Napakalaki ng bahay kaya pinag-isipan niya kung papasok siya o hindi. Hindi niya pa naman kabisado ito at baka kapag pumasok siya ay hindi na siya makalabas. Papasok ba ako? Nasaan na ba kasi si Lune Bleue? Bahala na nga, mamatay kung mamatay! Papasok na sana siya pero naisip niya ang pamilya niya. Hays, hindi pa pala ako puwedeng mamatay. May mga magulang at kapatid pa akong umaasa sa 'kin. Biglang may isang lalaking sumulpot sa likuran niya at mahigpit na tinakpan ang kaniyang bibig. Sisikuhin niya sana ito pero nakahinga siya nang makita niyang si Lune Bleue iyon. "Hindi ba sabi ko sa iyo doon ka lang sa kotse?" kunot-noong bulong nito. Nag-aalala lang talaga ito na baka mapahamak ang kaniyang girlfriend. "Kabado na kasi ako, ilang minuto nang hindi ka bumabalik," tugon niya.

