Chapter 2

964 Words
Serene *** Flashback *** Anim na taong gulang ako noon nang pumunta kaming mag-anak sa isang amusement park. Mahigpit akong nakahawak sa kamay ni Mama nang biglang lumapit sa amin ang isang misteryosong lalaki. Nagtataka ako kung bakit siya may suot na sumbrero at sunglasses gayong wala namang araw. Bukod pa roon, tila sinadya niyang takpan ang itaas na bahagi ng kanyang mukha, dahilan para kilabutan ako. Nakaputing trench coat na hanggang tuhod ang lalaki at may kakaibang ngisi sa kanyang mukha nang magsalita siya. "Masaya ka, hindi ba?" tanong niya kay Mama. Bigla akong nakaramdam ng matinding kaba, hindi para sa sarili ko kundi para kay Mama. "Ano ba ang ginagawa niyong mag-ina at ang bagal niyo?" malamig na tanong ni Papa, halatang naiinis. Doon ko siya kinamuhian. Sa halip na maramdaman ang panganib, tila ba wala lang ito sa kanya. Naramdaman kong hinigpitan ni Mama ang paghawak niya sa akin, na tila pinoprotektahan niya ako sa kung anuman. Bago ko pa lubusang maunawaan ang nangyayari, nakita ko ang lalaking may kinuha mula sa kanyang likuran at ng iangat niya iyon, nalaman kong kutsilyo pala 'yon. "M-Mama," mahina kong tawag, umaasang lilingon siya. Mas hinigpitan pa niya ang hawak sa kamay ko, at ramdam ko ang takot sa kanyang kilos. "Ma—" Hindi ko natapos ang sasabihin ko. Kitang-kita ko kung paano niya inundayan ng sunod-sunod na saksak si Mama. Para akong napako sa kinatatayuan ko. Nanlaki ang mga mata ko habang dahan-dahang bumagsak ang katawan ni Mama sa lupa. "MAMA!!!" Napasigaw ako at agad lumuhod sa tabi niya. "Huwag kang susuko, Mama. Dadalhin ka namin sa ospital!" Hagulgol ako habang yakap siya nang mahigpit. Pero si Papa? Walang emosyon. Sa halip na tulungan si Mama, sinubukan pa niyang pigilan ako sa pag-iyak at pilit na inilalayo sa aking ina. Para bang wala lang sa kanya ang sinapit ng aking ina. Mabuti na lang, may mga taong nakakita ng nangyari at agad kaming tinulungan. Dinala si Mama sa ospital, pero kahit anong pagsisikap, hindi na siya nailigtas pa ng mga doktor. Wala na siya. At hinding-hindi ko na siya muling makikita pa. Makalipas lang ang ilang araw matapos ang libing ni Mama, may dinala na bagong babae si Papa sa bahay namin, si Daisy. Kasama niya ang isang batang halos kaedad ko, si Mavie. Noong una, natuwa akong may makakalaro ako. Akala ko, magiging mas madali para sa akin na makalimot sa sakit na dulot ng pagkawala ni Mama. Pero hindi nagtagal, napansin kong may kakaiba kay Mavie. Hindi siya basta kaibigan. At ang pinakamasakit? Mas pinili ni Papa na kumampi sa kanila kaysa sa akin. Isang gabi, habang tahimik akong naglalaro sa kwarto ko, bigla na lang bumukas ang pinto. Galit na pumasok si Papa, kasama si Daisy at si Mavie na umiiyak. Naguguluhan ako kung bakit siya umiiyak, pero mas lalo akong nabigla sa sumunod na nangyari. "Huwag mo akong gawing tanga, Serene! Alam kong sinaktan mo si Mavie!" sigaw ni Papa. Napatingin ako kay Daisy, at pagkatapos kay Mavie, na may mapanuksong ngiti sa kanyang mga labi, tila ba may alam sila na hindi ko alam. Pinilit kong ipaliwanag ang sarili ko. "Hindi ako lumabas ng kwarto simula kagabi. Hindi ko alam ang sinasabi mo, Papa." Nanginginig ang boses ko sa pagkalito. Pero sa isang iglap, lumipad ang kamay niya sa pisngi ko. Pak! Nanlaki ang mga mata ko. Unang beses akong sinaktan ni Papa. At ginawa niya ‘yon para sa ibang babae at sa anak nito. Doon ko napagtanto wala siyang pagmamahal para sa akin. Na hindi niya talaga ako gusto sa hindi ko malaman na dahilan. Naging malinaw sa akin ang lahat, hindi anak ang turing niya sa akin. "Hindi kita kailangan dito, Serene," malamig niyang sabi. "Ipapadala kita sa bahay ng lola mo, at doon ka na titira habang buhay. Huwag ka nang bumalik dito. Naiintindihan mo?" Sa murang isipan ko noon, alam ko na wala siyang pagmamahal sa akin. Kaya sinunod ko ang gusto niya at tuluyan akong lumipat kina Lola at Lolo. Doon ko nalaman ang buong katotohanan tungkol sa pamilya namin. Si Papa? Isang traydor. Si Daisy? Isang ahas. Si Mavie? Isa lang produkto ng kasinungalingan at panloloko. At ako? Ako ang magiging dahilan ng pagbagsak nila. *** End of Flashback *** "My dear," malumanay na sabi ni Lola, na bumalik sa reyalidad ko. "Gamitin mo ang isipan mo bago ang puso mo. Ang emosyon ay maaaring makalabo ng iyong pag-iisip at humantong sa maling desisyon. Maging matatag ka, at huwag mong maliitin ang kalaban mo, kahit pa ama mo siya." Tumimo sa isipan ko ang mga salita niya. Sa loob ng maraming taon, hindi ko na mabilang kung ilang beses akong lumuluha, iniisip kung bakit hindi ako minahal ng sarili kong ama. Bakit siya mabait sa akin kapag nariyan si Mama? At bakit niya ako itinakwil para sa isang babae at anak nito? Huminga ako nang malalim, pinag-iisipan ang mga salitang bibitawan ko. "Hindi niya na ako masasaktan kailanman," mariin kong sabi. Tumango si Lola, at sa kauna-unahang pagkakataon, isang maliit na ngiti ang lumabas sa kanyang mga labi. Alam kong nag-aalala siya sa pagbabalik ko sa dating bahay namin, pero ipapakita ko sa kanya na wala siyang dapat ipangamba. Hindi na ako ang dating Serendipity Dylan. Ako si Serene Portico, ang bagong pinuno ng Portico Region. Sa akin, titiyakin kong hindi mawawala ang aming pangalan. Pinaghirapan ako nina Lola at Lolo na maturuan ng lahat ng bagay. Pinanday nila ako para maging malakas, pisikal at mental. At hindi ko hahayaang masayang ang lahat ng itinuro nila sa akin. Akin ang Portico Regio. Akin din ang kumpanya ng aking ina. Sinumang magtangkang agawin ito sa akin ay may kalalagyan at pagsisisihan ni Lorenzo Dylan kung bakit pa niya ako pinabalik ulit.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD