Makalipas ang dalawang linggo, maayos na ang lahat sa Bagiuo. Sakay na si Vincent ng bus pabalik ng Manila. Parang nilagyan ng sili ang puwet nito sa upuan. Hind mapakali. Kung pwede lang siyang lumipad papuntang Cubao. Buo na sa isip niya ang sasabihin kay Kristina. Ilang araw din niyang pinapraktis ito. Buo na rin ang kanyang plano para sa kanilang dalawa: lalo niyang pagbubutihin ang pagaaral at pagkatapos, maghahanap siya ng maayos na trabaho. Mag Saudi kung kailangan. Hindi na magsasayaw sa club si Ate. Mahal na mahal niya si Ate Kristina. Pakakasalan niya ito.
Hapon na ng dumating sa bahay si Vincent. Pagpasok, agad siyang sumilip sa kwarto ni Kristina. Bahagyang nakabukas ang pintuan nito. Bukas ang ilaw. Hinagis ang dalang backpack sa mesa at excited na pumasok sa kwarto.
Nakatalikod sa kanya ang babae. Nakaupo sa kama at nagaayos ng mga gamit.
"Ate Kristina!"
Lumingon ang babae.
Napaatras si Vincent.
"Ikaw siguro si Vincent? Tanong ng babae
"Ako nga ho. Sorry ho, akala ko kasi kayo si Ate"
Malungkot ang ngiti ng babae.
"Ako si Isabel, kapatid ko si ate Kristina. Halika pasok ka"
Patuloy ito sa pagliligpit ng mga gamit sa ibabaw ng kama.
"Nagpapasalamat ako at nakilala kita. Alam mo, madalas kang maikwento sa akin ni Ate. Masaya siya pag pinaguusapan ka namin. Bihira ko siyang makita na ganung kasaya."
"Saan ho si Ate Kristina?
Hindi sumagot si Isabel. Nangilid ang mga luha. Garalgal ang tinig ng magsalita.
"Alam mo bang tatlong beses na nagtangkang magpakamatay si Ate?"
"Ho!!? Bumalik sa isip ni Vincent ang eksena sa banyo: si Kristina hawak ang patalim at tangkang hiwain ang pulso.
"Nagsimula lahat yun duon sa aming probinsiya...sa aming kubo sa gitna ng bukid, sa La Union." Patuloy ni Isabel.
"Trese anyos si Ate ng umpisahang halayin ng hayup naming ama. Ang demonyo, Birthday pa ni Ate nuong ginawa niya yun. Tinututukan niya ng patalim si Ate. Apat na taong paulit ulit na nangyari ang pangaabusong yun. Ang masakit, walang magawa ang aming ina. Takot, dahil si tatay lang ang bumubuhay sa amin at inaalala din niya kaming dalawang magkapatid. Inilihim naman lahat ni Ate dahil sa banta na papatayin kaming lahat. Mula nuon, napansin ko ang malaking pagbabago kay Ate. Naging malungkutin ang dating masaya at masigla kong kapatid. Nawalan din ng gana sa pagaaral. Pero, ng minsang ako naman ang tinangkang halayin ni tatay, duon na pumalag at nagwala si Ate. Pinakulong niya ang aming ama. Buntis na si Ate nuon. Si tatay ang ama. Disiotso anyos si Ate ng magsilang. Malaking iskandalo yun sa aming lugar".
"Hindi na nakita pa ni Ate ang anak niya. Ang alam lang niya ay lalaki ito. Saglit niyang kasi itong nakita bago siya nawalan ng malay. Pinaampon agad ito ng mga kamaganak dahil sa malaking kahihiyan .
"Nuon unang nagtangkang magpakamatay si Ate."
Sumama ako kay Ate sa paglalayas. Hindi na kami muling nagpakita sa amin."
Sandaling naputol ang kwento ni Isabel. Tumayo ito para kunin ang natitirang gamit ni Kristina sa cabinet. Inilatag din ang mga ito sa kama.
Nakatingin si Vincent habang inaayos ni Isabel ang mga puting panty at iba pang personal na gamit ni Kristina.
Nabasa siguro ni Isabel ang pagtataka sa mga mata ni Vincent.
"Minsan naitanong ko kay ate kung bakit lahat ang kanyang mga panty ay puti. Ang sabi ni Ate ang pakiramdam daw niya ay napakarumi niya mula ng gahasain siya. Mula ng nakawin ang kanyang kamusmusan. Siguro daw, gusto lang niyang maging malinis na parang birhen kahit man lang sa kanyang panloob."
Matagal bago nagpatuloy ng kwento si Isabel.
"Sa Maynila, ibat ibang klaseng trabaho ang pinasok namin. Dahil wala naman kaming mataas na pinagaralan, pumasok kaming katulong, yaya, tindera. Hanggang makumbinsi kami ng dating kapitbahay na dancer sa club. Gabi gabi, hubot hubad kaming nagsasayaw. Pikit matang niyakap namin ang ganitong trabaho. Madali naman ang pera at magaan ang trabaho dito. Maraming club na din ang napasukan namin."
"Madalas, kinukulet ako ni ni Ate na tumigil sa club at magaral. Siya na lang daw ang magtatrabaho. Pero ayoko. Sabe ko siya na lang at siya naman ang matalino sa amin. Salutatorian si Ate nung grade six. Ako, mahina ang ulo ko at tamad, saka nakasanayan ko ng magsayaw, madali pa kumita."
"Nang mag asawa ako nagkahiwalay na kami ni Ate. Dito siya sa Cubao, sa Pasay naman ako".
"Mga ilang lalaki din ang kinasama niya pero walang nagtagal sa mga relasyon niya. Parang parusa ang mga lalaki sa buhay niya. Nag drugs din yan. HIndi na rin nawala ang kanyang depresyon. Pag sinusumpong yan, iyak lang ng iyak maghapon. Minsan naman, maghapong tulog. May mga araw na nakatingin lang sa malayo, ayaw magsalita. Nakakaawa talaga ang naging buhay ni Ate. Minsan nga, naiisip ko, sana ako na lang ang inabuso ni Tatay."
Maingat na inayos ni Isabel ang mga huling gamit ni Kristina sa dalang maleta.
"Alam mo, nung makilala ka niya, medyo bumuti ang kalagayan niya." Patuloy ni Isabel.
"Sabi nga niya sa akin, sa iyo niya nakita ang malasakit na pinagkait ng mga lalake sa buhay niya". Mahal ka ni Ate ko. Hindi ko nga akalain na ganyan ka pala kabata. Ilang taon ka na ba?
"Eighteen na ho"
"Sakto trenta na si Ate nung huling Birthday niya."
Tuluyan ng napaiyak si Isabel. Habang sinasara ang maleta.
"Ako na magdadala niyan hanggang sakayan."
"Huwag na Vincent. Sige aalis na ako. Natutuwa ako at nakilala kita. Isa kang magandang bahagi sa buhay ni Ate."
Mahigpit na niyakap nito si Vincent. "Maraming maraming salamat sa iyo!"
Hindi alam ni Vincent kung ano ang isasagot.
"Siyanga pala, para sa iyo ito. Nakuha sa bag ni Ate."
Wala sa loob na inabot ni Vincent ang kapirasong papel.
"Hindi ninyo pa sinasagot ang tanong ko. Anong ang nangyari kay Ate Kristina, nasaan na siya?"
Matagal na nakatingin si Isabel kay Vincent bago nagsalita. Halos pabulong.
"Wala na siya. Wala na si Ate. Nagpakamatay siya nung Birthday niya...nuong araw ng Biyernes. Nagbigti siya sa loob ng CR sa club."
Nakaalis na si Isabel pero parang pinako sa pagkakatayo si Vincent sa loob ng kwarto ni Kristina. Tulala. Hindi maproseso ng pagiisip at damdamin ang mga narinig. Ang mga pangyayari. Kanina lang, ang saya saya niya. Hindi namalayang napaupo sa kama. Matagal bago napansin ang hawak na papel.
Bunso,
Salamat na lang sa lahat, Ikaw lang ang kahit paano ay nagbigay ng kulay sa aking buhay, ang nagpahalaga sa akin bilang tao...bilang babae. Sana, naging ikaw na lang ang lahat ng lalaki na nagdaan sa buhay ko.
Pakisama na lang ako sa iyong mga panalangin. Naging mahina ako, pero ikaw Bunso, ayusin mo ang buhay mo, ha.......mahal na mahal ka ni Ate.
--------------------------
"Aalis na po ako Aling Amanda, maraming na lang pong salamat." Inabot ni Vincent ang dalawang susi sa matanda.
"Eh papano yan Vincent may isang buwan ka pang deposito dito. Bakit ka ba nagmamadaling umalis?"
"Okey na po yun Aling Amanda. Nag resign na rin po kasi ako sa trabaho."
Sa bus pauwing Baguio, tahimik na nakatanaw si Vincent sa bintana, maganda ang tanawin, pero walang siyang nakikita kung hindi ang mga eksena ng mga maikling sandali nila ni Kristina....higit ang gabi na hindi niya malilimutan habang siya ay nabubuhay. At sa unang pagkakataon, pinakawalan ang masaganang luha na kay tagal tinimpi.
epilogue
las pinas city- present time
Malalim ang buntong hininga ni Vincent...may halong pait ang matamis na ngiti. "Salamat din Ate" parang dasal ang bulong ni Vincent. Maingat na ibinalik ang papel sa kahon saka itinago ito sa itaas ng cabinet.
"Daddy, andyan ka pala, kanina ka pa tinatawag ni Mommy. Kakain na daw"
Bumungad sa pinto ang mukha ng isang pitong taon na batang babae. Malaki ang pagkakahawig kay Vincent. Kay ganda nito.
Nakangiti si Vincent.
"Sige, Kristina, anak, sabihin mo kay mommy na susunod na ako."
wakas