KABANATA 10

2073 Words
MASASABI KONG napakasayang magturo ng tatlong bata sa isang araw at iba-iba pa sila ng personality. Iyong dalawa ay hindi pa masyadong nakakapag-adjust sa online tutorial. Dapat ay face to face sila, kaso mas gusto ng mga magulang nilang sa online na lang para kahit hawak daw ang gadget ay puro aral ang nasa isip at hindi ang paglalaro. Isa na rin sa kanilang dahilan ang malayo sila kaya mas pinili kung ano ang convenient. Mataas daw kasi ang rating ng tutorial center na pinagtrtrabahuan ko, ang Kumon. Magaganda raw ang review kaya sa Kumon sila naghanap ng puwedeng mag-tutor sa mga anak nila. Ka-close ko naman silang lahat, pero hindi ko aakalaing mas makakagaanan ko ng loob si Caleb. Parang noong unang pag-uusap namin ay nahihiya pang magsalita pero may itinatago palang kadadalan. “Teacher Ruth, mag-a-out ka na?” tanong niya matapos iligpit ang lapis sa pencil case niyang gawa sa metal tin. Tumango ako na nakita pa niya bago pa siya magbaba ng tingin. May disenyong batman logo sa harap at two layers pa. Maingat siya masyado sa paglalagay ng lapis. Ipinagpantay-pantay pa niya ang laki ng mga niyon. Lumingon ako sa pagngawa bigla ni Rosette sa tabi ko. Agad akong tumayo para kunin siya sa kaniyang stroller at maisayaw. “Baby mo iyan?” tanong niyang namulagat nang makita ang hawak-hawak kong si Rosette sa bisig ko. Agad namang kumalma si Rosette sa ginawa kong pagsayaw sa kaniya kaya bumalik ako sa pag-upo para kausapin pa si Caleb. Napansin kong dumaan sa likuran ang lola niyang hinawakan pa siya sa balikat. “Ay, Caleb, hindi ganiyan. Nasaan na iyong po at opo mo kapag kinakausap ang matanda?” Humaba ang labi niya sa pagsimangot at bumaba ang ulo. “Sorry po,” hingi niya ng paumanhing ibinaba rin ang nakapatong niyang daliri sa mesa. May ngiti ako sa labing ngumiti. “Ayos lang, Caleb. Basta wala kang dini-disrespect na nakakatanda sa pananalita mo, okay lang iyon.” Bahagya siyang nag-angat tingin sa narinig. “Rosette name niya,” pagpapakilala ko sa kaniya. Mahina akong tumawa dahil tumayo pa siya at pilit sinisilip, kahit hindi rin niya makita si Rosette. Kumakamot siya sa ulong bumalik sa pag-upo. “Ilang taon na po baby mo teacher?” curious niyang tanong habang nilalakihan ang mga mata dahilan para muli akong tumawa ulit nang mahina. “3 months old pa lang,” sagot kong inayos ang nakasuot na damit ni Rosette sa bandang didbib niya. Nakatitig lang ito sa akin kaya nginitian kong pinisil nang magaan ang pisngi. Nakapanggigigil ang taba ng pisngi niya at napakatangos ng bridge ng ilong. Napakasarap nakipagtitigan sa kaniya, hindi nakakasawa lalo na ang ngiti niyang nakapapawi lahat ng pagod. “May ganoon pong age, lola?” lingon niyang tanong kay Miss Aira na dumaan ulit sa likuran niya at naupo sa kanan niya pagkatapos itutok ang electric fan sa kanila. “Oo, kapapanganak pa lang kasi ni Teacher Ruth sa baby niya kaya hindi pa katulad sa edad mo,” sagot ni Miss Aira na tinanguan ko. “Nakakapagsalita na po siya?” tanong niya pagkabalik ng tingin. Muling tumayo si Miss Aira at tinalikuran si Caleb na nakita pa niya ang pagtango nito. “Mag-usap na muna kayo diyan, ha? Salubungin ko lang sa labas ang papa mo.” Nahuli ko ang pagbilog ng mata at labi ni Caleb kasabay nang pagharap niya agad sa nakatalikod na pigura ng kaniyang lola. “Nandito na po si papa?” Parang nakatanggap ng sagot si Caleb dahil agad siyang humabol. “Lola, sama ako!” Hindi pa siya nakakalabas nang biglang bumukas ulit ang pinto. Nakita ang lalaking nakasuot ng black maong pants at iginilid ang mga maletang dala niya sa pinto nila. Bahagyang namulagat ang mata ko sa umereng napakalambing at malalim na boses ng lalaking tumawag sa pangalan ni Caleb. Napanood ko ang pagtalon-talon ni Caleb at unat na unat ang braso sinalubong ang lalaking tanging hanggang didbib lang ang nakikita ko. “Papa! I miss you!” Kumapit siya sa baywang ng tinawag niyang papa. “Oh, anak. Sinabihan mo sana kami ni Caleb para nasundo ka namin kahit sa bayan man lang sana,” sabi ni Miss Aira at tumingkayad pa para yakapin ang papa ni Caleb. Nakatagilid ang mukha nito sa camera na nakatutok sa kanila. Clean crew cut ang gupit ng buhok at mataas ang bridge ng ilong. Pagkahiwalay ng yakap ni Miss Aira ay bumalik sa dibdib niya na tanging ang kulay red lang ng kaniyang t-shirt ang napapansin. Mas lumabas pa ang kaniyang kaputian dahil sa kulay ng suot. Inalis ko ang tingin sa camera. Nginingitian kong nilalaro-laro ang kamay ni Rosette na binubuksan at sara. “Papa, si Teacher Ruth kasama baby niya.” Sandali akong nag-angat ng tingin dahil narinig ko ang boses ni Caleb. Pinanatili ko ang ngiti kong napatango, hindi ako makakaway dahil hawak ko si Rosette. “Teacher Ruth, si papa ko,” pakilala ni Caleb sa papa niyang nasa kaliwa niya. “Good evening, Mister. . .” alanganin kong sabi, hindi alam kung ano ang itatawag sa kaniya. “Kalen,” pakilala niyang itinuro pa ang sarili at sumilay ang ngiti niya. “Nice meeting you, Teacher Ruth at thank you pala sa pagtuturo mo kay Caleb.” Parehas sila ni Caleb na may nunal sa ibaba ng kanilang mata, pero iyong kay Kalen ay nasa baba ng kaniyang lower eyelid. “It's my pleasure to teach him,” sagot kong ibinalik ulit ang ngiti. “Behave naman siya?” tanong niyang umakbay kay Caleb. Tumango ako bilang sagot pero parang hindi niya nakita dahil wala sa akin ang tingin nito. Sinimulan namang laruin ni Caleb ang daliri ng kaniyang papa. “Caleb, hindi ka naman magulo kapag tinuturuan ka ni Teacher Ruth?” Ipinadaan niya ang kanang kamay sa buhok ni Caleb. “Behave ako, papa.” Tumaas nang kaunti ang kilay at nanliit ang isang mata niya, hindi makapaniwala. Tumango-tango naman si Caleb, itinaas pa ang kanang palad. “Totoo ba iyon, Ma'am Ruth?” baling sa akin ni Kalen para kumpirmahin. “Behave siya at saka lang nagdadaldal kapag after na ng session namin,” sagot kong tinanguan niya ako. Ginulo-gulo niya ang buhok ni Caleb, parang proud pa siyang masaya base sa ginawa niya at ukit ng ngiti. Naiipit ako bigla. Hindi ko alam kung ano ang gagawin. Tumayo ako para ibalik sa stroller sandali si Rosette. Mahina akong tumikhim at nagulat pa ako dahil parehas kong nakuha agad ang atensyon nila noong bumalik ang tingin ko sa kanila. Hindi ko naman na pinalampas pa kaya nagsalita ako. “Ba-bye, Caleb, Miss Aira at sa iyo rin Mr. Kalen. I-e-end call ko na para makapag-bonding kayo riyan.” “Teacher Ruth, bisita ka rito sa bahay. May bigay akong chocolate para sa iyo at kay baby mo.” Ngumiti lang ako. Nahagip ng mata ko ang pagtakbo ni Manang Ester patungo sa pinto. Tunog naman ng pagsarado ng pintuan ang narinig pagkatapos at ang huni ng susi, senyales na si Aziel ang dumating. “Bisitahin na lang natin si Teacher Ruth baka hindi pa siya puwedeng lumabas kasi walang kasama baby niya. Okay ba iyon, Caleb?” Tumango-tango si Caleb. Kinalabit naman ni Kalen ang balikat ng anak at itinuro ako nang segundo. “Magpaalam ka na kay Teacher Ruth,” utos niya. Nagpakandong si Caleb sa papa niya at kumaway-kaway kaya natakpan tuloy ang mukha ni Kalen. “Bye, Teacher Ruth. See you tomorrow!” “Bibisitahin ka nino?” sulpot ni Aziel na huminto sa gilid ko pagkatapos kong isara ang laptop. Bumungad sa akin ang nakataas niyang mga kilay pagkaangat ng tingin sa kaniya. “Si Caleb at papa niya, bibisita raw para magbigay ng chocolate,” sagot kong hindi pinansin ang ekspresyon niya sa mukha. Dumaan si manang sa likod niya at inilapag sa sofa na nasa tabi ko. Humugot ako ng lakas at suporta sa sofa para tumayo. “Pumayag ka naman?” salubong pa rin ang kilay niyang tanong. “Wala akong isinagot. Hindi rin lang sila matutuloy,” sagot kong totoo naman. Alam kong hindi rin sila bibisita sa bahay at sabi lang iyon ng mag-ama. Bumuga siya ng hanging nagpatuloy sa paghakbang. “I don't like that kid. Baka mamaya inirereto ka na niyan sa papa niya.” Umawang ang bibig kong sinundan siya ng tingin na hindi man lang huminto sa paglalakad. “Ziel, hindi,” mariin kong sabi bilang pagbibigay ng linaw sa kung ano ang naging usapan namin kanina. “Estudyante ko lang si Caleb at ipinakilala lang niya sa akin iyong papa niyang kauuwi galing ibang bansa,” dagdag kong paliwanag. Sumunod ako sa kaniya at sandaling nagtama ang mata namin ni manang. Itinuro ko si Rosette para siya muna ang magbantay dahil Kakausapin ko lang si Aziel. “Papatayin ko na sana kasi tapos na rin iyong lesson namin, pero nagkataong gusto pang makipagkuwentuhan sa akin noong bata kaya hindi ko pa pinatay agad. Ekskato namang dumating papa niya noong nasa kalagitnaan kami ng pag-uusap,” paglilinaw ko para hindi siya magkaroon ng hindi magandang ideya. Humalik ang sapatos niya sa hagdan, pati ang kamay niya sa handrails. “Kapag tutor, tutor. Walang pakilala ng kung sino-sino. After ng lesson, tapos agad ang usapan.” Kumunot ang noo kong hinawakan ang braso niya para tumigil siya sandali sa pag-akyat. “May hindi ba magandang nangyari sa inyo ng mga employee mo?” nag-aalala kong tanong. Humarap siya sandali sa akin. Blangko ang mga mata niyang inalis ang kamay ko at nagpatuloy sa pag-akyat. “Mayroon at ganito pa madadatnan ko pag-uwi,” matabang niyang saad. “Nakikipag-usap na pala sa ibang lalaki.” “Kinausap ko lang iyong papa ng estudyante ko, Ziel. Huwag mo namang gawing big deal,” pakiusap kong hinabol siya para punan ang agwat namin. Nakakahiya kay manang na makita kaming ganito. “Tama na. Hindi maganda kay Rosette na marinig tayong nagtatalo,” saway niya sa aking parang ako ang nagsimula. “I'm going to sleep,” deklara niyang inilingan ko lang at mas binihisan ang paglapit sa kaniya. Muntik pa akong mapatid sa pagmamadali at mabuti na lang nakahawak ako sa handrails at pumikit sa pagkakaluhod ng isang tuhod ko. Inayos ko ang sariling tumayo. “Hindi ka na kakain? Kumain ka muna. . .” sabi ko, iniiba ang usapan. “Nakakain na ako.” Hindi man lang niya napansin ang nangyari sa akin kanina. Bumuntonghininga akong pumikit sandali at kalmadong tinawag ang kaniyang pangalan. “Ziel. . .” Dumilat ako para sana salubungin ang tingin niya pero nakatalikod pa rin siyang nakahinto. “Ruth, I know. Huwag ka nang magpaliwanag. Pagpahingain mo tainga ko.” Tinakpan pa niya ang kanang tainga para bigyang-diin ang pakiusap. “Puwede mo namang sabihin sa akin kung ano ang nangyari sa company.” “Hindi mo lang din maiintindihan kaya bakit pa ako magsasayang ng pagod?” “Ziel, may ginawa ba akong mali? Medyo hindi ko na nagugustuhan iyong dating ng pananalita mo.” Wala akong nakuhang sagot at tanging hangin lang ng pagsara ng pinto ang natanggap habang nanatili akong nakatayo sa harap ng pinto. Bumalik ako sa ibaba. Bagsak ang balikat kong hindi makatingin nang maayos kay manang dahil sa kahihiyan. “Manang, may mali ba sa pakikipag-usap ko sa papa ng estudyante ko?” Ipinatong ni manang ang kamay sa balikat ko. “Wala naman, hija. Pagod lang siguro si Sir Aziel at sa iyo niya naibuntong lahat.” Nag-angat ako ng tingin, medyo nakakunot ang noo. “Hindi naman ho siya ganiyan dati sa akin. Simula noong payagan ko siya sa college reunion niya bigla na lang siyang naging ganito,” malungkot kong sagot. “Habaan mo na lang ang pasensya mo at intindihin si Sir Aziel.” Pinisil ni manang ang balikat ko at dalawang beses tinapik. “Kausapin mo na lang nang mahinahon kapag pumanhik ka na sa itaas,” dagdag niyang tumango lang ako sabay lingon sa pinto ng aming kuwarto sa itaas. Kahit mag-initiate naman ako ng pag-uusap mamaya, hindi rin siya makikipag-usap nang maayos sa akin. Hinahayaan niyang lumipas ang gabing hindi kami nagkakaayos, na hindi naman siya ganito noong wala pang kasal na nangyari. Nakakabago ba ng ugali ang maikasal at magkaroon ng anak? Bakit siya biglang ganito? Mahirap basahin.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD