Magdalena
Nanginginig ang buo kong katawan sa galit habang walang tigil sa pag-iyak si Ligaya sa tabi ko.
Halatang kinakain siya ng konsensya sa pagsisinungaling at pagtatago ng totoo sa akin, samantalang ako, iisa lang ang laman ng isip.
Ayaw ko na.
Pagod na pagod na akong sumunod at umintindi. I've been a good child. Nang mamatay si Daddy, wala akong reklamo nang akuin ko ang lahat ng responsibilidad, kahit unti-unti nang walang matira para sa sarili ko.
"Lena, kumalma ka muna..." mahinang usal ni Ivy.
Tinaas ko ang tingin sa kaniya. Sa repleksyon ng salamin sa harap ng taxi, nagtama ang mga mata namin.
"Sabihin mo sa akin, Vy, paano ako kakalma?" gigil kong balik. "Ibinigay niya si Ligaya sa pamilyang iyon bilang kabayaran sa malaking utang niya. At alam ng lahat kung gaano kababoy ang lalaki sa bahay na iyon!"
Paano kung may nangyari sa kapatid ko?
"Ate Lena, sorry..." hikbi ni Ligaya. "Ayoko nang manggulo. Ayoko nang dumagdag pa sa iniisip mo..."
"Kaya mas pinili mong hindi sabihin sa akin?" putol ko.
Tumango siya.
"Ligaya, alam mong gagawin ko ang lahat para sa'yo!" pigil na pigil ang galit ko. "Paano kung may nangyari sa'yo roon? Sa tingin mo ba kakayanin ko kung pati ikaw-"
"Lena," saway ni Ivy.
Mariin kong ipinikit ang mga mata at sinabunutan ang sarili.
"Ligaya, mamaya na kayo mag-usap," sabi ni Ivy sa nakababata kong kapatid bago sinulyapan ang driver na maya't mayang nakatingin sa amin sa rearview mirror.
Inilihis ko ang tingin sa bintana at mahigpit na hinawakan ang kamay ko.
Nangingilid ang luha ko sa galit.
Hindi ko akalaing mismong si Mama ang magpapahamak sa kapatid ko.
Ginamit ko na ang lahat ng ipon ko, ang paunti-unti kong itinabi para sa pag-aaral ni Ligaya sa kolehiyo. Lahat iyon naubos para matubos siya sa pamilyang iyon.
Tahimik ang buong biyahe. Hikbi lang ni Ligaya ang maririnig sa loob ng sasakyan.
Ilang minuto pa, huminto ang taxi sa tapat ng bahay namin.
Mula sa kinatatayuan ko, kita ko ang kumpol ng mga kapitbahay sa labas.
"Anong nangyayari?" tanong ko sa binatilyong tumakbo palapit sa amin.
"Ate Lena, si Aling Geraldine. Kanina pa po nag-eeskandalo sa labas ng bahay niyo at hinahanap si Aling Wilma. Sa tingin po namin nasa loob."
Nagkatinginan kaming tatlo at agad na tumakbo papunta sa mga tao.
"Lumabas ka riyan, Wilma! Harapin mo ako, hayop ka!" sigaw ni Aling Geraldine habang hawak ang malaking bato. Walang pakundangan niya iyong ibinato sa bahay namin.
"Ako na nga ang nagmagandang-loob na pautangin ka, ganito pa ang ginawa mo? Lumabas ka!"
"Lena!" tawag ng ilang kapitbahay at kusa silang humawi.
"Aling Geraldine, ano pong problema? Anong utang po?" mahinahon kong tanong.
Napahinto siya sa pagsigaw at humarap sa akin.
"Iyang nanay mo!" galit niyang tugon. "Isang taon na ang utang niya, maski interes hindi nagbabayad!"
"Magkano po?"
"Isang daang libo. Kasama na ang interes."
Parang biglang nanghina ang mga tuhod ko.
Isang daang libo.
Saan ako kukuha ng ganoong halaga?
Ubos na ang lahat ng naipon ko. Pamasahe na lang papasok sa trabaho ang laman ng bulsa ko.
Gaano pa ba karaming utang ang iniwan ni Mama?
"Bakit? Babayaran mo ba?" taas-kilay niyang tanong.
Hindi ako nakasagot.
Napansin niya ang pananahimik ko at ngumisi siya.
Kasabay noon ang pagdating ng barangay tanod kasama ang asawa ni Aling Geraldine.
"Ilabas mo sa lungga n'yo iyang ina mo, Lena. Sa barangay tayo magtutuos," madiin niyang sabi.
"Ate..." nangingiyak na usal ni Ligaya.
Hinawakan ko ang pulsuhan niya at umiling. Ayokong madamay pa siya sa gulong ginawa ni Mama.
Bumukas ang pinto ng bahay.
Lumabas si Mama, nakapamewang.
Nilapitan siya ng barangay tanod at kinausap. Maya-maya, bumaling siya kay Aling Geraldine.
"Bakit ba atat na atat kang maningil? Hindi ba sabi ko babayaran kita pagdating ng pera ko?" inis niyang sabi. "At talagang gumawa ka pa ng eskandalo sa harap ng bahay ko?"
"Kailan darating iyang pera mong taon mo nang sinasabi?" sarkastikong tawa ni Aling Geraldine. "Pag patay na ako?"
"Ang sabihin mo, mukha ka lang pera!" sigaw ni Mama.
"Huwag ka nang magmalinis, Wilma. Ang kapal ng mukha mo." Bumaling siya sa mga tanod. "Sa barangay hall na kami mag-uusap."
Hinawakan ng isang tanod ang braso ni Mama ngunit agad niya iyong iwinaksi.
"Huwag mo nga akong hawakan!"
Napuno ng bulung-bulungan ang paligid habang isinakay siya sa barangay mobile.
"Ate, si Mama..." alalang sabi ni Ligaya.
Tinitigan ko siya.
"Pumasok ka sa bahay. Ako na ang bahala."
"Ate-"
"Magiging maayos din ang lahat," walang buhay kong sagot bago ko siya tinalikuran.
Lumapit ako kay Ivy. Nakatitig lang siya sa akin bago tumango.
Hindi ko na nilingon si Ligaya at sumakay kami sa tricycle na dumaan.
"Lena..." hinawakan ni Ivy ang nakakuyom kong kamay. "Kumalma ka. Walang magandang mangyayari kung galit ang paiiralin mo."
Hindi ko siya pinansin.
Patuloy sa panginginig ang buo kong katawan sa galit at pagod.
Una si Ligaya.
Ngayon naman ito.
Sampung minuto ang lumipas bago kami makarating sa barangay hall.
Naroon ang mag-asawa at si Mama, habang napapagitnaan ng isang opisyal.
Akmang bubuksan ko na ang pinto nang marinig ko ang usapan sa loob.
"Isang buwan," sabi ng asawa ni Aling Geraldine. "Sa loob ng isang buwan, kapag hindi pa naibalik ang pera, idemanda ka namin. Sisiguraduhin naming mabubulok ka sa kulungan."
"Nagkakalokohan ba tayo? Saan ako kukuha ng isang daang libo sa loob ng isang buwan?" sigaw ni Mama.
"Hindi na namin problema iyon."
Binuksan ko ang pinto at pumasok.
Pagkakita sa akin ni Mama, bigla siyang sumigla.
"Siya!" sigaw niya habang nakaturo sa akin.
"Siya ang magbabayad ng isang daang libo! May trabaho at may pera iyan. Anak ko iyan!"
Para akong bangkong pwede niyang hugutan anumang oras.
"Ako na ang magbabayad," madiin kong sabi habang nakakuyom ang mga kamay ko.
"Edi problem solved!" pagmamalaki ni Mama habang tumatayo. "Hindi ako pababayaan ng anak ko."
Tinapik niya pa ako.
Hindi ako sumagot.
Hindi ko kayang tumingin sa kaniya.
Galit na lang ang nararamdaman ko.
Matapos ang pirmahan, nagsiuwian na rin kami.
Nagpaalam si Ivy at umuwi sa kanila. Kami naman ni Mama ay dumiretso sa bahay.
"Siguraduhin mong babayaran mo ang utang sa babaeng iyon!" bungad agad ni Mama pagpasok sa loob.
Hindi ko siya pinansin at dumiretso sa kwarto.
Naroon si Ligaya, nakahiga sa kama at nakapikit.
Marahan kong hinawi ang buhok niya at agad kong naramdaman ang init ng balat niya.
"Ate..." ungot niya.
"Nilalagnat ka," sabi ko.
"Si Mama?" tanong niya, hindi pinapansin ang sinabi ko.
"Okay na." Mapakla akong ngumiti. "Kumain ka na at uminom ng gamot bago lumala."
Tumango siya at bumangon.
Magkasabay kaming lumabas ng kwarto.
Pagkakita ni Mama kay Ligaya, bigla siyang namutla.
"Anong ginagawa mo rito?!"
"Kinuha ko siya sa pinagbentahan mo," diretso kong sagot.
"Ate..." saway ni Ligaya.
"Ma, tatanungin kita." Nanlilisik ang mga mata ko. "Bakit mo nagawa iyon? Paano mo nagawang ipambayad-utang ang sarili mong anak?"
"Hindi ko ibinenta ang kapatid mo!" tanggi niya. "Pinagtrabaho ko lang siya roon kapalit ng utang! At ano bang masama roon? Dapat nga matuwa ka. Baka makabingwit pa ng mayaman iyang si Ligaya."
"Ma!" sigaw ko.
"At isa pa iyang si Geraldine, atat na atat! Kung hindi lang sana ako natalo sa sugal noong isang araw, nabayaran ko na ang interes niya. Akala mo naman napakalaking halaga."
Iyon na naman.
Iyon ang ugat ng lahat.
Ang bisyong hindi niya maiwan mula nang mawala si Daddy.
Baon na kami sa utang, pero tuloy pa rin siya sa pangungutang para sa sugal.
"Huli na ito, Ma," malamig kong sabi. "Sa susunod na mapasok ka ulit sa ganitong gulo, hindi na kita sasaluhin."
Pagod na ako.
Pagod na pagod na ako.