THERESA
Nakahiga ako sa kama at nakatitig sa kisame habang laman ng isipan ko ang mainit na tagpong pinagsaluhan namin ni Blake kanina. Napagod ako at masakit na rin ang aking katawan, pero hindi ko siya magawang tanggihan kapag gusto niya kaming magtalik.
Hindi ko maunawaan kung bakit nawawalan ako ng kontrol sa aking sarili kapag kasama ko siya at hindi ko siya matanggihan sa oras na gusto niyang angkinin ako.
Para bang sa maikling panahon na kasama ko siya, may puwang na siya sa puso ko at hinahanap-hanap rin ng aking katawan ang bawat haplos ng kamay niya sa balat ko, lalo na ang mga yakap niya kapag niyayakap niya ako.
***
Napagkasunduan namin ni Blake na mamasyal ngayong gabi. Dapat sana ay motorsiklo niya ang gagamitin namin sa pamamasyal, pero ang sasakyan ko na lang ang ginamit namin dahil napansin namin na makulimlim ang paligid.
Malamig at malakas ang ihip ng hangin, at umaambon pa kanina bago kami umalis, kaya't kotse ko na lang ang ginamit namin para hindi kami mabasa kapag lumakas ang ulan.
Sa unang pagkakataon, hinayaan kong ipagmaneho ako ng isang lalaki dahil hindi pumayag si Blake na ako ang magmaneho habang kasama ko siya. Sa parke niya ako dinala. Tama nga si PO1 Cadag dahil maganda nga rito. Nasa mataas na bahagi ng bundok itinayo ang parke, kaya't nakikita ang buong bayan at ang nagkikislapan na mga ilaw sa ibaba.
Nakatayo ako sa tapat ng railing katabi ng waiting shed na inukupa namin at tahimik kong pinagmasdan ang tanawing naabot ng aking mga mata.
Malamig at malakas ang ihip ng hangin, pero hindi ako nilalamig dahil nakasandal ako sa balikat ni Blake. Nakatayo siya sa likuran ko at nakayakap ang mga braso sa bewang ko, at tahimik rin niyang pinagmamasdan ang kapaligiran.
Hindi ko inaasahan na magugustuhan ko pala ang liblib na bayang ito. Napunta na ako sa iba't ibang lugar, pero dito lang ako nakaramdam ng katahimikan. Para bang may kakaiba sa lugar na ito. Hindi ko maipaliwanag, pero nakaramdam ako ng kaunting kirot sa dibdib ko dahil alam kong aalis rin ako, kasi hindi ako puwedeng magtagal dito.
"Ang lalim naman yata n'yan," mahinang sabi ni Blake nang marinig niyang nagpakawala ako ng isang malalim na buntonghininga.
"May problema ba, Lara?"
“Wala,” tipid kong sagot.
Gusto kong manatili dito at damhin ang katahimikan sa lugar na ito, pero sa uri ng trabaho ko, alam kong imposible itong mangyari dahil kailangan kong bumalik sa Maynila kapag natapos na ang ilang araw na pananatili ko dito.
I have never had a peaceful night in my entire life, simula ng mangyari ang aksidente at malagim na trahedya sa pamilya ko. Kaya may bahagi ng puso ko ang gustong manatili na lang dito at huwag nang bumalik sa Maynila.
Sa apat na gabing kasama ko si Blake, naranasan kong makatulog ng mahimbing magdamag nang hindi binabangungot sa gabi. Nakaya ko rin na manatili sa loob ng bahay na walang ibang iniisip na kahit ano.
Ayaw kong masanay sa ganitong buhay dahil alam kong pansamantala lang ang lahat ng ito. Hindi magtatagal ay kailangan kong umalis kapag natapos na ang misyon ko, at sa pag-alis ko dito, hindi na ako puwedeng makita pa ni Blake.
Pareho kaming tahimik ni Blake habang nakatayo. Yakap niya ako at pinagmamasdan namin ang buong lugar. Gusto kong namnamin ang katahimikan sa paligid ko, na ngayon ko lang naranasan at hindi gaya sa Maynila, na kahit saan ako magpunta ay laging pinapaalala sa akin ang nakaraan ko.
"Tara na, umuwi na tayo, Blake," mahinang sabi ko sa kaniya nang magsawa ako.
"Pagod ka na ba, Lara?”
“Hindi,” tipid kong sagot. “Gabi na kasi at mukhang uulan na, Blake.”
Sanay akong nakatayo kahit hanggang magdamag pa, kaya ayos lang kung hindi muna kami umupo, pero ramdam ko ang ilang patak ng ulan sa pisngi at braso ko, kasabay ng malakas na ihip ng hangin, kaya niyaya ko na siyang umuwi.
Kasama sa naging training ko noon para palakasin ang stamina ko ang tumayo sa loob ng dalawampu't apat na oras habang nasa gitna ng ulan sa gubat.
Marami akong pinagdaanan bago ako naging top agent at assassin ng organisasyong kinabibilangan ko. Fully trained ako sa tubig, sa gubat, maging sa mga combat training, at pati na rin sa dagat for survival.
Intense ang naging training ko with Lord Sebastian sa Bangladesh, lalo na nang napunta ako sa Iran para sa tactical and survival actual test na ginawa sa akin bago ako makapasok sa organisasyon. Doon, nasubok ang tatag ng sikmura ko, hindi lang bilang assassin kundi bilang babae.
"Okay lang kung gusto mo nang umuwi tayo, Lara," sabi ni Blake na pumukaw sa malalim kong pag-iisip.
"Malamig na kasi, Blake. Isa pa, hating-gabi na rin," mahinang sagot ko, dahil mas malakas ngayon ang ihip ng hangin at mukhang hindi magtatagal ay uulan na naman.
"Sige, puwede naman tayong bumalik dito sa ibang araw, Lara.”
Umuwag ang pagkakayakap ng mga braso niya sa aking katawan at ginagap ni Blake ang kanang kamay ko at pinagsalikop niya ang aming mga palad.
Sabay kaming naglakad papunta sa nakaparadang sasakyan ko. Si Blake na rin ang nagmaneho pabalik sa kaniyang bahay, at ako naman ay komportableng nakaupo sa passenger seat habang nagmamaneho siya.
Mabuti na lang at nakauwi na kami nang biglang lumakas ang ihip ng hangin at bumagsak ang malakas na buhos ng ulan. Nanood na lang kami ng pang-gabing balita dahil pareho kaming hindi pa inaantok.
"Lara, taga saan ang pamilya mo?" bigla tanong ni Blake sa akin, dahilan para matigilan ako.
"Bakit?”
"Gusto ko lang malaman. Wala kasi akong kahit anong alam tungkol sa iyo, maging sa pamilya mo," paliwanag ni Blake, pero hindi ko ito agad sinagot.
Hawak niya ang aking kanang kamay habang nakapatong ito sa ibabaw ng kaniyang hita. Kanina pa niya ito marahang hinahagod at hinahaplos gamit ang hinlalaking daliri. Naghahatid ito sa akin ng kakaibang pakiramdam at tila ba may libo-libong boltahe ng koryente ang nanunuot sa bawat himaymay ng aking ugat, kaya't bumibilis ang pintig ng puso ko.
Hindi ko kayang sabihin kay Blake ang tungkol sa tunay kong pagkakakilanlan, lalo na ang tungkol sa nangyari sa pamilya ko. Kahit minsan, hindi ko sinabi kahit kanino ang karumal-dumal na sinapit nila dahil isa itong madilim na bahagi ng buhay ko.
"Ulila na ako,” tipid kong sagot.
“Bakit, anong nangyari sa mga magulang mo, Lara?”
“Wala na akong pamilya, pero huwag mo nang tanungin kung bakit dahil hindi ko kayang pag-usapan ang tungkol doon."
Tanging maikling 'okay' lang ang narinig ko mula kay Blake. Hindi na siya nagtanong tungkol sa personal kong buhay, kaya nauwi ako sa malalim na pag-iisip.
Pumikit ako at sumandal sa sofa. Si Blake naman, tahimik na nakaupo sa tabi ko habang nanonood ng telebisyon, pero alam kong nakikiramdam siya sa akin.
Hindi ko na siya kinausap pa dahil ayaw kong magtanong ng kung ano-ano sa akin si Blake. Ayaw ko rin namang magsinungaling gaya ng palagi kong ginagawa kapag nasa misyon ako, kaya minabuti kong pumikit at manahimik na lamang para makaiwas na pag-usapan ang tungkol sa aking nakaraan at sa nangyari sa mga magulang at kapatid ko.
Nakaramdam ako ng pamilyar na kudlit at kirot sa puso ko nang maalala ko kung paano nasunog ng buhay ang buong pamilya ko at tanging ako lamang ang nakaligtas.
Simula nang nangyari iyon, naging miserable ang buhay ko sa kamay ng mag-asawang kumupkop sa akin, at naging impiyerno ang bawat araw na kasama ko sila sa loob ng iisang bubong.
Matapos ang mahabang katahimikan, nagmulat ako ng aking mga mata at tumingin kay Blake.
“Inaantok na ako, Blake. Matutulog na ako.”
“Okay,” mabilis na sagot ni Blake. “Magpahinga ka na, Lara.”
“Sige, gagamit muna ako ng banyo.”
Nagpaalam na ako sa kaniya. Agad akong tumayo at naglakad papunta sa banyo dala ang cellphone ko dahil titingnan ko ang tracker na nakakabit sa katawan ni Mayor Rosales.
Siya ang dahilan kung bakit pumunta ako dito sa Zambales. Hindi ako dapat mawala sa pokus. Dapat ay tanging si Mayor Rosales ang priority ko para matapos ko agad ang trabaho ko.
Batay sa nabasa kong mga balita ngayong araw online, may lumabas na arrest warrant para kay Mayor Rosales, pero nagtatago na ito at walang nakakaalam kung nasaan siya ngayon.
Napangiti ako habang naglalakad dahil alam kong hindi niya ako matatakasan at kahit saan siya magtago ay mahahanap ko siya.
Gamit ang pekeng account, nagpadala ako ng email sa mga lokal na TV station dito sa Zambales, maging sa national channel. Sinasabi ko na alam ko kung saan nagtatago ngayon si Mayor Rosales.
Pinadala ko rin sa kanila ang eksaktong lokasyon niya, kaya siguradong magkukumahog sa pinagtataguan niya ang demonyong iyon kapag nalaman niya ang balitang lalabas bukas laban sa kaniya.
Matapos ko itong gawin, lumabas na ako sa banyo at naglakad papunta sa silid ni Blake. Naabutan ko siyang nakahiga sa kama, kaya hinawi ko ang kumot at tumabi ako sa kaniya.
"Masama ba ang pakiramdam mo, Lara?" malambing na tanong niya sa akin.
“Okay lang ako,” nakapikit kong sagot.
"Kanina ko pa kasi napapansin na matamlay ka, Lara. Para bang may malalim kang iniisip at may dinaramdam ka.”
Yumakap sa bewang ni Blake ang braso ko at naglalambing na sumiksik ang mukha ko sa leeg niya.
"Minsan kasi, tahimik lang ako dahil may peace of mind ako kapag malayo sa trabaho ko."
Sincere ako sa sinabi ko. Totoo iyon, dahil ganyan talaga ang nararamdaman ko ngayong kasama ko siya.
"Kung sabagay, grabe rin ang pressure sa trabaho mo. Puwede kang pumunta dito sa bahay kahit kailan na gusto mong magpahinga at magbakasyon, Lara."
Lihim akong napangiti dahil tama ang sinabi ni Blake. Grabe nga ang pressure sa trabaho ko at mapanganib pa, pero wala siyang ideya tungkol dito. Baka nga kapag nalaman niyang nagsisinungaling ako sa kaniya at nagkaroon siya ng ideya sa tunay kong katauhan, ay hulihin at ikulong agad niya ako. Kaya hindi ko siya bibigyan ng pagkakataon na malaman ang sikreto ko.