Chapter 4: Bagong Lugar, Bagong Simula

2697 Words
Mabilis na lumipas ang mga araw. Naging abala ang lahat sa kani-kanilang mga gawain sa kanilang buhay. Lalo na si Nita na hinahabol ang dapat gawin bago siya umalis. Paminsan-minsan ay naiisip pa rin ni Nita ang pag-amin ng kaibigan. Pero hangga't maari ay pinapakita niya pa ring magkaibigan sila subalit lumayo ang kaibigan niya. Ito lang kasi ang naisip na paraan ni Rosa para maiwasan ang nararamdaman niya para sa dalaga. Hindi maaari ang kaniyang nararamdaman at alam niyang kahit kailan ay hindi ito matutugunan. Hanggang dumating ang araw ng pag-alis ni Nita ay hindi pa rin nagpapansinan ang dalawa. Tudo iwas si Rosa at walang nagawa roon si Nita kung hindi ay hayaan ang kaibigan sa gusto nito. Ayaw niya itong pilitin at baka magkainitan pa sila ng ulo. 'Siguro, mainam na rin ito.' 'Yan ang palaging sinasabi ni Nita sa sarili. Alam niyang pinapagaan niya lang ang sariling pakiramdam na kahit papaano ay umuubra naman. "Handa na ba lahat ng gamit mo anak?" Tanong ni Corazon sa anak habang naghahanda ng agahan. Gusto niyang pakainin muna ang anak bago ito umalis at alam niyang matagal muli nito matitikman ang kaniyang luto. Isa pa, mas magandang may laman na ang tiyan nito at baka malipasan pa ng gutom habang nasa daan lalo't ang aga pa. "Opo, 'Nay. Nandoon na sa salas ang bag ko." Sagot nito at tumingin sa paligid. Hindi niya pa nakikita ang ama kaya nagtaka siya. "Si Tatay, 'Nay?" tanong niya. "Nasa kwarto pa at hindi kayang lumabas. Masama na naman ang pakiramdam. Doon ka na magpaalam sa kaniya," sabi ng ina. Nagpatuloy lang ito sa paghanda na hindi man lang nilingon ang anak. "Ganoon po ba," mas bakas ang pag-aalala sa kaniyang boses kaysa sa pagtatampo. Hindi niya naman hangad na samahan pa siya ng ama, ang sa kaniya lang ay ang gumaling na ito at hindi palaging nagkakasakit. "Sige po. Pagkatapos kong kumain ay pupuntahan ko po siya para nagpaalam." Sabi na lang ni Nita at sumandok na ng pagkain. Tapos na siyang mag-ayos at handa na ang lahat ang gamit niya para sa pag-alis. Handa na nga dapat siyang pumunta sa malaking bahay, sadyang ayaw lang siya payagan ng kaniyang ina na umalis hangga't wala siyang kinakain. Ayaw rin naman palampasin ni Nita ang pagkakataon, baka kasi matagalan pa bago siya ulit makakain sa luto ng ina. Sinusulit niya na. Ilang sandali pa, natapos din siyang kumain. Niligpit niya na rin ang kaniyang pinagkainan at nilinis ito. Nag-ayos ulit ng kaunti bago pinuntahan ang ama sa silid nito. Kakatok pa sana siya pero nakaawang ng kaunti ang pinto. Kaya tinulak niya na lang ito ng dahan-dahan na huwag makalikha ng kahit ano mang ingay. Doon niya nakita na payapang natutulog ang kaniyang ama. Ayaw niya naman gisingin pa ito dahil halatang hindi ito nakatulog kagabi. Walang tigil sa pananakit ang katawan ng kaniyang ama na naririnig niya pa ang pagdaig nito kaya hindi siya makatulog. Lumapit si Nita sa kaniyang ama na hindi gumagawa ng ano mang ingay. Hindi na siya naupo sa kama nito at baka magising niya pa. Isang mabining ngiting ang sumilay sa mga labi ni Nita habang tinititigan ang ama. "Pangako ko po, ipapagamot ko po kayo. Ang unang sahod ko ay gagamitin natin sa pagpapatingin sa inyo." Pangako ni Nita bago siya yumuko at hinalikan ang noo ng ama. Pansin na ang katandaan sa mukha nito pero alam niyang malusog pa ang ama. "Mahal ko po kayo. Nag-ingat po kayo rito." 'Yon lang at pinakatitigan niya muna ang ama bago nagpasyang umalis na. Lumabas siya sa silid at doon niya naman nakita ang ina na naka upo sa upuan sa sala. Halatang nakaabang ito sa kaniya at halata rin ang pamumula ng mga mata nito indikasyon na kagagaling lang nito sa pag-iyak. Lumapit siya rito at yumakap. "Mami-miss ko po kayo," sabi niya sa ina. "Kami rin anak, mami-miss ka namin. Mag-ingat ka roon. Palagi kang tumawag kay Rosa para alam namin kung kumusta ka na roon. Hayaan mo, kapag nagkapera kami ng tatay mo, bibili rin kami ng cellphone para sa amin ka na tumawag." Sa sinabi ng kaniyang ina ay naalala niya ang kaibigan. Pero binaliwala niya muna ito kasi mas importante itong sinasabi ng ina. "Opo. Kapag makasahod ho ako, bibili po agad tayo ng de-keypad na cellphone ninyo. Mura lang po iyon at hindi po mauubos sahod ko roon. Para kahit sa gabi po ay puwede ko ho kayong tawagan." Nakangiting sabi ng dalaga na nagpangiti na rin sa ginang. Payapa ang pakiramdam ng ginang na paalisin ang anak. Alam niyang magiging maayos lang ang anak kung saan man ito patungo. May tiwala siya sa anak at sa magiging amo nito dahil kilala niya ito. "Paano? Umalis ka na at baka hinihintay ka na ni Senyora." Pangtataboy ng ginang na suminyas pa kaya natawa na lang si Nita. "Sige po." Doon natapos ang pag-uusap ng mag-ina. Ngumiti siya at dinampot ang bag na dadalhin niya. Mabigat ag dibdib nilang dalawa dahil magkakalayo sila. Mahirap man ay kakayanin para sa pamilya. Bitbit ang nag-iisang bag na laman ang kan'yang lahat na pangangailangan, umalis siya at pumunta sa malaking bahay. Ihahatid siya ni Senyora para mas mapakilala siya ng maayos sa kaniyang apo. Kinakabahan siya sa mangyayari mamaya. Ito ang unang araw ng kaniyang pagluwas sa ibang lungsod. Hindi niya pa alam kung ano ang nakaabang sa kaniya pero sisikapin niya ang lahat mapagamot lang ang ama. May naipon man siya, alam niyang hindi pa sapat. Kaya kailangan niya itong trabaho na ito. Sandali pa, nakarating din siya sa malaking bahay. Tamang-tama lang ang kaniyang pagdating dahil papasakay na ang ginang sa sasakyan. Ang driver talaga nila sa hacienda ang maghahatid sa kanila kaya hindi siya mahihirapan sa pagmaneho. "Magandang araw po!" bati niya sa dalawa. "Good morning!" napangiti ng bati ng ginang. Ang gara ng suot nito ngayon kaysa sa nakasanayan niyang simple lang. Nagpapakita talaga ito ng status niya sa buhay at ang kaniyang karangyaan. "Magandang araw rin. Tamang-tama lang ang dating mo, Ineng. Dadaanan ka pa sana namin." Ang driver, si Robin, na ang nagsalita dahil pumasok na agad ang ginang sa loob. Suminyas lang itong mauuna siyang papasok habang hawak ang cellphone at abala roon. "Pasensya na po kung natagalan ako, Kuya. Ayaw kasi akong paalisin ni Nanay nang hindi pa kumakain." Pagdadahilan n'ya kung bakit siya natagalan na totoo naman. Tumango naman ang lalaki kasi kilala si Cora bilang mabait at maalahanin na babae sa kanilang bayan. Hindi talaga ito papayag na umalis ang anak hangga't hindi ito kumakain. Si Robin naman ay binuksan ang compartment ng sasakyan para mailagay roon ang mga maliliit na gamit at bag ng senyora. Lumapit na rin si Nita at nag-abang lang sa gilid bitbit pa rin ang bag. "Seryoso na talaga itong pasya mo, Nita?" Tanong pa ng lalaki habang inaayos ang laman ng compartment. Hindi maaaring madaganan ang ibang bag na nasa loob dahil baka mapisa ang laman nito. Ilan sa mga ito ay produkto ng hacienda na siyang pasalubong ng senyora sa kaniyang apo. Kaya't kung maari ay maingat si Robin sa pag-ayos. "Opo. Para rin po ito kanila Nanay. Lumalala na po ang kalagayan ni Tatay, e." Malungkot na sagot ni Nita habang nakatayo lang sa gilid at hinihintay ang lalaki na matapos sa ginagawa. Mababakasan talaga ng lungkot ang masayahin nitong mukha, na hindi kinasanayan ng tao sa kanila. "Oo nga. Napansin ko nga ang madalas na pagsakit ng hita ng tatay mo. Halos hindi na siya nagtatrabaho, na nakakapanibago." Sagot nito bago kinuha ang hawak na bag ni Nita at inayos ito. "Halos araw-araw nakikita ko ang ama mo, kung hindi sa bukid ay nagpapasada naman ito. Hindi mapirmis iyon kung walang ginagawa. Pero ngayon, umaabot ng isang linggo kung hindi ko siya makita." Saad pa nito bago sinara ng maayos ang compartment ng sasakyan. "Iyon na nga po ang kinababahala ko, e." Ani ng dalaga at sumabay sa paglakad ng lalaki papuntang unahan ng sasakyan. Tatabi siya sa driver habang ang senyora ay sa likod na uupo. Sabay nilang binuksan ang pinto ng sasakyan at mas nauna lang si Robin na pumasok dahil lumingon pa si Nita. Naghihintay siya na makita ang kaibigan bago siya umalis. Pero kahit anino nito ay hindi niya man lang makita. Napabuntong hininga na lang si Nita at pumasok na sa loob ng sasakyan. Rinig niya pang may kausap pa ang senyora at natapos din agad. "Nasa hospital ang apo ko ngayon pero puwede lang tayong tumuloy sa kanila. Iniwan niya naman sa guard ng subdivision ang susi ng bahay." Imporma ng senyora kay Robin bago ito bumaling kay Nita. "Okay ka lang ba, Apo?" Tanong nito. "Ayos lang po. Kinakabahan po ng kaunti pero kaya naman po." Sagot ni Nita na sinagot lang ng ngiti ng ginang bago ito bumaling sa cellphone na hawak. Iba na naman ang tinawagan nito, at rinig niyang tungkol sa negosyo ang usapan nila. Nanahimik na lang din ang dalawa para maayos na makausap ng senyora ang katawagan nito. Ayaw naman nilang maging bastosa sa amo lalo na't negosyo ang usapan nila. Tauhan sila kaya kailangan nilang rumespeto. Umusad ang sasakyan habang si Nita ay sumilip pa, nagbabaka-sakaling makita ang kaibigan. Pero napangiti na lang siya ng mapakla nang wala siyang makita. Gusto niyang okay sila ngayong aalis siya, ngunit hindi siya napagbigayan ng pagkakataon. Subalit hindi niya alam, sa gilid ng bahay ay may nakatayong babae. Umiiyak na tinatanaw ang babaeng mahal palayo sa kaniya. 'Mabuti na nga siguro ang ganito. Makakalimutan din kita. For the last time, I love you.' Ani ng babae sa kaniyang isipan. Ang babae ay walang iba kung hindi ay si Rosa na nakatanas sa papalayong sasakyan na kinalululanan ni Nita. Ilang oras din ang ginugol nila sa pagbiyahe bago nila narating ang subdivision kung saan nakatira ang apo ng senyora. Dinaanan muna ng senyora ang susi bago sila tumuloy sa loob. Namangha pa si Nita sa mga nakikitang malalaking bahay nang lubusan silang nakapasok. Naisip niya pang masarap siguro kung nakatira ka sa ganitong kaganda at kalaking bahay. Pero hindi nakaligtas sa mata ni Nita na ang iba ay madilim. Hindi madilim dahil walang ilaw kundi madilim ang kapaligiran, walang buhay. Malaki nga ang bahay pero wala ang saya na tulad ng nakikita niya sa kanila. Bahay lang ito na pinatayo, pero hindi tirahan. Nakakamangha ang mga desinyo kung 'yon ang pagbabasehan. Makikita ang karangyaan ng bawat isa, kulang nga lang ng sigla, walang kulay. "Nandito na tayo." Pukaw ng driver na lumabas para buksan ang gate ng bahay sa kanilang harapan. Napasilip pa si Nita para makita ang nasa loob ng gate May gate ito hindi tulad ng iba pero ang iba ay nakita niyang may guard habang ito naman ay wala. Kinibit-balikat niya lang ito. Tumitig siya sa bahay sa loob at nakakamangha rin ang isang ito. Bubungad agad sa iyo ang isang fountain na may anghel sa tuktok na siyang binubuhos na tubig. Simple lang ito at ang mas nagpaganda ay ang bulaklak na nakapalibot dito. Namumulaklak kasi ito at iba't ibang kulay pa na siyang nagpapasigla ng paligid. Para kay Nita, hindi man masaya ang paligid ng bahay pero may kapayapaan itong hatid hindi tulad ng ibang bahay. May iilang puno rin siyang nakikita na s'yang nagbibigay lilim sa loob. Bumalik agad si Robin pagkatapos niyang buksan ang malaking gate. Nagmaneho ito papasok pagkatapos ay tumigil ulit sa harap ng malaking pinto ng bahay. May ilang baitang bago mo marating ang pintong malaki na halatang mahal dahil sa desinyo. Parang garahe na ito pero alam ni Nita na hindi pa. Parang babaan lang ito ng malaking bahay dahil katulad ito sa bahay ng senyora sa hacienda. "Sumabay ka na sa akin, Nita," sabi ng ginang bago lumabas sa pintong binuksan ni Robin. Pinili na lang ni Nita na huwag ng sumagot at bumababa na lang din para sumunod. Alanganin siyang tumingin kay Robin. Gusto niyang kasing tumulong dito. "Okay lang, Nita. Sa likod ko ito ibaba lahat. Nandito rin ngayon ang tagalinis ni Ma'am. Sila na lang ang tutulong sa akin kaya huwag ka ng mabahala." Nakangiti pang saad ni Robin. Wala ng nagawa pa si Nita kundi ang sumunod sa senyora. "Sige po. Sabihan n'yo lang po ako kung kailangan ninyo ang tulong ko." Sabi ng dalaga na sinagot lang ng tango ng lalaki. Sumunod na agad si Nita sa senyora. Wala itong dala na kahit ano kung hindi ay ang cellphone lang nito. "Iikot kita sa buong bahay para matandaan mo na ang bawat sulok nito. May kalakihan pero hindi naman ganoon ka rami ang gagawin mo." Pag-uumpisa ng ginang bago tumingin sa kaniya, "alam kong nag-usap na kayo ng apo ko." Sa sinabi na 'yon ng ginang, hindi alam ni Nita kung bakit bigla niyang naisip ang malambing na boses ng amo. Hindi niya alam pero uminit ang kaniyang pisngi sa naalala. Nahihiya siya sa kaniyang naiisip kaya hindi siya tumingin sa senyora. Subalit napabaling ang kaniyang paningin sa isang portrait na nasa gitna ng salas. Dalawang tao ang nakapaloob sa litrato, isang babae at ang isa ay lalaki. Nakasuot sila parehas ng damit pangkasal. Masaya ang ngiti ng bawat isa na nagpapakita na mahal talaga nila ang isa't isa. Nakakahawa rin ang ngiti ng babae kaya hindi napigilang ngumiti ni Nita. "Siya ang apo ko, si Rica. Kasama niya ang asawa niyang si Gab. Limang taon na ang litrato na iyan pero malinaw pa sa alaala ko ang saya niya nang araw na iyon." Pakilala at pag-alala ng ginang sabay hila kay Nita palapit sa malaking litrato. Hindi alam ni Nita kung bakit siya nakaramdam ng pangangasim ng marinig na asawa nito ang kasama. Binaliwala lang ito ng dalaga at inisip na lang na baka nahilo lang siya sa biyahe kaya siguro ganoon. "Ang ganda po ng apo ninyo, Lola." Puri ng dalaga sa apo ng matanda. Maganda talaga ito: singkit ang mga mata nito, matangos ang ilong, may katulisan ang baba na nagbibigay linaw sa hugis ng kaniyang malapusong mukha at sa mamula-mula nitong pisngi, maputi ang balat, at bumagay dito ang mahabang buhok. Pogi rin naman ang lalaki, tipikal na chinito. "Syempre naman, Apo. Kanino ba naman magmamana?" Pagmamalaki ng ginang na sinamahan pa ng pagtawa. Natawa na rin si Nita sa inasta ng ginang. Minsan mas bata ito kung umasta kaysa sa edad nito, pero hindi iyon nakababawas ng respeto sa kaniya ng mga tao. "Oo naman po," sang-ayon naman ni Nita na nakangiti pa. Sa pagtingin niya sa mata ng ginang, hindi nakaligtas sa kaniyang paningin ang pagkawala ng ngiti nito. "Lola-" "Nita," putol ng ginang sa kaniyang sasabihin. "Tatapatin na kita, Nita." Tumingin na ang ginang sa kaniya at ginagap nito ang kaniyang mga palad. "May pakiusap ako sayo, Apo." Puno ng lungkot ang mga mata nito na napansin ni Nita. Kapag ganito ang ginang, alam ni Nita na hindi siya makakahindi rito. "Ano po 'yon, Lola?" Hindi kayang makita ni Nita ang lungkot na ito. "Pakiusap ko sana, alagaan mo ang anak ko at bantayan. Kung may makikita kang kakaiba, tawagan mo agad ako." Huminga pa ng malalim ang ginang. "Ilang taon ko ng napapansin ang pananamlay ng apo ko. Alam kong may hindi na tama sa pagsasama nilang mag-asawa. Ayaw naman niyang sabihin sa akin kung ano ang problema. Kaya sana, ikaw ang maging mata ko. Hindi kita kinuha para roon, gusto rin kitang tulongan. Hiling ko lang sana na maalagaan ng maayos ang apo ko. Sila na lang ang yaman naming mag-asawa." "Lola..." "Kaya pakiusap, gawin mo sana, Apo." Tuloy ng ginang habang nakatingin sa mata ni Nita. Alam ng dalaga na walang masamang intensyon ang ginang. Kahit din naman hindi sabihin ng ginang, kung may masama na siyang nakikita ay sasabihin niya rin dito. Ayaw niyang ng kahit anong masamang gawain kaya sasabihin niya iyon. Nakahinga ng maluwag ang senyora nang makitang niyang ngumiti si Nita. Indikasyon na sumasang-ayon ito sa kaniyang gusto. Napanatag na rin si Lucia dahil nandito na ang dalaga. "Huwag po kayong mag-alala, Lola. Gagawin ko po ang makakaya ko." Nakangiting sabi ni Nita. "Pangako!"
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD