HANGGANG makaalis kami sa bahay at mamaalam sa parents ko, ramdam ko pa rin ang pait sa mga salita ni Papa. Para bang sinasabi niya na wala silang halaga sa akin. Hindi ganoon. Nagkulang nga siguro ako. Naging abala ako masyado. Sa trabaho. Sa pag-aasikaso ng kasal. At sa pamomoroblema sa problema ng pamilya ni Kaiser. Minsan, bumibisita ako kay Kuya. Nag-aabot din ako paminsan-minsan. Alam kong hindi sapat at weekly ang pangangailangan niya para sa dialysis, pero pinaghahandaan ko rin kasi ang kasal ko. Kailan ba ako huling nangumusta sa kanya? Ni walang nakapagsabi sa akin na magpapa-kidney transplant na siya.
“Kasi naman `yang pamilya mo, ang aarte. Wala na nga silang aasikasuhin, a-attend na lang, hindi pa sila makisama.”
Parang nagpanting ang tainga ko sa narinig. Hindi ko mapaniwalaang nasabi niya iyon. Para bang nag-ibang tao siya pagkarinig ko sa mga salitang iyon. Never akong nagsalita nang hindi maganda patungkol sa pamilya niya maski may nakikita akong hindi ko gusto. Pagkatapos ay heto… maririnig ko ang ganito sa kanya? Samantalang kung tutuusin, nasa kanila naman talaga ang pagkukulang, pero pamilya ko pa ang lumalabas na masama sa kanya. Hindi ko yata mapaniwalaan na talagang sinabi niya iyon.
Pinipilit kong isipin na pressured lang siya. Na namomoroblema lang din siya kaya nakapagsalita ng ganoon. Pero hindi. Hindi ko mapalagpas iyon. Pamilya ko ang pinagsalitaan niya nang hindi maganda. Maraming beses na pinilit kong unawain sila at pagtakpan sila sa pamilya ko, pero hindi ko na mapapalagpas ito.
“Ganoon pala. Ang arte ng pamilya ko?” mapait na sabi ko. Hindi naman siya nakapagsalita. Nakuha niya siguro na nagalit na rin ako sa narinig ko. “Wala ba silang karapatang mag-inarte since hindi naman sumusunod sa napagkasunduan ang side mo?”
“So, ano ito?” pasikmat na tanong niya. “Kabigan ng kanya-kanyang pamilya? Cassey naman!”
Tumayo na ako. Hindi ko yata matatagalan ang pakikipag-deal sa kanya. “Right. Let us end this now. I’m calling this wedding off.”
“Cassey!”
Tinalikuran ko na si Kaiser. Parang bigla, gusto kong magdalawang-isip sa kasal na ito. Ang tagal na namin, pero parang hindi ko pa rin siya kilala. Siya ba talaga iyong minahal kong lalaki? Bakit bigla akong na-turn off sa kanya samantalang noon naman, maski ano'ng gawin niya, hindi nababawasan ang pagtingin ko sa kanya? Ngayon lang.
“So, ganoon? Pinipili mo `yong pamilya mo kesa sa akin?” sumbat ni Kaiser.
Hindi ko alam na sumunod pala siya sa akin, pero wala na akong pakialam maski nakakaeskandalo na ang pagtatalo namin.
“Paano kung sabihin kong 'oo'?” hamon ko naman sa kanya. Tuloy ako sa paglalakad, tuloy rin siya sa pagsunod sa akin. Nang hindi na yata makatiis, hinila niya ako sa braso.
“Mahal mo ba talaga ako?” Mahinahon na ang boses ni Kaiser habang deretsang nakatitig sa mga mata ko.
Hindi ko rin maintindihan ang sarili ko. Dati naman, madali kong nasasagot ang tanong na iyon. Bakit ngayon, parang ang hirap-hirap nang sagutin? Bakit parang biglang may malaking pader na pumagitna sa amin?
Nakagat ko ang labi sa kawalan ng mabilisang sagot. Titig na titig ako sa kanya at habang ginagawa ko iyon, naaalala ko ang mga happy memories namin. Sa tinagal-tagal ng relasyon namin at maski nagsasama kami sa iisang bahay, hindi kami lumagpas sa dapat. Pareho naming priority ang trabaho at pamilya. Alam kong mahal ko siya. Masaya ako sa kanya, eh. Pero bakit hindi ko na magawang sabihin ang mga salitang iyon sa harapan niya?
“Hindi ko alam…” Kusang lumabas sa bibig ko ang mga salita. Inilayo ko rin ang mga mata ko sa kanya na nagsisimula nang bumuo ng luha. “Minahal kita… pero hindi ko na alam kung mahal pa rin kita.”
Pagkasabi ko niyon, kusang lumuwag ang kamay niya sa braso ko. Sinamantala ko ang pagkakataon na makalayo sa kanya. Ewan ko ba, hindi ako masaya na tatapusin namin ang lahat ng ganito na lang, pero alam kong hindi na rin ako magiging masaya kung ipagpapatuloy pa rin namin ito. Palagay ko, hindi pa ako handa. Hindi pa ako handang magpakasal sa lalaking hindi ko pa pala lubos na kilala.