THERESA
Habang papalayo ang sasakyang minamaneho ko sa bahay na pinanggalingan ko, pinindot ko ang call button ng smartwatch na suot ko sa braso at tinawagan ko si Lyn dahil kailangan ko ng tulong niya.
Hindi ako dapat manatili dito sa Zambales gamit ang parehong sasakyan na ginagamit ko ngayon dahil mabilis nila akong matutunton.
Siguradong paggising namin bukas, sasabog sa media ang ebidensyang nakuha ko at magugulo na ang tahimik na mundo ni Mayor Rosales. Hahanapin niya at ng kaniyang mga tauhan ang babaeng nakilala niya sa bar. Markado na nila ang sasakyan ko, kaya mas mabuting ilabas ko ito mula sa Zambales para hindi nila ako ma-trace.
"Sige, akong bahala, Tres. Hintayin mo na lang ang sasakyang hinihingi mo," sabi ni Lyn mula sa kabilang linya.
“Salamat, Lyn.”
Napag-usapan namin kung saan kami magkikita para makuha ko ang kotseng dala niya. Mabilis ang takbo ng sasakyang minamaneho ko palayo sa lugar na pinanggalingan ko. Hindi ko bibigyan ng pagkakataon ang kampo ni Mayor Rosales na mahanap ako, kaya ilalabas ko ng Zambales ang kotseng gamit ko.
Kahit alam kong bukas pa magigising ang demonyong iyon at hindi ako masusundan ng kaniyang mga tauhan, kailangan ko pa ring maging maingat.
Alam kong malinis ang trabaho ko at hindi ako nag-iwan ng bakas sa kanila upang masundan nila at makilala ako. Kahit hanapin nila ako, makikita nila sa backtracking na lumabas ng probinsya ang kotse ko, kaya hindi nila ako masusundan.
May mga CCTV silang nakakabit dito sa bayan, kaya naging mabilis ang kilos ko at siniguro kong hindi nila ako makikilala dahil ayaw kong magkaroon sila ng hinala sa kaugnayan ko kay Agatha.
Kapag nangyari kasi iyon, maaaring mabunyag sa imbestigasyon ang koneksyon ni Agatha sa kapitan na iniligpit niya. Kapag magaling ang pulis na mag-iimbestiga, siguradong may makukuha siyang lead na magkukunekta sa aming dalawa.
Konektado si Mayor Rosales sa kapitan na kasabwat niya sa pagpatay sa mga magulang ni Agatha. Tapos, ngayong narito kami sa bayan nila, sunod-sunod na kaguluhan at krimen ang nangyari sa kanila.
Magkasunod kasi ang nangyari sa napatay na kapitan at ngayon ang nalalapit na iskandalo kay Mayor Rosales. Minabuti kong huwag munang umalis dito at magmanman sa mangyayari sa bayang ito sa loob ng ilang araw.
Tatlong oras akong nagmaneho pabalik sa Maynila. Tumigil ako sa isang liblib na lugar at hinintay ang kotseng dala ni Lyn na siyang magiging kapalit ng kotseng dala ko.
“Malapit na ako sa lokasyon mo, Tres,” narinig kong sabi ni Lyn mula sa kabilang linya.
“Copy, see you later.”
Hindi nagtagal, nakita ko ang pag-flash ng headlight ng kotseng dala ni Lyn. Tumigil ito sa tapat ko, kaya binuksan ko na rin ang pintuan at lumabas na ako ng sasakyan.
“Nice job, Tres,” nakangiting sabi ni Lyn nang lumapit siya sa akin. “Ang bilis mong nakakuha ng ebidensya.”
Nginisihan ko siya at napailing na sumagot, “You know me, Lyn. Malinis at mabilis akong magtrabaho.”
“I know, kaya favorite ka ni Boss,” sabi ng kasamahan ko, pero tinawanan ko lang siya at inabot sa kaniya ang susi ng kotse ko.
"Ingatan mo ang sasakyan ko, ha?”
“Don't worry, akong bahala dito sa baby mo, Tres,” mabilis na sagot ni Lyn.
Inabot niya ang hawak kong susi at ibinigay rin niya sa akin ang susi ng kotseng dala niya, at pagkatapos, mabilis na sumaludo sa akin si Lyn.
“Paano, kita na lang tayo sa base, Tres.”
“Sure!”
Humakbang ako pabalik sa kotse ko at kinuha ang shoulder bag at cellphone ko. Matapos itong makuha, agad akong humakbang sa sasakyang dala ni Lyn at mabilis na sumakay sa driver's seat.
Bumusina si Lyn sa akin at pagkatapos, pinaharurot na niya ang aking kotse at nagmaneho siya pabalik sa Maynila.
Pinasibad ko na rin ang gamit kong kotse. Napangiti ako nang makita ko ang tollgate ticket, katunayan na galing nga sa Maynila ang sasakyang gamit ko at kung sakaling paghinalaan ako, ay may hawak akong ebidensya na maaari kong maipakita kapag may pulis na nag-imbestiga.
Nakapagbihis na rin ako kanina at inalis ko na ang suot kong wig habang hinihintay ang pagdating ni Lyn. Nabura ko na rin ang makapal na makeup sa mukha ko, kaya nagbago na ang itsura ko.
Napangiti ako dahil alam kong walang naiwang bakas sa katawan ko mula sa trabahong ginawa ko sa misyon ko kay Mayor Rosales.
Lahat ng ginamit ko sa operasyon kanina ay iniwan ko sa loob ng sasakyan. Hindi na nila iyon mahahanap dahil hindi na lalabas sa base ang kotseng ginamit ko nang hindi napapalitan ang kulay at plate number nito.
Maingat, malinis, at mabilis ang naging trabaho ko, kaya't maging ang hikaw at kwintas na may nakakabit na hidden camera sa pendant ay hinubad ko.
Madilim pa ang paligid nang makarating ako sa tapat ng bahay ni Blake. Sinadya kong maghintay ng umaga para pasok ito sa time frame ng biyahe ko pabalik dito sa probinsya.
Nasa akin pa rin ang susi ng bahay ni Blake, kaya hindi ko na kailangang kumatok para makapasok sa loob ng kaniyang bahay. Kinuha ko ang cellphone ko at bumaba ng sasakyan. Mukhang tulog pa siya, kaya hindi niya namalayan ang pagdating ko.
Napangiti ako nang mabuksan ko ang lock ng pintuan. Madilim sa loob at mukhang hanggang ngayon ay wala pang power ang kuryente, kaya ginamit ko ang flashlight ng cellphone ko at naglakad papasok sa silid ni Blake.
Nangunot ang noo ko nang makitang wala si Blake dito sa loob ng silid, pero magulo pa ang kama at mukhang dito naman siya natulog. Nawala ang excitement na nararamdaman ko kanina na masurpresa siya kapag nakita ako dahil wala naman pala siya dito.
"Lara?"
Napalingon ako sa pintuan nang marinig ko ang tinig niya. Nakatayo sa likuran ko si Blake at mabilis siyang humakbang palapit sa akin at bigla akong niyakap ng mahigpit.
"Bumalik ka agad," tila hindi makapaniwala at mahinang bulong ni Blake sa akin.
Halos mapugto ang hininga ko dahil sa higpit ng pagkakayakap niya sa akin, kaya tinapik ko siya sa braso para pakawalan niya ako.
"Yeah, natapos kasi agad ang meeting ko," pagsisinungaling ko.
"Wow! Talaga?” masaya niyang tanong. “Akala ko kung ano na ang nangyari sa iyo. Sobra akong nag-alala magdamag dahil hindi ka tumawag sa akin at hindi rin kita matawagan.”
"Ganoon ba? Pasensya ka na kasi naging abala ako kagabi. Hindi rin ako tumingin sa phone ko habang nagmamaneho, kaya hindi ko alam na wala na palang battery ang cellphone ko," pagdadahilan ko.
Lumuwag ang pagkakayakap ni Blake sa akin, at kahit kakarampot na liwanag mula sa flashlight ng cellphone na hawak ko ang tanging tanglaw dito sa silid, ay malinaw na nakita ko siyang nakangiti.
"Ayos lang, Lara. Ang mahalaga, nakabalik ka at wala kang naging problema sa biyahe papunta dito,” malambing na bulong sa akin ni Blake.
“Salamat, Blake.”
“Alam kong pagod ka, Lara. Magbihis ka muna at ipaghahanda kita ng almusal para kapag natapos kang kumain ay puwede ka nang matulog.”
Hinawakan niya ako sa aking magkabilang pisngi at mabilis na pinatakan ng halik sa noo.
“Na-miss kita agad, Lara,” malambing niyang bulong. “Ang akala ko, matatagalan pa bago ka bumalik dito.”
Napakurap at napalunok. Tinawid ng mukha ni Blake ang gahiblang pagitan namin at pagkatapos, magaan niya akong hinalikan sa labi.
“Salamat at bumalik ka agad, Lara.”
Napangiti ako at pilyang kinagat ang ibabang labi niya. Siniil ko siya ng halik at agad naman niya itong sinuklian at sinabayan ang ritmo ng mga labi ko.
Matagal kaming naghalikan at sabik na dinama at nilasap ang mga labi ng isa't isa. Kung hindi pa kami muntik maubusan ng hangin sa baga, ay hindi maghihiwalay ang mga labi namin.
"Gusto mo bang maligo muna, Lara?" malambing na tanong ni Blake, kaya tumango ako.
"Sige, magpahinga ka muna. Mag-init lang ako sandali ng tubig.”
Naiwan akong mag-isa dito sa silid. Hinubad ko ang suot kong jacket at umupo sa gilid ng kama. Mukhang maayos na ito at stable na ang nabaling mga paa dahil sa ginawa namin ni Blake noong isang gabi.
Matapos ang sampung minutong lumipas, pumasok si Blake dito sa silid at sinabing handa na ang tubig na ipangliligo ko. Tumayo na ako at inabot ang puting tuwalya na ibinigay niya sa akin.
Magkasama kaming lumabas ng silid. Tumuloy agad ako sa banyo at mabilis na naligo dahil hanggang ngayon, nandidiri pa ako sa balat ko dahil hinawakan ako at hinaplos pa ng magaspang na palad ni Mayor Rosales.
“Handa na ang kape at almusal, Lara,” sabi agad sa akin ni Blake nang lumabas ako sa banyo.
“Magbibihis muna ako, Blake.”
“Sige.”
Sinamahan niya ako pabalik sa loob ng kaniyang silid. Magbibihis na sana ako nang maalala kong wala nga pala akong dalang damit, kaya sinabi ko kay Blake na kunin niya sa loob ng kotse ang dala kong bag.
Napabuntonghininga ako nang napagtanto kong wala pala akong dalang damit na bihisan. Napansin naman ito ni Blake, kaya nagtanong siya sa akin.
“May problema ba, Lara?”
"Blake, naiwan ko sa loob ng sasakyan ko ang dala kong bag."
Lalabas na sana si Blake nang matigilan ako. Natampal ko ang aking noo nang maalala kong nakalagay pala ang traveling bag na dala ko sa compartment ng aking kotse, kaya nadala iyon ni Lyn pabalik sa Maynila.
Nakalimutan kong kunin ang dala kong traveling bag, kaya't tanging ang maliit na handbag lamang ang nadala ko. Mabuti na lang at dala ko rin ang cellphone ko dahil kasama nito ang susi dito sa bahay ni Blake.
"Okay lang ba sa iyo kung damit ko muna ang isuot mo, Lara?" tanong ni Blake sa akin.
“Sige, ayos lang iyon sa akin, Blake.”
Kahit nahihiya ako, tinanggap ko ang alok niya dahil hindi ako komportableng matulog na walang suot na kahit ano habang kasama ko siya.
Lumapit si Blake sa kaniyang damitan at kumuha ng t-shirt at short para sa akin, kaya't isinuot ko agad ito.
“Salamat dito, Blake.”
Ngumiti siya at pinisil ang baba ko. "Kumain ka na, para makapagpahinga ka na, Lara.”
Dahil pagod talaga ako sa mahabang oras na biyahe, kaya nakatulog agad ako nang humiga ako sa kama. Tanghali na ako nagising at maliwanag na ang sikat ng araw. Masakit ang aking ulo nang bumangon ako at lumabas ng silid.
Tahimik ang buong kabahayan at mukhang pumasok sa trabaho si Blake. Matapos maghilamos at magsipilyo, pasalampak akong umupo sa kawayang sofa. Bumukas naman ang pintuan at nakita ko siyang pumasok.
"Gising ka na pala, Lara," bati nito sa akin.
"Kumusta ang pakiramdam mo?”
"Masakit ang ulo ko. Napagod yata ako sa mahabang biyahe kagabi," nakapikit na sagot ko. "Hindi ka ba pumasok sa trabaho mo ngayon?"
"Hindi, nag-leave muna ako ng dalawang araw," sagot ni Blake at umupo rin sa tabi ko.
"Why?"
"Hindi ko kasi alam kung ilang araw kang mananatili dito, kaya gusto kong makasama ka habang narito ka, Lara."
Pakiramdam ko ay may pumitlag na kung ano sa puso ko. Napatitig ako kay Blake at naumid ang aking dila, kaya hindi agad ako nakapagsalita.
Muli niya akong pinatakan ng halik sa labi, kaya napapikit ako. Bawat hagod ng dila niya sa mga labi ko ay ramdam ko ang init ng kaniyang hininga sa tuwing tumatama ito sa aking balat at nagdudulot ng kakaibang emosyon na hindi ko kayang labanan.
"Tahimik dito sa lugar ninyo at maganda ang tanawin, kaya nagustuhan ko ditong mamasyal at manatili ng tatlong araw,” nakapikit na sabi ko kay Blake nang maghiwalay ang aming mga labi.
Sumilay ang ngiti sa kaniyang mga labi. Kitang-kita ko ang saya na kaniyang nararamdaman dahil bumalik ako. Nangingislap ang kaniyang mga mata habang nakatingin siya sa akin, kaya napangiti rin ako.
Hinaplos ko ang kaniyang pisngi. Banayad ang pagsayad ng kamay ko sa balat niya, kaya napapikit si Blake kasabay ng pagkagat niya sa kaniyang ibabang labi.
"Tao po!"
Nagkatinginan kaming dalawa ni Blake nang marinig naming may tumatawag sa kaniya sa labas ng bahay.
“May bisita ka, Blake,” sabi ko sa kaniya.
"Sandali, titingnan ko muna.”
Humakbang na siya palapit sa pintuan. Sinundan ko siya ng tingin habang pinoproseso ng isipan ko ang nangyari sa pagitan namin ni Blake kanina. Pakiramdam ko kasi ay komportable na ako sa presensya niya at parang normal na sa amin kapag magkasama kaming dalawa. Naguguluhan tuloy ako sa kinikilos ko dahil malaki ang pagkakaiba nito sa naging pagtrato ko sa mga lalaking nakilala ko.
Sinabi ko kahapon sa aking sarili nang umalis ako dito na hindi na ako babalik pa, pero matapos ang trabahong ginawa ko kay Mayor Rosales, walang pagdadalawang-isip na bumalik ako at binigyan ko ng katwiran ang ginawa ko, na bahagi pa rin ito ng trabaho ko.