THERESA
Mahirap para sa akin ang manatili dito sa probinsya na walang hotel at kahit man lang lodge na matutuluyan. Pagod na pagod na ako sa pag-iisip habang nakahinto sa gilid ng kalsada ang sasakyang dala ko at iniisip kung saan ako puwedeng tumira para makapag-imbestiga tungkol sa kurap na mayor sa bayan na ito.
Isang malalim na buntonghininga ang pinakawalan ko habang pinagmamasdan ang paligid. Challenging sa akin ang trabahong ito dahil hindi ito katulad ng mga naunang assignment ko na convenient at malaya akong nakakagalaw kasi sa lungsod ang lokasyon at hindi ganitong liblib na lugar.
Ibinaba ko ang salaming bintana na katapat ng driver's seat ng sasakyang dala ko nang may nakita akong grupo ng mga kababaihang naglalakad palapit sa direksyon kung saan ako nakahinto para sandaling magpahinga.
"Ale, puwede po bang magtanong?" nakangiting tanong ko nang tumapat sila sa sasakyan ko.
Agad naman akong sinagot ng isa sa mga babaeng binati ko.
“Tungkol po saan, ma'am?”
"Nasiraan po kasi ako ng sasakyan,” nakangiting sagot ko. “Baka may alam po kayo kung saan ako puwedeng tumuloy pansamantala dito sa lugar ninyo, para magpalipas po ng gabi habang hinihintay ko pong matapos gawin ng mekaniko itong kotse ko?"
"Naku, ma'am, malayo pa po ang resort dito. Iyon lang po ang nag-iisang hotel dito sa bayan namin," sagot ng matangkad na babaeng may dalang batya.
Nagpasalamat ako at muling isinara ang salaming bintana ng sasakyan ko, katapat ng driver's seat kung saan ako nakaupo.
Wala akong ibang pagpipilian ngayon kundi ang manatili dito sa loob ng sasakyan ko at magpalipas ng gabi. Hindi ako takot sa dilim at mga kawatan, dahil sanay ako sa marahas na pamumuhay, pero iba pala kapag ganitong probinsya at liblib pa na halos walang tao sa kalsada.
Nagugutom na rin ako, kaya naghanap na ako ng karinderya. Hindi naman ako maselan sa pagkain, kaya pinasibad ko ang aking kotse at nagmaneho nang walang direksyon.
Kailangan kong makahanap ng ligtas na lugar para magpalipas ng gabi kung saan puwede rin akong kumain. Luckily, habang nagmamaneho ako, may nakita akong mini eatery na siyang hinahanap ko.
Agad akong tumigil sa tapat nito at bumaba sa kotse ko.
"Magandang gabi po."
Nakangiting binati naman ako pabalik ng tindera at tinanong ako kung gusto kong kumain. Pumili ako ng kanin at dalawang set ng ulam.
"Ito na lang pong gulay at adobo, Ate," sabi ko sa tindera.
Ngumiti naman siya sa akin at tiningnan ang ulam na itinuro ko.
"Sige po, ma'am."
Hindi nakaligtas sa paningin ko ang mga matang nakatingin sa akin mula sa ilang taong narito sa maliit na carinderia. Alam kong napansin nila ako dahil bukod sa hindi ako tagarito at bago ang mukha ko sa paningin nila, hindi ko naman maitatanggi na maganda ako.
Nasa pagkain ang atensyon ko nang biglang may lalaking lumapit sa akin at binati ako.
"Attorney, akala ko ay bumalik ka na sa Maynila," sabi ng pulis na nakausap ko kahapon tungkol sa kaso ng mga magulang ni Agatha.
Uminom muna ako ng tubig at kaswal na sinuyod ng mga mata ang paligid.
"Yeah, kaya lang, may naiwan akong mahalagang dokumento, kaya binalikan ko dito," seryosong sagot ko.
Walang pasabi na umupo sa tabi ko ang lumapit na pulis at nagtanong kung okay lang daw ba na sumabay siyang kumain sa akin para may kasabay siya.
Nagkibit-balikat na lang ako sabay subo ng pagkain dahil gutom na talaga ako. Hindi ko muna siya pinansin at sa pagkain muna ibinuhos ang atensyon hanggang natapos ako.
"Pasensya na, nakita kasi kitang mag-isa kaya nilapitan kita," hinging paumanhin ni Officer Ramos.
"It's okay," tipid na sagot ko. "Puwede bang magtanong?"
Ngumiti sa akin ang pulis na kaharap ko at tinanong rin ako kung tungkol saan ang itatanong ko.
"May malapit bang hotel dito? Pagod na kasi ako sa byahe kaya tinatamad akong bumalik ngayong gabi sa Maynila."
"Sorry, pero wala pang hotel dito sa bayan namin, attorney," sagot ni Officer Ramos, kaya napabuga na lang ako ng hangin.
Nakaramdam ako ng frustrasyon sa sitwasyon ko ngayon. Marahas akong napabuntonghininga habang nag-iisip kung ano ang mabuting gawin. Mukhang mahihirapan ako sa misyon ko ngayon, pero hindi ako dapat sumuko. No matter what the consequences are, kailangang magawa ko ang trabaho ko bago umalis sa bayang ito.
"Kung okay lang sa iyo, puwede kang tumuloy sa bahay ko, attorney."
Nabigla ako sa narinig kong alok ni Officer Ramos. Hindi ko kasi inaasahan na maririnig ko ito mula sa kaniya, pero pabor ito sa kasalukuyang sitwasyon ko, kaya hindi ko ito tatanggihan.
"Ayos lang ba sa pamilya mo kung makikituloy ako sa inyo?" pormal na tanong ko at pilit sinisikil ang malakas na kabog sa dibdib ko.
"Huwag kang mag-alala, attorney. Ako lang ang mag-isa sa bahay. Nasa Maynila ang aking ina, at wala rin akong mga kapatid," sagot ni Officer Ramos.
Dahil pagod talaga ako sa mahabang byahe at gabi na rin, walang pagdadalawang-isip na tinanggap ko ang alok ng kaharap ko.
“Salamat, Officer Ramos,” nakangiting sabi ko sa kaniya.
Sumilay naman ang ngiti sa kaniyang mga labi, kaya natigilan ako at hindi sinasadya na napatitig ako sa mukha niya dahil lumabas ang maputi at pantay-pantay niyang mga ngipin.
“Attorney,” untag sa akin ni Officer Ramos.
Napalunok ako at mabilis na nagbawi ng tingin. “May sinasabi ka ba?”
Mas lalo siyang napangiti, pero nilabanan ko na ang kakaibang atraksyon na nararamdaman ko ngayon sa kaniya.
“Ang sabi ko, tara na sa bahay para makapagpahinga ka na,” nakangiting sagot ni Officer Ramos.
Sumakay ako sa sasakyan ko at sinundan ang motor na minamaneho ni Officer Ramos hanggang sa nakarating kami sa bahay niya.
"Pasensya ka na dito sa bahay, attorney. Hindi ko kasi alam na may darating akong bisita, kaya hindi ako nakapaglinis man lang kanina," hinging paumanhin ng pulis na kasama ko nang buksan niya ang pintuan at bumungad ang maliit na sala.
"Okay lang, ako nga itong nakakaabala sa iyo," sagot ko habang iginala ang mga mata sa kabahayan.
May kalakihan din ito kumpara sa mga bahay na nakita ko dito sa probinsya. Gawa rin ito sa semento, at kahit walang pintura at hindi pa tapos, ay maayos rin naman.
"Sandali, ayusin ko lang ang silid para makapagpahinga ka na," sabi ni Officer Ramos na para bang nahihiya sa akin at nataranta pa.
Normal na sa akin ang gumamit ng ibang tao batay na rin sa personal na interes ko, lalo na kung may kaugnayan ito sa trabaho at misyon ko. Pero ngayon lang ako nakaramdam ng awkwardness dahil iba ang sitwasyon ko, kasama ang isang pulis na madalas kong iniiwasan.
Tahimik akong nakaupo dito sa sala nang lumabas sa silid si Officer Ramos at nakangiting lumapit sa akin.
"Okay na, attorney. Puwede ka nang pumasok."
"Salamat."
Tumayo na ako at humakbang papasok ng silid. Agad sinuyod ng mga mata ko ang kabuuan nito, kaya napansin kong bagong palit ang punda at sapin sa manipis na kama. Malinis rin ang sahig na kahit maliit ito kumpara sa kwarto ko sa bahay, ay sigurado akong komportableng higaan.
"Tawagin mo lang ako sa labas kapag may kailangan ka, attorney," narinig kong sabi ni Officer Ramos mula sa likuran ko, kaya napalingon ako sa kaniya.
"Salamat," tipid na sagot ko at inilapag ang bag na dala ko sa gilid ng kama.
Mabilis na lumabas ang pulis na kasama ko at naiwan akong mag-isa dito sa loob ng silid na tanging kurtina ang nagsisilbing harang sa pintuan. Hindi ako puwedeng maging maarte at maghanap pa ng hotel dahil ang mahalaga ay may matutuluyan ako at hindi sa kalsada matutulog ngayong gabi.
Kumuha ako ng damit na isusuot ko at inilapag sa gilid ng kama. Lumabas ako ng silid para maligo, pero bumungad sa mga mata ko na kinakalas ni Officer Ramos ang butones ng pang-itaas na uniporme ng pulis na suot niya.
Marahil ay naramdaman niya ang presensya ko, kaya napatingin rin siya sa akin. Mabilis akong nag-iwas ng tingin matapos saglit na nagtama ang aming mga mata dahil nakaramdam ako ng awkwardness sa pagitan naming dalawa.
"I'm sorry, officer. Maliligo sana ako, kaya lang ay hindi ko alam kung nasaan ang banyo," kinakabahan na sabi ko habang nakaharap sa pader.
"Sandali, mag-init muna ako ng tubig, attorney, para may magamit ka. Malamig ang panahon ngayon dito sa probinsya at ganoon din ang tubig namin dito. Baka manibago ka at magkasakit ka pa."
Biglang may kung anong pumitlag sa puso ko. Hindi ko alam kung bakit ganito ang naramdaman ko, gayong wala namang espesyal sa narinig kong sinabi.
Siguro ay masyado lang akong independent at hindi nasanay na may ibang tao ang nag-aalaga sa akin, kaya ngayon ay naninibago ako.
Marahil ay hospitable lang talaga ang pulis na kasama ko, dahil alam niyang dayo ako dito sa kanila at bisita sa bayan na ito, kaya ganito ang trato sa akin.
"Okay lang, hindi mo na kailangang mag-init ng tubig,” sabi ko kay Officer Ramos. “Don't worry, sanay akong maligo ng malamig na tubig."
Malaki na ang utang na loob ko sa kaniya nang pinatira niya ako dito sa bahay niya, kaya hindi ako magiging pabigat sa kaniya.
“Sigurado ka?” tila nag-aalala na tanong niya sa akin, kaya tumango ako.
“Oo,” tipid kong sagot, at pagkatapos, iginala ang mga mata sa paligid. "Nasaan ang banyo?"
Sinamahan ako ni Officer Ramos at itinuro ang isang pintuan sa sulok ng bahay. Binuksan niya ang ilaw, at bumungad sa mga mata ko ang maliit na banyo.
Mabuti na lang at handa ako bago pumunta dito sa Zambales. Dala ko ang mini personal hygiene kit ko at may lamang toiletries, kaya kahit ganito ang sitwasyon ko, ay may magagamit ako.
Bihis na si Officer Ramos nang lumabas ako sa banyo. Nagtama ang aming mga mata at nakita kong napatingin siya sa katawan ko, kaya biglang nag-init ang magkabilang pisngi ko.
Ginamit ko ang makapal na tuwalyang binigay niya sa akin at basa pa ang balat ko dahil agad akong lumabas ng banyo dahil nilalamig ako, kaya kipkip ko ang damit na hinubad ko at malaki ang mga habang naglalakad ako papasok sa silid na tutuluyan ko.
My bad na hindi ako nagdala ng bihisan at doon na sana nagbihis sa loob ng banyo, dahil nakasanayan ko na sa silid ko na ginagawa ito. Heto tuloy at tanging tuwalya lamang ang takip sa hubad at basa pang katawan ko at dumaan sa harap ng pulis na kasama ko.
Hindi ko tuloy maiwasang hindi makaramdam ng hiya dahil nakita niya akong ganito. Hindi ko kasi nakasanayan na magbihis sa banyo dahil basa doon, kaya nakita tuloy niya akong nakatapis lang ng tuwalya nang dumaan ako sa harap niya.
Matapos mag-apply ng lotion sa buong katawan ko, humiga na ako sa kama para magpahinga. Kahit nasa misyon ako, kailangan kong alagaan ang katawan at mukha ko dahil ito ang puhunan ko sa trabaho ko sa loob at labas ng bansa, kaya dala ko ang mga gamit ko kahit saan ako magpunta.
Dahil sa pagod, nakatulog agad ako, pero ang malakas na kulog at patak ng ulan ang gumising sa akin. Hindi ko alam kung anong oras na dahil wala akong nakitang orasan dito sa silid. Inabot ko ang cellphone ko at nagulat na alas dos na pala ng umaga at may nakabalot na kumot sa katawan ko.
Bumaba ako sa kama dahil naiihi ako. Kailangan ko tuloy lumabas sa silid para pumunta sa banyo. Hindi ko maipaliwanag ang nararamdaman ko sa mga oras na ito nang bumungad sa paningin ko ang nakahigang pigura at natutulog na si Officer Ramos sa ibabaw ng mahabang kawayang sofa.
Dito pala siya natulog dahil pinagamit niya sa akin ang kaniyang silid, kaya nakaramdam ako ng awa sa kaniya. Bumalik ako sa loob ng silid at kinuha ang kumot na nakita kong nakabalot sa akin nang magising ako, pati na rin ang isang unan, at dinala ito sa labas para may magamit si Officer Ramos.