THIRD PERSON POV
Nakabibingi ang kulog mula sa labas ng mansyon ng mga Montalvez habang marahang inaakyat ni Theresa ang grand staircase ng malaking kabahayan. Ang kanyang kaliwang kamay ay bahagyang nanginginig habang nakakapit sa stairway railing.
Sumasabay sa dagundong ng masamang panahon ang malakas na pagkabog ng kanyang dibdib habang binabagtas ang mga baitang ng mahabang hagdan.
Muntikan pa siyang mapasigaw nang umaninag mula sa malaking bintanang natatakpan ng puting kurtina ang hagupit ng kidlat na sumasabay sa malakas na pagbuhos ng ulan.
Nanlalaki ang mga matang napatitig si Theresa sa mahabang puting tela habang nakalapat sa kanyang kaliwang dibdib ang kanang palad. Damang-dama niya ang malakas na pagpintig ng kanyang puso.
Ipinagpatuloy niya ang pag-akyat sa mahabang stairway patungo sa ikalawang palapag ng mansyon. Hanggang sa mga sandaling iyon ay hindi pa rin siya nasasanay sa napakataas na hagdang ipinagawa ng kanyang ama.
Nang maitapak niya ang takong ng kanyang suot na high heels sa second floor ng bahay ay parang bibigay ang kanyang mga tuhod sa sobrang nerbiyos na kanyang nararamdaman.
Hindi niya alam kung tama ang iniisip niyang gawin ngunit may isang katotohanan siyang nais na malaman.
Parang hinahabol niya ang kanyang paghinga habang inililibot ang paningin sa buong paligid ng ikalawang palapag ng Montalvez mansion. Napakaraming silid ang ipinadagdag ng kanyang ama sa kabahayang iyon.
Mula nang dumating siya galing abroad ay parang wala pa sa kalahati ang napuntahan niyang mga kwarto.
Walang ideya si Theresa kung bakit napakaraming additional rooms ang ipinatayo ng kanyang ama sa loob ng mahabang panahong nanirahan siya sa ibang bansa.
Maya-maya ay nagsimula na siyang maglakad para tunguhin ang kanyang totoong pakay sa malapalasyong bahay na iyon.
Isa-isang binasa ni Theresa ang naka-engrave na mga salita sa bawat metal plate na kanyang nadadaanan. Iyon ang mga pangalan ng bawat kwartong kanyang makikita sa palapag na iyon ng mansyon.
Hindi niya maintindihan kung ano ang purpose ng ibang rooms na naroon gayong ang karamihan sa mga iyon ay may kaparehong pangalan sa ibang silid. Nagkakaiba lamang sa numero.
Theresa: Family Room 1. Sports Central. Gym Equipment Room. Art Studio. Family Room 2. Huh? Family Room again?
Hindi maarok ng isipan ni Theresa kung bakit ang ibang silid ay pareho lang naman ng function ngunit kailangan pang paghiwa-hiwalayin ng kanyang ama.
Ilang mga kwarto pa ang kanyang nadaanan na animo ay naliligaw na siya kung hindi lamang niya nababasa ang mga numerong nakalagay sa ibang metal plate.
Maya-maya pa ay natagpuan na niya ang silid na kanyang sadya sa mansyon kung saan siya lumaki at nagkaisip.
Ang home library ng kanyang ama.
Humugot muna ng isang malalim na paghinga si Theresa para pakalmahin ang panginginig ng kanyang katawan bago dahan-dahang inabot ang seradura ng pintong nasa kanyang harapan.
Mabagal niyang pinihit pabukas ang pinto hanggang sa iyon ay tuluyang bumukas. Nagpapasalamat siyang hindi naka-lock ang kwartong iyon.
Lumingon muna siya sa paligid bago pumasok sa loob ng home library nang hindi lumilikha ng anumang ingay.
Nang maisara niya ang pintuan ng silid ay halos manlaki ang kanyang mga mata sa nakikita niyang lawak ng silid. Parang maaari nang manirahan ang isang buong pamilya sa laki ng home library na iyon.
Napakarami ring matataas na book shelves ang pumupuno sa loob ng kwartong iyon. Nagmistulang isang maze ang lugar dahil sa intricate na istilo nang pagkakapwesto ng mga shelf.
Kung isang first-timer ang papasok sa loob ng silid ay posibleng maligaw ito sa dami ng makikitang lalagyan ng mga aklat sa loob ng malawak na kwartong iyon na sigurado si Theresa ay pinalaki rin ng kanyang ama.
Hindi ganoon ang hitsura ng lugar nang huli niya iyong makita bago maghiwalay ang kanyang mga magulang.
Kaya naman sa pagkakataong iyon ay pakiramdam niya ay iyon pa lamang ang unang beses na nakapasok siya sa loob ng kwartong iyon.
Nais sana niyang libutin ang kabuuan ng malawak na home library ngunit mayroon siyang mas mahalagang kailangang gawin sa lugar na iyon.
Luminga-linga siya sa paligid para tingnan kung saan siya maaaring mag-umpisa sa kanyang paghahanap.
Kaagad niyang tinungo ang nakitang malapad na desk at nagsimulang binuksan ang mga drawer na makikita sa likurang bahagi ng mesa. Umaasa siyang makikita mula roon ang kanyang hinahanap.
Bumungad sa kanya ang ilang mga libro at iba’t ibang klase ng panulat habang isa-isa niyang tinitingnan ang laman ng bawat drawer. May nakita siyang ilang lukot na papel at mga postcard sa loob niyon ngunit nang suriin niyang mabuti ang mga iyon ay normal lang naman para sa kanya ang lahat.
Halos madismaya si Theresa nang walang makitang kakaiba sa loob ng bawat drawer. Ngunit hindi iyon naging dahilan para mawalan siya ng pag-asa.
Sinuyod din niya ang ibabaw ng mesa. Nang walang makita roon maliban sa ilang makapal na aklat, kalendaryo, telepono, at larawan ng alagang aso ng kanyang ama ay akma na sana siyang pipihit patalikod sa mesa nang biglang isang bisig ang pumalibot sa kanyang balingkinitang baywang.
Kasabay niyon ay ang pagtakip ng kaliwang palad sa kanyang bibig.
Kaagad na nanlaki ang kanyang mga mata at binalot ng matinding kaba ang puso ni Theresa lalo na nang maramdaman ang bibig ng misteryosong tao sa likod ng kanyang kanang tainga.
Sunud-sunod ang mabilis na pagpintig ng kanyang puso habang naririnig ang mga salitang ibinubulong sa kanya ng mapangahas na bulto sa kanyang likuran.
“Ito ba ang gusto mo, Theresa? Ang malaman ang totoong nangyari sa ama mo?”