Hindi ko alam kung nakailang bahing na ako simula kaninang umaga, basta ang alam ko ay tinuluyan na talaga ako ng sipon at lagnat. Bakit ba ang bilis kong tinamaan ng sakit? Eh, bakit ba kasi umulan kagabi? Kinuha ko iyong remote ng aircon ko at pinaglaruan muna ito bago naisipang patayin. Nilalamig na ako kaya kumuha ako ng isang mas makapal pang comforter at ibinalot iyon sa sarili ko. Nagmumukha na akong cocoon ngayon. Nang mabalot ang sarili ay inabot ko muna ang isang tissue paper at muli nang humiga. "Oh, Kuya, bakit hindi ka pa pumapasok sa trabaho?" Tanong ko kay Kuya nang makapasok siya rito sa loob ng kwarto ko. Nakaligo na siya pero parang walang balak pumasok. "I can't leave you here, Savien. Masyadong mataas ang lagnat mo. You sure you don't want to go to hospital?"

