Chapter 1

1585 Words
ABOT-TAINGA ang ngiti ni Knoxx habang papasok sa loob ng gate ng Eastville Academy. Ito ang unang araw niya sa mismong paaralan at hindi niya maipagkakailang higit na mas maganda ang eskuwelahang ito kaysa sa Westward Academy, ang paaralan kung saan siya nanggaling. Ang Eastville ay mayroong apat na naglalakihang building na nakapalibot sa malawak na field. Malinis ang paligid at organisadong tingnan ang bawat estudyante. Lahat ay sumusunod sa batas at kung may mga pasaway man, iilan lamang ang mga ito. Hindi napigilan ni Knoxx ang mapangiti. Sana ay wala nang mga bully sa eskwelahang ito, hindi kagaya sa Westward na naging lungga na ng mga estudyanteng nambibiktima ng kapwa nila estudyante. Huminga nang malalim si Knoxx saka nabaling ang tingin sa hawak na school form. Malapit nang magsimula ang klase kaya kailangan na niyang mahanap kaagad ang kanyang silid-aralan. “Class 4C.” Umikot ang paningin ni Knoxx sa building ng mga senior saka hinanap ang Class 4C subalit bigo siyang mahanap ito. Marahil ay nasa second floor ito. “Mr. Dela Cruz.” Natigilan si Knoxx at agad na lumingon sa bandang kanan. Nakita niya si Teacher Kevin Velasquez na naglalakad papalapit sa kanya kaya ngumiti siya at agad na binati ang guro. “Ang sabi ko, hintayin mo ako sa labas ng Teacher’s Office para sabay na tayong pumunta sa klase.” “Pasensiya na po, Sir Kevin. Mukhang mahalaga po kasi ang pinag-uusapan ninyo ng iba pang mga guro kaya nauna na po ako.” Muling ngumiti si Knoxx sabay kamot sa kanyang batok. Nagsimulang maglakad si Teacher Kevin kaya sinabayan niya ito. “Kumusta na nga pala ang mama mo? Nakahanap na ba siya ng bagong trabaho?” “Makakahanap din po ng trabaho si Mama, Sir Kevin,” tipid na sagot ni Knoxx saka ibinulsa ang parehong kamay. Lumaking walang ama kaya bata pa lamang ay ang ina na ang nag-alaga at nagpalaki kay Knoxx. Dahil salat sa buhay ay nangibang-bansa ang mama niya noong walong taong gulang pa lamang siya upang matustusan ang mga pangangailangan niya, kaya naiwan si Knoxx sa poder ng kanyang tiyuhin sa loob ng limang taon. Subalit wala ring nangyari sa loob ng limang taon na iyon. Maliban sa pang-aabuso at pangmamalupit na natanggap niya mula sa kanyang tiyuhin at mga pinsan ay kinukuha pa ng mga ito ang perang ipinadadala ng kanyang ina para sa kanya. Kaya nang makabalik ang ina galing sa ibang bansa at nalaman ang mga nangyari sa kanya ay kinuha siya nito sa poder ng kanyang tiyuhin at nagpatayo ng sarili nilang bahay. Nakapagpundar sila ng maliit na kainan galing sa naipon nitong pera subalit sa pagtagal ng panahon ay unti-unti rin silang nalugi. Dahil sa dumarami na ang mga pinatatayong kainan na higit na mas maganda at mas sosyal kaysa sa kanila ay nawala rin ang mga dati nilang masusugid na customer. Kaya upang hindi lalong malubog sa utang ay nagdesisyon ang mama ni Knoxx na isara ang kanilang munting kainan at maghanap na lamang ng ibang trabaho. “Inalok ko na ang mama mo ng trabaho sa factory ko pero ayaw niyang tanggapin. Ito talagang si Viola, hindi na nagbago.” Muling ngumiti si Knoxx. Kinausap na rin niya ang ina hinggil sa inaalok ni Sir Kevin pero matigas ito. Hindi raw ito tatanggap ng trabaho lalo na kung galing sa kanyang guro. Ayaw nitong magkaroon ng issue pagdating ng araw. “Subukan mong kumbinsihin ulit ang mama mo. Mataas akong magpasahod at hindi rin naman gano’n kahirap ang trabaho. Hindi rin gano’n kalayo ang factory sa bahay n’yo kaya hindi na siya mahihirapan pang mag-commute. Para din naman ito sa inyong dalawa. Kapag sa iba pa siya magtrabaho, hindi tayo sigurado sa naghihintay sa kanya.” Tumigil sa paglalakad si Teacher Kevin at humarap sa kanya. Nasa labas na sila ng silid ng Class 4C. “Salamat, Sir. Kevin. Masaya po ako at tinutulungan n’yo ang mama ko.” Ngumiti ang guro saka siya tinapik sa balikat. “Magkaibigan kami ng mama mo noong high school kaya masaya akong matulungan siya. ’Nga pala, ’yong mga ginawa mo sa Westward kaya ka lumipat . . .” “Sinabi ko na po, hindi ko ginawa ’yon.” “Tama, hindi mo ginawa ’yon. Naniniwala ako sa ’yo. Alam ko kung gaano kabait ang mama mo kaya alam kong pinalaki ka niya nang mabuti. Siya, tara na at malapit nang mag-bell.” Nagpakawala ng malalim na buntonghininga si Knoxx bago inayos ang kanyang bag. Ngumiti siya at agad na sumunod sa guro. Tumahimik ang buong klase nang makarating silang dalawa ni Teacher Kevin sa harapan ng pisara. Umayos ng upo ang kanyang mga kaklase at humarap sa gitna. “Good morning, class. Narinig n’yo naman siguro ang balita na magkakaroon kayo ng bagong kaklase. Mr. Dela Cruz, magpakilala ka sa lahat.” “Magandang umaga sa lahat. Ako si Knoxx Neo Dela Cruz. Nice meeting you all.” “Doon ka na sa tabi ni Ms. Perez maupo. Everyone, open your English book on page 34.” Umikot ang paningin ni Knoxx. Iisang bakanteng silya na lamang ang nakikita niya kaya naglakad siya palapit dito. Naupo siya at agad na inayos ang kanyang bag. Naglabas na ng aklat ang mga kaklase niya kaya napatingin siya sa katabi. May hawak itong libro kaya sumilip siya sa binabasa nito. Bahagya siyang natawa nang makitang may nakaipit na ibang libro sa loob ng hawak nitong libro. Hindi ito nakikinig sa kanilang guro bagkus ay nagbabasa ito ng nobela. “Ano ’yang binabasa mo?” mahinang bulong niya sa katabi. “Bridges of Love,” mahinang sagot nito nang hindi inaalis ang paningin sa binabasa. Tumango si Knoxx. “Maganda ba?” tanong niyang muli. “Oo, gusto mong basa—AHH!” Nanlaki ang mga mata ng babae nang mabaling ang paningin sa kanya. Nabitiwan nito ang hawak na mga libro at agad na tinakpan ang bibig. Nakuha nito ang atensyon ng lahat kaya nahihiya itong nag-peace sign kay Teacher Kevin na nakatingin sa kanilang dalawa. “Sino ka ba kasi? Bakit ka nandito?” tanong ng babae kay Knoxx at akmang pupulutin ang nahulog na libro ngunit naunahan ito ni Teacher Kevin. “Nyxie, hindi ka na naman nakikinig.” “Sorry po, sir. Hindi na po mauulit. ’Yong libro ko po.” “Ibabalik ko itong English book mo. Pero itong novel mo, sa akin na muna.” “Sir naman!” “Papuntahin mo rito ang mga magulang mo kung gusto mo talagang makuha itong libro mo.” Napaigtad si Knoxx nang mabaling ang tingin ni Nyxie sa kanya. Naniningkit ang mga mata nito at galit siyang tinitigan. “Kasalanan mo ’to,” mahinang sambit nito. Nagpatuloy ang kanilang klase. Wala pa rin sa mood si Nyxie at hindi man lamang siya nito pinagbabalingan ng tingin. Ilang beses na napakamot si Knoxx sa kanyang ulo. Unang araw pa lamang niya sa Eastville pero mukhang sinubukan na kaagad ang kanyang kakayahan. Nang matapos ang klase ay agad na kinalabit ni Knoxx ang katabi. Mahaba pa rin ang nguso nito kaya nginitian niya ito nang pagkatamis-tamis. “Nyxie, sorry sa nangyari kanina. Huwag kang mag-alala. Ibabalik ko ang libro mo,” masayang wika niya. Hindi siya pinansin ng dalaga at tumayo sa upuan nito. Lumapit ito sa iba pa nilang mga kaklase at nakipagkuwentuhan. “Addy, pinapatawag ka ni Sir Kevin sa Teacher’s Office. Kunin mo raw ang mga bagong handout.” Nabaling ang tingin ni Knoxx sa kaklase na lumabas ng kanilang silid. Saglit siyang nag-isip bago tumayo at sinundan ito. Agad niya itong sinabayan sa paglalakad. “Ako nga pala si Knoxx. Okay lang ba kung tulungan na kitang kumuha ng mga handout sa office?” tanong niya rito. “Kung ’yan ang gusto mo. Ako nga pala si Adrian James Suarez, ang presidente ng klase natin. Tawagin mo na lang akong Addy.” Ngumiti si Knoxx at nakipagkuwentuhan kay Addy habang naglalakad papunta sa Teacher’s Office. Hindi ito mahirap pakisamahan dahil natural itong mabait kahit pa bibihira lamang kung ngumiti. “Paki-disseminate nito sa mga kaklase ninyo. Study in advance. Isasama ko ang mga topic na ’yan sa exam natin.” “Opo.” Umikot ang paningin ni Knoxx sa mesa ni Teacher Kevin. Napangiti siya nang makitang nakapatong sa ibabaw ng mga lesson plan nito ang librong binabasa ni Nyxie kanina. Kailangan niyang gumawa ng paraan upang mabawi ang libro nito. “Knoxx, mabuti naman at tinulungan mo itong si Addy. Mabait ka ngang bata. Mana ka talaga sa mama mo.” Ngumiti si Knoxx at tinulungan si Addy sa mga bitbit nito. Lumabas na rin sila sa opisina ng mga guro at naglakad pabalik sa kanilang silid. “Kailan nga pala ang exam na sinasabi ni Sir Kevin?” “Next week.” Huminga nang malalim si Knoxx. Next week na pala ’yon. Kailangan ay makahabol agad siya sa klase nila. “Huwag kang mag-alala, mukhang bibigyan ka naman ni Sir Kevin ng consideration. Kakalipat mo lang at maiintindihan niya kung mahihirapan ka sa exam. Gusto mo bang kausapin ko siya na bigyan ka ng special test?” “Hindi. Huwag na. Kakayanin kong kumuha ng exam next week.” “Sigurado ka?” Ngumiti si Knoxx at sunod-sunod na tumango. “Sige. Kung gusto mo, hiramin mo na muna ang notes ko para may mapag-aralan ka. Ibalik mo na lang sa Friday kung tapos ka na.” “Talaga? Maraming salamat, Addy.”
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD