“Ito na ho ang order ninyo, ma’am and sir,” wika ko habang dahan-dahan kong inilalapag ang mga pagkain sa kanilang mesa, “mayroon pa po ba kayong idadagdag sa mga order ninyo? Kung mayroon po, sabihan ninyo na lamang po ako, salamat!” matapos kong magpasalamat sa kanila ay buong paggalang akong umalis sa kanilang harapan.
Matapos iyon, ay muli akong bumalik sa loob ng kusina upang muling kumuha ng mga ihahatid na order ng aming customers. Nang makapasok ako roon, napatingin na lamang ako kay Eson nang bigla itong nagsalita mula sa aking gilid. Agad naman akong napatingin sa kaniya habang marahan na naglalagay ng mga pagkain sa mga plato.
“Grabe naman ngayon araw. Parang walang tigil ang pagpasok ng tao sa lugar na ito. Wala pang isang oras nang magbukas tayo, e,” pagpoprotesta nito sa akin, napa-iling na lamang ako sa kaniya at napatawa dahil sa animo’y parang bata ang asal niya sa kaniyang ginagawa, “hays! Nasaan na ba sina Jayson at Maria, Gian? Bakit parang tayong dalawa lang ang naririto ngayon?” sunod na pagtatanong nito sa akin.
Agad naman akong napalinga sa buong paligid, at maya-maya pa ay nakita kong sabay na naglalakad sina Maria at Jayson, kasama si Joel. Agad akong tumingin kay Eson upang senyasan ito na makita ang nakikita ko sa mga sandaling ito. “Ayon pala iyong dalawang kasama natin. Kasama ni Boss Joel, e.” Mahina kong pagsasalita kay Eson, habang nakatingin pa rin sa kanila.
“Grabe! Saan kaya galing ang mga iyan? Hindi ba nila alam na tambak na ang customers rito? Tapos, iniwan pa nila tayong dalawa, habang sila… umalis!” pagngit-ngit nito sa akin. Umiling na lamang ako sa kaniya at muli kong itinuon ang aking atensyon sa trabaho ko. Makalipas ang ilang segundo, ay nakita ko na ring bumalik sa kaniyang ginagawa si Eson.
Maya-maya pa ay nakita naming bumalik na rin sina Jayson at Maria kasama si Boss Joel sa loob ng kusina. Napatingin naman kami ng sabay ni Eson nang bigla kaming tawaging dalawa ni Joel. “Marami na ang customers sa labas, Eson at Gian. Matagal pa ba iyan?” nagkatinginan naman kaming dalawa ni Eson nang marinig namin ang tanong niyang iyon sa amin.
“Boss Joel, pasensya na ho kung sasagot ako ha?” nagpasintabi ako na may paggalang sa kaniya, habang bahagya akong yumuko sa kaniyang harapan, “dalawa lang po kasi kami rito kanina ni Eson, miski kami ay natataranta nang dalawa dahil apura rin ho kami sa paghahatid ng mga order nila.” Magalang kong sagot sa kaniya.
“Ganun ba?” bahagya itong tumango-tango sa akin, dahan-dahan naman akong napatingin kay Eson at nakita kong napa-iling ito sa akin habang may tingin na alangan, “pasensya na kung kinuha ko sina Maria at Jayson. May pina-ayos lang kasi ako sa kanila kanina. Sige na, back to work na. Baka mamaya ay maabutan pa tayo ni Gabriel na nag-uusap at baka pare-parehas tayong masermunan.” Pagtatapos nito sa kaniyang sasabihin sa amin.
“Opo, boss!” sabay-sabay naming sagot nina Maria, Eson, at Jayson. Matapos naming sumagot ay agad rin kaming bumalik sa kaniya-kaniya naming mga trabaho. Ilang sandali pa ang lumipas, nang kumalma na ang daloy ng customers sa aming kainan. Nahatid na rin namin ang lahat ng orders sa amin. Samantala, si Maria naman ay nag-umpisa nang maglinis ng mga kasangkapan.
At ako naman ay abala pa rin sa pagbibigay ng orders sa mga pasulpot-sulpot na customer. Sa hindi ko inaasahang pagkakataon, nagulat ako sa dalawang taong pumasok sa kainan. Nanlaki ang aking mga mata at hindi ko nagawang makapagsalita. “Mahal, o-order ho kami ni Hannah. Ang ba ‘yong best selling ninyo rito?” napabalik na lamang ako sa aking ulirat nang marinig ko ang pagtatanong sa akin ni Goeffrey.
Marahan ko namang naramdaman ang paghawak niya sa aking kamay, kaya naman mabilis ko iyong hinawakan ng mahigpit. Nang maka-upo na silang dalawa, ay agad ko silang tinanong ng kanilang kakainin. “Mahal, hindi ka man lang nagpasabi na pupunta kayo rito ng kapatid mo. Sige na, order na kayo. Ako na bahala magbayad.” Wika ko.
“Kuya Gian, bawal ‘yon! Hayaan mo si Kuya Geo ang magbayad ng kakainin naming dalawa!” natatawang pagbibiro ni Hannah sa kaniyang Kuya Geo. “Ikaw, Kuya Gian, kumain ka na po ba? Gusto mo, sumabay na sa amin ni kuya?” sunod-sunod na pagsasalita nito sa akin. Marahan ko naman itong hinimas sa kaniyang ulo at ngumiti sa kaniya.
“Bawal pa rin, e. Hindi pa kasi namin break time,” saad ko, “sandali lang ha? Alam ko na kung ano ang ihahain ko sa inyo,” hindi ko na hinintay pa ang kanilang sasabihin nang agad akong umalis sa kanilang harapan upang agad nakuhaan sila ng kanilang kakainin. Nang mailagay ko na ang mga kailangan ko ay mabilis rin akong bumalik sa kanilang mesa, “ayan! Tocilog at Tapsilog ang best selling namin. Samahan pa ninyo ng mainit na sabaw.
“Saka, dito kasi sa kainan na ito, hindi puwedeng magtira ha? Kailangan ubusin. Iba kasi ‘yong paniniwala ng may-ari nito. Ayaw niya nang may nasasayang o natitirang pagkain sa plato. Hindi sapat na nagbabayad lang ‘yong kumakain.” Mahina kong pagsasalita sa kanilang dalawa. Nakita ko namang tumango sila sa akin matapos kong sabihin ang bagay na iyon kina Hannah at Geoffrey.
Nang akmang maglalakad na ako, isang malakas na pagsigaw ang aking narinig dahilan upang mapatingin ako sa taong gumawa ng ingay na 'yon. Nang makita ko iyon, mga basag na plato at nagkalat na baso. Basa rin ang lapag at nagkalat rin ang mga pagkain sa sahig. Nang makita ko si Jayson, tila wala rin siyang kibo sa nangyaring aksidente. .
“Jusko! Ikaw ba ang magbabayad riyan sa lahat ng mga tinapon mo?! Magse-serve ka na lang, hindi mo pa inaayos! Anong klase kang crew?! Nasaan ba ang may-ari dito?! Punyeta naman oh! Ang tanga-tanga ng crew ninyo! Walang silbi!” patuloy sa pagsigaw ang babae habang marahas nitong inihahampas ang tray kay Jayson. Nang tignan ko siya, pilit niyang tinitiis ang sakit at pagpapahiya sa kaniya ng matapobreng babae.
Napatingin na lamang kaming lahat sa taong pumasok sa loob ng kainan. Napahinto rin ang babae sa kaniyang ginagawa, ang takot ni Jayson ay mas lalong dumoble. Ramdam ko ang kaniyang panginginig dahil sa kaniyang nakikita sa mga sandaling ito. “What’s going on here? Bakit ganito ang naabutan ko rito?” sunod-sunod na pagtatanong nito sa aming lahat, at bakas sa kaniyang mukha ang pagkaseryoso at pagkaistrikto.