CHAPTER NINE
Lifli Lucas
“Ms. Lucas, sa susunod na araw na ang laban mo sa baking contest. Are you ready?” tanong ni Ma’am De Guzman.
“Yes, Ma’am. Handang-handa na po.”
Nagsimula ng magturo si Ma’am pagkasabi ko no’n. Tumingin naman ako sa labas ng bintana at hinayaang lumipad ang isip. Kagabi pa ako hindi makapag-isip nang maayos. Hindi ko maisip kung paano napagkamalan ni Ice na si Laila ang nagbibigay ng mga cupcake sa kanya. At bakit naman nagpanggap si Laila? Alam ba niya na ako ang nagpapadala no’n tapos ito ang gagawin niya para saktan ako? Pero paano naman niya nalaman?
“May mga bagay kasi na dapat sa umpisa pa lang ay sinasabi na kasi baka dumating ‘yung oras na maging huli na ang lahat,” dinig kong sabi ng katabi ko.
Hindi ko alam kung ako ba ang kausap niya pero dahil nga lumilipad ang aking isip ay sinagot ko siya. Saktung-sakto rin kasi ‘yung sinabi niya sa nararamdaman ko ngayon.
“Hindi pa naman kasi huli ang lahat, may oras pa naman kaya hindi ko sinabi sa umpisa. Saka malay ko ba naman kasi na tatanggapin niya ‘yung cupcake.”
“What if’s… Yeah. Ganyan kasi tayong mga tao, eh, hangga’t may oras pa hindi natin ginagawa ang dapat gawin. Kapag wala na saka tayo maghahabol, para talagang aso ang mga tao, habol nang habol. Hayop nga tayo.”
“Hindi ko naman din kasi alam na may babaeng magpapanggap na ako.”
“Eh, bakit hindi ka na lang din umamin?”
Teka nga, bakit ba parang may alam ‘tong katabi ko sa pinagdadaanan ko ngayon? Nilingon ko ‘yung katabi ko at nanlaki ang aking mga mata nang makilala ko siya.
“Ikaw?!”
“Hi!” Ngumiti sa akin si Ryan at nagtinginan naman sa gawi namin ang aking mga kaklase, pati si Ma’am De Guzman.
“Ms. Lucas, may problema ba?” tanong ni Ma’am.
Itinuro ko naman si Ryan na nasa tabi ko. “Ma’am! Bakit po nandito siya? Eh, ‘di ba po sa kabilang section siya?”
“Ah, si Mr. Caleon ba? May na-miss kasi siyang quiz at gusto niyang kuhanin ‘yon ngayon kaya nandito siya. Pero ‘wag kang mag-alala dahil ngayon lang naman ‘yan. Ginugulo ka ba niya?”
Tiningnan ko naman si Ryan at nginitian niya lang ako ng ubod nang lapad. “W-Wala naman po, Ma’am. Nagulat lang po kasi ako.” Naupo na ulit ako pagkatapos no’n.
Pagkaupo ko ay bumulong sa akin si Ryan.
“Huli ka ngayon, Miss Cupcake.”
Oh, lupa… paki lamon ako, please?
***
“H-Hoy, Lifli! Sa’n mo ‘ko dadalin? Hoy, bata pa ako!” sigaw ni Ryan.
Hindi ko siya sinagot at nagpatuloy lang ako sa paghila sa kanya hanggang sa makarating kami sa TLE Room. Isinara at ni-lock ko ‘yung pinto para siguradong walang makakapasok. Kahit si Pao ay sinabihan ko na ‘wag susunod sa amin.
“Hoy, Lifli Lucas! Alam kong Guwapo ako pero hindi pa ako handang gawin ‘to!”
“Sira! Wala akong gagawing masama sa ‘yo kaya ‘wag kang mag-assume riyan. At for your information, pareho lang tayong bata, ‘no!”
Parang nakahinga naman nang maluwag si Ryan dahil sa sinabi ko. Umupo siya sa isang stool at ako naman ay nagsuot ng apron. Magpa-practice ulit ako para mas magawa ko pa ng maayos ‘yung lulutuin ko sa contest.
“Kailan mo pa alam?” tanong ko kay Ryan.
“Mula no’ng matikman ko ‘yung cupcake na gawa mo. Do’n pa lang halatang-halata na. Ewan ko nga ba kay Ice kung bakit hindi nahalata. Isipin pa na lagi mo siyang kasama rito.”
“Tanga yata kasi ‘yung kaibigan mo.”
Nakita ko namang nag-smirk siya. “Sino’ng mas tanga sa inyong dalawa?” Napairap na lang ako dahil do’n. “So, wala ka talagang planong aminin sa kanya?”
“Masaya na siya kay Laila, bakit ko pa sila guguluhin, ‘di ba?”
“Sigurado ka bang masaya siya? Eh, paano kung sabihin ko sa ‘yo na hindi?”
Napaisip naman ako sa itinanong niya. Masaya nga ba talaga si Ice no’ng nakilala na niya si Miss Cupcake?
Hindi ko alam kung ano’ng isasagot ko kay Ryan kaya nagkibit-balikat na lang ako.
“Ako na ang sasagot sa sarili kong tanong.” Tumayo siya saka kinuha ‘yung mga ingredient para sa paggawa ng icing. “Hindi siya masaya. No’ng una niyang natanggap ang box of cupcake, nakita namin sa mukha niya na gusto niyang makilala ‘yung taong nagbigay no’n. Lalo na no’ng dumalas na ang pagpapadala mo sa kanya. Pero kahapon, no’ng ipinakilala niya sa atin si Laila, hindi ko nakita sa kanya ‘yung saya at excitement na nakita ko sa kanya noon.”
Nakikinig lang ako kay Ryan habang gumagawa ako ng cupcake at siya naman ay gumagawa ng icing.
“Pero mukhang okay naman sa kanya kahit na sino pa ‘yung Miss Cupcake na ‘yon kaya hayaan na lang natin.”
“Hindi okay sa kanya ‘yon dahil may inaasahan siyang tao na akala niya ay si Miss Cupcake.” Napatingin naman ako kay Ryan nang sabihin niya ‘yon. “Uyyy! Curious siya!” saka niya ako pinahiran ng icing at tumawa nang tumawa.
“Ryan! Malagkit kaya ‘yan sa mukha! Kainis ka naman, e!”
Pero hindi siya nagpaawat at nilagyan na naman niya ako ng icing. Maya-maya ay tumigil na rin siya kaya sinimulan ko ng maglinis ng mukha. Pagkatapos ay naupo ako sa isang stool para hintaying maluto ‘yung carrot cupcake na ginawa ko. Naupo rin sa tabi ko si Ryan.
“May icing ka pa sa mukha. Wait, aalisin ko.”
Inilapit ni Ryan ‘yung mukha niya sa akin para maalis niya ‘yung icing. Nailang tuloy ako. Lalayo na sana ako nang biglang bumukas ang pinto at sabay kaming napalingon ni Ryan sa nagbukas no’n.
“Ice!”
Diretso namang nakatingin sa akin si Ice. Teka, sa akin? Nilapitan ni Ryan ang kaibigan niya saka inakbayan.
“Ano’ng ginagawa mo rito?” tanong ni Ryan.
“Akala ko kasi kung ano ng nangyari kay Lifli dahil naka-lock ang pinto. Pero hindi ko naman akalain na may ibang lalaki pala siyang kasama rito at maaabutan ko pa sa ganoong posisyon.”
Natigilan naman ako sa sinabi niya at hindi ko magawang alisin ang mata ko sa mata niya.
Ngumisi si Ice habang nakatingin sa akin. “Masarap bang humalik ang kaibigan ko?”
Nanlaki ang aking mga mata at napabitaw si Ryan sa pagkakaakbay kay Ice. Akala ba ni Ice ay may ginagawa kami ni Ryan? s**t! ‘Yung posisyon nga pala namin kanina na malapit ang mukha sa isa’t isa!
“H-Hindi, mali ka nang nakita—”
“Hindi mo na kailangang magpaliwanag. Wala naman akong pakialam kahit ano pa’ng gawin niyo.” Tiningnan niya nang masama si Ryan saka siya umalis.
Hindi naman ako nakakilos sa kinauupuan ko. Gusto ko siyang sundan para magpaliwanag kahit pa nga sinabi na niyang hindi ko na kailangang magpaliwanag. Pero bakit ayaw kumilos ng mga paa ko? Bakit hindi ko magawang umalis sa aking kinauupuan?
“Lifli…” tumingin ako kay Ryan at nakita kong seryoso ang mukha niya. “Ikaw ang taong inaasahan niya na maging si Miss Cupcake.”
At para bang naging password ‘yon para matanggal ako sa kinauupuan ko. Mabilis akong lumabas ng TLE Room at sinundan si Ice. Mabuti na lang at nakita ko siya sa tapat ng locker niya.
“Ice!” Hindi siya lumingon kaya lumapit na lang ako. “Mali ‘yung iniisip mo kanina. Wala kaming ginagawang masama ni Ryan. Kung anuman ‘yang—”
“Sinabi ko naman na hindi mo kailangang magpaliwanag, ‘di ba? Umuwi ka na lang. O baka naman sabay kayong uuwi ni Ryan?”
“Hindi! Hindi kami sabay na uuwi at—Ice!”
Isinara na niya ‘yung locker niya at inilagay sa bag ‘yung box of cupcake saka naglakad palayo. Susundan ko pa sana siya pero napatigil ako nang makita kong nagyakap sila ni Laila. Masakit sa akin na hindi niya ako pinakinggan pero mas masakit na makita ko siyang may kayakap na ibang babae.