"Hi, Cali! This is Axel. We're about ten minutes to your area. Pwede ka na bang pumunta sa highway? Naka-coaster kami. White. See you, okay?" Ni hindi nakapagsalita si Cali dahil tinapos agad ni Axel ang tawag. Bukod pa ro'n, bakit ito ang tumawag sa kanya? Busy kaya si Jordan? Saka bakit sila naka-coaster? "Aalis na ako, 'La," paalam niya sa Lola niya na nagtutupi ng mga damit sa sala. Si Lolo Marcial kasi ay umalis. "Nariyan na ang sundo mo?" "Opo, Lola," aniyang kinuha na ang bag na naglalaman ng mga gamit niya para sa two days na out of town niya with Jordan and his friends. "Ingat kayo," sabi ni Lola Clarita nang humalik siya sa pisngi nito. "Opo." Pumunta siya agad sa kanto. Hindi siya dapat magpahintay sa mga ito dahil dinaanan pa siya sa lugar nilang matrapik at magulo.

