Sumpa ng isang ina
ILANG araw pa ang matuling lumipas.
"Telay, makakalabas ka na!"
Halos mapatid siya sa pagtayo dahil sa narinig na sinabi ng pulis. Bigla ang pagbuhos ng galak nang maisip na muli niyang makakasama ang anak. Paglabas niya sa rehas ay nakita niya ang isang lalaking nakatalikod na tila may hinihintay. Nang humarap ito sa kanya ay nakilala agad niya.
"Attorney!" Masigla niyang sabi. Nakangiti itong lumapit sa kanya
"Ako nga. Gaya ng pangako ni Beth sa iyo, naayos ko na ang piyansa mo. Magkita na lang uli tayo sa hearing."
Malungkot siyang napayuko nang maalalang pansamantala nga lang pala ang paglaya niya.
"Huwag kang mag-alala, Telay. Ako na ang bahala sa kaso. Sinisiguro kong makakalaya ka nang tuluyan."
Tumango siya at bahagyang ngumiti. Kung totoo man, o hindi ang sinabi nito ay hindi na muna niya iisipin. Ang mahalaga ay nakalabas na siya. Nagpapasalamat siya sa abogado lalo na kay Beth na kahit 'di siya kilala ay tumulong pa rin sa kanya. Hindi pa rin siya pinabaayaan ng Diyos. Nagpapadala Ito ng sugo para alalayan siya.
"Siya nga pala," dugtong ni Attorney. May kinuha ito sa leather bag at iniabot sa kanya.
"Pinuntahan ni Beth ang anak mo sa hospital pero nailabas na raw sabi ng nurse. Pinabibigay niya ito, baka raw makatulong."
Pera ang laman ng sobreng iniabot ng abogado. Nagpasalamat siya at nagpahatid ng pasasalamat sa babaeng tumulong sa kanya.
WALANG pagsidlan ang saya niya. Sabi ni Attorney ay nakalabas na ang anak niya sa hospital.
"Magaling na ang anak ko! Diyos ko, maraming salamat po."
Halos magkandarapa na siya sa pagmamadali. Nang may madaanang tindahan ng mga prutas ay bumili siya ng ilang pirasong mansanas at saging para sa anak. Binawasan niya ang laman ng sobreng inabot ni Attorney kanina. Ibibigay niya sa Tiya Imang niya ang lahat ng perang laman ng sobre upang mabayaran ang kanilang pagkakautang. Nangiti siya. Makakaraos na sila. Magtatrabaho lang siya at makapagsisimula na uli sila. Hindi baleng mag-umpisa uli sa wala. Ang mahalaga'y magaling na ang anak niya. Aalagaan nila itong mabuti upang lumakas agad. Magiging masaya na ulit sila. Siya, ang anak niya at ang kanyang Tiya Imang. Miss na miss na niya ang mga ito, lalo na ang anak niya.
Narating niya ang tinitirhan. Napansin agad niya ang isang malaking lona at ilang mesa at upuan. Kumabog ang dibdib niya. Pakiramdam niya'y sinalpok iyon ng malaking bato kaya sumasakit. Nangangalog ang tuhod, itinuloy niya ang paglapit sa kanilang kubo. Alam niya ang ibig sabihin ng mga nakikita sa kanilang bakuran. Pakiramdam niya ay bumigat ang kanyang mga paa. Hindi niya maihakbang nang mabilis. Unti-unting namamanhid ang katawan niya, ang pandama niya, ang utak niya.
Nakita niya ang Tiya Imang niya, papalapit sa kanya. Umiiyak ito at pugtong-pugto ang mga mata. Sumasalubong ito sa kanya, nakalarawan sa nahapis na mukha ang pagdadalamhati. May ilang kapitbahay na nagsilapit din sa kanya. Ang karamihan sa mga ito ay nag-iiyakan din. May nasilip siya sa loob ng kubo. Isang maliit na... ataul.
Wala sa sariling nilapitan niya ang parihabang kahong kulay puti. Kasukat niyon ang salaming nakapatong sa ibabaw kung saan nakapatong naman ang larawan ng nakangiti niyang anak.
Pumaling ang mukha niya sa batang nakahiga sa loob. Bakas sa mukha nito ang labis na paghihirap, ang mga pinagdaanang sakit. Nangingitim pa ang bakas ng mga tusok ng karayom. Hindi naitago ng makapal na pulbo.
Maingat niyang hinaplos ang salamin sa tapat ng mukha nito. Ngunit hindi siya nakuntento. Dahan-dahan ang ginawa niyang pagbbukas sa ataul. Gusto niya itong mahawakan, mayakap at mahagkan. Walang pumigil sa ginagawa niya. Ang lahat ay nakamata lang. Tahimik na nag-iiyakan.
Nang tuluyang mabuksan ang takip, tumambad sa paningin niya ang mas nakakaawang itsura ng anak. Buong pananabik niyang hinaplos ang mga pisngi nito, ang mga braso at kamay na pinadaan ng mga gamot. Hinagod niya ng tingin ang kabuuan nito. Mula ulo hanggang paa. Gusto niyang memoryahin ng utak niya. Tandaan ang bawat sulok ng mukha nito. Ilang sandali pa'y inilapit na niya ang mukha. Dinukwang na ang batang hindi humihinga. Hinalikan niya ito sa noo, at saka niyakap nang mahigpit. Hindi naikaila sa kanya ang malakas na iyakan ng mga naroroon. Nakikiramay at nananangis sa sinapit nilang mag-ina. Ang Tiya Imang niya na hindi umaalis sa tabi niya ay humahagulgol na rin. Ang pagdantay sa kanyang likod ng mainit nitong palad at ang marahang paghagod ay naghahatid ng mensaheng kailangan niyang magpakatatag. Tinulungan siya nitong maibalik sa dating ayos ang takip sa katawan ng anak. Muli niya itong pinagmasdan, at saka walang imik na naupo sa tabi nito.
Nanatili siyang tahimik, at hindi umiiyak. Pakiramdam niya'y natuyo na ang makinang gumagawa ng luha sa mga mata niya. Nakaupo lang siya sa tabi ng kanyang anak. Gusto niyang punan ang mga sandaling wala siya sa tabi nito. Wala siyang ganang kumain. Mapilit man ng Tiya Imang niya ay ilang pirasong biskwit lang at ilang ulit na paghigop sa kape ang nagagawa niya. Hindi siya nagsasalita. Pagtango at pag-iling lang ang kaya niyang isagot sa mga nagtatangkang kumausap sa kanya. Hanggang sa naintindihan na ng mga ito na ayaw niyang magsalita.
Huling gabi ng lamay...marami ang tao. Pati sa gilid ng kalsada ay may mga taong nagsisipag lamay. Ang iba ay nagsusugal at ang iba ay nagku kwentuhan. Sa loob ng kubo ay marami ring mga kapitbahay na boluntaryong nagsisipag luto at nag aasikaso sa mga naglalamay. Nandun din ang mga dating kasama ni Telay na kasambahay. Ang lahat ay nagluluksa at nakikiramay. Alam nilang lahat ang nangyari kay Telay.
Nanatili siyang walang kibo. Parang isang robot na de baterya kung kumilos. Ramdam niya ang naaawang tingin ng mga kapitbahay. Ngunit hindi alam kung paano palulubagin ang kanyang loob. Iginalang ng mga ito ang pananahimik niya. Alam niyang nag-aalala ang mga ito sa maaaring mangyari sa kanya dahil kape at biskuwit lang ang inilalaman niya sa sikmura. Kung hindi nga lang sa Tiya Imang niya na kumupkop at nagmalasakit sa kanilang mag-ina ay hindi sana siya titikim ng kahit ano, kahit inumin. Ngunit ayaw niyang pati ito ay madamay. Tunay na kadugo ang turing nito sa kanya, sa anak niya. Alam niyang kapakanan niya ang inaalala nito.
Malalim na ang gabi nang may pumaradang sasakyan sa tapat ng kanilang kubo. Umugong ang bulong-bulungan ng mga naglalamay. Kilala ng mga ito ang umiibis mula sa magarang kotse.
Mula sa bintana ay sinilip ni Tiya Imang ang mga bagong dating. Nagdilim agad ang mukha nito nang mapagsino ang mga iyon. Halos magliyab ang mga mata nito sa galit. Galit na noon niya lang nakita.
"Ang mga walanghiya!"
Pabulong lang ang pagkakasabi nito ngunit nakarating sa kanyang pandinig.
Agad nitong sinalubong ang mga dumating. Si doktora, ang Senyor at ang walang pusong lalaking ama ng itinuturing nitong apo.
"Ano ang kailangan n'yo? Bakit kayo naparito?"
Nanginginig ang tinig nito sa galit. Mahigpit niyang ikinuyom ang palad. Nais nang sumabog ng kumukulong bulkan sa dibdib niya.
"Gusto lang naming makausap si Telay, Imang."
"Tungkol saan?" Paangil na tanong ni Tiya Imang. Halata sa tono ang matinding inis na nararamdaman.
"Ipapaalam lang namin sa kanya na inurong na namin ang kaso laban sa kanya. Hindi na kami magdedemanda."
Sukat sa narinig ay tuluyang nakahulagpos ang kanyang pagtitimpi. Bumulwak ang kumukulong putik sa bulkang namamahay sa kanyang dibdib. Tumayo siya sa kinauupuan at dahan-dahan naglakad palabas. Natahimik sa paligid. Lahat ng naroon ay nawalan ng imik at natuon sa kaniya ang mga paningin.
"Inurong n'yo na ang demanda?" Matatag niyang tanong sa doktorang agad na ngumiti pagkakita sa kanya.
"Oo Telay, kaya wala ka nang dapat alalahanin pa. Hindi ka na namin kakasuhan."
Gumuhit ang mapaklang ngiti sa isang sulok ng kanyang bibig. "At ano ang gusto ninyong marinig? Magpasalamat ako? Maraming salamat at hindi n'yo na pala ako ipakukulong? Iyan ba ang hinihintay ninyong sabihin ko?"
Dahil nasimulan ang pagsasalita, umahong lahat sa dila niya ang mga gustong sabihin, ang laman ng dibdib na kanina pa nagwawala ay sumasamong palayain na niya.
"Bakit nagpunta pa kayo dito?"
Nagkatingin ang mga ito. Tila nagtuturuan sa pagsagot.
"Pumunta pa rin kayo kahit alam ninyong ganito ang puwedeng mangyayari. Para ano? Para kung ipagtatabuyan ko kayo ay lalabas nang kayo ang kawawa? Na nagpakumbaba na nga kayo'y nagawa ko pang bastusin sa halip na pasalamatan? Para palabasing mabubuti kayong tao?"
"Hindi naman sa gano'n, Telay."
"Ano pala? Gusto ninyong makiramay? Makapag-abot ng abuloy?"
"Kung may maitutulong kami ay huwag kang mahiyang magsabi."
Tuluyan siyang sumabog. Napatid nang tuluyan sa pagkakagapos ang laman ng kanyang dibdib.
"Tignan n'yo. Tignan ninyong mabuti ang kawawa kong anak. Tulong? Aanhin pa ng anak ko ang tulong na sinasabi n'yo? Maibabalik pa ba ang buhay niya? Hihinga na ba uli siya? Ano pa ang silbi nang 'di n'yo pagpapakulong sa akin? Kung sana'y tinulungan n'yo ang anak ko. Kahit bulukin n'yo ko sa kulungan ay magpapasalamat pa 'ko. Kung sana ay pinakinggan n'yo noon ang pagsamo ko, ang pagmamakaawa ko!"
Nilapitan niya ang ama ng kanyang anak. Hinila niya ito palapit sa ataul ng anak.
"Pagmasdan mong mabuti ang anak mo. Alam mong ikaw ang ama ng batang yan. Dalhin mo sa iyong kunsensya ang bigat ng kasalanan mo sa kanya. Mabuhay ka nang matagal upang pagdusahan ang ginawa mo sa kanya. Habang buhay, hanggang sa higitin mo ang iyong huling hininga, ang mukha ng batang 'yan ang iyong makikita!"