Sa ika-tatlong araw na nasa ospital si Maynard ay hindi nagkaroon ng pagkakataon si Laurenne na bisitahin ang binata dahil ipinatawag siya ng Hepe ng Anti-Crime Unit para sa panibagong operasyon. Nang kumatok siya sa opisina at sumilip sa pinto ay sinenyasan siya ng Hepe na pumasok at itinuro ang upuan sa harap ng table nito at umupo siya doon. “Nakatanggap kasi ako ng tip mula doon sa nagtitinda ng karne sa aming lugar. Siya din ang nagsu-supply ng karne sa mga kapit-bahay namin. At ayon sa kanya, meron daw isang lalaki na laging naghahanap ng isang single mother sa lugar nila. Ang requirement ʼdi umano ng lalaking ito ay dapat daw na may anak na babae ʼyong single mother. Kinakaibigan daw muna ʼyong nanay at kukumbinsihin na mag-extra na waitress ʼyong anak para daw sa isang party,”

