“Itutuloy pa ba natin `to?”
Bagsak ang mga balikat ko habang magkaharap kami ni Kaiser sa pandalawahang table sa isang food chain na malapit lang sa place ng parents ko. Kagagaling lang namin doon at hindi maganda ang naging resulta ng lakad namin.
Hindi ko alam kung ano ang dapat─o ano ang unang dapat─na maramdaman. Naghahalo-halo na lahat sa loob ko ang maraming damdamin. Iyong excitement ko, naubos na. Napalitan na ng sama ng loob, ng sakit, ng lungkot at ng pagkadismaya. Kung para kanino ang mga damdaming iyon, hindi ko rin alam. Baka para sa lahat na.
Dalawang linggo na lang, ikakasal na kami ni Kaiser. Pero parang iyong dalawang linggo, magiging never na.
“Ano ba namang tanong `yan, Cassey?” Parang nainis na rin si Kai sa akin.
Hah! Siya pa talaga ang nainis? Kanino? Sa akin? Sa pamilya ko? Bakit? Sino ba ang may pagkukulang? Ako ba? Kami ba? Inunawa at pilit ko namang kinakapa ang sitwasyon nila. Hindi rin naghahangad ng engrandeng kasal ang pamilya ko. Ang mahalaga lang sa kanila ay maikasal kami, maging legal. At 'yong tumupad sila sa napagkasunduan.
Five months na kaming nagli-live-in ni Kaiser. Nasa Quezon City ang trabaho namin pareho. Two years na rin kaming mag-boyfriend at saan pa ba mapupunta ang relasyong iyon kundi sa kasal? Pero dahil ang dami-daming nangyayari palagi, pareho kaming hindi nakakaipon para makapagsabi na magpapakasal na. Hanggang sa nakarating na sa pami-pamilya namin na nagsasama na kami sa iisang bubong. Galing kami pareho sa mga konserbatibong pamilya at pakiramdam ng pamilya ko, agrabyado ako dahil ako ang babae. Gusto nilang magpakasal kami ora mismo. Na hindi naman maoohan agad ng parents ni Kaiser. Una, dahil kakakasal lang ng kapatid niya at ayaw rin naman namin ng sukob.
As I have already said, old school ang mga pami-pamilya namin. Maraming pamahiin, maraming pinapaniwalaan. Sa madaling salita, nagkasundo na January the following year na lang kami magpakasal. At dumaan ang January na walang naganap na kasalan. Kung kailan kasi malapit na iyong petsang napagkasunduan, saka naman nalaman na buntis ang kapatid na babae ni Kaiser. Hindi pumayag ang parents niya na hindi mauunang ikakasal ang kapatid niya. Buntis na nga kasi at babae pa. Hindi rin nila inulit sa pamilya ko kung ano na ba ang mangyayari─kung may kasal pa bang magaganap. Although kami naman talaga ang gagastos at magdedesisyon, importante pa rin sa mga matatanda iyong nag-uusap sila at nagkakasundo. Sign of respect, kumbaga. At iyon na rin kasi ang tradisyon.
Kami na lang ang nagsabi sa pamilya ko na ililipat ang date at tuloy pa rin ang kasal kasi nagmatigas na si Kaiser. Isa pa, naihanda na namin ang mga kailangan. Nagkaaberya nga lang dahil sa panibagong problema ng pamilya nila.
“Ba’t kayo ang nagsasabi niyan sa amin?” Halatang masama ang loob ni Mama. “Nasaan ang parents mo, Kaiser?”
“Eh…” Napakamot sa batok si Kaiser.
Ako na ang sumalo sa kanya. “Busy po kasi. Hindi sila makapunta kaya kami na lang ang nag-inform sa inyo. Saka okay naman na po. `Yong venue, `yong reception, pati mga ninong at ninang. Wala naman na pong ibang aasikasuhin─”
Biglang tumayo si Papa. “Okay naman na pala. Naayos n'yo na nang kayo lang at hindi na kami kailangan, ba’t nandito pa kayo?”
Nataranta ako sa tono ni Papa. Galit siya maski kalmado ang mukha niya. “Papa naman. Hindi naman po gano’n ang ibig kong sabihin.”
“O, `di ba sabi mo, okay na? Naayos n'yo na?” ani Papa, sabay layas.
Lumingon ako kay Kaiser na mukhang hindi rin alam ang sasabihin. Si Mama, tumayo at nagpaalam na ikukuha kami ng maiinom. Sinundan ko naman si Papa. Dumeretso siya sa paborito niyang parte ng bahay namin─iyong kamalig ng mga palay na bagong ani. Sa likuran lang naman iyon ng bahay, kasunod ng garahe.
“Pa… usap naman tayo.”
Parang puputok ang dibdib ko sa magkahalong kaba at pag-aalala. Galit si Papa. Masama ang loob nila ni Mama. Pakiramdam siguro nila, nabastos sila. Maski naman noong gabi ng pamamanhikan, kita ko ang sakit sa mukha nila. Iyon din kasi ang araw na nabalitaan nilang nagsasama na nga kami ni Kaiser. Todo-paliwanag ako na wala naman kaming ginagawang masama at totoo naman iyon. Isa kasi sa mga dahilan kung bakit magkasama kami sa iisang apartment ay para makatipid. Ang mahal kaya ng bahay. At ayoko rin namang tumira sa basta-bastang unit. Naisip ko pati na okay nang kasama ko siya para secured ako. Hindi ako matatakot na mapapasok ng kung sino basta-basta.
Hindi naniwala sina Mama at Papa sa mga explanation ko kaya para lang wala nang gulo, nang gabing iyon ay umuwi rin kami ni Kaiser at kasama na namin ang pamilya niya sa pagharap sa mga magulang ko. Deretso pamamanhikan na. At nang gabing iyon, ramdam ko sa mga titig nina Mama at Papa ang sakit. Pain of betrayal. Sobrang tiwala pa naman sila sa akin, pagkatapos ay ganito.
“Ano pa ba'ng pag-uusapan?”
Lumapit ako kay Papa, saka naupo sa isa sa mga sako ng palay na napahanginan na niya at naalisan ng mga ipa.
“Pa, kasi may nangyari lang kaya hindi sila naka-report sa inyo. Pero ang mahalaga, tuloy naman ang kasal, eh.”
“Putsa naman, `nak! Ang dami-dami ring nangyayari sa pamilya natin, ha? Ilang pagmamanugang ko na ang dumaan at maski dinadaanan ng delubyo ang buhay natin, hindi ako kailanman sumira sa salita ko. `Tapos, ganito? Kung sino pa ang bunso at kaisa-isa kong anak na babae, sa `yo pa nangyayari ito?” Itinaktak ni Papa ang sako ng palay na nasalinan na niya.
“Maski ano pa `yang nangyari na `yan, hindi ba sila makapaglaan maski ilang oras man lang para makipag-usap sa akin? Wala namang problema kung malilipat man ang petsa. Wala ring problema kung simplehan. Pagkakasal n'yo, maski magkanya-kanya na tayo. Ang mahalaga, eh, tumupad sila sa napagkasunduan. Pero hindi. `Ayan, kayo-kayo lang ng magiging biyenan mo ang nag-usap tungkol diyan. Parang nakakabastos. Para kaming ginawang taong-posporo ng mama mo, na kung kailan lang nila gustong pakilusin, saka lang nila kikiskisin. At bakit ka ba naman kasi pumayag sa ganoon? Hindi ka naman ulila para isawalang-bahala ang mga magulang mo. Bakit? Por que ba magsasaka lang ako, minemenos na nila ako?”
“Pa…”
Naupo si Papa sa isa pang sako ng palay sa tabi ko. Pinahid niya ng tuwalya na nasa balikat niya ang butil-butil na pawis sa noo niya. Namumula ang mga mata ni Papa at parang piniga ang puso ko matapos marinig ang sama ng loob niya, nila ni Mama. Naiintindihan ko naman both sides. Pero ang hirap palang mamagitan sa dalawang partido. Ayoko maging biased, pero may malaki naman ngang pagkukulang ang parents ni Kaiser.
“Pa… I’m sorry,” naiiyak na sambit ko. Niyakap ko si Papa sa kawalan ng maisip gawin kung paano mababawasan ang sama ng loob niya. Pero hindi naman siya kumilos. Sa paraang iyon, alam kong ipinaparamdam niya sa akin ang sama ng loob niya.
Mayamaya, inalis na niya ang mga braso kong nakayakap sa kanya. “Tutal naman pala okay na, eh, di magpakasal na kayo nang kayo-kayo na lang.”
Nanigas akong bigla dahil sa sinabi niya. Sobrang lamig na ng tono ni Papa. At para din akong binuhusan ng ice bucket nang magpatuloy siya.
“`Wag mo na kaming asahang makakarating. `Yong date na napili n'yo, `yon ang date ng operasyon ng kuya mo.”
“W-what?” Nabigla akong talaga. May chronic kidney disease si Kuya Chris at nagpapa-dialysis. Pero hindi ako na-inform na magpapaopera na pala si Kuya. Alam ko na dati pang nagpaplanong magpa-kidney transplant si Kuya, kaso hindi naman siya mapera o ang pamilya namin kaya problema tuwina ang gagastusin. At least, sa dialysis, hindi bigla ang gastos.
Saan sila nakakuha ng gagastusin?
“Hindi mo alam?” Mapaklang ngumiti si Papa. “Kung kumokonekta ka ba sa amin at isinasali mo kami sa buhay mo at sa mga plano mo sa buhay, nalaman mo sana na iyong pinili ninyong date para magsaya ay schedule naman ng kapatid mo para makipaglaban kay Kamatayan at madugtungan ang kanyang buhay.”
Hindi ako nakaimik agad. "Pa, m-magbibigay ako ng konting tulong para sa gastusin."
"Salamat, pero ilaan mo na lang sa kasal ninyo ni Kaiser. Pumiraso ako ng lupa sa sakahan para ibenta nang makapagpa-transplant na si Chris."
"S-sino ang donor ng kidney, Pa?"
"Kumpare niya."
"Sino po?"
"Kumpare daw niya. Magkaklase sila no'ng college at hindi nawalan ng komunikasyon. Kinuha siyang ninong ni Chrissel. Ka-partner mo daw noon at balak ireto sa 'yo ni Chris pero hindi nakarating. May biglaang out of the country. Nang malaman na may ganoong sakit ang kapatid mo, nag-volunteer na mag-donate ng bato. Para na din daw niyang kapatid si Chris kaya handa siyang mag-donate ng bato niya. Nakapagpa-test na sila pareho at match naman." Tumitig si Papa sa akin. " Mabuti pa 'yong hindi kadugo, hindi nakakalimutang kumonekta."