Aurora

3327 Words
Aurora By: iM_jho19 From the song: Snowman by Sia Sa isang malayong lugar sa norte, may isang kaharian na nakatayo sa pinakatuktok ng bundok. Ang kanilang lugar ay pinapalibutan ng nyebe at panghuhuli ng mga hayop ang pangunahing pinagkukuhanan nila ng kabuhayan. Mayroon din silang mga nakukuhang mga mamahaling bato at ito ang pinapamalit nila sa karatig bayan ng mga gulay at iba pang pagkain.  Masaya at payapa silang namumuhay sa pamumuno ni Haring Frost. Kakaunti lang ang populasyon nila at sama-sama silang lahat sa lahat ng gawain at nagkakaintindihan.  Si Haring Frost ay kay anak na babae, si Aurora. Siya ay maganda at hinahangaan ng lahat ng lalaki na kahit ang sa kabilang ibayo. Maraming gustong mag-alok ng kasal sa dalaga ngunit hindi payag ang ama sapagkat si Aurora ay bata para sa kaniya. Si Aurora ay nasa labing-walong taong gulang pa lamang at marami pang kailangang pag-aralan bago ang pag-aasawa.  Si Aurora ay sumasang-ayon sa kaniyang ama. Isa pa, gusto ni Aurora makatulong sa kaniyang mga kababayan sa pamamagitan ng panggagamot sa mga ito. Pumupunta siya palagi sa ibaba ng palasyo kung nasaan ang may malawak na kagubatan para manguha ng halamang gamot. Tiwala naman ang lahat na ligtas siya dahil sinanay rin siya ng kaniyang ama para maprotektahan niya ang kaniyang sarili sa ano mang panganib.  Isang araw, nakakita si Aurora ng isang halaman, may bulaklak ito ay malago ang maliliit na dahon. Ngunit napakataas nito at madulas ang pag-akyat. Nakadikit ito sa bato sa gilid ng talon kaya napakahirap makuha. Ngunit gusto talaga itong makuha ni Aurora kaya nagpumilit siyang umakyat.  "Kunti na lang." Nakangiti niyang sabi at pilit inaabot ang bulaklak. Napangiti siya dahil maaabot niya na ito. Ngunit sa hindi sinasadyang pangyayari, nadulas ang kaniyang kanang binti. "Hindi!" Sigaw niya ang bumulabog sa buong kagubatan.  Sa kaniyang pagkalaglag, tumama ang kaniyang ulo sa bato kaya siya ay nawalan ng malay. Ngunit bago pa siya tuloyang malaglag sa batuhan, may isang aninong biglang lumabas mula kung saan ang sumalo sa kaniya. Walang malay na si Aurora at dumudugo ang kaniyang ulo.  Mabilis na dinala ng anino ang walang malay na babae sa kaniyang tirahan, isang kuweba na sobrang madilim. Parte pa rin ito ng kagubatan pero may mga nyebe na rito ngunit maligamgam ang temperatura sa loob ng kuweba.  Nilapag siya ng anino sa isang higaan na gawa sa mga tuyong dayami kaya malambot at komportable si Aurora. Gumawa rin ang anino bg suga para magkailaw sa loob. Kumuha agad ang anino ng pamunas at gamot saka niya ginamot ang babae. Pagkatapos noon ay naglagay rin siya ng tubig sa tabi nito bago siya naupo sa madilim na sulok ng kuweba kung saan ay hindi siya makikita ng babae. Ilang sandali nga ay nagising si Aurora at napahawak siya sa kaniyang ulo dahil sumasakit ito. Doon niya lang nakitang may benda ang kaniyang ulo at may halamang gamot doon. “Nasaan ako?” Nagtataka niyang tanong at nilibot niya ang kaniyang paningin. Bago itong lugar sa kaniyang paningin kaya siya’y naguguluhan.  “Nandito ka sa aking tirahan, Binibini.” Isang boses na malalim ang biglang nagsalita na kinagulat pa ni Aurora. Nakaramdam ng takot ang dalaga dahil baka masama ito at kung ano ang gawin sa kaniya. Ngunit mukhang nakuha nito ang kaniyang kinakabahala. "Kung ayos ka na, maari ka ng umalis at umuwi sa inyo." Sabi nitong muli.  Nakaramdam ng ginhawa ang babae dahil hindi ito katulad ng inaakala niya. Nakaramdam din siya ng seguridad dahil nasa tabi niya lang ito, sa hindi malamang dahilan. Alam niyang mabait ito dahil kung hindi, siguradong nilapa na siya ng mabangis na hayop o hindi kaya ay patay na siya ngayon. “Maraming salamat sa pagligtas sa akin. Okay naman na ako. Kailangan ko na rin umuwi baka kasi hinahanap na ako ng aking ama.” Sabi ni Aurora na tumayo na sa kaniyang kinahihigaan. Hindi umimik ang estranghero kahit noong papaalis na ang dalaga. Bumaling muli si Aurora sa madilim na parte ng kuweba at nagsalita. “Ginoo, bago ako umalis, puwede ko bang makita ang mukha ng aking tagapagligtas upan masabi ko kay ama na bigyan ka ng gantimpala?” Nakangiting sabi ni Aurora. “Hindi na kailangan. Umalis ka na lang dito at huwag ng bumalik. Mapanganib ang gubat para sa kagaya mo.” Sabi lang nito.  Nalungkot si Aurora dahil gusto niya talagang makita ang mukha nito. Madilim na nang siya’y makalabas sa kuweba ngunit maliwanag ang buwan kaya nakikita niya pa rin ang kaniyang nadadaana. Umuwi siya na nag-iisip ng kung paano muli makikita ang estranghero. Hanggang nakauwi siya at nakita ng kaniya ama ang tali sa kaniyang ulo.  “Simula ngayon ay hindi ka na lalabas ng palasyo!” Puno ng diin na utos ng hari.  Napayuko na lang si Aurora. Hindi siya mahilig sumuway sa gusto ng ama at ayaw niyang bigyan ito ng sakit ng ulo. “Opo, Ama.” Sagot niya at yumuko bilang paggalang bago siya umalis sa harapan nito. Pumasok siya sa kaniyang silid at nag-ayos ng kaniyang sarili bago makapahinga. Mabilis lang siya nag-ayos at hihiga na sana sa kaniyang kama nang mapabaling siya sa malaking bintana. Kitang-kita doon ang malalayong lugar lalo na ang gubat kung nasaan siya nanggaling kanina. Iniisip niya pa rin na puntahan ang lugar ngunit hindi na maari. Napabuntong-hininga siya at nahiga na sa kaniyang higaan. Pumikit na lang siya at natulog. Lumipas ang mga araw at hindi nga nakalabas pa si Aurora ngunit palagi niya namang naiisip ang tagapaligtas niya. Ni ang magpasalamat ay hindi niya nagawa noong araw. Gusto niya talaga itong balikan at magdala ng kahit anong pagkain dahil nakita niya noon na wala itong nakaimbak na pagkain. Noong gabing iyon ay napagpasyahan niyang puntahan ang estranghero. Maagang natutulog ang lahat maliban sa mga nangangaso kung gabi na umuuwi na ng umaga. Kaya malayang nakapunta si Aurora sa kanilang kusina at nakakuha ng pagkain. Pagkatapos ay umalis agad siya papunta sa kuweba kung saan siya dinala noon ng tagapagligtas niya.  Nagpalinga-linga muna siya upang masiguradong walang nakasunod sa kaniya. Nang masigurado niyang walang sino man ang nakapansin sa pag-alis niya, tuloyan na siyang pumasok sa gubat kung nasaan ang kuweba ng tagapagligtas niya. Sandali lamang ang kaniyang nilakad hanggang marating niya ang bukana ng kuweba. Hindi ito mahirap hanapin lalo na kung palagi niya itong dinadaanan at hindi niya lang napapansin noong una.  Hindi agad siya pumasok sa kuweba dahil alam niyang hindi iyon magandang asal. Kaya nagpalinga-linga siya sa paligid at baka makita niya ang lalaki. Maliwanag ang buwan kaya makikita niya ang lahat ng malinaw.  "Ginoo, nandito ka po ba?" Tawag niya ngunit makalipas ang ilang segundo ay wala namang sumagot kaya inulit niya muli. "Ginoo, nandito ako dahil may ibibigay ako sa iyo bilang aking pasasalamat. Hindi ko ito nasabi noong nakaraan kaya pumarito talaga ako para masabi ng personal at ibigay itong kaunting pasasalamat ko." Pagpapatuloy niya na akala mo naririnig siya ng estranghero.  Ngunit wala pa ring sumagot sa kaniya kaya napabuntong-hininga na lang siya. Sa kaniyang isipan ay iniisip niyang may pinuntahan lang ang ginoo kaya wala ito rito.  Ngpalinga-linga ulit siya at tinatawag ang estranghero ng paulit-ulit ngunit wala talagang may sumagot. Napayuko na lang siya at balak ng umuwi. Subalit, nakarinig siya ng pagkaputol ng sanga sa kaniyang likuran.  Nakaramdam ng takot si Aurora at bakas ito sa kaniyang mukha. Nakaawang ang kaniyang bibig lalo na noong napansin niya ang anino. Dahan-dahan na pumihit si Aurora paharap dito.  Noong nakaharap na si Aurora, mas napaawang lalo ang kaniyang bibig nang makita niya ang isang itim na uso. Napaatras siya sa takot na kinanginig pa ng kaniyang katawan.  Ang gusto lang ng uso ay ang makakain, mabilis niyang inataki si Aurora. Napasigaw ang babae sa takot ngunit napatigil siya ng makita niyang may nagbuhat dito mula sa likuran. Hindi niya masyado nakita ang mukha pero hindi nakaligtas sa kaniyang paningin ang puti nitong balahibo.   Napaatras na naman siya sa pag-aakalang bago na naman itong hayop at gusto siyang lapain. Nag-away pa ang dalawa kaya agad siyang pumasok sa kuweba na hindi na naisip kung magagalit ang may-ari.  Doon sa may sulok kung saan madilim ay nagtago siya. Takot na takot si Aurora at ang kaniyang panalangin ay dumating ang ginoo para siya ay tulongan. Mabuti na lang at may apoy sa loob kaya naaaninag niya ang lahat.  Nasa ganoon siyang posisyon nang marinig niya na may nagsalitang lalaki. "Mukhang umalis na ang babae. Mabuti nga iyon." Sabi nito at inilawan niya ang buong silid na hindi napapansin si Aurora.  Nakilala ni Aurora ang boses ngunit ng makita niya kung ano ito. Natakot na naman siya. Ngunit sinupil niya ito dahil alam niyang mabait ito. Dalawang beses na siya nitong niligtas.  Dahan-dahan ay tumayo siya at lumabas sa kadiliman. Nagulat pa ang lalaking may puting balahibo at parang unggoy ang mukha nang makita siya. Matanggad din ang mabalahibong nilalang dahil umaabot lang si Aurora sa baywang nito. Kung tutuusin ay kasing laki na ito ng isang uso. "Ginoo, maraming salamat." Nakangiting sabi ni Aurora. Hindi mababakasan ng pandidiri ang kaniyang mukha na siyang kinatawa ng mabalahibong nilalang.  "Bakit ka nandito? At alam mo bang hindi mo ako puwedeng makita, dahil kapag nagkataon ay kailangan kitang patayin." Sabi nito at naglakad sa kaniya papalapit ang mabalahibong nilalang. Sa sinabi nito, nagdalawang-isip si Aurora. Ngunit naisip niya rin na kung masama talaga ito, matagal na siya nitong pinatay. Noong una pa lang ay hindi na siya nito niligtas, kundi kabaliktaran ang gianawa niya. Hindi umatras si Aurora kundi mas ngumiti pa siya. “May dinala ako para sa iyo. Nilapag ko diyan sa lamesa. Pagpasensyahan mo na kung iyan lang ang maibibigay ko. Iyan na lang ang naiwan sa aming kusina.” Nakangiti pa nitong sabi.  Napatigil naman ang mabalahibong nilalang at tumalikod. “Umuwi ka na at huwag ng babalik pa.” Nakakatakot ang boses nito kaya nagtaka si Aurora. Hindi niya alam kung bakit ito nagagalit. “Ginoo, may nagawa ba akong kasalanan?” Ngtataka niyang tanong. Ngunit napaatras siya nang singhalan siya ng lalaki. “Kapag hindi ka pa umalis, kakainin na kita. Lumabas ka sa pamamahay ko at huwag ng bumalik pa!” Sigaw niya na nagpatakot kay Aurora.  Nagkukumahog na nagtatakbo si Aurora palabas ng kuweba. Nang nasa labas na siya, napalingon agad siya sa loob. Determnado niyang tiningnan ang kadiliman ng kuweba. “Alam ko, katulad ka rin ni ama.” Ang ama niyang sobrang masungit noon na nakuha niya rin ang loob ngayon. Determinado siyang makuha rin ang loob nito. Habang pauwi ay humahabi na siya ng kaniyang plano sa kaniyang isipan. Kinaumagahan, namasyal si Aurora sa labas ng palasyo upang makahanap ng magandang daanan. Halos mahuli kasi siya kagabi kung hindi lang siya mabilis tumakbo. Ngunit hindi niya inakalang may makukuha pala siyang balita sa mamamayan ng kanilang kaharian. “Alam mo ba, lumalabas na naman ang halimaw ng nyebe sa gabi. Nakita raw ito ng asawa ko kaya maaga siya napauwi.” Sabi ng babae kaya napatigil si Aurora para makinig. Ngayon lang siya nakarinig ng ganitong kuwento. Tinakpan niya ang mukha gamit ang balabal at nakinig ng mabuti. “Naku! Delikado na naman ba ang gubat katulad noon?” Nagtatakang tanong ng isa. “Oo nga. Nauulit na naman ang nangyari no’n.” Sabat naman ng isa bago bumaling sa nagkukuwentong babae. “Ano raw ba ang kulay?” “Ang balahibo raw ay puti at may itim ito sa binti. Hindi masyadong nakita ng asawa ko ang mukha dahil sa kadiliman.” Sa narinig ni Aurora, nakahinga siya ng maluwag dahil alam niyang hindi ang kilala niya ang tinutukoy nito. Pero naisip niyang hindi pala ito nag-iisa. Agad na umalis si Aurora at umuwi. Balak niyang puntahan ulit ang tinatawag nilang halimaw ng nyebe. Hindi niya ito kilala pero nag-aalala siya kaya gusto niya itong balaan. Kaya noong gabi ay pumunta siya sa bahay ng tagapagligtas niya. Ngunit hindi siya nito nilabas at hinarangan na rin nito ang kaniyang kuweba. Walang magawa si Aurora kundi sabihin na lang dito ng kaniyang pakay at binalaan niya ang ginoo. Umuwi siya nang bigo. Naulit pa ito nang na ulit. Ngunit, mas naging magiliw si Aurora sa pagpunta sa kuweba. Alam ni Aurora na nakikinig lang ito sa kadiliman dahil naririnig niya ang paghinga nito. Doon ay masaya na siya kaya nagkukuwento siya ng kung ano-ano at minsan ay kung ano ang nakukuha niyang impormasyon sa labas ng palasyon. Gabi-gabi na kung halos pumunta si Aurora. Hanggang isang gabi, nakita niyang wala na ang harang doon. Kaya siya ay hindi na nag-alinlangan pang pumasok at nakita niyang nakaabang doon si Mr. Snowman kung kaniyang tawagin na nagmula sa banyagang salita. “Magandang gabi, Mr. Snowman.” Nakangiting bati ni Aurora sa tinatawag ng mga taong halimaw ng nyebe. Tinuro pa nito ang upuan sa gilid kaya naupo doon si Aurora. Nabalot ng katahimikn ang buong silid dahil walang may gustong magsalita, at hindi iyon na tiisan ni Aurora. “Ano ang pinagkakabalahan mo kapag nandito ka?” Tanong niya. Habang ang ginoo ay itinuro lang ang kama. Nawala ang ngiti ni Aurora nang maintindihan niya ang ibig nitong sabihin. Na nakahiga lang siya, kaya gusto niya itong maging iba naman. Nag-umpisang magkwento si Aurora ng mga kuwento ng kaniyang ina noon bata pa siya. Napapangiti si Aurora dahil nakikita niyang nakakatulog ang mabalbong nilalang. Kapag natutulog na 'to, doon siya umuuwi. Ganito ang palagi nilang ginagawa at naging malapit na nga sila. Nagkukuwento na rin ito ng kung ano na nagpatawa kay Aurora. Minsan ay si Aurora ang nakakatulog sa kaniyang kuwentohan at palagi siyang ginigising nito dahil uuwi pa siya.  Naging maayos ang pagkikita bawat gabi. Kaya isang gabi, naisipan ni Aurora na hilahin palabas ng kaniyang bahay ang halimaw ng nyebe. Ngunit hindi niya ito mapilit nakabusangot tuloy siyang sumalmpak sa nyebe. Doon siya nakaisip ng ideya.  Kumuha siya ng nyebe at ginawa itong bola. Walang kaalam-alam ang halimaw sa susunod na nangyari kaya sobra ang gulat niya noong binato siya ng babae at natamaan ang kaniyang tiyan. Ang kaniyang galit na atungal ang maririnig sa buong kagubatan. Napatahimik rin si Aurora ngunit nagbago ito noong humalaklak ang babae at kumuha ulit ng pambato. Nagbatuhan tuloy sila ng nyebe at hindi na napansin ng ng halimaw na nakalabas na siya sa kaniyang bahay at nakipaglaro na sa dalaga. Masaya silang dalawa na naglaro.  Ngunit hindi nila napansin ang dalawang pares ng mga mata na nakatingin sa kanila. Ang isa ay nahihintakutang umuwi, ang isa naman ay nakangising umuwi.  “Babalik ako ulit dito mamaya.” Malawak ang ngiting sabi ni Aurora dahil uuwi na syla. Tumango lang ang halimaw at tiningnan si Aurora na umalis.  Sobrang saya pa ni Aurora ngunit hindi niya inaasahan ang dadatnan. Ang kaniyang ama ay galit na galit sa kaniya at ang mga tao nila ay naghahanda na parang pupunta sa isang digmaan. “Ama, ano ang nangyayari?” Nagtataka niyang tanong. Ngunit nanlilisik ang ang mata ng kaniyang ama na humarap sa kaniya. “Dalhin ninyo siya sa kaniyang silid at huwag na huwag palalabasin.” Utos niya sa dalawang lalaki na nasa tabi na ni Aurora. “Papatayin ko ang halimaw na iyon. Alam kong ginamitan ka niya ng mahika kaya naging magkalapit kayo. Puputolin ko na ang ugnayan ninyo.” Sabi niya at inutusan ulit ng mga tuhan. “Hi-hindi… Ama! Nagkakamali ka. Makakinig po kayo sa akin, Ama.” Kahit no'ng sabihin niya ay parang hindi siya naririnig nito.  Tulad nga ng utos ng hari, dinala siya sa kaniyang silid at kinandado nila ito. Kinabog niya ang pinto ngunit hindi siya pinansin nino man. Napadausdos siya sa harap ng pinto at umiiyak. Kailangan niyang makaalis para mabalaan ang kaniyang tagapagligtas. Maaga pa ang gabi at alam niyang gagawin talaga ito ng kaniyang ama ngayong gabi. Hanap ng hanap si Aurora ng paraan paano makalalabas sa kaniyang silid na nasa ika-apat na palapag ng kanilang kastilyo. Mas lalong napaghinaan ng loob si Aurora nang makita niyang umalis na ang ama at ang mga tauhan nito.  Ikot siya ng ikot hanggang may naapakan siyang isang bagay sa kaniyang sahig. Kaagad niya na tinanggal ang nakatakiip dito at nakita niyang may isang lagusan doon. Parang dininig siya kaya hindi na siya nag-aksaya pa ng oras at umalis na. Sinundan niya lang ang lagusan hanggang nakalabas siya sa ibaba ng bundok.  Napangiti si Aurora dahil malapit ito sa bahay ng kaniyang tagapagligtas. Kaya mabilis siyang tumakbo papunta rito. Mula sa malayo, tanaw na tanaw niya ang ama na papalapit na. Kaya binilisan niya pa ang pagkatakbo hanggang narating niya ang pakay.  Ngunit natuos siya sa kaniyang kinakatayuan nang makita ang dalawang nilalang na naglalaban. Kilala niya ang isa, si Snowman habang ang isa ay napakabangis dahil sugod ito ng sugod habang sinasangga naman ng isa.  Narinig ni Aurora na dumating ang kaniyang ama at nag-uutos sa kaniyang tauhan na patayin ang dalawang halimaw.  "Ama! Huwag!" Sigaw ni Aurora na nagpabalik-balik ang tingin sa naglalaban. Napatingin naman sa kaniya ang may itim na paa kaya napaatras siya. Nasa ilalim nito si Snowman na nagpakawala ng mabangis na ungol dahil alam niyang aatakihin siya ng masama at kailangan siyang iligtas nito.  Mabilis ang galaw na inabutan ni Snowman ang mabangis na halimaw. Hinawakan niya ito braso at pinaharap sa kaniya bago niya ito kinalmot gamit ang mahahabang mga kuko. Pagkatapos ay hinawakan niya ang magkabila nitong paa at hinagis ang nilalang sa mga puno. Tumama ito rito at namilipit sa sakit.  Nakatayo lang si Snowman at hinahabol ang kaniyang paghinga. Napangiti na rin si Aurora dahil alam niyang nanalo na ang kaniyang tagapagligtas. Ngunit nang siya'y mapatingin sa kaniyang ama, nakahanda na ang pana nito para patayin ang kaniyang Snowman. Parang may sariling pag-iisip ang mga paa ni Aurora at kusa itong kumilos. Mabilis niyang iniharang kaniyang katawan bago pa tumama ang pana ng kaniyang ama.  Lahat ay nagulat ng unti-unti ay naging pula ang damit ni Aurora ganoon din ang nyebe. Napalingon agad ang halimaw at sinalo si Aurora. Tiningnan nito ang kalagayan ng babae at allulong ang natirinig ng mga tao sa ginawa nitong tunog. Pero iba ang naririnig ni Aurora.  "Hindi! Hindi! Aurora!" Iyak nitong sabi.  "Don't cry, Mr. Snowman." Alo ni Aurora at hinawakan ang mukha ng mabalahibong nilalang. Hinawakan niya ito na puno ng apeksyon at pagmamahal habang siya ay nakangiti.  "Hindi! Gagamutin kita, Mrs. Snowman." Sabi nito pero ang dinig ng iba ay galit ito.  Ang ama ni Aurora ay mapaluhod ng makita niya ang nangyari sa anak at nang makahupa siya sa pagkabigla ay mabilis siyang tumayo palapit sa anak. Gusto niyang makuha ang anak na akap ng halimaw kaya nilabas niya ang kaniyang punyal at walang pagdadalawang isip na sinugod ang wala sa katinuang halimaw ng nyebe.  Sa pagbaon ng kaniyang punyal sa likuran ng halimaw, napaatras siya ng biglang napaliyad ito sa sakit. Si Aurora ay nakita ito at napaiyak na rin.  "Hin-di," nautal siya ng sabihin niya ito. Gusto siyang kunin ng kaniyang ama mula sa halimaw ngunit hindi niya magawa.  Napayuko na lang ang halimaw sa dibdib ng dalaga. At unti-unti ay binalot sila ng liwanag. Nagsiatrasan ang lahat sa gulat at pagkalito. Nagtagal ito ng kaunti hanggang ito'y nawala.  Nang mawala na ang liwanag, lahat ay napasinghap nang makita nila ang dalawang nilalang sa loob ng bilog. Ang dalawang tao ay wala na ngunit magkahugpong pa rin ang kanilang mga kamay. Ang kaninang halimaw ay napalitan ng isang binata na magandang lalakinat matipuno.  Napaatras ang hari no'ng makilala niya ang lalaki. Napaiyak siya sa pagsisisi at pagdadalamhati.  "Ginoong Borealis," ang kaniyang nasambit.  Kasabay din noon, abot tanaw ang pagkalat ng liwanag sa kalangitan. Napakamakulay at maganda, katulad ng pagmamahalan ng dalawa. Nasa dilim man, ang pag-ibig nila ang naging ilaw upang ang mundo nila'y maging makulay at maliwanag. 
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD