BERNADETTE
Gusto kong maiyak dahil ako na nga ang nawalan ako pa ang sinisi ni Fernan sa nangyari sa aming dalawa. Sobra akong nasaktan sa mga sinabi niya laban sa akin. Pero ano nga ba ang magagawa ko kung kahit ano’ng gawin ko, mabuti man o masama ako pa rin ang lalabas na may kasalanan.
Saka hindi naman ako ang may-ari ng bahay na ito dahil nakikitira lang ako sa bahay ni Fernan. Kaya may karapatan siyang sigawan ako o sabihan ng masasakit na mga salita. Ano’ng karapatan kong magreklamo?
Naiinis ako sa sarili ko dahil sa kabila ng pagpapakita niya sa akin ng masama ay siya pa rin ang itinitibok ng puso ko. Tanga nga ako dahil nagmamahal ako sa taong mapanakit ng damdamin at manhid.
Napatingin ako sa Mommy ni Fernan. Masayang siya habang tinuturuan ko siyang magluto. Niluto ko ang paboritong ulam ni Fernan. Ang pochero. Naalala ko bigla ang aking ina noong nabubuhay pa siya. Iyon ang palaging niluluto sa tuwing dumarating si Fernan galing ng Manila. Nagbabakasyon lamang s’ya kapag walang klase. Tuwing weekend nandito siya sa Laguna.
“Thank you, hija sa pagtuturo sa akin ng mga secret recipe mo. Magluluto ako sa bahay at ipatitikim ko sa mga amiga ko,” nakangiting wika ni Mommy Lilly.
“Hija, alam mo bang na-miss ko ang mga luto mo. Nagpapasalamat ako sa pag-aalaga mo sa anak ko. Pasensya ka na kung sinusungitan ka niya palagi. Alam mo naman na nagmo-move on pa ‘yun sa breakup nila ni Isabella. Sa totoo ayoko sa babaeng iyon. Ikaw ang gusto ko para sa anak ko. Mabuti kang babae at hindi mo lolokohin ang anak ko.” Napangiti ako sa tinuran niya.
“Salamat po sa lahat ng tulong mo sa akin mula nang mamatay si Nanay. Tumatanaw lang po ako ng malaking utang na loob sa kabutihan niyo sa akin.” Umiling siya sa sinabi ko.
“No, hija. Wala kang dapat ikatanaw ng utang na loob sa ginawa ko. Itinuring na kitang anak kahit naman noong buhay pa ang Nanay mo. Naging mabuti siya sa amin kaya sinusuklian ko lang ang mga ginawa niyang kabutihan.”
Nilapitan niya ako at hinaplos ang buhok ko. Hindi man niya ako kamag-anak ngunit turing niya sa akin ay parang tunay na kadugo. Nangilid ang luha ko nang maalala ang aking ina. Sariwa pa sa alaala ko ang pagkawala ni Nanay. Wala akong magawa nang iwan niya ako. Wala na akong ibang kamag-anak dito sa Manila dahil nasa Visaya ang ilang kamag-anak ng aking ina.
“Bago mamatay ang Nanay mo ay binilin ka n’ya sa akin.” Pinahid niya ang luhang pumatak sa pisngi ko.
Hindi ko alam kung paano siya mapasasalamatan. Nahihiya nga ako dahil pakiramdam ko’y nagagalit sa akin si Fernan dahil sa akin binubuhos ng ina niya ang pagmamahal na dapat sa kanya.
Wala kaming ginawa ng Mommy Lilly kung hindi magkwentuhan at magluto ng kung ano-ano kaya hindi namin namalayan na gabi na. Nagpaalam na rin ito na uuwi na, hindi na hinintay pang dumating si Fernan. Hihintayin ko na lang sa sala si Fernan. Nanood na lang ako ng TV habang hinihintay ang pagdating niya. Hindi ko mapigilang mapapikit ang mga mata dahil kusa nang sumasara. Hindi na ko na naiintindihan ang pinanonood ko dahil sa antok. Nang pipikit na ang mga mata ko ay narinig ko ang ugong ng sasakyan sa labas. Tumayo ako upang silipin kung si Fernan na ba ‘yon. Nakita ko ang pagpasok ng sasakyan niya.
Binuksan ko ang pinto. Nakita ko si Fernan na pababa ng sasakyan at mukhang lasing base sa paglalakad niyang pagewang-gewang. Ano na naman kayang pumasok sa isip ng lalaking ito at naglasing na naman.
“Bakit ngayon ka lang umuwi? Sana hindi ka uminom, lasing na lasing ka. Delikado pa naman ang magmaneho ng nakainom,” sabi ko. Hindi siya nagsalita at napangisi lang habang mapungay ang mga matang nakatingin sa akin. Kahit nabibigatan inalalayan ko siyang maglakad papasok sa loob ng bahay.
“Hindi ako lasing, hon. Masaya ako dahil nakita kita,” aniya. Napaiiling na lang ako sa sinasabi niya.
Paanong masaya siya na nakikita ako? Panay niya akong binubulyawan. Lasing na talaga s’ya.
Pinahiga ko siya sa kama nang makarating sa loob ng silid niya. Inalis ko ang sapatos at pati ang long sleeve niya.
Papalitan ko na lang siguro ng t-shirt.
Kumuha ako ng damit sa closet. Kahit hirap ay inalis ko ang sinturon upang makaginhawa naman siya sa pagtulog. Nagdadalawang isip pa nga ako kung aalisin ang pants niya. Sa huli ay hindi ko ginawa. Hinayaan ko na lang na nakasuot pa rin ang pantalon niya.
“I love you so much. Don’t leave me,” sabi ni Fernan sa akin kaya napatitig ako sa kanya.
Mahal niya ako?
“Why did you choose that jerk over me, Isabella? You didn’t deserve him! I have to be the one you choose because I will truly love you. I will not make you cry or cause you pain. I will accept your children as well. I will love them as if they were my own child.”
Napaiyak si Fernan. Sabi ko na nga ba at hindi ako ang tinutukoy niya kung hindi si Isabelle. Bakit nga ba hanggang ngayon mahal niya pa rin ang babaeng iyon? Hindi naman siya minahal kung hindi ginawang panakip butas. Sa huli ibang lalaki ang pinili at hindi siya.
Hindi ko maiwasang mainggit kay Isabella. Ano’ng meron ang babaeng iyon? Kahit may mga anak na ay kayang tanggapin ni Fernan. Bakit ako ay hindi niya matanggap at hindi niya kayang mahalin?
Sobrang sakit lang na nagpapakatanga ako sa lalaking manhid.
Hanggang kailan ako matatanggap at mamahalin ni Fernan? Hindi ko soua sasaktan kagaya nang ginawa ni Isabella. Ibibigay ko ang lahat kahit walang kapalit. Kahit magpakatanga ako ay ayos lang, basta nasa tabi ko lang siya.
Napahawak ako sa dibdib ko. Sobrang sakit ng nararamdaman ko.
FERNAN
Nagising ako na parang pinukpok ng martilyo ang ulo sa sakit. Naalala kong naglasing ako sa bahay ng kaibigang si Gavin at sina Delfin at Hanz. Ang wala lang doon ay si Leonardo.
Napatingin ako sa katawan ko. Nagtaka ako dahil iba na ang damit ko. Parang alam ko na kung sino ang nagpalit sa akin. Tumayo ako upang pumasok sa bathroom. Kahit hindi maganda ang pakiramdam ko ay nagpasya akong pumasok. Kailangan kong pumasok dahil madaming naka-schedule na meeting.
Nang pumasok ako sa kusina upang kumain. Nadatnan ko si Bernadette na naghahain ng almusal. Hind ko pinansin at umupo sa silya. Kinuha ko ang kape na nasa tapat ko at ininom iyon. Tahimik lang akong kumain.
“F-Fernan m-magpapaalam lang sana ako mamaya. May pupu -”
“I don’t care kung umalis ka. It's much better I can’t see your f*****g face! You don’t have to say when you leave. Leave if you want!” sigaw ko sa kanya na ikinabigla niya. I stood up and did not even look at her. She was ruining my day.
Napakamanhid talaga ng babaeng iyon. Hindi ko siya mamahalin. Tanging si Isabella lang ang nasa puso ko!