"Hindi ko alam kung maniniwala pa ako sayo sa pagkakataong ito. Puro na lang kasinungalingan ang lahat ng pinapakita mo, hindi ko alam kung ano ang totoo. Baka nga pati ang nararamdaman mo ay hindi pa sigurado."
Matapos kong bitawan ang mga linyang kanina pa tumatakbo sa aking isipan, agad na akong tumalikod.
Kasabay nang pagtalikod ko ay ang kagustuhang limutin ang nakaraan kasama siya na dahilan nang sakit na aking nadarama.
Masakit man sa akin, kailangan ko itong gawin. Dahil kapag nanatili pa ang pagintindi at ang pagkukunwaring walang alam, ay mas lalong masasanay siyang magsinungaling at gumawa nang iba't ibang kwento para lamang punan at pagtakpan ang mga kamaliang siya na mismo ang gumawa.
Sinasadya man o hindi, nagkamali pa rin siya.
At ang pagkakamaling iyon ang naging dahilan nang pagkakalayo ng loob ko sa kaniya, at ang dahilan kung bakit kami nagkakasakitan.
Hindi ko man batid kung nasasaktan nga ba talaga siya, pero umaasa ako na sana ay tama nga ako.
Napakaraming natatagong sikreto pa ang nais kong maibulgar, malaman at bigyang pansin.
Subalit patuloy nila itong tinatago sa akin. Maging ang siyang pinaka pinagkakatiwalaan ko ay hindi nais magbigay ng impormasyon dahil ani niya;
"Ayo'kong masaktan ka".