E3- Face to Face

1872 Words
Ano mang oras ay puputok na ang balita tungkol sa nangyari sa grupo ni Rambo kaya ginawa ni Sheena ang lahat upang makaalis sa kinalakihan niyang lugar. Sa bawat saglit ay hindi siya mapakali sapagkat pakiramdam niya ay may mga matang nakamasid sa kaniya, at ano mang oras ay dadamputin siya ng mga pulis. Napapitlag pa siya nang makarinig ng malakas na tunog ng sirena ng sasakyan ng mga pulis. Nataranta siya at napatakbo kasabay ng walang humpay na paglingon-likod. Sa isang kisap-mata ay natumba siya nang may makabangga. "Miss, are you okay?" anang boses ng isang lalaki. "Is someone after you? Are you in danger?" Sunod-sunod pa nitong tanong. Nang mawala ang tunog ng sirena ng sasakyan ng mga pulis ay bahagyang nakahinga nang maluwag si Sheena. Dapat ay iwasan niyang maging praning, kung hindi ay baka ito pa ang maglagay sa kaniya sa alanganin. Iniabot sa kaniya ng lalaking nakatayo sa kaniyang harapan ang kamay nito upang tulungan siyang makatayo. Hindi na siya tumanggi pa at tinanggap niya iyon nang hindi tumitingin sa mukha ng lalaki. "Salamat," wika niya habang pinapagpag ang alikabok na dumikit sa kaniyang puwetan. Pinulot niya ang malaking bag na dala niya na kaniyang nabitawan. "Are you sure you're okay?" muling tanong ng lalaki sa kaniya. "Namumutla ka." "Okay lang ako," tugon niya. At sa wakas ay tiningnan na niya ang mukha ng lalaking kausap. Pakiramdam niya ay huminto sa pag-inog ang mundo sa hindi niya inaasahang kaniyang matutunghayan. Kaagad na nakaramdam siya ng panghihina. Nabitawan niyang muli ang bitbit na bag. Tila umurong ang kaniyang dila, at nangilid ang mga luha niya. Hindi siya maaaring magkamali. Si Andrew Santillan ang lalaking kaharap niya ngayon! Natiim niya ang kaniyang mga bagang. Ang lahat ng sakit na naramdaman niya nang kaniyang unang makita ang patay na katawan ni Cielo ay bumalik sa kaniya. Parang pinipiga ang kaniyang puso. Ngunit pinigilan niyang pumatak ang kaniyang mga luha. "Do you need help, Miss? Don't worry, hindi ako masamang tao. Sabihin mo sa akin ang maitutulong ko. Kung may humahabol sa iyo, sasamahan kita sa police station," wika ng lalaki na mukhang alalang-alala sa kaniya. Nakuyom niya ang kaniyang mga palad. Sa mga oras na iyon ay gusto na niyang sunggaban si Andrew. Gusto niya itong sakalin hanggang sa maputulan ito ng hininga. Pero hindi pa ito ang tamang oras... Ipinikit niya ang kaniyang mga mata at huminga nang malalim. "Okay lang ako," sa wakas ay tugon niya. Nakita niyang nakahinga nang maluwag ang lalaking kaharap. "Mabuti naman. But I am still worried. Sigurado ka bang wala akong maitutulong sa iyo?" tanong ng lalaki. "Okay lang ako," muli niyang tugon. Mas mariin. Bumuntong-hininga ang lalaki. "You know what? May spare time ako ngayon, at saktong gutom na ako. Tanghali na rin naman. Samahan mo na lang kaya akong kumain," yaya nito. Naisip ni Sheena na maaaring tadhana na mismo ang gumawa ng paraan para makita niya kaagad si Andrew nang walang kahirap-hirap. Maaaring ang pagkikita nilang ito ang unang hakbang para makabuo siya ng isang kongkretong plano. "Sige," wika niya. Pinakawalan niya ang isang pekeng ngiti mula sa kaniyang mga labi. Kailangan niyang isantabi na muna ang lahat ng kaniyang nararamdaman. Hindi siya dapat pangunahan ng kaniyang emosyon, kung hindi ay hindi siya magtatagumpay. "Get in," nakangiting wika ni Andrew sa kaniya. Pinagbuksan siya nito ng pinto ng kotse. Hindi na siya nagpakipot pa at pumasok na roon. Umikot ang kaniyang mga mata nang hindi na nakatingin sa kaniya si Andrew. Unang kita niya pa lang sa mukha nito, mukha na itong walang gagawing maganda sa isang babae. Batid niyang nagbabait-baitan lamang ito. Marahil ay iniisip nitong isa siya sa mga babaeng mahuhumaling sa angking karisma at gandang lalaki nito. Ngunit nagkakamali ito. Kung naloka ang kaniyang ate dahil sa lalaking ito, iba siya. Lalo na at nakatatak sa isip niyang gawing miserable ang buhay nito sa lalong madaling panahon. "By the way, I am Andrew Santillan," wika ng binata habang nagmamaneho. "What's your name?" "Sheena," mabilis na tugon ng dalaga. Iyon lamang at hindi na niya sinabi ang kaniyang apelyido. Hanggang doon lamang ang maaaring malaman ni Andrew. Napaawang ang mga labi niya nang mapagtantong nasa harapan na siya ng isang mamahaling restaurant. Hindi niya mapigilang mamangha. Sa dalawampu't limang taong buhay niya sa mundo, ito ang unang pagkakataon na makakakain siya sa ganoong lugar. Pinagbuksan siya ni Andrew ng pinto ng restaurant at pumasok na siya. Pati sa pag-upo ay inalalayan siya nito. Hinayaan niyang ito na ang mamili ng kanilang kakainin dahil wala naman siyang alam sa lasa ng mga pagkaing nasa menu ng restaurant na iyon. "Baka magselos ang girlfriend mo kapag nalaman niyang may kasama kang ibang babae," wika niya habang tinitigan si Andrew. May mga pagkakataong humihigpit ang hawak niya sa tinidor na nasa kaniyang kaliwang kamay. Gustong-gusto na niyang isaksak iyon sa lalamunan ni Andrew. Ngunit paulit-ulit niyang ipinapaalala sa sarili na hindi karapat-dapat si Andrew sa agarang kamatayan. "Girlfriend?" natatawang tugon ni Andrew. "Wala akong girlfriend." Natiim ni Sheena ang kaniyang mga bagang. Ngayon pa lang, napapatunayan na niyang walang kwentang lalaki si Andrew. Ikakasal na ito. Ang kapal ng mukha nitong itanggi ang mapapangasawa! "Wala kang girlfriend?" aniya. "Sa gwapo mong iyan, wala kang girlfriend?" Napangiti si Andrew. "Thank you!" tugon nito. Lalong nanggigil si Sheena. Kung umakto si Andrew ay para bang hayok na hayok ito at lunod na lunod sa papuri. Pasadiyang umubo si Andrew pagkatapos ay ngumiti ito. "Wala akong girlfriend dahil fiancee ko na siya. Ikakasal na kami three months from now and the preparation is ongoing," paglilinaw nito. "And her name is Patricia." Dumagundong sa pandinig ni Sheena ang pangalan ng babaeng iyon. Bahagya siyang napahiya sa kaniyang sarili. Kung bakit pa kasi may pasakalyeng nalalaman si Andrew. Pero kahit na inamin nitong mayroon na itong mapapangasawa, hindi pa rin magbabago ang tingin niya rito. "Actually, dapat kakain kami sa labas ngayon," patuloy na wika ni Andrew. "But on the way, bigla niya na lang akong tinawagan. Bukas na lang daw kasi may importante siyang meeting. My fiancee is such a hardworking woman. Nasa kaniya na ang lahat. She's beautiful, smart, and independent. She doesn't even need me, but I am glad that she wants to spend the rest of her life with me. I just hope that no matter how independent she is, she will still allow me to take care of her. I wanna spoil her with all my love." Napabuntong-hininga ito nang may mapangaraping mga mata. Proud na proud ito kung magkwento na lalong ikinaasar ni Sheena. How dare he! Para nitong binabastos ang alaala ng kaniyang nasirang ate. "Ang swerte mo pala," wika niyang labag sa loob. "Sobra," tugon ni Andrew. Abot sa magkabilang tainga ang ngiti nito. "Wala na akong mahahanap na kagaya niya kaya hindi ko na siya pakakawalan pa." "Kung gano'n, congrats! Sana maging masaya ang pagsasama ninyo." "Salamat." Kung alam lang ni Andrew, pagbabanta ang ibig sabihin ng kaniyang winika. Ang araw na ito ang simula ng mga huling maliligayang araw nito. Sisiguraduhin niyang walang magaganap na kasal at maiiwang wasak ang puso nito. Isinusumpa niyang mararamdaman din ni Andrew ang naramdaman ng kaniyang ate noon. Nanaisin din nitong wakasan ang sariling buhay sa pinakamabilis na paraan. "By the way," ani Andrew, "bakit ka nga pala tumatakbo kanina? Malayo pa lang ako, natatanaw na kita. You kept on looking back. You looked very scared. Lalapitan talaga kita kaya lang ay hindi mo ako nakita at bumangga ka nga sa akin. Who were you running from?" Napalunok si Sheena. Kinailangan niyang mag-isip kaagad ng dahilang kapani-paniwala. "Naglayas ako," tugon niya. Nagsalubong ang mga kilay ni Andrew. "Naglayas? Bakit? May nananakit ba sa'yo sa inyo?" Mukha na naman itong nag-aalala. Umiling si Sheena. "Binubugbog ako ng stepfather ko," pagsisinungaling niya. Napaawang ang mga labi ni Andrew. "We can definitely make him go to jail. Kung gusto mo, tutulungan kita. Ako na ang bahala sa lawyer mo. May kakilala akong magaling na abugado," anito. "Hindi na. Okay na ako," tugon ni Sheena. "Gusto ko lang makalayo. Mas gusto ko na lang na mabuhay nang mag-isa. Huwag ka nang mag-alala sa akin dahil sigurado akong hindi na ako masusundan ng stepfather kong iyon. Sisiguraduhin ko ring hindi na niya ako makikita." "Are you sure?" Tumango si Sheena. "Kailangan mo ba ng trabaho?" tanong pa ni Andrew. "Pwede kitang irekomenda. Pwede ring sa akin ka na magtrabaho. Sigurado akong maihahanap ka ng sekretarya ko ng trabaho sa kompanya namin. Pwede ka ring tulungan ni Patricia. Mabait ang fiancee ko. Actually, isa siyang philanthropist. She loves to help." "Okay lang ako, Andrew. Promise!" nakangiting tugon ni Sheena. "Sapat na iyong lahat ng nagawa mo para sa akin sa araw na ito. Kaya ko na ang sarili ko." Napabuntong-hininga si Andrew. "Here's my calling card," aniya. "Malay natin, hindi lang ito ang pagkakataon na magkikita tayo." Talagang magkikita pa tayo, Andrew, tiim ang mga bagang na wika sa isip ni Sheena. "If you need help in any kind, and if you think I can help you, huwag kang mag-atubiling tawagan ako," wika pa ni Andrew. Ngumiti si Sheena at tinanggap ang card. "Salamat. At maraming salamat ulit sa pagtulong mo sa akin kanina," aniya. "You're welcome. Just call me if ever magbago ang isip mo tungkol sa stepfather mo. People like him belong behind bars," tugon ni Andrew. "Hayaan mo na iyon. Tatanda rin iyon at mauubusan ng lakas. Hindi na iyon makakapanakit pa pagdating ng araw. Bahala na ang karma sa kaniya," ani Sheena. At ikaw, ako na ang bahala sa iyo dahil ako ang karma mo. Biglang tumalim ang paningin niya kay Andrew nang saglit na umalis ang paningin nito sa kaniya. Pero mabilis ding pinintahan niya ng pekeng ngiti ang kaniyang mga labi pagbalik ng atensiyon nito sa kaniya. Lumabas na sila ng restaurant. "You want me to drop you somewhere else?" tanong ni Andrew sa dalaga. "Okay na ako. Maglalakad-lakad na lang ako. Maghahanap ako ng matutulugan ko. Marami namang room for rent sa paligid," tugon ni Sheena. Napabuntong-hininga si Andrew. "I don't really get it why you don't want to come with me. Pwede kitang isama muna sa bahay at doon ka muna pansamantala. Pwede ring i-book kita ng room sa isang maayos na hotel. I want to help you, Sheena. Hindi pwedeng iwan lang kita nang basta-basta knowing that you're running from someone who's been hurting you for years." Napangiti si Sheena. "Kinaya ko nga ang pananakit niya nang ilang taon, 'di ba? Ano pa kaya ngayon na wala na ako sa puder niya? Kaya ko nang maghanap ng matutuluyan ko. Gusto kong makaramdam ng independence. Iyon ang simpleng dahilan kaya ko tinatanggihan ang mga alok mo. Isa pa, hindi pa ako gano'n kakomportable sa iyo dahil ngayon lang tayo nagkakilala. Sana hindi mo masamain." Muling nagbuntong-hininga si Andrew. "I understand," aniya. "I'm sorry kung mapilit ako. But if you say so, it's settled then." Ngumiti ito. "So, see you around, Sheena." Ngumiti lang ang dalaga. Tuluyan nang pumasok si Andrew sa kotse nito at umalis na. Tiningnan ni Sheena ang calling card na bigay sa kaniya ni Andrew. Sumilay sa kaniyang mga labi ang isang makahulugang ngiti.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD