Naglalakad na ako papasok sa eskwelahan ko. Alas dos ang simula nang aking klase ngunit pasado ala-una pa lamang ay pumasok na ako. Dumiretso ako sa library para mag-aral at mag-isip kung saan ako pwedeng mag-apply ng trabaho.
Nagsimula akong magbasa ng aking libro nang biglang lumapit sa akin si Daniel, kaklase ko sa isang subject ko.
“Hi! Pwede ba akong maki-upo rito?” hinging pahintulot niya.
Ngumiti ako sa kaniya bago tumango. “Sige. Hindi naman sa akin ang library para ipagdamot ko ang pag-upo mo rito.”
Nginitian niya ako. Aminadong gwapo siya kapag ngumingiti dahil lalo lamang sumisingkit ang kaniyang mata. Marami rin mga babae ang nagkakandarapa sa kaniya dito sa university kaya nagtataka ako kung bakit ako nilalapitan niya.
“Kaklase kita sa isang subject hindi ba?” kapagkuwan ay tanong nito.
Tumango-tango lang ako at ibinalik sa libro ang aking mata. Tiyak na magdadaldal siya rito kaya minabuti ko na lamang na ibaling sa libro ang atensyon ko. Mukhang nakuha naman niya ang ibig kong sabihin na huwag akong istorbohin dahil tumahimik naman ito.
Tumingin ako sa aking relo at kinse minutos na lamang ang natitira at malapit na ang klase ko. Akmang tatayo na sana ako nang higitin niya ang aking palapulsuhan kaya’t nangunot ang aking noo.
“Maaari mo bang bitawan ang palapulsuhan ko? May klase pa kasi ako at kailangan ko nang umalis.” nagtitimping saad ko.
He just smirk. “You can skip your class,” saad niya.
Ngumiwi lamang ako sa kaniya at pilit binabawi ang aking palapulsuhan. “Pasensya ka na pero may klase ako. Hindi kasi ako nag-aaral para lumiban lamang ng walang dahilan sa aking klase.” sagot ko dito.
Binitawan naman niya ang aking kamay. “Stupid nerd,” asik niya.
Tila nagpanting ang aking tenga sa kaniyang sinabi. Oo nerd ako, pero wala silang alam tungkol sa sarili ko. Wala siyang karapatang sabihin na istupido ako. Gwapo nga, arogante naman at masama ang ugali.
Ngumisi ako sa kaniya. Iyong tipong nakakainis na ngisi. “Alam mo, mayaman ka nga at may ibubuga ang mukha mo pero wala ka namang respeto. Tinanggihan ka lang masasabi mo na ang salitang iyan.”
Tinaasan naman niya ako ng kilay. “So? It’s true, alright.” giit niya.
Nagtitimpi lang ako sa lalaking ito. Akala mo ang bait bait pero nasa loob pala ang kulo. “Nerd nga ako at istupido, wala kang karapatan para apihin ako.” malamig kong sabi at naglakad palabas sa library.
Bakit ba hindi pantay ang tingin ng mga tao sa akin dito sa university? Palibhasa kasi ang mga mayayaman matapobre. Nakakabanas!
Limang minuto akong late sa klase ko kaya napagalitan ako nang terror na teacher namin. Ang malas ko naman ngayong araw na ito. Kahapon nawalan ako ng trabaho, ngayon naman late ako sa klase. Anong kamalasan ba ang binigay niyo sa akin para parusahan ako nang ganito?
“Tatayo ka na lamang ba diyan, Salvatore?”
Napabalik ako sa aking ulirat. “P-Pasensya na po, Ma’am.” paumanhin ko.
Naupo na ako sa dati kong pwesto which is sa likod dahil ayaw kong pumwesto sa harap. Nagturo lamang ang teacher namin at nakinig na lamang ako mabuti na lamang at sabado bukas kaya’t hahanap ako ng trabahong mapapasukan ko. May ipon pa naman ako kaya’t kakasya pa iyon sa isang linggong gagastusin ko.
Pasado alas singko nang matapos ang huling klase ko. Nagpunta muna akong library para ihatid ang librong iniutos sa akin ni Mrs. Reyes.
“Oh? Nandito ka pa pala, Kassel.” bati ng aming librarian.
Nginitian ko ang ginang. “Opo. May isinauli lang po akong libro.” sagot ko.
“O siya sige at magsasarado na ako. Umuwi ka na hija at mag-iingat ka.” paalala sa akin ng ginang.
Tumango-tango lang ako at umalis na roon. Walang kahirap-hirap na nakalabas ako sa university na pinapasukan ko. Pasado alas singko y medya na ngunit medyo magdidilim na rin.
Huminga ako nang malalim bago umupo sa waiting shed. Wala na akong halos makitang estudyante na palabas ng gate. Naghihintay ako ng masasakyan ngunit wala pa ring dumadaan.
Lumipas ang ilang oras ay wala pa rin kaya’t nagpasya na akong lisanin na lamang ang naturang waiting shed. Bagot na bagot akong naglalakad para makasakay na rin.
“Pesteng buhay! Wala ba talagang sasakyan?” sambit ko sa aking sarili.
Ang buong akala ko naman ay may masasakyan akong pauwi dahil Friday ngayon. Bakit tila nagbago ang ihip ng hangin? Ah, siguro dahil alam ng mga nagpapasada na puro mayayaman ang nag-aaral sa University at may kaniya-kaniya silang masasakyan?
Kanina pa ako naglalakad at alas syete na at mabuti na lamang may sasakyan na rin dumating. Pinara ko na ang jeep at sumakay. Medyo siksikan dahil rush hour rin ngayon.
Ilang minuto ang lumipas ay nakauwi na rin ako. Hindi na ako nagluto ng kakainin ko dahil sumalampak na agad ako sa kama ko. Ipinikit ko ang aking mata at hindi ko na namalayan ang pagtulog ko.