magsasalita pa sana ako nang hatakin niya ako papasok sa isa sa mga nakapilang kainan sa loob. Huli ko ng nakita yung malaking letter "M" sa pintuan kaya ina-assume ko na na sa Mcdo kami kakain.
Nang makarating kami sa loob, inutusan niya akong kumuha ng mauupuan sa mga bakanteng table. Ganoon ang ginawa ko habang nagtungo naman siya sa counter para bumili ng makakain. Hindi nagtagal at natanaw ko na si Ate. May bitbit siyang tray at sa loob noon ang hindi ko mabilang na pagkain. Nang marating niya ang pwesto, tinulungan ko siya sa paglalapag ng mga pinamili niya. Di nagtagal at nagsimula na kami sa pagkain.
"Dalawang kape yung binili ko sayo. In case makabawas sa hangover mo," wika ni Ate nang hindi man lang nagawang lumingon sa akin. Tumango lang ako kahit na alam kong hindi naman niya mapapansin. Maya-maya, naglabas siya ng cellphone at saka minekaniko iyon. Kung tama ako, baka tine-text na niya si mama na kasama na niya akong kumakain. Sinubo ko naman yung burger habang pinapanood siya sa pagta-type niya sa cellphone.
"Bakit ba takot na takot kang mahuli ako ni Mama na nagre-rebelde? Sila Kuya nga gustong-gusto na kong mapalayas sa bahay," sambit ko. Totoo naman na halos palayasin na ako ng mga kapatid ko. Casual lang ang tono noon pero naghihintay ako ng seryosong sagot kay Ate.
"Syempre. Superhero mo si Ate eh," sinseradong sagot ng kasama ko. Nang lingunin ko siya, napansin ko ang maliit na ngiti sa labi niya. Ganoon pa man, hinayaan ko lang iyon. Nagpatuloy ako sa pagkain at gaya ng sinabi niya, ininom ko yung dalawang cup ng kape sa pag asang matutulungan noon ang hangover ko.
Inabot kami ng ilang minuto sa pagkain. Nang mayari, dumaan kami sandali sa department store para mamili ng iilang mga gamit sa bahay. Sabi ni ate para raw hindi ako ang unang mapansin ni Mama kundi yung mga pinamili. In that case, mabilis akong makakapasok sa loob ng kwarto ko.
Sa totoo lang, wala namang kaso sa akin kung mapagalitan ako o ako na naman ang maging center of attraction sa pamilya. Sa loob ng matagal na panahon, nasanay na ako na ganon ang tingin nila sa akin. Ewan ko lang ha, feeling ko kasi ako yung malas nila sa pamilya. Mabuti na lang talaga at dalawang beses sa isang linggo ko lang sila nakakasama. Laking pasasalamat ko na rin kay ate na sinuportahan niya yung pag bo-boarding house ko.
Pabalik na kami sa kotse dala-dala yung mga pinamili ni Ate. Pagkatapos naming ayusin sa backseat yung mga gamit, pumasok na kami sa loob at saka nagpatuloy sa byahe. 20 minutes lang ang byahe mula sa mall hanggang sa amin. Nang makarating, binusinahan ni Ate yung tapat ng bahay namin. Di nagtagal at sumulpot si Kuya Francis sa tapat para pagbuksan kami ng gate. Pagkahinto ng makina, agad sinalubong ni Kuya Francis ang pintuan ko para pagbuksan ako. Nakita kong nginitian niya ako. Maya-maya pa, nagsalita ito, "Happy Birthday Bunso!"
Kasunod noon ang sunod-sunod na putok ng mga party poppers sa harapan ko. Isa-isa na ring nagsi susulputan sina Kuya Fritz at Kuya Christianne. Kung ibang tao siguro eh abot-tainga na ang ngiti sa ganitong eksena. Ilang sandali pa, nakita ko na rin si mama na naglalakad palapit sa akin dala-dala iyong cake. May nakasinding kandila roon. Naiwan akong estatwa sa kinatatayuan ko. How come I forgot my own birthday?
"Blow mo na ang candle mo!" pag-eenganyo ni Kuya Christianne. Mabilis naman sumabat si Kuya Fritz. Aniya, "Happy Birthday! 19 ka na chen baka naman mag mature kana ng kaonti." Sabay-sabay silang nagtawanan. Bigla namang sumulpot si Ate sa gilid ko. Bumulong ito. Aniya, "Ganon ka kabangag Chen para makalimutan mong birthday mo ngayon." Dahil dito, hindi ko na napigilang matawa sa kinatatayuan ko. Kasunod noon, inabot ko ang mga kandila sa harapan ko. Pumikit ako para mag wish kahit na hindi naman na ako naniniwala na matutupad kung ano man yung hilingin ko ngayon. Pagdilat ko, sinigurado kong mapapatay ko ang dalawang kandilang nakatayo sa ibabaw ng cake. Nagsalita naman si mama sa unang pagkakataon matapos ang huling kilos ko.
Aniya, "Happy Birthday Nak. Siguradong nagce-celebrate din si Papa mo kung nasaan man siya ngayon."
Sa puntong iyon, napalitang muli ng blangkong ekspresyon ang mukha ko. Sinubukan kong ngumiti sa bati ni mama. Hinarap ko siya at saka tinapik ang balikat niya bago ako tuluyang pumasok sa loob ng bahay. I don't care how disturbing I acted from that moment. Dumiretso ako agad sa kwarto ko. Naririnig ko pa na nagtatawag sa baba sila Ate at Kuya. Sa puntong ito, hindi ko kayang humarap sa kanila.
Dumaan ang ilang oras pero nanatili ako sa loob ng kwarto ko. Mula sa insidente kaninang umaga, ni minsan ay hindi ko pa nagawang lumabas o ni sumilip sa pinto. Mag ga-gabi na nga ngunit pinili kong mapag isa sa araw ng birthday ko. Sa loob ng maghapon, nagawa kong libangin ang sarili sa internet at gadgets. Napaisip rin ako kung bakit sa dami nga naman ng araw na makakalimutan ko eh yung birthday ko pa. Mabuti pa yung ibang tao alam na ngayon yung araw na pinanganak ako. Maging mga kaklase at ibang estudyante sa ibang strand nagawa akong batiin sa f*******: kahit na naka private ang birthday ko. Napatigil ako sa pag-iisip nang marinig ko ang katok sa labas ng kwarto. Hindi ko na nagawang magsalita nang kusang pumasok sa loob si Kuya Francis.
"Oh regalo ko, catch!" baling niya sabay hagis ng katamtamang laki ng kahon sa direskyon ko. Medyo mabigat iyon pero buti na lang at nasa kama ako. Nagawa kong magpasalamat ng hindi man lang siya nililingon.
"Nasa baba sila Britney saka Jeneselle hinahanap ka. Sabi ko bababa ka na rin. Sumunod ka ha?" huling banggit niya bago tuluyang magsara ng pintuan. Di ko maiwasang mapa-ngiti sa maliit na kahon na nasa harap ko at pati na rin sa presensya ng dalawang kabigan ko. Bago bumaba, binuksan ko muna yung regalo ni Kuya sa akin. Pinunit ko yung makulay na balot ng kahon at saka tumambad sa harapan ko kulay black na headphone. Sandali akong napanganga sa nasa harapan ko. Maya-maya pa, sumilip yung piraso ng papel na nasa loob ng box. Kinuha ko iyon at saka binasa ang mga naksulat na mensahe. Sulat kamay iyon ni Kuya. Sabi roon,
"Happy Birthday Chengwa! I know how much you love music. Simpleng gift lang to pero sigurado akong magugustuhan mo. Makakatulong din yan pag nag iisip ka ng dance steps. I hope mag mature ka na. Hindi sa lahat ng oras nasa tabi mo kami. Kuya loves you."-Kuya Francis pogi
Napangiti ako roon. Marahan kong binalik ang sulat at ang headphone sa loob ng kahon. Matapos noon, nagtungo ako sa closet ko para magpalit ng damit. Kinuha ko iyong black na spaghetti strap. Tumapat ako sa salamin para sana doon magbihis. Nang tuluyang makawala sa nauna kong suot, laking gulat ko nang tumambad sa repleksyon ng salamin ang dibdib kong puno ng mga pulang marka. Halos iluwa ng talukap ang mga mata ko dahil sa imaheng nasa harapan ko.
"T*ng ina. Ang lala..." laglag pangang bulong ko sa sarili.
Sa buong araw kong nalibang, nawala sa isip ko yung nauna kong sitwasyon. This is the first time I got a closer look on myself. Walang anu-ano'y bumalik ako sa damitan ko para kumuha ng oversized hoodie. Agad kong sinuot iyon at saka piangtatapik ang pisngi ko. I was about to scream when I realized I shouldn't be. Ano na lang ang iisipin nila sa baba diba? Porke't birthday ko magwawala ako? Aish! Hindi pa ba ako nagwala masyado kagabi para makuha ko itong mga nasa dibdib ko? WTF Chennn!
"Christienne! SI Britt to! Mukhang ayaw mong bumaba kami na lang ang umakyat ni Jen!"
"Bakla Happy Birthday! Papasukin mo kami bilis!"
Medyo kumalma naman ang pakiramdam ko nang marinig ang dalawang kaibigan ko. Imbis na magsisi sa kasalukyang sitwasyon ko, agad kong binuksan yung pinto para salubungin sina Britney at Jeneselle.
"Bakla! Ay? O-oh? Naka- jacket ka? Nilalamig ka?" bati ni Jeneselle.
"Parang ang unlikely naman na naka hoodie ka? Nilagnat ka ba kaka-party kagabi?" gatong ni Brit. Dumiretso naman sila agad sa higaan ko. Huli ko nang napansin na may bitbit pa lang paper bag yung dalawa.
"M-malamig! Y-yung aircon hehe," sambit ko. Pumeke pa ako ng tawa habang aktong tinuturo yung aircon bilang palusot. Mukha namang wala silang pakialam sa palusot ko kaya hinayaan ko na.
"Osya na, buksan mo na yung regalo namin. Balita namin nakalimutan mo raw na birthday mo?" ani muli ni Brit. Tumango lang ako saka sumunod sa direskyon nila. Pareho silang nakaupo sa kama ko kaya naman hinatak ko yung gaming chair sa tapat ng study table ko. Nung nakaupo ako, isa-isang inabot sa akin nila Brit yung mga regalo nila. Nagpasalamat ako sa effort nila at sinabi naman nilang walang anuman iyon.
Una kong binuksan yung regalo ni Brit. Sinadya kong sirain yung paperbag. Tumambad sa akin yung maliit na box ng liptint at may make up palete pang kasama. Kinuha ko yung cellphone ko at saka nagpaalam sa kanila na kukuhanan ko ng video itong moment na to para ipost sa IG. Walang anu- ano'y nag pose naman si Brit sa camera. Sinunod ko yung regalo ni Jeneselle. Dinukot ko ang loob ng paperbag at nang mailabas ko ang bagay, hindi ko maiwasang mapangiti rito. Album siya ng paborito kong girl group. Aktong kukuhanan ko na sana siya ng video eh biglang siyang nagsalita.
"Meron pa yan, silipin mo pa sa loob bui," ani Jen. Sinunod ko naman ang sinabi nito at tulad ng inaasahan, may isa pang regalo sa loob. Nang makuha ko ang nasa loob ng paperbag, tuwang-tuwa naman ako nang makita yung keychain. Buong pagmamalaki pang sinabi ni Jen na siya mismo ang may gawa noon. Gawa siya sa leather at may nakatahing animo'y butones na nagsisilbing mata noong character na keychain. Matapos noon, tinuloy ko na ang pagkuha ng litrato sa mga regalo at pati na rin sa mga kasama ko. Nagpasalamat ako ng marami sa kanila.
Hindi nagtagal at nagkayayaan na ring umuwi. Lampas alas otso na rin ng gabi kaya naman nagpresinta na si Ate Franchette na ihatid sila sa kani-kanilang bahay. Aalma pa sana sila Britt pero hindi sila pinagbigyan ni Ate. Para pumayag sila, niyaya ako ni ate na sumama sa kanila para hindi mahiya yung dalawa. Gaya ng napag usapan, sumama na nga ako sa kanila. Agad na dumiretso si Ate sa driver's seat. Bago pumasok sa loob ng kotse, nakita ko pang sumunod sila mama sa amin. Inabutan niya yung mga kaibigan ko ng paperbag at hula ko, pagkain ang laman non. Nagpaalam naman sila Britney sa kanila bago tuluyang pumasok sa loob ng kotse. Ilang sandali pa, minekaniko na ni Ate ang sasakyan at unti-unti naming naramdaman ang pag andar nito palabas ng gate. Nagsimula na kaming bumyahe.
May kalayuan ang tinitirhan nila Britney at Jen mula sa amin. Tahimik ang byahe namin pero hula ko eh nagpipigil lang ng daldal yung dalawang kaibigan ko na nasa likod namin. Kung kami-kami lang to malamang eh nagwawala na sila. Binasag na ni Ate ang katahimikan dahil alam kong hindi rin siya sanay sa tahimik na atmosphere.
"Magkaklase kayo ni Chen diba? Gano na kayo katagal magkaka-ibigan?" ani Ate.
"Yes po hehe. Since Grade 11 po Ate," sagot ni Jeneselle. "Hmm. Mabuti naging kaibigan niyo to? Hindi naman ba kayo binu-bully nitong si Chen?"
"Naku po hindi po. Yung totoo po niyan pinagtatanggol po kami ni Christienne sa mga nambu-bully eh" ani ulit ni Jen. Natawa naman ako sa sagot niya.
"Oh? Akala ko ako superhero mo Chen? Ikaw din pala superhero ka eh," wika ni Ate. Noon din bumusina siya sa harapan. Napasinghap na lang ako sa pwesto ko. Kailangan niya talagang ipagmalaki yun no? Kung sa bagay, totoo naman talaga yon. Hindi ko lang din talaga maintindihan ang sarili ko kung bakit ang cold ko kapag kasama ko siya. Kapag naman wala siya, siya namang lagi kong hanap sa kanya. Hindi ko napigilang ngumiti sa pwesto ko. Di ko na rin namalayang nag thank you ako sa pinaka mahinang paraan.
"Thank you para saan?" ani Ate. Hindi ko siya nilingon pero sumagot ako. "Basta, baka kasi lumaki ulo mo pag sinabi ko kung para saan."
Although my head's bent down, I can still see how Ate's smiling from ear to ear. I don't really care if Britney and Jeneselle have seen my soft side just right now. Hindi naman importante kung magmukha akong malambot sa harapan nila paminsan-minsan. Malayo man sa nakasanayan nilang strong and active personality ko.
"Ate dito na lang po kami ni Jen. Masikip na po kasi yung daan banda rito, kaya na po naming lakarin," dinig ko mula kay Brit. Sumagot naman si Ate sa kaniya, "Sigurado kayo? Baka wala kayong tiwala sa driving skills ko ha?"
"Hindi po Ate hahahahahah! Okay na po talaga kami rito. Maraming salamat po sa paghatid," dagdag ni Brit. Noon din ay pumayag na rin si Ate na hanggang dito na lang namin sila ihahatid. Bago pa makababa yung dalawa, nilingon nila ako at saka bumati ulit. Tumango ako sa kanila at saka nagpasalamat.
"See you sa Monday bakla! Ingat po kayo sa byahe," huling narinig ko sa kanila Jeneselle bago tuluyang paandarin ulit ni Ate yung sasakyan. Mabilis naman binalik ni Ate yung sasakyan sa kalsada. Pagkatapos naming maiwang dalawa ni Ate sa loob, mas naging tahimik ang byahe namin pabalik. Dahil busy ang kasama ko sa pagmamaneho, wala akong ibang nagawa kundi manood lang sa mga nilalampasan naming mga kanto. Nakaramdam pa ako ng konting pagkainip kaya naman binuksan ko iyong radyo ni Ate sa kotse. Pinanood lang ako ni Ate habang inaabot iyong aparato. Nang magtagumpay sa ginagawa, bumalik ako sa pwesto ko. This time, ginawa ko pang mas kumportable ang upo ko. Hindi nagtagal at nagsalita si Ate Franchette.
"Chen..."
"Hmm?"
"Bakit may hickey ka sa leeg?"