PROLOGUE

713 Words
Malalim na ang gabi at tahimik na ang paligid. Tanging ang bilog na buwan sa langit ang nagsisilbi kong liwanag habang tumatakbo sa kakahuyan papuntang kagubatan. Takbo lang ako nang takbo sa mga matataas na talahib. Hinahabol ko ang aking paghinga at ramdam ko sa aking balat ang malamig na hampas ng hangin sa aking pagtakbo. Hindi ko alam kung saan ako pupunta pero isa lang ang alam ko—iyon ay ang matakasan ang mga nilalang na nais pumatay sa’kin. Patuloy lang ako sa pagtakbo habang hawak ang talukbong ko na gawa sa balat ng oso. Lalo ko namang binilisan nang maramdaman kong papalapit na sila sa’kin. Hindi karaniwang nilalang ang mga humahabol sa’kin ngayon dahil ang kapangyarihan nila ay pinagkaloob ng kataas-taasang diyosa ng Olympus. Paglingon ko sa aking likuran ay halos malaglag ang puso ko nang makita kong malapit na sila. Papalapit na sila sa’kin! Parang bumagal ang oras habang tumaktakbo ako sa kakahuyan nang walang patutunguhan. t***k ng puso ko na lang ang tanging naririnig ko sa mga oras na ito. Nanunuyo na rin at namamanhid ang aking lalamunan dahil sa lamig ng hangin na hinihinga ko. Bigla naman siyang sumagi sa isip ko. Ang kanyang mga alaala ay sumagi sa isipan ko na parang isang panaginip—ang tanging lalaki na minahal ko buong buhay ko. Mayamaya lang ay bigla na lang akong natumba at napasubsob sa lupa. Naramdaman kong may matinding kirot na mahapdi sa aking likod. Pakiramdam ko tumagos ang palaso hanggang sa aking buto. Ramdam ko rin na may umaagos na mainit sa parteng tinamaan. Impit na daing lamang ang aking nagagawa. Halos mamilipit naman ako sa sakit kapag sinusubukan kong gumalaw. Napasabunot tuloy ako sa damong hinihigaan ko ngayon. Pagkatapos ay may mga luhang umagos sa aking pisngi habang iniinda ang labis na sakit na nararamdaman ko. Mayamaya’y may naramdaman akong lumapit sa’kin. Napahiyaw naman ako nang daing nang biglang may bumunot ng palaso sa aking likod. Tapos ay sinipa ako nito para tumihaya. “Tatakasan mo pa ako, ha?” Kahit nanlalabo na ang paningin ko, naaninag ko pa rin kung sinong nakatayo sa tabi ko. At kilala ko rin ang boses niya. Kilalang-kilala. Kasama niya rin ‘yong grupo ng halimaw na siya rin mismo ang gumawa upang hanapin ako at ipapatay. “Patay na ang iyong ina. Kaya huwag ka nang magtangkang tumakas pa. Dahil kahit anong gawin mo, mahahanap at mahahanap din kita. Isusunod na kita sa kanya!” Biglang may lumitaw na dagger sa kanyang kamay, at ito ay gawa sa pilak at diyamante. Pagkatapos ay walang alinlangan niya ‘yong tinarak sa dibdib ko—sa mismong puso ko. Napaiktad ako at napadilat ang aking mga mata. Habang nilalaliman niya ang pagsaksak niya nito sa’kin ay walang humpay ang pag-agos ng dugo sa aking bibig. Pakiramdam ko tumagos ito hanggang sa aking likod. Hindi ko maipaliwanag ang sakit ng pagbaon nito sa puso ko. Pakiramdam ko namahid ang buong katawan ko, at sa kabilang banda naman ay pakiramdam ko rin ay humiwalay ang aking kaluluwa mula sa aking katawan. Nanginginig na ang aking mga kamay. Nararamdaman ko na rin ang paghina at pagbagal ng t***k ng puso ko. At masakit na para sa’kin ang bawat paghinga. Unti-unti na ring nanghihina ang aking katawan. At kasabay din nito ang unti-unti ko ring pagtanggap na hanggang dito na lang ako. Sa pagpikit ng aking mga mata, muli siyang sumagi sa aking isipan. Ang kanyang buhok na kasing pino ng sinulid ang mga hibla, at kakulay din ng sinag ng buwan. Ang kanyang mga mata na kakulay ng isang makinang na rubí. At kanyang mga ngiti na gaya ng bughaw na buwan—bihira mo lang masilayan ngunit ubod nang ganda. Malapit nang huminto ang t***k ng aking puso ngunit kumikirot pa rin ito para sa kanya. Dahil alam kong sa kanyang paggising bukas ng umaga ay hindi na niya ako maaalala pa—kahit kailan. Kasabay ng pagpatak ng aking luha, may mapait na ngiting namutawi sa aking mga labi. Mas mabuting hindi na niya ako maalala pa. Para hindi na niya ako hanapin, at hindi siya malumbay sa aking pagkawala. At bago tuluyang huminto ang aking paghinga at t***k ng puso ay ibinulong ko sa hangin ang kanyang pangalan.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD