KULOT POV
"Jusko Kulot, Primo", maluha luhang nagagalak na bati sa amin ni Aling Bing nang dumaan muna kami sa kanyang tindahan bago kami dumiretso sa bahay nang magpasya kaming magpahinga ng isang linggo ni Kuya Prime dito sa probinsya. Kahit kase madalas naming dalawin ang puntod ni Clifford dito ay di na kami pumupunta sa aming lumang bahay.
"Kumusta na kayong dalawa? kumain na ba kayo?"
Saksi si Aling Bing sa lahat ng aming pagkabata mula nang mag binata na kaming tatlo. Saksi sya sa kung gaano kami halos hindi mapag hiwalay na kahit nagluluto kami at may bibilhin sa kanyang tindahan ay sama sama pa rin kaming tatlo. Saksi sya nang makilala ni Clifford si Cindy. Saksi sya sa bawat bangayan ng dalawa. Isa sa sya sa mga halos hindi na makatulog nang mawala si bunso. Matagal nya ding natanggap ang pagkamatay ng aming pinakamamahal na kapatid na si Clifford. Si Aling Bing na aming ng naging tila nanay.
Nag mano lamang kami ni Kuya Prime na binansagan nyang "Primo" saka na kami nagpaalam dahil nagsimula na ring umambon.
Tahimik at payapa sa loob ng bahay ngunit nakabawas sa mabigat na damdamin ang malinis at maayos na mga naiwang gamit dito dahil na rin sa pagmamalasakit ng iba naming pinsan na mag linis dito kapag may oras sila. Ramdam kong kagaya ko ay nagpipigil din si Kuya Prime ng kanyang luha dahil alam nyang oras na lumabas ang mga iyon ay mapapa iyak na din ako.
Makulimlim sa labas ngunit hindi pa rin lumalakas ang ambon na binabasa na ang lupa na nagdudulot ng nostalhik na pakiramdam mula sa kakaibang amoy nito; amoy ng masayang kabataan, matibay na samahan at malungkot na karanasan kung saan sa lahat ng mga bagay na yun ay naroon ang ala ala ni bunso.
"Kape tayo kuya?", alok ko sa kanya.
Naroon pa rin ang tatlong pare parehong tasa na palagi naming ginagamit na ang tanging palatandaan lang namin kung alin doon ang sa amin ay ang mga maliliit na mga basag nito sa mga bibig ng mga yun dahil sa palaging pagmamadali ni Clifford na hugasan ang mga tasa pagkatapos naming magkape.
Tinimplahan ko na rin ng kape si bunso para ilagay sa altar kung nasaan ang naka ngiti nitong larawan. Hindi kumukupas, hindi nagbabago, nakangiti lang syang nakatanaw sa amin, hindi nya alam kung gaano kami patuloy pa ring nagluluksa sa kanyang pagkawala. Lahat ng larawan namin sa dingding ay pare pareho kaming nagsasaya, nagagalak, tumatawa ngunit ngayon ay sya na lang ang naiwang may ngiti sa labi, sa larawan nyang nakasabit doon.
Kahit malakas ang kalansing ng kutsara sa tasa habang hinahalo ko ang kape ay rinig ko ang pigil na hikbi ni kuya Prime sa kwarto, at kahit pigilin ko ring mapa iyak ay wala akong nagawa kundi pumasok na rin para yakapin si kuya at iabot ang mainit nyang kape.
Naka patong sa kanyang mga tuhod ang kanyang mga kamay habang tumatangis na yapos yapos ang damit ng aming bunso. Hindi na nya naitago ang kanyang palihim na paghagulgol at isinigaw na ang sakit na namamahay sa kanyang puso.
"Cliffordddddd!!!! ahhhhhh!!!! Bunsooooooo!!!!!!"
Hindi ko na din kinaya ang emosyon ko nang makita kong tuluyan nang bumigay sa kalungkutan ang pilit nagpapakatatag na si Kuya Prime. Hindi muna ako tumuloy sa loob at napasandal na lang ako sa dingding malapit sa pinto, unti unting dumausdos ang aking katawan paupo sa sahig, para akong kandilang nauupos dahil sa mainit kong luha na tila dugong naging malabnaw na galing sa sugatan kong puso.
....
Lumalakas na ang buhos ng ulan na sumasabay sa buhos ng aming mga luha, kasing lakas ng kulog ang aming mga panaghoy. Pumapasok sa loob mula sa bukas na pintuan at bintana ang mga tubig ulan na nahihipan ng hangin na masyadong magaan para bumagsak sa lupang nagiging putik na.
Kinakabahan akong napabalikwas ng tayo nang mapansing kong biglang tumahimik si kuya Prime sa loob.
"Kuya?!!!".
Namumula ang mga mata nitong lumingon sa akin at muling napapa iyak habang tinutupi nito ang mga naiwang damit ni Clifford. Kinuha ko din ang isa sa mga iyon at itinakip sa aking muka habang umaasang maamoy ko doon ang kanyang pawis na kaybango sa aking pang amoy sa tuwing matatapos kaming maglaro ng basketball, pero wala, tanging mga amoy ng alcampor sa aparador ang naiwan doon, ngunit gayunpaman ay hindi ko ito binitawan. Ibinuhos ko doon ang masidhing lungkot dahil sa katotohanang hindi ko na sya muling maaamoy at mahahagkan kailanman.
" Bunsoooooo!!!!!!"......
"Kunin mo na din ako bunsooooo!!!!!"
Hinawakan ni Kuya Prime ang aking magkabilang tenga at idinampi ang kanyang noo sa aking noo.
"Anong sinasabi mo kulot!!!", bulyaw nito sa mismong muka ko. "Iiwan mo din ako ? hah!!! iiwan mo din ang kuya mo !!!!".
Umiiling lamang ako ako habang paos na isinisigaw ang aking pag atungal.
"Bunss----ssooooo---ooohhh!!!!!"
Hinalikan nya ako sa aking noo na palagi nyang ginagawa sa amin ni Clifford kahit noong mga high school na kami na itinigil na nyang gawin sa akin nang mawala si bunso.
Sabay kaming napatingin sa bintana ni Kuya Prime nang maamoy namin ang mabangong halimuyak ng bulaklak ng rosal mula sa likod bahay, sa likod ay may malaking puno ng akasya kung saan kami madalas tumambay sa hapon. At kapag ganitong tag ulan naman ay matiyagang ginugupit ni Kuya Prime ang mga bulaklak ng mga ligaw na nagkalat na mga birds of paradise doon; iyon ang hilig nya--- ang mag ayos ng mga bulaklak. Itinutusok nya ito sa styro foam kung walang floral foam kasama ng mga bulaklak ng rosal, xanthan at ipapagitna ang lilang bulaklak ng agaphantus. Lalagyan nya ang likod nito ng malapad na dahon ng anahaw para magmuka itong malapad at mga dahon ng san francisco para yumabong tignan.
Bilib na bilib dito si Clifford at hindi namin akalain na habang buhay na namin syang aalayan ng ganitong klaseng floral arrangement sa kanyang puntod.
....
Gaya nang inaasahan ko ay binangon na ako ni Kuya Prime para samahan sya doon para manguha ng mga matutulis na bulaklak ng birds of paradise.
Lumusong na kami sa malakas na buhos ng ulan, naka boxer lang kami at walang suot na damit, masarap sa balat ang tubig na dumadaan muna sa mga dahon ng acacia bago tuluyang tumama sa aming mga hubad na katawan.
"Ahhhhhh!!!!!!!!!!!"....
Sigaw ko na nagpatahimik pa sa mga huni ng mga cicada sa paligid.
Nakapikit akong nakatingala at hinahayaan ang mga patak ng tubig na humalik sa aking katawan.
Nagulat ako nang biglang tapikin ni Kuya Prime ang aking dibdib at nag amba ito ng kamao. Hindi na ako naka ganti ng patidin nito ang aking mga paa at napa higa na ako sa putikan at hanggang bukong bukong na baha.
Doon nga sa ilalim ng tanyag na puno ng acacia na sinasabing pinamamahayan ng kapre ay nagpambuno kami para muling isadula ang ala ala ng aming kabataan kahit pa dalawa na lang kami at wala na si Clifford. Kami lang dalawa, sa unang pagkakataon makalipas ang ilang taon ay muli kaming humalakhak ng tunay, siguro ay tinangay pansamantala ng kagustuhan naming magpatuloy sa buhay at tanggapin na wala na ang aming bunsong si Clifford ang aming pagluluksa. Marahil ay kung makikita kami ni Clifford ay matutuwa ito, ngunit wala na sya, walang sino man ang nasa paligid para maramdaman ang aming galak dahil sa aming muling paglalaro na parang batang bersyon ng aming mga sarili. Noong nabubuhay pa si bunso. Tanging ang punong acacia lamang na ito ang saksi, at naway matandaan ng kanyang bawat sanga ang aming mga unti unting nanunumbalik na tawa.
......
Pagkatapos nga naming maglaro doon ay dumiretso na muna kami sa tindahan ni Aling Bing.
"Ohh nakita ba kayo ni Cindy? galing sya dito kaninang umaga ah".........