Chapter 8

1517 Words
"Kumusta ka na, Lyza? Ang tagal nating hindi nagkita. Miss na miss na kita! Kumusta ka na, ha? Ang ganda mo na ngayon, ang puti-puti mo pa at sobrang kinis ng kutis mo. Iyan ba ang resulta ng pagtira mo sa Bacolod? Siguro hindi ka na nagbibilad sa araw ano? May boyfriend ka na ba?" Ang mahabang bungad ni Jane sa akin. Naaaliw ko siyang pinagmasdan habang masayang nagsasalita. Halos hindi na siya sumagap ng hangin sa rami ng tanong niya. Nangingiti ako habang napapailing. Hindi pa rin talaga nagbabago ang kaibigan kong ito. Masyado pa ring madaldal, kagaya ko. "Mabuti naman ako, Jane. Medyo naging busy lang. Iba pala ang buhay sa college compared sa high school. Mas demanding ang mga subjects pati na rin ang mga guro. Kung subsob ako sa pag-aaral noong nasa high school tayo, dumoble pa yata ngayon. Minsan nahihirapan akong sumabay sa mga kaklase ko. High school pa lang sila, nag-aalmusal at nagmemeryenda na yata ng Calculus ang mga iyon. Minsan nga nanliliit ako sa sarili ko." "Hindi ako naniniwala sa'yo. Magaling ka at matalino. Alam ko iyon dahil magkaklase tayo simula elementary hanggang high school. Kaya sigurado akong kayang-kaya mo ang kurso mong Engineering. Siyanga pala, nagka-boyfriend ka ba roon? Kwentohan mo naman ako." Ang sagot ni Jane. "Sa sobrang abala ko sa pag-aaral, sa palagay mo ba may oras pa ako sa pakikipag-boyfriend?" "Aba eh malay ko sa'yo, magaling ka namang mag-manage ng oras mo at mag-multi-task. Hindi ba pwedeng pagsabayin ang dalawang iyon?" Balik tanong nito sa akin. "Nahihirapan na nga ako sa pag-aaral, idadagdag ko pa ang pakikipag-boyfriend sa mga pinoproblema ko?" "Hmmmm... Iyon nga ba talaga ang dahilan? O baka naman may hinihintay kang iba riyan? Sabihin mo nga, may pumuporma ba sa iyo ngayon? Iyong taong kilala ko?" ani Jane habang nakataas ang isang kilay nito. "Kahit kailan talaga intrigera kang babae ka! Sino naman ang hinihintay ko? May alam ka bang hindi ko alam?" "Ang lagay eh, may nakapagsabi lang naman sa akin na nagkakamabutihan daw kayo ni Anthony. Totoo ba iyon, Lyza?" Ang tanong nito. "Anong nagkakamabutihan? Magkaibigan naman talaga kami ni Kuya Anthony since high school pa lang tayo. Alam kong alam mo iyon, Jane. Kaya huwag ako." "Lyza, iba ang magkaibigan sa nagkakamabutihan. Alam ko ring alam mo iyon." Panggagaya nito sa huli kong sinabi. "At saka, bakit ba ayaw mong sabihin sa akin? Nagbago ka na ba? Dati naman nagkukwento ka sa akin, ah!" Pagmamaktol nito. "Jane, wala akong sinasabi sa iyo kasi wala naman talagang dapat sabihin. Oo, nagpapalitan kami ng text nitong mga nakaraang buwan, pero iyon lang iyon. Walang ibang ibig sabihin iyon, okay? Kulit mo rin talaga ano?" "Oh siya, kung wala eh di wala. Basta ba kapag pinormahan ka noon, kwento mo kaagad sa akin ha? Magtatampo talaga ako kapag sa iba ko pa nalaman." Pagdadrama pa nito. "Oo na sabi, eh. Ikaw ang isa sa mga unang makakaalam. Takot ko lang sa'yo. Hahahaha!" "Siyanga pala, nagkita na ba kayo? Sa palagay ko nandito ngayon sa atin iyon. Sabado ngayon kaya walang pasok iyon. Siguro nasa tindahan ng Lola at Lolo n'ya. Alam mo naman, husband material iyon eh. Hehehehe! At saka bukas, sigurado akong magsisimba iyon sa simbahan sa Barangay." Pagkukwento nito. Ang simbahan kasi ay nasa pinakabarangay pa. Ang tirahan namin ay nasa isang Sitio. May bridge na pagitan lang naman. "Paano kami magkikita eh, kararating ko pa lang naman. At isa pa, hindi naman niya alam na uuwi ako. Hindi ko sinabi sa kaniya sa text." "Aba-aba! Ano iyan, surprise? Ikaw ha!" Panunukso nito. "Anong surprise? Hindi ko sinabi sa kaniya na uuwi ako kasi wala namang dahilan para sabihin ko pa." "K fine! Pero alam mo, balita ko, nagbago na raw ang isang iyon. Hindi na raw babaero. Hindi katulad noon na papalit-palit ng girlfriend. Baka naman ikaw ang rason? Ayieeeeee!" Tudyo ni Jane sa akin. "Hoy! Ang bibig mo! Gusto mo pasakan ko ng tela iyan! Ang daldal mo talaga! Mabuti pa mamasyal nalang tayo mamayang hapon, mga bandang ala-singko. Punta tayo sa tabing dagat. Namimiss ko na ang tumambay sa may seawall." "Ay, gusto ko iyan! Baka makakita ako roon ng gwapo!" Tili ni Jane. "Baliw! Akala ko ba may boyfriend ka na? Bakit naghahanap ka pa ng gwapo? At isa pa, parang ang laki naman ng Sitio natin para rito ka maghanap ng gwapo? Eh, halos kilala mo na naman ang lahat ng mga binata rito sa atin!" "Aba, malay natin. Baka may maligaw. At saka, baka nandoon din si Anthony. Ayieeeeee! Excited ka, girl ano?" Tukso nito sa akin. "Bakit naman ako ma-e-excite, aber? Gagang 'to! Masyado kang ma-issue!" "Lyza! Jane! Tama na muna iyang chismisan ninyo. Magmeryenda muna kayo. Dito n'yo na sa kusina ipagpatuloy ang usapan n'yo." Tawag ng Ate ko mula sa kusina. "Jane, hali ka na. Kain muna tayo. Gutom lang iyan." "Ate, anong meryenda ba iyan? Nag-abala ka pa talaga." "Nako, Lyza, banana cue lang ito at softdrinks." "Wow! Namiss ko iyan, Ate!" "Come on, Jane, kain muna tayo bago tayo mamasyal sa tabing dagat. Tamang-tama, palubog na ang araw maya-maya. Hindi na masyadong mainit paglabas natin." "Aba, hindi ko tatanggihan iyan, Lyza." "Ate, maraming salamat." Baling nito sa aking kapatid. "Walang ano man, Jane. Sige na, kumain na kayo at nang makaalis na kayo kaagad." Masaya kaming kumain ni Jane habang nagkukwentohan. "Nabusog ako! Pahinga lang tayo sandali then mamamasyal na tayo." Sabi ni Jane sabay dighay. "Jane, magpapalit lang ako ng damit sandali. Hintayin mo nalang ako rito sa sala." Paalam ko kay Jane. Umakyat ako sa ikalawang palapag ng bahay namin at tumuloy sa kwarto upang makapagpalit ng damit. Isang puting t-shirt ang aking isinuot at pinaresan ko lang ito ng shorts. Mahilig kasi ako sa mga puting t-shirts, masarap sa pakiramdam at hindi mainit. Pagkatapos kong magbihis ay sinuklay ko ang aking mahabang buhok at ipinusod na pa-brush up. Hindi ako naglalagay ng kahit ano sa mukha ko kahit na pulbo. Nang sa palagay ko ay maayos na ang aking hitsura ay bumaba na ako at inaya si Jane na umalis na kami. "Jane, alis na tayo. Magpapaalam lang ako sandali kay Ate at kay Papa." "Sige, Lyza. Sa labas nalang kita hihintayin." "Ate, Tatay, lalabas na po kami ni Lyza. Salamat po sa meryenda." Sigaw ni Jane bago lumabas ng pinto. "Ate, nasaan si Papa? Magpapaalam lang ako't lalabas na kami ni Jane." "Nasa likod-bahay, Lyza. Puntahan mo nalang doon." "Sige po. Aalis na rin kami ni Jane, Ate." Ang paalam ko sa aking kapatid. "Jane! Nasaan ka na? Alis na tayo." Ang pagtawag ko kay Jane nang hindi ko ito makita sa labas ng bahay namin. "Lyza, nandito ako sa kapitbahay n'yo, nakikichika lang. Hali ka na." "Kahit kailan talaga, Jane, napakachismosa mo." Paninita ko rito. Pagdating namin sa may bandang seawall, naghanap kami ng mauupuan na pwesto sa may mga hagdang naroon. Napakaganda talaga nitong seawall na ito dahil pwede kang umupo sa mga hagdan during low tide. Tanaw din mula rito ang aming paaralan noong high school na pader lamang ang pagitan. Umupo kami sa isa sa mga hagdan na parte ng seawall at sandaling nagkwentohan. Maya-maya, inaya ko si Jane na magtampisaw sa dagat. Dahil low tide ngayon, kailangan pa naming maglakad ng kaunti bago marating ang may tubig na parte ng tabing dagat. May nakikita rin akong mangilan-ngilan na nangunguha ng shells, siguro lulutuin nila sa haponan. Alam ko ito dahil dati ko rin itong ginagawa. Nang magsawa sa tubig ay inaya ko na si Jane na umuwi. Medyo dumidilim na rin naman. "Jane, umuwi na tayo. Maggagabi na kasi." Kaagad namang umahon si Jane at sumunod sa akin. Inihatid ko muna ang kaibigan ko sa kanila bago ako umuwi sa amin. Pagdating sa bahay, naglinis ako ng aking katawan at nagpahinga. Mga bandang ala-sais, pumunta ako sa kusina upang tulungan ang Ate ko sa paghahanda ng hapunan. "Ate, ano pong maitutulong ko?" "Marunong ka bang magsaing, Lyza?" Ang tanong ni Ate. "Aba, syempre, Ate. Marami na akong alam na gawaing bahay ngayon. Bukod sa pagsasaing, marunong na rin akong magluto ng ulam." Pagbibida ko sa aking kapatid. "Oh, s'ya sige. Ikaw na ang bahalang magsaing. Ihahanda ko ang lulutuing ulam." "Sige, Ate." Masaya kaming naghapunan nina Papa at ng pamilya ng Ate ko: ang kanyang asawa at ang dalawa nilang anak. Tumulong din ako sa pagliligpit ng pinagkainan namin. Nang naayos na namin ni Ate ang kusina ay nagtungo ako sa sala upang magpahinga sandali habang nagbabasa ng novel. Nang bandang alas-otso ng gabi ay naglinis na ako ng katawan at naghanda sa pagtulog. Pero hindi ako dinadalaw ng antok. Alam kong pagod ang katawan ko sa biyahe pero masyadong aktibo ang aking isip. Nakatitig lamang ako sa kisame. Hanggang sa naisipan kong magbasa ng Tagalog pocketbook. Marami ako nito dahi paborito ko itong libangan noong high school. Maghahating-gabi na nang makaramdam ako ng antok. Tamang-tama at matatapos ko na rin ang isang pocketbook na binabasa ko. Bandang ala-una ng madaling araw na ako nakatulog kaya medyo late akong nagising kinabukasan.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD