Natutulog pa si Julia nang maramdaman niyang tila may gumagapang sa mukha niya. Kaya naman ay mabilis niyang binuksan ang mga mata niya para makita kung ano iyon. Subalit biglang namilog ang mga mata niya dahil sa mukha na halos magdikit na sa mukha niya.
"F-Franco?" gulat na gulat niyang sambit. Nakakaloko rin ang mga ngiti nito kaya't bigla na namang kinabog ng malakas ang dibdib niya. Subalit nang maalala niya na hindi pa pala siya nakapag-toothbrush ay mabilis niyang iniwasan ang nakakalokong ngiti ng asawa at napatakip sa bibig.
"K-kanina ka pa diyan?" nahihiya niyang usal habang nakatakip pa rin ang bibig gamit ang dalawang kamay niya.
Ngunit imbes na sagutin ni Franco ang tanong niya ay bigla na lamang siyang kinabig ng asawa kaya napatihaya siya. Pagkatapos ay pumaibabaw sa kanya si Franco at mabilis na nahuli ang magkabilang kamay niya at pinagdikit iyon nang magkabilaan ring palad ng asawa. Kaya hindi na naman siya nakagalaw.
"Bakit ka ba umiiwas ng tingin, ha? Ayaw mo bang masilayan ang kagwapuhan ko?"
"A-ano?" nauutal niyang usal dahil tila sasabog na naman ang dibdib niya sa lakas ng kabog. Amoy na amoy niya rin ang mabangong hininga ng asawa na nanunuot sa pang-amoy niya. "A-ang kapal mo naman?"
"Makapal pala, ha!" Siniil niya ng halik si Julia kaya hindi na naman ito nakapalag. Iiwas pa sana ito subalit nahuli niya agad ang labi ni Julia.
Gustuhin mang itulak ni Julia si Franco ay hindi niya magawa. Mahigpit kasi ang pagkakahawak ni Franco sa magkabila niyang mga kamay. Kaya tuluyan na naman siyang napasailalim sa mapang-alipin na asawa. At nang matapos sila ay agad na bumangon si Franco at dumiretso sa banyo para maligo.
"Bakit ba napakamanyak ng tao na 'yun!" naiinis niyang usal habang dinadampot ang mga damit na nagkalat sa kama. Subalit natigilan siya nang marinig na tumutunog na cellphone. Agad niyang hinahanap kung nasaan 'yun. Kaya pinakinggan niya kung saan nanggagaling ang tunog.
Ilang saglit pa ay tila naririnig niya na galing iyon sa bulsa ng pantalon ni Franco na nasa baba ng kama nakakalat. Hindi na sana niya iyon papansinin dahil tawag iyon para sa asawa niya. Subalit tila importante dahil tunog lang ito ng tunog. Dadamputin na sana niya ito pero bigla nang bumukas ang pintuan ng banyo at lumabas ang bagong ligo na asawa.
Kaya hindi na lamang niya tinuloy. Sinabi na lamang niya na kanina pa may tumatawag sa telepono niya.
"Sige na, ako na ang bahala diyan, maligo ka na dahil kanina pa ako nagugutom."
Umismid si Julia kay Franco at mahinang bumulong. "Katatapos mo lang kumain nagugutom ka na naman."
"May sinasabi ka?" natatawang usal ni Franco habang pinupunas ang basang buhok. Kahit pa mahina lamang iyon ay hindi pa naman siya bingi para hindi niya marinig.
"Wala. Ang sabi ko, maliligo na po!" Agad itong tumayo at mabilis na tinungo ang banyo habang natatawa.
Pagkatapos maligo ay kaagad na siyang nagbihis. Bagay sa kanya ang mga hapit na dress na hanggang hita lamang ang haba. Maganda pa rin naman kasi ang hubog ng katawan niya kahit may dalawa na siyang anak. At base sa itsura niya ay hindi siya mapapagkamalan na may anak kung hindi siya kilala.
Makinis at maputi rin ang kutis niya. Wala ka man lang makikitang bakas ng kahit kaunting peklat mula sa katawan niya. May kaya rin naman kasi ang pamilya nila dahil isang retired pulis ang ama niya na may pinakamataas na tungkulin sa buong kapulisan sa probinsya nila. At ang nanay niya naman ay isang principal sa public school.
"Okay na siguro itong itsura ko. Ayoko naman na magmukhang akong espasol dahil sa makapal na foundation." Pinahiran niya lang kasi ng kaunting pulbo ang mukha niya para bumagay sa lipstick niya. Hindi naman kasi siya palaayos talaga sa sarili. Kaunting pulbo lang at lipstick, okay na sa kanya.
Kinuha niya rin ang pabango niya sa bag at nag-spray ng kaunti. Bagong ligo naman siya kaya alam niya na hindi siya mangangamoy kanal kahit kaunti lang ang pabangong ginamit niya. Nang matapos na siyang mag-ayos ay agad niyang dinampot ang maliit na pouch at lumabas na sa kuwarto nila.
Naabutan niya si Franco na nasa lobby habang may kinakausap sa telepono. Nagtaka siya dahil tila mainit ito sa kausap kaya hindi muna siya lumapit.
"Bakit kaya hindi maipinta ang itsura niya? Galit ba siya sa kausap niya? Ano naman ang dahilan?" bulong niya habang nasa baba ng hagdan at hinihintay na ibaba ng asawa ang cellphone na hawak.
"Teka. Ba't ba ako nagtatanong? Pakialam ko ba sa kausap niya." Umarko ang isang kilay niya at umawang ang gilid ng labi. "Babalik na nga lang muna ako sa kuwarto. Nakakahiya naman kung maisturbo ko siya. Mukha pa namang seryoso ang pinag-uusapan nila."
Tatalikod na sana subalit bigla na lamang nagsalita si Franco kaya natigilan siya.
"Bakit ba ang hilig-hilig mong mang-iwan?"
Dahan-dahan niyang nilingon ang asawa na ngayon ay papalapit na sa kanya. Nawala na rin ang nakakunot na itsura nito. Pero hindi ang mukha na lagi niyang nakikita kapag magkasama sila. Seryoso ito na tila pinipilit na ayusin ang sarili.
"Pasensya na. Ang akala ko kasi mamaya ka pa matatapos."
"Hindi mo talaga ako kayang hintayin, ano?" napatiim bagang ito mula sa sinabi niya at napansin iyon ni Julia.
"Teka, galit ka ba? Malay ko na malapit na pala kayong matapos. Ayoko naman na maistorbo ko kayo ng kausap mo. Mukha pa namang seryoso ang pinag-uusapan niyo!"
Matapos sabihin iyon ni Julia ay mabilis na lumapit si Franco at agad na hinila ang isang kamay niya.
"Dami mong dahilan, nagugutom na ako!" tiim bagang nitong usal habang hila-hila ang kamay ng asawa.
"Hoy, dahan-dahan naman. Wala pa akong peklat, kapag nadapa ako dahil sa 'yo, malalagot ka!"
"At sa tingin mo naman hindi kita sasaluhin?"
Bigla na naman kinilig si Julia sa simpleng salita ng asawa. Kahit pa halos matumba na siya sa biglaang paghila nito sa kanya ay hindi na niya iyon pinansin. Napahawi na lamang siya sa nagulo niyang buhok habang may kaunting ngiti sa labi.