E1- Uninvited Guest

1933 Words
Inilapag sa harapan ni Sheena ng isang lalaking unang beses na kaniyang nakita sa buong buhay niya ang isang ataché case. Binuksan iyon ni Sheena at nanlaki ang kaniyang mga mata nang makita ang bulto-bultong halaga ng perang nasa loob niyon. "Dalawang milyon," anang lalaki. Matangkad ito, may matipunong pangangatawan, at intimidating ang dating. Nakasuot ito ng tuxedo at may kasama pang mga armadong alipores. "Paunang bayad pa lang iyan. Ibibigay ko ang kabuuan kapag nagawa mo na ang ipinapagawa ko. Gusto ko munang makitang wasak na wasak si Andrew Santillan," patuloy na wika nito. Napalunok si Sheena kasabay ng pagsasalubong ng kaniyang mga kilay. "Bakit ako?" Ewan niya ba at iyon ang unang mga katagang lumabas sa kaniyang bibig sa dami ng mga tanong na tumatakbo sa kaniyang isip sa mga oras na iyon. Ni hindi niya nga kilala ang lalaking kaharap. Basta na lamang itong pumasok sa kaniyang bahay. Pagkatapos bigla na lang siyang aalukin ng milyones? At sino naman si Andrew Santillan? Inilapit ng lalaki ang mukha nito sa mukha ng dalaga. "Bakit ikaw?" pabulong nitong wika. Ngumisi ito. Bumuntong hininga ito at inilibot ang paningin sa paligid. Naglakad ito patungo sa dingding at kinuha ang nakasabit na larawan ng isang magandang babaeng nakasuot ng itim na toga habang nakangiti at nagniningning ang mga mata. Napatayo si Sheena. "Bitawan mo ang picture ng ate ko," mariin niyang wika. "Sino ba kayo? Ano ba talaga ang kailangan ninyo sa akin? Hindi ko kayo kilala!" Susugurin niya sana ang lalaki upang bawiin ang picture ng kapatid, ngunit napigilan siya ng isa sa mga tauhan nito. Nagpumiglas siya, ngunit walang sinabi ang karampot niyang lakas sa lakas nito. Ngumiti ang lalaki at naupo. "Will you sit down, Sheena?" aniya. "Hindi ako nandito para saktan ka." Kumunot ang noo ni Sheena. "Bakit mo ako kilala? Sino ka ba talaga?" aniya. "Umupo ka muna, at mag-usap tayo nang maayos," tugon ng lalaki. "At kung pwede ay ipagtimpla mo kami ng kape o kahit bigyan mo man lang kami ng tubig. Hindi ba dapat gano'n kapag may bisita?" "Anong bisita? Hindi ko kayo bisita. Basta na lang kayong pumasok sa bahay ko. Trespassing ang ginagawa ninyo dahil hindi ko kayo kilala." "Matapang ka. Gusto ko iyan," nakangiting tugon ng lalaki. "Kailangan mo iyan sa ipapagawa ko sa iyo." "Wala akong gagawin para sa iyo kung sino ka man. Kaya umalis ka na bago pa ako sumigaw at tumawag ng pulis," banta ng dalaga. "You don't want to do that. Believe me," tila natitiyak na tugon ng lalaki. Napalingon si Sheena nang marinig na sabay-sabay na ikinasa ng mga alipores ng lalaki ang mga hawak na baril ng mga ito. Tinapik ng lalaki ang upuan na nasa kaniyang tabi. "Sit down now, Sheena," utos nito sa dalaga. Iwinasiwas ni Sheena ang mga kamay na nakahawak sa magkabilang braso niya at padabog na umupo sa tabi ng lalaki. "I am Wisley Buenaventura." Iniabot ni Wisley ang kamay sa dalaga ngunit hindi iyon tinanggap ni Sheena. "Okay, Wisley Buenaventura, ano ang kailangan mo sa akin? Huwag ka nang magpasikut-sikot dahil wala akong oras para diyan," tugon ni Sheena. Bumuntong-hininga si Wisley at ngumiti. "Okay," aniya. "Bumalik tayo sa tanong mo kung bakit ikaw. Simple lang. Dahil ikaw lang ang may sapat na galit para sirain ang buhay ni Andrew Santillan." He smiled in amazement. "Kay tagal kitang hinanap." "Baka nagkakamali ka lang. Wala akong kilalang Andrew Santillan," tugon ni Sheena. "Siguro nga hindi mo siya kilala." Hinaplos niya ang picture frame ng nakatatandang kapatid ni Sheena. "Pero kilalang-kilala siya ng ate mo." Lumaksa sa puso ni Sheena ang kaba. "Deretsuhin mo na nga ako. Sino ba si Andrew Santillan, at bakit sinasabi mong kilala siya ng ate ko?" aniya. "Siya lang naman ang nag-iisang dahilan kung bakit nagpakamatay ang ate mo," tugon ni Wisley. "Siya ang sumira sa buhay ng kapatid mo at ng buhay mo." Pakiramdam ni Sheena ay biglang bumagsak ang langit sa kaniya sa narinig. Bumalik ang mga alala-ala niya sa nasira niyang kapatid. Dalawa na lamang sila sa buhay ng ate niyang si Cielo. Dalawang taon lang ang agwat nila sa isa't isa pero mas matapang at mas may pangarap sa buhay si Cielo. Bata pa sila nang maulila sa kanilang mga magulang. Mag-isa siyang itinaguyod at pinapag-aral ni Cielo habang iginagapang din nito ang pag-aaral. Pagkatapos ng ilang taong pagtitiis ay naka-graduate si Cielo sa kolehiyo. Akala nilang magkapatid ay iyon na ang simula ng pagbabago ng kanilang buhay. Nagbago nga ang kanilang buhay ngunit sa paraang hindi nila inaasahan. Tatlong buwan matapos maka-graduate ni Cielo sa kolehiyo ay nagpakamatay ito sa dahilang hindi niya nalaman. Wala siyang maisip na dahilan upang kitilin ng kaniyang kapatid ang sarili nitong buhay. Napakarami nitong plano at pangarap. Sa huli ay sinisi niya ang kaniyang sarili. Siya lang naman ang nag-iisang problema ng kaniyang ate. Hindi gaya nito, hindi siya gano'n katalino at pasaway pang estudyante. Parati niyang binibigyan ng sakit ng ulo ang nakatatandang kapatid. Nagkaroon pa sila ng pagtatalo isang araw bago ito nagpakamatay. Kaya dinala niya sa kaniyang konsensiya ang pagkawala nito. Kaya simula nang mawala si Cielo, para na rin siyang namatay. Tumigil siya sa pag-aaral, at naging patapon ang kaniyang buhay. Nawalan siya ng direksiyon. At sa loob ng limang taon, may mga gabi pa ring napapanaginipan niya ang kaniyang ate na para bang hindi matahimik ang kaluluwa nito. "Ano'ng sinasabi mo?" nangingilid ang mga luhang usisa niya kay Wisley. "Bakit naman magpapakamatay si Ate dahil sa Andrew Santillan na iyon?" Sinenyasan ni Wisley ang isa sa mga tauhan niya. May envelope na ibinigay ang tauhang iyon kay Wisley. "Find out for yourself," tugon niya sa dalaga. Iniabot niya ang envelope na iyon kay Sheena. Nag-aalalinlangan man ay kinuha iyon ni Sheena. Nanginginig ang mga kamay na binuksan niya ang envelope at inilabas ang mga laman niyon. Mga larawan. Iyon ang laman ng envelope. At nasa mga larawang iyon ang kaniyang ate kasama ang isang lalaki na hindi niya kilala. Ipinagpalagay niyang iyon na si Andrew Santillan. At base sa mga larawan, may relasyon ang dalawa. Nakumpirma niya iyon ng makita niya ang isa sa mga larawan kung saan naghahalikan ang dalawa. "Habang nag-aaral ang ate mo, nakilala niya si Andrew Santillan. Niligawan siya ni Andrew at naging magkasintahan sila. Tatlong taon ang naging relasyon nila hanggang sa isang araw ay nagpasya si Andrew na hiwalayan ang kapatid mo. Hindi iyon matanggap ng kapatid mo kaya siya nagpakamatay," paliwanag ni Wisley. Bumagsak ang mga luha ni Sheena. Nagtiim ang kaniyang mga bagang. "Hindi totoo iyan. Hindi magpapakamatay ang ate ko nang dahil lang sa isang lalaki. Hindi siya gano'n kababaw," aniya. "Ako. Ako ang dahilan kung bakit siya nagpakamatay. Napagod siya sa akin dahil buong buhay akong naging pabigat sa kaniya." Nailing si Wisley. "Poor you. Sinisisi mo pala ang sarili mo sa pagpapakamatay ng ate mo. I can't imagine the hell that you've been through. Pero nandito ako para itawid ka sa hangganan ng lagusan, Sheena. Makikita mo na ang liwanag," aniya. Hindi umimik si Sheena. All he can see is the disbelief in her eyes. "Hindi mo pa lubusang kilala ang kapatid mo kung gano'n. Ni hindi mo nga alam na nagkaroon siya ng boyfriend kung hindi pa dahil sa akin. Ang buong akala mo, sa iyo lang umiikot ang mundo niya, pero nagkakamali ka." "Hindi pa rin ako naniniwalang magpapakamatay si Ate dahil sa Andrew Santillan na iyan," tugon ni Sheena. Ngumiti si Andrew. "Tingnan mo pa ang envelope. May hindi ka pa nakikita," aniya. Iyon naman ang ginawa ni Sheena. Itinaktak niya ang envelope at may nalaglag na isang nakatuping papel. Isa iyong sulat mula kay Cielo para kay Andrew. Sigurado siyang sulat-kamay iyon ng kaniyang ate. Laman niyon ang pagbabanta ni Cielo kay Andrew na kapag iniwan siya nito nang tuluyan ng nobyo ay magpapakamatay ito. Magkahalong lungkot, pangungulila, pagsisisi, at galit ang biglang lumukob sa kaniyang puso. Ngayon ay malinaw nang hindi nga siya ang dahilan ng pagpapakamatay ng kaniyang ate. Iniwan siya ni Cielo dahil kay Andrew Santillan. Nakuyom niya nang mahigpit ang kaniyang mga palad. Kitang-kita ni Wisley ang nag-aapoy na galit sa mga mata ng dalaga. He smirked. That's what he wants to see. At ngayon ay nasisiguro niyang makukumbinse na niya ang dalaga. "Ganiyan nga, Sheena. Magalit ka. Maghiganti ka," aniya. Napatingin sa kaniya ang dalaga. "At sino naman ang nagsabi sa iyo na maghihiganti ako?" wika ng dalaga. Umawang ang labi ni Wisley. "Hindi pa ba sapat na nawala ang ate mo dahil sa Andrew na iyon? Ano, pagkatapos mong malaman ang totoo, mananahimik ka na lang at kikimkimin ang galit mo? Ayaw mo ba ng hustisya para sa ate mo? Hindi mo maipapakulong si Andrew dahil lang sa nagpakamatay ang kapatid mo dahil sa kaniya kung iyan ang iniisip mo." "Gusto mo lang akong gamitin. Bakit, ano naman ang kasalanan sa iyo ni Andrew Santillan? At bakit may picture ka nilang dalawa? Bakit kilala mo ang ate ko?" "Tungkol sa kasalanan sa akin ni Andrew, I'm afraid that it's a very long list, Sheena. Pero, ang sasabihin ko lang sa iyo, isang malaking tinik sa lalamunan ko si Andrew. Hindi mo na kailangang malaman kung bakit. I have nothing to do with your sister. Nadamay lang siya rito dahil naging karelasyon siya ni Andrew. At tamang-tama na ikaw ang nilapitan ko dahil katulad ng sinabi ko, ikaw ang may sapat na galit para maghiganti kay Andrew. Ngayon, ang gusto ko lang malaman ay kung maghihiganti ka ba o hindi. Handa kitang bayaran kung oo. Name your price kung hindi pa sapat ang dalawang milyon bilang paunang bayad." "Hindi ko kailangan ng pera mo. Wala akong paggagamitan niyan." "You'll never know." He shrugged. Hindi umimik si Sheena. "Namatay ang ate mo. Nawala ang nag-iisang katuwang mo sa buhay. Kaya ka nag-iisa ngayon dahil kay Andrew Santillan. Ngayon na alam mo na siya ang dahilan ng lahat ng iyong pagdurusa, hahayaan mo na lang bang siyang mamuhay nang masaya habangbuhay?" Napatingin si Sheena kay Wisley. "While you're depressed, Andrew is having the best time of his life. Mayaman siya at malapit na siyang ikasal. Doesn't it make you feel bad?" "Ikakasal na siya?" "Yes. And I want you to know na ang babaeng papakasalan niya ang dahilan kung bakit niya hiniwalayan ang ate mo. Hahayaan mo na lang ba silang maging masaya?" Bumigat ang mga paghinga ni Sheena. "Isipin mo, Sheena. Ngayon na alam mo na ang totoo, simula sa araw na ito ay mas lalong magiging miserable ang buhay mo hangga't hindi mo nabibigyan ng hustisya ang pagkamatay ng ate mo. Alam mong gabi-gabi ka nang hindi makakatulog. She didn't deserve to die. The future has so much to offer to her. Kung nabubuhay lang sana siya ngayon, siguro ay natupad na niya ang mga pangarap ninyong dalawa. Siguro ay masaya kayo ngayong magkasama," ani Wisley. Hindi niya lilisanin ang bahay ng dalaga hangga't hindi niya ito nakukumbinsi. Isang maikling katahimikan ang bumalot sa paligid. "Ano ang gagawin ko?" tanong ni Sheena makalipas ang ilang sandali. Nakahinga nang maluwag si Wisley sa narinig. "Do it your way," nakangiting tugon niya. "Hindi kita pakikialaman sa kung paano mo gagawin ang iyong paghihiganti. Basta gawin mo ang lahat. Siguraduhin mo lang na malulugmok at magiging miserable si Andrew Santillan. Kapag nagawa mo iyon, tagumpay ka." Iniwan ni Wisley ang dalawang milyon sa kabila ng pagtanggi rito ni Sheena, at umalis na siya kasama ang kaniyang mga tauhan. Wala na siyang ibang sinabi kundi ang paalala na babantayan niya ang bawat galaw ng dalaga.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD