Episode 5 - Nice One

3305 Words
Nanlaki ang mga mata ko at hindi ko na malaman ang gagawin dahil nagsalita ako. Ang tanga ko talaga! Hindi ko alam kung magsasalita ba ulit ako para magpaliwanag o magpapakapipe ulit nang bigla na lang siyang napasandal sa dibdib ko kaya napayakap ako sa kaniya para maalalayan siya. Bumigat na rin nang sobra ang katawan niya dahil paniguradong nawalan na siya ng malay at kung hindi ko siya yakap ngayon, napahandusay na siya sa lupa. ~~~* * *~~~ Pabagsak na ibinaba ko na si Hyacinth sa kama niya mula sa pagkakabuhat ko. Tumalbog lang siya pero hindi naman siya naglaglag. Agad na lumutaytay ang mga braso ko at ngalay na ngalay din ang backbone at balakang ko sa pagbubuhat sa kaniya papunta rito. Walang boses na napadaing ako dahil pakiramdam ko, mababali ang mga 'yon sa kaunting galaw ko lang. Dahan-dahan akong umupo sa gilid ng kama niya para makapagpahinga. Hingal na hingal ako sa sobrang pagod. Napakabigat ng babaeng 'to! Parang balyena ang binuhat ko! "Tama na 'yan. Lasing na lasing ka na." "You can... talk?" "You... sounded like a man." Napapikit ako nang mariin nang maalala ko ang napakalaking kabobohang ginawa ko kanina. Sinapok ko ang ulo ko sa pagkaasar sa sarili ko dahil nagsalita ako kanina. Bakit nakalimutan ko na nakadisguise nga pala ako bilang si Terry na isang pipe na babae? Bakit?! Dahil doon, kailangan ko nang magpaalam sa 16k kada buwan na sahod at napakagandang rest house na tinitirahan ko ngayon! Siguradong mamayang umaga, paggising niya, palalayasin na niya ako at babalik na naman ako sa pagkukumahog na maghanap ng trabahong magtutustos sa 'kin. Sasabunutan ko sana ang sarili ko pero nakawig nga pala ako kaya hindi ko itinuloy at tinapik ko na lang nang tinapik nang malakas ang bibig ko bilang parusa ro'n. "Hmmm..." Gumalaw-galaw si Hyacinth sa likuran ko at tatayo na sana ako para umalis nang yakapin niya ako mula sa likod ko kaya natigilan ako at unti-unting nanlaki ang mga mata. Dahan-dahan akong napatingin sa mga kamay niya na nasa tiyan ko at nilock niya pa 'yung mga daliri niya ro'n. "Mom... come back... Please..." Humigpit ang yakap niya sa 'kin. "Bumalik ka na... I miss you so much..." ~~~* * *~~~ Kinabukasan... Nag-iimpake na ako ng mga gamit sa maleta dahil paniguradong mamaya, aalis na ako sa napakagandang lugar na 'to. Isinalansan ko sa ilalim ang mga panlalaki kong gamit at itinutupi ko na ang mga pangbabae galing closet para ilagay ro'n. "Aggghhh... Terry..." Napatigil ako nang tawagin ako ni Hyacinth mula sa kabilang kuwarto habang sobrang dumadaing. Gising na siya. Agad kong kinuha ang wig na nakapatong sa kama ko at bago isuot 'yon ay nagpalit muna ako ng isang turtle neck na blouse. Panjama ang pang-ibaba ko kaya hindi na ako nagpalit pa n'on. "Terry! Help me... Ang sakit ng ulo ko!" sigaw niya. Eh 'di tanggalin mo. Gusto ko sanang isagot kaso syempre, 'di puwede. Magpapakalasing-lasing tapos hindi naman pala kaya ang hang-over. "Agghhh..." Patuloy ang pagdaing niya. Dala ang sketch pad at pentel na gagamitin kong pangkausap sa kaniya ay pumunta na ako sa kuwarto niya. Namimilipit siya ng sakit sa higaan niya habang nakahawak sa ulo niya. Lumapit ako sa kaniya at kinulbit siya para ipaalam na nandito na ako. Napatingin siya sa 'kin at hindi napigilang mangunot ng noo ko nang makita ang pamamaga ng mga mata niya na hindi niya maimulat nang maayos. Pati ang mukha niya, manas. Resulta 'yon ng pag-iyak niya nang sobra kagabi at pag-iinom ng wine. Pero kahit gano'n, hindi naman siya pumangit. Konti lang. "I badly need hang over soup Terry... Dalhan mo ako rito dahil hindi ko kaya pumunta sa kitchen sa sakit ng ulo ko." utos niya habang namimilipit pa rin sa sakit. Tumango lang ako at ipinatong muna sa study table sa tabi ng kama niya ang pad at pen na hawak ko saka kinuha ro'n ang tray na may lamang mangkok ng sopas na nakatakip at baso ng gatas na nakatakip din. Pinagtatanggal ko ang takip n'on at itinuro sa kaniya 'yon. Kani-kanina ko lang 'yon iniluto dahil alam kong magkakahang-over siya. Iniready ko na rin 'yon dito sa study table niya para makakain kaagad siya pagkagising niya. Nahihirapan siyang umupo nang sarili niya kaya tinulungan ko siya. "Thanks." pasasalamat niya habang nakahawak pa rin sa nasakit na ulo niya. Aaminin ko, 'yon ang isang bagay na maganda sa ugali niya. Marunong siyang magpasalamat hindi katulad ng ibang anak mayaman na napakamatapobre. Nagsosorry rin siya kapag may nagagawa siyang mali rito sa bahay at inaamin kaagad niya 'yon sa 'kin. Hindi ko tuloy alam kung bakit siya ni-label-an ni manang Tonet na rebelde. Ipinatong ko sa space sa harapan niya ang tray ng pagkain at doon ay nagsimula na siyang humigop ng sabaw ng sopas gamit ang kutsara. Uminom na rin kaagad siya ng gatas at nang mainitan na ang sikmura niya, halata na gumagaan na kahit papaano ang pakiramdam niya sa pagngiti. "You know what, you're truly skilled in cooking. Simpleng sopas lang 'to but this is super duper good." puri niya sa luto ko. Matipid na ngumiti lang ako pero ang totoo, natuwa ako sa pagpuri niya sa luto ko. Hindi siya madamot sa pagpuri kapag may nagugustuhan siyang isang bagay. Ang gana niyang kumain at sa panonood sa kaniya, hindi ko namalayan na nakangiti na ako. "Argh! F*ck this hangover! I won't ever drink again! Nakailang bottle of wine nga lang ba ako kagabi?" kausap niya sa sarili niya at inalala kung ilang bote ang nainom niya. Nawala ang ngiti ko at nagsimula nang balutin ng kaba ang dibdib ko dahil inaalala niya na ang nangyari kagabi. "Naalala ko, two bottles lang ang kinuha ko sa ref. at doon ako sa labas uminom. Wait. Paano ako napunta rito sa room ko?" Namawis na nang malamig ang mga palad ko at nang humangin nang malamig, tumayo ang mga balahibo ko sa kaba. "Ikaw ba nagdala sa 'kin dito Terry?" Tumango ako nang kaunti at nangunot ang noo niya. "You? How? Kahit mas matangkad ka sa 'kin, I'm sure you can't carry me with my weight and with that fragile looking body of yours." Sumubo ulit siya ng sopas habang nakatingin pa rin sa 'kin. Creative reasoning activated. Nagsulat ako sa pad na ipinatong ko sa study table niya. Ipinakita ko 'yon sa kaniya. [Ibinalot kita sa kumot saka kinaladkad papunta rito.] Nanlaki ang mga mata niya at naudlot ang pagsubo na gagawin niya sana. "You did what?!" Nagsulat ulit ako. [Joke. Walang kumot nong kinaladkad kita.] Ang sama na ng tingin niya sa 'kin dahil narealize niya na inaasar ko lang siya. "Gusto mong isaboy ko sa 'yo 'tong sopas Terry?" [Hindi mo ba naaalala ang mga ginawa mo kagabi?] Panahon na para malaman ko kung naaalala niya ba na nagsalita ako kagabi. Nangunot naman nang sobra ang noo niya sa pag-alala. "I... I can't. Ang naaalala ko lang talaga ay... nag-inom ako sa labas ng two bottles of wine... Nagstart ako ng 10 pm and then..." Pumikit siya nang mariin para alalahanin ang mga nangyari. Hinihintay ko nang sobra ang susunod niyang sasabihin. Nagmulat na siya at tumingin sa 'kin. "'Di ko talaga maalala. Heard the amnesia tendency when someone drank too much? I have that but may ginawa ba akong weird kagabi?" Nakatingin lang ako sa kaniya at sa tanong niyang 'yon, naalala ko 'yong pagyakap niya sa 'kin kagabi. Nang marealize ko na sumagi 'yon sa isipan ko, itinaboy ko agad 'yon. [Meron.] Nanlaki ang mga mata niya. "What?! What did I do? Did I cry too much kaya ang puffy ng mga mata ko?" Tumango-tango ako. [Kasama na yon pero sinubukan mong ilibing ang sarili mo sa lupa gamit ang malaking pala dahil sabi mo, bulaklak ka rin.] Natulala siya sa nabasa at napasabunot na sa buhok niyang gulo-gulo. "Crap! For real?! I did that?!" [Joke lang ulit. Wala naman tayong pala. :P] Naglagay pa talaga ako ng emoji para asarin siya. Ganti ko lang sa pagpapahirap niya sa 'kin kagabi sa pagbubuhat sa kaniya. "Terry naman! Stop messing with me!" napipikon na sabi niya. [Seryoso na. Hinahanap mo lang ang Mom mo kagabi at ipinasan kita papunta rito.] 'Yung lukot niyang ekspresyon sa pagkainis sa 'kin, unti-unting lumambot dahil sa nabasa niya at namasa-masa ang mga mata niya. Pinunasan niya kaagad 'yon at tumungo dahil nahihiya siya na makita ko siyang umiiyak. Nagsulat ulit ako at inilapit ko sa kaniya para mabasa niya. Tumingin naman siya. [Kung gusto mo pa ng sopas, sumilip ka lang sa bintana at tawagin ako sa labas. Dadalhan kita ng panibago. Magdidilig lang ako dahil tanghali na.] Tumingin na ulit siya sa 'kin at tumango-tango habang naluluha-luha pa rin. "Thank you." mahinang sabi niya at nagcrack pa ang boses niya sa pinipigilan niyang pag-iyak. Nanlaki nang kaunti ang mga mata ko dahil hindi ko inaasahan ang kakaibang kaba sa sikmura ko sa pagkakarinig ko lang ng gano'ng kasincere niyang thank you. Napaiwas ako ng tingin at lumabas na ng kuwarto niya. Nang maisara ko na 'yung pinto ay nakatayo lang ako sa labas nito at pinakiramdaman ang sarili ko. Ano 'yung naramdaman ko kanina? Nagthank you lang siya kaya bakit ako nakaramdam ng gano'n? Sa tagal mong nabubuhay sa mundong 'to, isa siya sa mabibilang sa mga daliri sa isang kamay mo na nagthank you sa 'yo nang sincere dahil may ginawa kang mabuti, bulong sa 'kin ng isang bahagi ng utak ko. Napahigpit ang hawak ko sa pentel sa kamay ko at ipinilig ang ulo ko. Siguradong nagkakaganito lang ako dahil hindi naman ako madalas gumawa ng mabuti sa ibang tao kaya naninibago ako sa pakiramdam. Napatango-tango ako sa pagsang-ayon sa sarili ko at napangiti na dahil nabigyang hustisya ko na ang kakaibang naramdaman ko kanina saka nilingon ang pinto ng kuwarto ni Hyacinth. Napangisi ako. Buti na lang at hindi ko na pala kailangang mag-impake para umalis dahil hindi naman niya naaalala na nagsalita ako kagabi. Nice one Lester! Nice one! ~~~* * *~~~ Lumipas ang mga araw pagkatapos ng nangyaring 'yon, may kaunting naging pagbabago sa pagitan namin ni Hyacinth. Parang numipis nang kaunti ang pader na harang-harang namin sa isa't isa. Hindi na ako masyadong naiilang sa kaniya na kasama siya rito sa bahay at unti-unti na akong nasasanay sa mga kawirduhan niya. Siya naman ay kapansin-pansin ang pagiging considerate na sa 'kin. 'Di na siya masyadong nagkakalat sa sala at hindi na rin nilalakasan nang sobra ang speaker ng T.V. kapag nanonood lalo na kapag gabi. Sunod pa rin siya nang sunod sa 'kin kapag nagdidilig ako tuwing tanghali at minsan, hiniram na niya sa 'kin 'yung spray hose para siya na ang magdilig. Hindi na ako hangin sa kaniya at hindi na rin siya gano'n sa 'kin. Nagcoco-exist na kami nang maayos at aware sa isa't isa. Masasabi ko na magandang development 'yon dahil unti-unti ko nang nakukuha ang tiwala niya. Balakid pa rin sa 'kin 'yung gabing narinig niya akong magsalita at kinakatakot ko pa rin na baka maalala niya 'yon bigla pero dahil nagiging kumportable na siya sa 'kin at palaki na nang palaki ang tiwala, malaki ang posibilidad na isipin niyang kalokohan na nagsalita ako at boses lalaki pa. Maiisip niya na ilusyon lang 'yon dahil lasing siya. Alam kong ang sama ko dahil tine-take for granted ko ang tiwala niya pero wala naman ako sa lugar na 'to para gumawa ng kaibigan o mangalaga ng tiwala ng iba. Nandito ako para kumita ng pera sa pagpapanggap bilang babae. Napahikab ako at napakuskos sa braso ko sa lamig ng hangin na humampas sa 'kin nang makalabas na ako ng dome. Mag-a-alas dyes na ng umaga at sinag na ang araw pero ang lamig-lamig pa rin ng hangin. Papasok na ako ngayon sa trabaho ko at last day ko na ro'n. New year's eve na kasi at patapos na ang mga holiday kaya hindi na nila kailangan ng maraming mga staff. Seasonal employed lang naman ako kaya matagal ko nang tanggap na matatanggal na din ako pagkatapos ng holidays. Maghahanap na lang ulit ako sa mga susunod na araw ng bagong sideline. Malapit na rin ulit magkapasok kaya magaang na side line lang ang hahanapin ko. "Terry!" Napatigil ako nang may tumawag sa 'kin at napalingon. Si Hyacinth 'yon na humabol sa 'kin dito sa labas ng dome. Agad kong inayos ang pink na scarf na suot ko nang makita ko siya. "Anong oras ka uuwi mamaya?" tanong kaagad niya. Nagtaka na naman ako. Pangalawang beses niyang nagtanong sa 'kin ngayon kung anong oras ako uuwi. 'Yung una, noong pasko. Ipinakita ko ang siyam na daliri ko. Napangiti naman siya. "Okay. Take care." Bumalik na siya sa loob. Naiwan lang akong nakatingin sa pinto ng dome na pinasukan niya. "Ano na namang problema ng isang 'yon?" Iniisip ko pa rin kung ano ang motibo niya sa pagtatanong n'on pero nagkibit balikat na lang ako at umalis na. ~~~* * *~~~ (9 pm) Lumabas na ako ng restaurant na pinagtrabahuhan ko at abot tenga ang ngiti ko habang nakatingin sa 7,435 pesos na pera sa kamay ko na kinita ko sa lagpas dalawang linggong pagtatrabaho ko rito. Nice. May pangbawas na naman ako sa 40,000 plus na utang ko pa sa tuition ko at 'yung iba ay ihuhulog ko rin sa graduation fees ko. Malaki-laki pa ang babayaran ko kaya kailangan ko pa ring maghapit sa pagtatrabaho. Inilagay ko na 'yon sa wallet ko saka isinuksok sa pinakaloob ng body bag ko at naglakad na paalis para pumunta ng terminal ng jeep pauwi ng Tagaytay. Wala pa mang alas dose ng gabi, napakaingay na ng paligid sa pagdiriwang ng bagong taon. Nagkalat ang mga batang walang tigil sa pagtotorotot, nagdadagundungang mga speaker sa mga bahay-bahay at nakakagulat na mga paputok na kaliwa't kanang sumasabog kahit na nasa ordinansa na bawal na ang paputok. Mga pilipino talaga, ang titigas ng ulo. Ayaw pang sumunod sa batas eh para sa kaligtasan din naman nila 'yon kaya ipinatupad. Napapailing-iling lang ako habang nakatingin sa mga nagpapaputok at inilagay sa mga bulsa ng jacket na suot ko ngayon ang mga kamay ko dahil nilalamig ako. Napasinghot-singhot ako dahil parang sisipunin ako at makati rin ang lalamunan ko nang biglang may umakbay sa 'kin kaya napatigil ako sa paglalakad at tiningnan kung sino 'to. Isang babae na nakasumbrero ng itim at nakalugay ang buhok. Hanggang balikat ko lang siya kaya hindi ko makita ang mukha niya at nakatungo pa. Nakapink siya na jacket. Dikit na dikit siya sa 'kin at naramdaman ko sa baywang ko na parang may tumutusok doon na matulis. Humigpit ang pagkakaakbay niya sa 'kin. "Holdap 'to." Nanlaki ang mga mata ko sa narinig kong 'yon. "Sumama ka sa 'kin kung ayaw mong gripuhan kita." banta niya na nilagungan pa ang boses para mas takutin ako. Hinihila niya ako para maglakad ulit pero hindi ako nagpapahila sa kaniya at kinotongan lang siya. "Aray!" daing niya at tumingala na sa 'kin kaya nakita ko na ang mukha niya. Ang sama ng tingin niya sa 'kin habang kinakamot ang sumbrero niya na kinotongan ko. "Ikaw talaga Gabriella. Mga kalokohan mo eh, 'no." Tinanggal ko ang pagkakaakbay niya sa 'kin pati 'yung daliri niya na may mahabang kuko na kunwari kutsilyo niya sa baywang ko. Napangiti na siya nang malawak. "Tss. Hindi talaga kita maisahan pinsan! Paano mo nalaman na ako 'to?" Sininghot-singhot ko siya. "'Yung amoy ng paboritong sabon na ginagamit mo. Strawberry flavored." Inamoy-amoy naman niya ang sarili niya para kumpirmahin kung amoy na amoy nga ba 'yon sa kaniya. "Oo nga, 'no?" "Bakit ngayon ka lang nagpakita sa 'kin? Ni hindi ka bumibisita sa 'kin sa tagaytay para kamustahin man lang ako kung buhay pa ako sa ipinagawa mo sa 'kin." Kunwari ay nagtatampo ako. "Eh nagkaro'n kasi kami ng seminar at training sa Palawan nang isa't kalahating buwan. Bago naman ako umalis, dumaan ako ro'n sa parang dome sa tagaytay na pinasukan ko sa 'yo kaso may scanner 'yung pinto. Hindi naman kita macontact para balitaan sa training ko dahil kasalanan mo rin naman at ayaw mong bilihan ng cellphone ang sarili mo. Kaya pagkauwing-pagkauwi ko kanina, itinanong ko ro'n kay Bobby kung saan ka naracket. Nabanggit niya 'tong resto kaya pumunta ako rito at hinintay na mag-out ka." "Ahhhh..." Unti-unti akong napangiti nang malawak dahil siguradong nag-usap pa sila ng iba pa bukod sa lokasyon ko. Mukhang napakasaya ng New year's eve ni Bobby ah. "So kamusta na nga sa tagaytay? Tinext ko si nanay Tonet tungkol sa 'yo at sabi niya, ikaw na nga ang ipinalit niya na magbantay ng rest house doon at nakauwi na siya ng probinsya nila." Inakbayan niya na naman ako at niyakag na maglakad na. "Ayos lang naman. Hindi pa naman ako nabubuko kahit na umuwi na 'yung babaeng anak n'ong may-ari." Nanlaki ang mga mata niya. "ANO?!" Ang lakas ng sigaw niya na kung hindi lang maingay sa paligid, nangibabaw na ang boses niya. Hindi ko naman siya masisisi sa reaksyon niyang 'to dahil alam niya ang pagkaayaw ko sa mga babae tapos titira pa ako kasama ng isang estranghero sa mga 'yon. "Paanong umuwi eh ang sabi sa 'kin ni nanay Tonet, nag-stay na raw 'yon ng isang buwan doon bago ka i-hire kaya hindi raw muna babalik 'yon nang ilang buwan." Nagkibit-balikat ako. "Bigla na lang siyang sumulpot do'n sa bahay. Muntik niya na nga akong mabisto, dalawang beses na pero nagagawan ko naman ng paraan kaya ang akala niya pa rin ay isang akong babae na pipe." Nabakas ang guilt sa mukha niya. "Sorry Lester ha. Dahil sa 'kin, kailangan mong magtiis na kasama ang isang babae na pinakaayaw mong specie sa mundo. Gusto lang naman talaga kitang tulungan. Hindi ka naman ba nahihirapan na makisama sa kaniya? Maldita ba? Minamaltrato ka ba? Sabihin mo lang at susugurin ko 'yon at sasabunutan." Nakarage mode na siya. "Hindi naman siya matapobre at hindi rin masama ang ugali kaya hindi ako nahihirapan na makisama sa kaniya. May pagkawirdo lang at lasinggera tapos mahilig din sa horror movies pero natyatyaga ko naman. Hindi naman kasi ako dapat pang mag-inarte dahil kailangang-kailangan ko talaga ng pera. Nagpapasalamat nga ako sa 'yo na ipinasok mo 'ko sa trabahong 'yon na malaki ang sahod." "Waahhh..." humahangang sabi niya. "Ang tindi talaga ng endurance mo 'insan. Pinakaayaw mo sa babae at pinakatakot ka rin sa mga horror movies pero nakatagal ka ro'n. I salute you!" Sumaludo pa siya sa 'kin. "Ikaw talaga." Natatawang kinuha ko ang sumbrero niya at isinuot 'yon sa 'kin saka ko ginulo ang buhok niya pero nang may maalala ako. "Oo nga pala. Bakit pinuntahan mo pa ako ngayon? Delikado dito sa labas dahil marami pa ring nagamit ng firecrackers. Baka hanapin ka na rin ni Tita Elsia. Ako mapapagalitan n'on kapag nalaman na ako ang pinuntahan mo." "Hindi 'yon. Nasa probinsya pa 'yon kaya hindi niya alam ang mga pinaggagagawa ko. Wala nga akong kasama sa bahay eh. Gusto mo, sa bahay ka na magcelebrate ng New year? Never kitang nakasamang magcelebrate ng christmas at new year kaya bumawi ka naman. Ikaw magluluto ng handa, ako tagakain." Abot tenga ang ngiti niya habang pataas-taas ang parehong kilay. Kinurot ko nang mahina ang pisngi niya. "Hindi ka pa nakain, 'no?" Bumungisngis siya saka umiling na parang bata. "Hindi pa kaya ipagluto mo ako." Mas matanda siya sa 'kin ng isang taon pero may pagkabatang isip talaga siya, na sa 'kin niya lang naman pinapakita. "Tss. Oo na." sumusukong sabi ko. "Doon na ako magbabagong taon sa inyo. Bukas na lang ako uuwi ng tagaytay." "Yehey!" Nagpatalon-talon pa siya. Ipagpapatuloy... Mas pinili ni Lester ang sumama kay Gab kaysa umuwi ng Tagaytay. Ano na kaya ang mangyayari sa pagsalubong nila ng bagong taon?
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD