MARIEL
Maingat akong naglalakad sa maputik na daang sira-sira habang kipit sa tapat ng dibdib ang tatlong libro. Katatapos lang ng ulan kagabi at ayaw kong magkarumi ang suot na unipormeng sapatos kaya kahit medyo late na sa University na pinapasukan ay hindi ko magawang magmadali ng lakad. I always want to look presentable. Sa hitsura man lang ay mag-mukha akong maayos hindi katulad ng kinaroroonang lugar. Bukod sa iskwater ay napaka-gulo pa ng mga tao roon. Hindi sa ikinahihiya ko ang kinalakhan subalit sa uri ng tatahakin kong trabaho pagka-graduate ng kolehiyo ay dapat na maging maayos ang aking hitsura.
Mula nang mamatay si Nanay ay mag-isa ko na lang na itinaguyod ang sarili. Nagsumikap ako para makapag-aral ng kolehiyo at dahil sa sipag at talino ay malapit ko nang marating ang unang hakbang ng aking pangarap. Ngayon ay nasa ikatlong taon na ako sa kursong Mass Communication. Konting tiis na lang at makakaalis na rin ako sa iskwater na ito.
Hindi biro ang aking pinagdaanan para makapag-patuloy sa pag-aaral. Noong una ay nilalait pa ako ng mga tao sa lugar na iyon, sinasabi ng mga ito na masyado raw akong ambisyosa, na sana raw ay babaan ko ang pangarap na maging sikat na News Anchor. Pero hindi ko sila pinansin hanggang magsawa na rin ang mga ito sa pakikialam.
Hindi ako pala-imik na tao pero hindi naman ako suplada. Tatlong tao lang ang madalas kong kausapin-iyon ay si aling Minda na kapitbahay ko at naging gabay ko rin mula ng mamatay si Nanay, si Bangs na anak nito at bestfriend ko, at si Cherry na pinakamalapit kong kaklase. Hindi kasi ako mahilig makihalubilo kahit sa school kaya nasasabihan akong suplada at snob ng mga kamag-aaral. Pero hindi naman ako ganoon. Nais ko lang talagang makatapos ng walang distraction. Hindi ko kailangan ng maraming kaibigan, sapat na sina Bangs at wala akong makitang dahilan para dagdagan iyon.
Nang makarating sa labasan ay matiyaga akong naghintay ng pampasaherong jeepney. Dahil nga kulang na sa oras ay pinara ko ang isa kahit medyo siksikan. Ayaw kong magkaroon ng record of late dahil baka maka-apekto ito sa scholarship ko. Kaya naman nakisiksik ako sa loob ng jeep. Nang dumaan iyon sa SBC ay napabuntong hininga ako. Nakaugalian ko na kasi na tinatanaw ang malaking building tuwing nadaan doon ang sinasakyan. Pero dahil siksikan ay hindi ko nagawang sumilip sa bintana.
Pagkababa sa tapat ng pinapasukang unibersidad ay agad kong nilingon ang SBC. Tanaw mula roon ang malaking logo nito. Isa ang SBC sa pinaka-nangungunang Broadcasting company sa bansa. Ang kompanya na pangarap kong pasukin pagka-graduate. Iyon ang dahilan ng aking pagsisikap. Huminga ako nang malalim bago inalis ang tingin sa tuktok niyon. Pakiramdam ko ay napakatagal pa ng aking pinakahihintay. Pero ‘di bale, darating din ako roon.
Tumalikod na ako matapos ngumiti at tangka nang pumasok sa gate ng University nang bigla ay isang rumaragasang motorsiklo ang tumawid sa aking harapan. Dahil sa katatapos pa lamang na ulan ay nagtalsikan sa aking uniporme ang maruming tubig putik sa daan.
Oh my God! tili ng aking utak matapos makita ang nadumihang damit. Pagkuway pagalit akong nag-angat ng tingin sa walang modong driver ng motorsiklo. Tumigil naman iyon at agad akong binalikan.
“Miss, I'm so sorry. Mali-late na kasi ako kaya nagmamadali ako at hindi kita napansin—”
“Walang kwenta ang sorry mo dahil narumihan na ang suot ko!” mahina pero mariin kong tugon sa lalaking naka-helmet. Hindi ko ugali ang magtaas ng boses o magtatalak lalo na sa harap ng maraming estudyante sa Paaralang iyon, kahit sa loob pa nga sa loob ko ay halos gusto ko ng kutusan ang lalaking antipatiko. Kinuha ko na lang ang panyo at pilit pinahid ang ilang talsik ng dumi sa aking t-shirt.
“Look, I just want to apologize for my mistake . . .”
Hindi ko pinansin ang sinasabi ng binata at namumula sa inis na tinalikuran ito. Ayaw ko mang mahuli sa klase ay kailangan kong bumalik ng bahay para makapagpalit ng bagong bihisan dahil nagmukha akong nagsaka ng palay sa dumi ng suot. Sumunod naman sa akin ang lalaking may-ari ng motorsiklo.
“Miss, pa-saan ka? Pakinggan mo naman ang pagso-sorry ko?” papansin nitong saad na ikina-irita kong lalo. Pakiramdam ko ay nagpapa-cute ito. Pwes, hindi siya cute!
“Sa tingin mo ay saan ako pupunta matapos mong dumihan ang damit ko?” sarkastiko kong tanong habang naghihintay ng jeep. Pasalamat na lang ang lalaking ito dahil wala kaming exam ngayon—kung hindi ay makakatikim talaga ito sa akin.
“Hindi naman ako ang may gawa niyan. Iyong motor ko kasi hindi umiwas sa tubig. Kasalanan din ng pamunuan dahil hindi nila inaayos ang mga sirang kalsada—”
“Nang-aasar ka ba?” asik ko rito.
“Joke lang. Ihahatid na kita para hindi ka masyadong ma-late, tapos hihintayin na rin kita at sabay na tayong pumasok,” anito sabay tingin sa Paaralan.
So estudyante rin pala ang lalaki? Hindi ko napansin ang suot nitong uniform collar shirt dahil sa leather jacket nito.
“Salamat na lang pero kaya kong umuwing mag-isa! Sa susunod ay mag-ingat ka sa pagmo-motor para wala ka nang maabalang tao katulad ko!” pasaring ko pa sa kausap. Hindi ko malaman ang reaksyon ng lalaki dahil sa helmet nito na mata lang ang kita. He has a deep set brown eyes anyway. Matangkad din ito at kahit naka-jacket at halatang maganda ang built ng katawan.
“Ang sungit mo naman. Pumayag kana sa alok ko para patas na tayo! Ayoko rin naman kasi na may na-agrabyado akong tao kaya nga ihahatid at hihintayin kita para makabawi ako,” giit nito.
Marahas akong humugot ng paghinga. Sa totoo lang ay iyon ang unang beses na nagtaray ako. Usually kasi ay iniiwasan ko ang makipag-usap sa tao kung hindi naman kinakailangan. Ewan ko ba kung ano ang mayroon sa lalaki at tila inuubos nito ang aking pasensya. Pero sa kabilang banda ay may punto rin naman ito. Aksidente ang nangyari kaya hindi tama na manggalaiti agad ako sa galit. Pang-asar lang kasi ang tono ng pananalita ng binata kaya nakakapundi! Sabagay, ayaw ko naman talagang ma-late pero dahil nangyari na ay wala na akong magagawa kun’di patawarin ito. Kung aangkas ako sa motor ng lalaki ay aabot pa ako sa second subject.
Ilang saglit nga ay angkas na ako sa motorsiklo. Mabilis pala talagang magmaneho ang lalaki dahil halos wala na akong makita sa daan dahil sa paspasang andar niyon. Agad kaming nakarating sa lugar namin. Doon lang ako nagpahatid sa bungad ng eskinita. Bumaba ako at inalis ang helmet na ipinasuot ng lalaki kanina.
“Salamat. Magpapalit lang ako ng damit kaya dito mo na lang ako hintayin,” sabi ko.
“Okay. Take your time and sorry again,” tugon nito. Tumango ako saka ito iniwan.
Kanina habang nakasakay ako sa likuran nito ay naamoy ko ang pabango ng lalaki. Dati kasi ay ayaw ko ng pabango pero iyong gamit nito ay tama lang sa aking pang-amoy. Actually, masarap sa ilong. Medyo naguluhan ako dahil unang beses na napansin ko ang ganoong bagay sa isang opposite s*x.
Pagkarating ng bahay ay mabilis akong nagpalit ng damit. Ayaw kong paghintayin ng matagal ang lalaki kaya wala pang sampung minuto ay naglalakad na ulit ako sa maputik na eskinita. Pagdating ko sa labasan ay namataan ko ang binata na nakaupo sa motorsiklo patalikod sa gawi ko. Hawak nito ang helmet na inalis sa ulo.
“Salamat sa paghihintay. Tara na?” tawag pansin ko. Nang lumingon ito ay muntik na akong mapatulala nang makita ang gwapong mukha ng lalaki. Hindi ko akalain na ganito pala kagwapo ang kinaiinisan kong binata kanina.
“Okay. Let’s go,” nakangiti nitong tugon na biglang nagpabilis ng t***k ng dibdib ko.
Ano bang nangyayari sa akin? Inis kong tanong sa sarili. Kanina lang ay halos hambalusin ko ito sa inis tapos ngayon naman ay para akong nagka-crush dito? Hindi maaari!
Pinilit kong kumalma habang inaalalayan ng lalaki sa pagsakay sa likod nito. Well, natural lang naman sa edad ko ang humanga sa tulad nito. Normal ako at hindi bulag para hindi makita na napaka-gwapo ng lalaki. Natural reaction lang iyon at walang ibang ibig sabihin. Giit ko pa sa sarili at pilit inalis ang paghanga sa hitsura ng binata. Sakto naman na tumigil ang motorsiklo sa tapat ng SBC at napatingala ako roon. Sa katabing billboard ay naroon ang mukha ni Alexa Salcedo, na isa sa mga sikat na news anchor ngayon sa bansa.
Mag-enjoy ka lang sa kasikatan na tinatamasa mo ngayon. Hindi magtatagal at mawawala sa iyo ang lahat ng mayroon ka!
Poot ang nananariwa sa aking dibdib sa tuwing makikita ang mukhang iyon pati na ang SBC corporation. Kaya ang kaninang nadama kong atraksyon sa kasamang lalaki ay agad naglaho. Walang lugar ang paghanga sa aking puso dahil puno iyon ng pagnanais na makapag-higanti! Wala akong pinangarap kung hindi ang makaharap muli ang ama at kapatid sa kompanyang iyon. Kahit wala pa ako sa unang baitang ng aking mga pangarap ay ipinapangako ko na hindi ako hihinto hangga’t hindi nangyayari ang aking mga plano!.