Habang lumilipas ang mga araw ay mas lalo akong nahuhulog kay Yujin. May mga pagkakataon na simpleng ngiti niya lang ay hindi na ako makatulog. Kahit na magkatabi lang ang bed namin ay nagpapalitan pa rin kami ng messages.
Simpleng good morning, good afternoon at good night lang naman ang mga iyon pero parang napaka-espesyal na sa akin. Hindi naman din siya nakalilimot na yayain akong kumain. Paminsan ay libre niya. Ako na lang ang nahihiya at tumatanggi. Ayaw rin naman niyang nililibre ko siya.
Lumipas ang isang linggo namin sa office at mas naging close kami. Never nga lang siya nagsabi na nanliligaw siya sa akin. Nagtapat lang siya once. Pagkatapos ay nag-uusap na kami. Hindi na rin ako naiinis sa kanya. Ang weird lang nang mga ikatlong araw ng pagiging close namin ay may kakaiba akong napansin. Minsan nagsasabi siyang matutulog na pero umaakyat pa siya sa rooftop para mag-cellphone.
Puwede namang mag-cellphone sa loob ng quiet room. Basta naka-silent lang at less ang brightness. Pero baka nga hindi siya kumportable. Pare-parehong oras ang paalam niya sa akin na matutulog siya. Pero hindi naman pala. Mabuti na lang at best actress ako sa ganyan.
Hindi alam ng mama ko noon na gising pa ako. Tuwing pinatutulog kami ng maaga dahil may pasok sa school kinabukasan ay nagpapanggap ako para lang kunwari ay tulog na ako. Pero pagtulog na sila ay mag-sneak ako sa kusina. Midnight snack is life.
Na-curious ako kaya sinundan ko si Yujin. Hindi naman siguro masama ang ginawa ko at hindi rin naman niya ako napansin. Hindi ko alam pero parang may kakaiba. Nadudurog ang puso ko nang nakita ko siyang nakangiti habang may kausap sa cellphone.
Minsan ay tawag at minsan ay text yata o chat pero hindi naman ako ang ka-chat niya.
Okay. Fine. Umamin lang naman siya na gusto niya ‘ko pero hindi naman siya nanligaw at hindi rin naman naging kami. Hindi rin naman I love you ang sinabi niya. Assuming lang ako na nang nagtapat siya ay magkakaroon ng kami. Natapos ang isang buwan namin na ganoon ang sitwasyon namin.
Deadma na lang.
"Hatid na kita." nagbago na siya nang slight. Minsan serious at minsan naman ay sakto lang pero hindi na siya mahangin katulad nang dati. Bakit parang miss ko ang ganoon niyang ugali? O mas feel ko lang na special ako kapag ganoon siya.
"Okay. Salamat." ganyan lang ako sumagot pero may kilig na ‘yan.
Gentleman pa rin naman siya. Agad niyang dinampot ang maleta ko at binuhat niya ito papunta sa compartment ng car. Nang makarating kami sa bahay ay umalis din siya kaagad. Gusto ko pa sana siya makasama kaya lang ay parang nagmamadali siya kaya hinayaan ko na lang siya.
Hindi ko na siya pinigilan pa at baka urgent ang aasikasuhin niya. Buong araw lang akong nagmukmok kai-isip sa kanya. Minsan pakiramdam ko mahal niya ako. At minsan naman ay feeling ko na parang normal lang siya. I mean ganoon siya sa lahat ng tao makitungo.
Kung sa bagay ay hindi lang naman sa akin umiikot ang mundo niya. Naks! Basta ako? Siya na ang mundo ko. Pero paano kung ang itinuturing kong mundo ay may iba palang mundo? Over thinking na naman ako. Pero sa tuwing nakikita ko siyang seryoso ay maraming pumapasok sa isip ko.
Lalo na kung anong pagkain ang kakainin ko. Food is life!
Yujin's POV
Magsisimula na ang napag-usapan namin ng kapatid ko. Or should I say plano ko lang. Alam kong labag sa kalooban niya na saktan ko ang mahal niya pero hindi ko hahayaan na manatili siyang nakakulong sa damdamin niya rito gano’ng ayaw naman na nito sa kanya.
Ipinagpalit siya nito sa iba at ngayon ay ako naman ang gusto niya. Iyan naman talaga ang intensyon ko. Ang saktan siya. Ayaw kong may nananakit sa kaisa-isa kong kapatid lalo pa at babae ang nanakit sa kanya. Kahit pa ayaw niyang maghiganti ako ay nakumbinse ko rin siya sa wakas.
"Nasabi ko na. Alam kong may gusto rin siya sa akin. Ramdam ko. Anong next na plano?" tanong ko sa kapatid ko.
Wala siyang maisagot dahil ayaw na niyang guluhin pa ang babaeng ‘yon. Ako lang talaga ang nagpupumilit. Ang ayaw ko sa lahat ay ang feeling perpekto. Ang maarteng tao at lalo na ang taong madaling mahulog sa kung sino-sinong lalaki.
"Yujin, huwag mo na siyang gantihan. Naka-move on na ‘ko. Mahal ko siya pero ngayon... Hindi na." sagot ng Kuya ko. Pero hindi ako naniniwala.
Pagkababa ko ng tawag ay hindi ko namalayang nasa likuran ko na pala sina Talie at Yuki. Hindi ko sigurado kung ano ang narinig nila o kung may narinig nga ba sila. Wala na akong pakialam do’n. Mabuti nga kung narinig nila. At least hindi na ako mahihirapan pang magtago.
Paglapit ko sa kanila ay parang wala naman silang alam. Kaya umakto lang ako ng katulad ng kung ano ang ipinapakita ko sa kanila.
“Hi, Fafs! Nandiyan ka pala." pagpapa-cute ni Talie sa akin. Alam kong may gusto rin ang bestfriend ni Yuki sa akin pero wala akong pakialam do’n. Si Yuki lang ang pakay ko.
"Ah...Oo. May kausap lang ako. Tapos na kayo mag-dinner ni Jes?” tanong ko kay Talie. Sa halip na sagutin ako ay niyaya ako ni Talie na mag-stay sa rooftop.
Napansin kong sumama ang timpla ni Yuki nang banggitin ko si Jes. Alam ko at ramdam kong ayaw niya kay Jes at iyon naman talaga ang plano. Ang mahulog siya nang tuluyan sa akin. Ang unti-unti siyang nasasaktan sa mga ginagawa ko.
"Fafs, dito ka muna." sabay yakap ni Taleo sa braso ko. Si Talie sana ang gagamitin ko para makaganti sa kanya pero mukhang okay naman sila ni Yuki kahit nilalandi ako ng kaibigan niya. Kaya naman may iba akong plano.
"Sige." tipid na sagot ko. Nakausap ko na si Jes no’ng mga nakaraang araw. Natutuwa akong kausapin siya dahil game siya sa lahat ng gusto ko. Kahit ano ang pag-usapan namin ay go lang siya. Kaya naman nag-enjoy akong kausap siya.
"Hindi ba susunod si Jes dito?" tanong ko ulit. Halata namang ayaw ni Yuki kay Jes. Kahit noong unang araw ko sa opisina ay hindi maganda ang samahan nila. Nagkakausap lang sila nang dahil kay Talie.
"Ah… siya ba? May gagawin pa raw siya. May callback kasi. Tinarayan siya nung customer. Bakit daw canceled ang flight? E kailangan daw umuwi ni client para makasama ang pamilya." sagot ni Talie sa akin.
Tumango lang ako. Wala naman talaga akong pakialam sa dahilan. Natanong ko rin naman ‘yon kanina kay Jes. Ang gusto ko lang ay inisin si Yuki. Mukhang successful naman dahil abot na sa ground floor ang haba ng nguso niya.
"Inaantok na ako." pansin ko ang inis ni Yuki sabay tayo sa kinauupuan nito pagkasabi. Pero inunahan ko na siya. Bago ko sila iwan at para naman kiligin siya katulad nang pagkindat ko kanina ay inilabas ko pa ang killer smile ko at dimples.
Wala akong intensyon na maging kami. Gusto kong sirain ang puso niya. Tulad nang pagsira niya sa puso ng kapatid ko. Naramdaman ko namang kinilig siya sa ginawa ko. Nagpaiwan na lang sila ni Talie. Baka pag-uusapan nila ako. Wala naman akong pakialam do’n.
Nang matapos ang lockdown ay inihatid ko siya sa bahay nila. Ramdam kong nadismaya siya nang magpaalam ako na aalis na ako. Ang paalam ko lang ay may pupuntahan pa ‘ko. At agad akong mag-message kay Jes para sunduin siya. Masaya siyang kausap at nag-e-enjoy ako kaya naman gusto ko ang company niya.
"Naihatid mo na si Yuki?" tanong ni Jes pagbalik ko sa office. Medyo nakakapagod din magpabalik-balik sa office pero kung ito naman ang makatutulong para mapabilis ang mga bagay-bagay ay gagawin ko.
"Yep. Akin na ‘yang dala mo. Do’n ka na rin maupo sa tabi ko." sabi ko sa kanya. Dali-dali naman siyang pumunta sa pasenger seat at hinintay akong makaupo.
"Hindi ba magagalit si Yuki na sinundo mo ‘ko?" tanong nito sa akin. Pero dahil alam kong ayaw niya rin dito ay sinagot ko siya kung ano ang totoo.
"Wala akong pakialam kung magalit siya. At wala siyang karapatang magalit dahil wala namang kami." sagot ko rito.
Tatango-tango lang naman ito. Enjoy ko ang company niya. Marami kaming napag-usapan. Mga angkan niya. Kung ano ang ayaw niya at gusto niya sa tao. Kung bakit hindi niya gusto ang ugali ni Yuki at bakit bilog ang mundo. Oo ganyan kami mag-usap. Anything under the sun.
Hindi tulad nang usapan namin ni Yuki. Puro pagpapatawa lang at kung ano-ano pang mga bagay na walang kwenta. Gusto ko kasing mapalagay ang loob niya sa ‘kin. Para rin hindi ako gaanong mahirapan sa mga plano ko.
Nang maihatid ko siya ay nanghinayang ako dahil sarado ang bahay ni Yuki. Kaya hindi niya nakita na inihatid ko si Jes. Sabagay may ibang araw pa naman. Bahala na kung paano ako makapaghihiganti. Lahat naman ay umaayon sa plano.
Halos araw-araw ay ka-chat ko si Yuki. Hulog na hulog na siya sa ‘kin. Hindi ako gwapo pero malakas ang dating ko kaya naman hindi mahirap paibigin ang katulad niyang madaling ma-fall. Sanay na ako sa mga katulad niya. Kaunting bola lang naman at paniguradong kakagat siya ro’n.
Pagdating ko sa opisina nang sumunod na araw ay masama ang timpla ni Yuki. Kaya naman agad ko siyang sinuyo para naman mas mapamahal pa siya sa akin. Isipin niya na concern na concern ako sa kanya. Sa totoo lang ay concern naman talaga ako. Lalo na kung magiging sagabal ito sa plano.
"Anong nangyari? Bakit ang haba ng nguso mo? Nakakapa ko hanggang elevator." tanong ko rito. Sinusubukan kong ibalik ang kung paano niya ako nakilala dahil baka makahalata siya.
"Wala." hindi ko alam kung galit ba siya o kung anong mayroon pero bakit parang affected ako. Sinubukan kong hawakan ang kamay niya. Maaga pa naman kami sa shift namin kaya may oras pa para sa harutan.
"Hindi nga? Bakit parang galit ka? May nagawa ba akong masama? May umaway ba sa 'yo?" tanong ko ulit pero nagmatigas siya.
"Wala sabi." buong araw ng shift namin ay wala siya sa mood. Todo lambing naman ako. Suyo rito. Suyo roon. Hindi ko namamalayan na OA na pala ako. Hindi na ako mapakali.
Pakiramdam ko ay sobrang apektado ako. Ayaw ko nang ganito siya. Matamlay na parang galit na parang ewan. Nang malapit na kami mag-out ay niyaya ko siyang mag-sine. Mas makakapag-move ako do’n at siguradong mas mahuhulog pa siya sa akin. Nag-book ako ng ticket online.
"Sine tayo. My treat." sabi ko. Hindi siya um-oo at hindi rin naman siya humindi.
Wala pa ring expression sa mukha niya. Tinulungan ko siyang magligpit ng headset niya at sabay naman kaming naglakad papunta ng elevator. Naramdaman kong nakatingin siya sa akin. Sinigurado ko kaya kita sa gilid ng mga mata ko na nakatingin nga siya.
"Yujin..." dinig kong sabi niya bago kami sumakay sa kotse.
"Bakit?" tanong ko at tumingin ako sa kanya.
"A... Wala. Nevermind." sabi nito. Ano kayang sasabihin niya?
Hinayaan ko na lang siya at bumyahe na kami papunta sa sinehan. Gusto ko pa sanang magkwento sa kanya pero hindi na lang ako nagsalita. Baka mas lalo pa siyang magalit sa akin at masira pa ang mga plano ko.
Hangga’t hindi siya nahuhulog nang tuluyan sa akin at nasasaktan nang katulad ng sakit na dulot niya sa kapatid ko ay hindi ako titigil. Kung ayaw ni Kuya ng hustisya sa ginaya sa kanya ni Yuki not me.
She deserves to get hurt the same way she hurts my brother.
Sinisilip ko pa rin siya pero hindi ko ipinahahalata. Ganoon din naman siya. Maya’t maya ang tingin niya sa akin Nang makarating kami sa parking lot ay tulala pa rin siya. Iginiya ko siya sa elevator papunta sa sinehan. Alam kong malalim ang iniisip niya pero hindi ko malaman kung ano ang laman ng utak niya.