Seven: Cursed of the Broken

4118 Words
Chapter 7: Cursed of the Broken 1892  MAY halong pananabik at lungkot ang pag-uwi ni Manuel sa Filipinas. Ang unang plano niyang pananatili sa Espanya upang magpatuloy ng pag-aaral sa Universidad Central de Madrid ay hindi na matutuloy. Bagama’t hindi iyon ang kahilingan ng kanyang mga magulang ay hindi na niya magagawang manatili pa roon dahil sa ilang mga kadahilanan. Hindi lingid sa kaalaman ng kanyang papa ang pagkabuo at unti-unting paglawak ng Katipunan. At gusto niyang maging bahagi niyon kahit sa maliit na paraan. Totoo mang may dugo silang Kastila ay sa Filipinas na sila lumaki’t namulat kaya alam niya kung ano ang nagiging paghihirap ng mga kapwa niya Filipino sa sariling bansa. May pag-aalinlangan man sa ngayon ang kanyang papa dahil sa katayuan nito bilang Gobernadorcillo ng Pueblo del Rey ay panigurado siyang mahihikayat din ito nang lubusan kapag mas naipaunawa rito ang saysay ng Katipunan---isang malayang Filipinas mula sa Espanya. “¡Manuel! ¡Manuel!” Naputol ang pag-iisip niya nang marinig ang pangalan. Nilingon niya ang pinanggalingan ng tinig at natagpuan si Alvaro na papalapit sa kanya. Kamag-aral niya ito at kaibigan sa kursong dapat ay tatapusin niya sa universidad. “¡Buenos dias, Manuel! ¿Cómo estás?” bati nito nang tuluyang makalapit sa kanya. “Bien, ¿y tú?” pangangamusta rin niya. “Muy bien. ¿Dónde es Carmela? ¿Ella es contigo?” “No, no soy con Carmela,” tugon niya. Si Carmela ay isa sa mga pinsan niya na tila natitipuhan ni Alvaro. “¿No? ¿Cuándo volverá ella aquí?” tanong nito kung kailan babalik si Carmela sa Espanya. “Ella ya llego hace meses,” naguguluminahang sabi niya dahil matagal nang nakabalik ng Espanya ang pinsan sa pagkakaalam niya. “¿Qué? Le pregunté a sus padres y me dijeron que está en Filipinas.” “En serio, ¿es eso lo que dijeron?” “Sí.” “¡Ay, no! Lo siento, Alvaro---” “Por favor, no digas lo siento.” “Mi amigo, Alvaro. Ven aquí,” niyakap niya ito at tinapik ang balikat nito. “Iré ahora, amigo. ¡Hasta luego!” “¡Adios, te veo pronto!” Pagkaalis ng kaibigan ay binitbit niya ang bagahe at sumakay sa tranvia. Mahaba pa ang magiging biyahe niya pabalik ng Filipinas ngunit hindi niya alintana iyon. Nasa isip niya ang mukha ng isang dalagang Filipina na ubod ng rilag. Wala ng ibang lahi ang mas gaganda pa sa mga Filipina kaya hindi na marahil kataka-taka na umibig ang mga ninuno nila sa mga ito at hanggang sa kasalukuyang henerasyon ng familia nila ay mga Filipina ang nagpapatibok ng kanilang puso. Lorena… usal niya sa pangalan ng babaeng iniibig. Naging mapangarapin ang paglalakbay niya pauwi ng sariling bayan dahil sa imahe ng sinisinta sa kanyang isipan na halos hindi na nawawaglit. Sabik na sabik na siyang muli itong makita at makasama. Sa katunayan, binabalak na niyang yayain itong makaisang dibdib. Sa pagbabalik niya ay wala siyang aaksayahing sandali at ipagtatapat dito ang pagnanais niyang maging kabiyak nito sa buhay. Mahaba at nakakapagod man ang paglalakbay niya ay hindi nawawalan ng sigla si Manuel. Mula Espanya ay dumaan siya sa Francia. At mula Francia ay patungo namang Italia hanggang sa makarating siya sa Ceylon. Mula Ceylon ay bumiyahe siya pa-Singapore hanggang tuluyan na ngang makatapak ang mga paa niya sa bayang sinilangan. Mula sa pantalan ay sumakay siya ng lantsa para makarating sa Pueblo del Rey na nasa isang isla. Malayo iyon sa iba pang mga isla kaya madalang mabisita ng mga dayo. At madalang din sa mga mamamayan ang umalis ng lugar. Nang makaapak sa mga buhangin sa baybayin ng pueblo ay halos takbuhin niya ang sakayan ng mga kalesa upang makarating agad sa kanilang tahanan at mabisita ang kasintahan. Bago pa man makasampa sa unang kalesang naabutan niya ay hindi nakaligtas sa kanyang pandinig ang bulungan ng mga ale sa gilid ng kalsada. “Aba’y nabalitaan mo na ba na nahuli na ang pumapatay sa mga kababaihan ng pueblo?” anang matandang babae. Nanlalaki ang mga mata ng kausap nito at napahawak sa kasama. “Siya bang tunay? Mahabaging Diyos, maraming salamat sa Inyo!” “Oo, totoo ang sinasabi ko. Hanggang ngayon ay pinagpupulungan pa nila kung anong parusa ang gagawin.” “Dapat ay bitayin ang halimaw na iyon!” “Sang-ayon ako riyan. Hindi lang basta pagpatay ang ginawa ng halimaw na iyon. Ang sabi ay hinalay din niya ang kanyang mga biktima at pagkatapos ay pinagnakawan. Sumasamba sa demonyo ang taong iyon at ginagawang alay kay Satanas ang mga kababaihan natin!” “Susmaryosep, mas mainam kung sunugin din ng buhay ang taong iyon!” Naputol na ang pakikinig ni Manuel nang tumakbo ang kabayong kinakabitan ng kalesa at lumayo sa mga nag-uusap. Inabala niya ang kutsero upang tanungin sa mga narinig niya. Bumalot ang takot sa buong sistema niya sa mga ikinuwento nito sa kanya. Nang tanungin niya kung sino ang salarin sa mga karumal-dumal na krimen na iyon ay hindi nito kilala pero nang banggitin nito kung saan iyon nadakip ay mas lalo siyang kinutuban ng masama. Nagpadiretso na siya sa lugar ni Lorena kung saan huling nakita ang binansagang halimaw ng Pueblo del Rey! KANINA pa humahangos at nag-iinit ang mga binti ni Rosa ngunit hindi siya tumitigil sa pagtakbo. Kailangan niyang mahanap ang kapatid at makalayo sa islang iyon. Kung hindi ay papatayin din siya ng mga mamamayan ng pueblo. Katulad nang pagbitay sa kanyang mga magulang. Buhay nila kapalit ng mga paratang! Ni walang gustong makinig sa paliwanag nila at hinusgahan na sila base sa mga sirkumstansiya na naglagay sa kanila sa alanganin. At kasalanan niya ang lahat ng iyon! Kasalanan niyang umibig siya kay Rafael. Kasalanan niyang ninakaw niya ang kuwintas mula rito. Ang kuwintas na binubuo ng mga nakaw na hiyas mula sa mga babaeng pinagsamantalahan at pinaslang nito. Isang napakalaking katangahan na hindi man lang pumasok sa isip niya agad ang bagay na iyon. Masyado siyang nasilaw sa ganda ng kuwintas at sa kaalamang galing iyon sa binatang iniibig niya. Akala niya ay nakaungos na siya sa kaibigang si Lorena kahit papaano matapos niyang angkinin iyon. Isang pagnanakaw na ang kapalit ay nakawin din ang buhay ng buong pamilya niya. Kulang ang sabihing nanlulumo siya sa mga nangyayari. Labis na naninikip ang dibdib niya sa malabis na pighati. Ang masakit pa’y ‘di man lang niya magawang maipagluksa ang mga magulang sa sinapit ng mga itong kamatayan. Magsisi man siya ngayon sa bawat segundo ng buhay niya ay wala na iyong magagawa para ibalik pa ang mga ito sa kanya. Ang kailangan niya ay patuloy na mabuhay, hanapin ang kapatid, tumakas sa pueblo at maghiganti! Maghiganti laban kay Rafael! Laban sa mga mamamayan ng kanilang lugar na hindi man lang sila pinakinggan. Silang laging takbuhan ng mga ito kapag may sakit o nangangailangan ng gamot. Silang handang laging tumulong at dumamay sa mga ito. Sisiguraduhin niyang magbabayad ang mga ito sa ginawa sa kanila. Mas binilisan ni Rosa ang pagtakbo. Narating niya ang kakahuyan kung saan pinagtago ng kanyang ama ang kapatid bago ito dakpin ng mga sundalo kasama ng ina niya. Mula roon ay kailangan nilang pumunta sa ilog at magbangka hanggang sa makarating sa dagat. Kapag nasa laot na sila ay kailangan lang nilang makarating sa kabilang isla upang mapuntahan ang ibang kamag-anak nila. Siguradong hindi sila pababayaan ng mga ito oras na malaman ng mga ito ang tunay na nangyari. Mahinang tinawag niya ang pangalan ng kapatid sa takot na baka may ibang tao na ring nauna roon at hinahanap sila. Sumilip siya sa malalaking puno at matataas na damo upang makita ang kapatid ngunit wala ito roon. Sobrang lakas ng t***k ng puso niya nang biglang may humablot sa kanya mula sa likuran. “Ako ito, Rosa. Kumalma ka, hindi kita ipapahamak.” “Lorena!” bulalas niya at nayakap ito ng mahigpit. Hindi niya napigilan ang pagbalong ng mga luha at parang batang sumubsob sa balikat nito. Hinaplos nito ang buhok at likod niya. “O, Rosa, patawarin mo ako kung wala akong nagawa para tulungan ka.” “Hindi mo kailangang humingi ng tawad, Lorena. Kasalanan ko ang lahat ng ito. Ako ang dapat sisihin sa sinapit nila ama’t-ina. Hinayaan ko silang mawala dahil sa damdaming hindi ko dapat inalagaan sa puso ko. Napakatanga ko.” Bumangon siya mula sa pagkakasubsob sa balikat nito at hinarap ito. Pinilit niyang supilin ang mga luhang nagpupumilit kumawala. “Si Rafael, Lorena. Si Rafael ang salarin sa mga naging p*****n dito sa bayan natin. Hindi ang aking ama. Walang kasalanan ang ama ko. Isa siyang huwarang manggagamot at hinding-hindi niya kayang pumatay. Lalo na si ina. Napakabuti at lambing niya. Lahat ng may sakit ay inaaruga niya. Ni hindi siya natatakot na mahawa sa mga ito. Wala silang kasalanan, hindi sila mamatay-tao. Si Rafael ang may sala ng lahat ng ito.” Diretso lamang ang tingin ni Lorena sa kaibigan. Para itong tumigas na semento at naging estatwa. Walang pagkagulat o kahit anong emosyong mababasa sa mukha nito. At sa ilang sandali ay tila may kung anong lumukob sa kaispan ni Rosa. Napatutop siya sa bibig at kusang nahinto sa pag-iyak. Nanginginig na lumayo siya sa kaibigan. Halos hindi siya makapaniwala sa kanyang napagtanto. “Diyos Ama, Panginoon ko!” palahaw niya. “Batid mo ang lahat ng ito, Lorena?! Alam mong si Rafael ang halimaw na pumapatay sa kababaihan sa ating pueblo. Pinatay niya ang pinsan mong si Maryang! Pinatay niya ang mga inosenteng tao at wala kang naging kibo! Bakit, Lorena? Bakit?!” halos mabaliw siya sa pagbulyaw dito. Sumakit ang lalamunan niya ngunit hindi siya tumigil. “Patawarin mo ako, Rosa. Pakiusap hayaan mo akong magpaliwanag,” anito nang tila mabasag ang binalot nitong tabing sa sarili. Lumuluhang tinangka siya nitong lapitan. Ngunit hindi niya ito hinayaang makalapit sa kanya. Isang sampal ang ginawad niya rito na nagpatulig sa sistema nito. Napaluhod ito sa lupa. Nagsumamo sa harap niya. “Patawarin mo ako, Rosa. Patawarin mo ako. Katulad rin ako ng ibang mga naging biktima ni Rafael. Takot na takot ako nang malaman ko ang ginagawa niya. Ang nauna kong naisip ay isuplong agad siya sa kinauukulan ngunit sino ang maniniwala sa akin laban sa anak ng Cabeza kung wala akong ebidensyang maibibigay? Subalit sinubukan ko pa rin, Rosa. Sumubok akong ipaalam ito sa mga nakatataas ngunit nalaman ni Rafael at si Maryang ang naging kabayaran niyon! At sinigurado niya sa aking iisa-isahin niya ang lahat ng pamilya ko kung magtatangka pa rin akong isuplong siya. Wala akong naging laban sa kanya, Rosa. Patawarin mo ako at naging napakahina ko. Nagpatakot ako sa mga sinabi niya. Kaya hindi na ako nakagawa ng iba pang hakbang,” litanya nito sa pagitan ng mga pagluha. “Kasalanan mo ito, kasalanan n’yo ito! Kasalanan… kasalanan ko ito… Anong gagawin ko? Ama… Ina… Patawarin n’yo ako…” Nangatog ang mga tuhod niya at bumagsak sa lupa. Halos wala ng lakas ang katawan niya. Dinaluhan naman agad siya ng kaibigan. “May magagawa na tayo ngayon, Rosa. Pero kailangan nating hintayin ang pagbabalik ni Manuel. Tutulungan niya tayo. Ipapaliwanag ko sa kanya ang mga nangyari. Siguradong tutulungan niya tayo. Siya ang pag-asa natin.” “Manuel? Si Manuel?” “Oo, Rosa. Si Manuel na anak ng gobernadorcillo. Si Manuel na nakita mong kasama ko sa ilog habang sakay ng bangka. Si Manuel na nakasiping ko ng gabing iyon. Patawad sa mga paglilihim ko sa ‘yo. Hindi ko dapat iyon ginawa dahil ikaw ang nag-iisang matalik kong kaibigan.” Kung gayon ay totoo ang mga nakita niya nang araw na iyon. Si Lorena at Manuel nga ang magkatipan sa ilog. Si Manuel at ang pamilya nitong may mas mataas na katungkulan sa pueblo. Tama ang kaibigan niya, ito ang magiging pag-asa nila para puksain ang kasamaan ni Rafael. “Lorena! Rosa!” Sabay silang napalingon sa tumawag sa kanilang mga pangalan. Si Rafael! Malalaki at mabibilis ang naging hakbang nito bitbit ang mahabang sundang. Nagkukumahog silang tumayong dalawa ng kaibigan ngunit halos ayaw nang gumalaw ng mga paa at binti niya sa sobrang kapaguran. Halos makaladkad siya ng kaibigan nang makatayo ito upang ilayo sila sa demonyong kaharap nila. Pero alam niyang wala silang takas dito kahit tumakbo sila. Maaabutan sila ng lalaki at siguradong papaslangin sila nito. Mukhang hindi na niya mahihintay pa ang pagdating ng pag-asa. Kailangan niyang tapusin na roon ang lahat. Ipaghihiganti niya ang kanyang mga magulang. “Lorena, mahal ko. Halika rito sa tabi ko. Lumayo ka sa babaeng iyan,” anito ilang hakbang ang layo mula sa kanila. Inilabas nito ang kuwintas mula sa bulsa nito at inilahad iyon sa kanila. “Tingnan mo ang kuwintas na ito, Lorena. Ako mismo ang gumawa nito. Ito ang sagisag ng pagmamahal ko para sa ‘yo. Lumapit ka sa akin at isusuot ko ito sa ‘yo,” tila nahihibang na anyaya nito sa kaibigan. Sa pagkakataong iyon ay parang nagkaroon siya ng panibagong lakas. Itinukod niya ang mga kamay sa lupa upang alalayan ang sariling makatayo. Mahigpit ang naging kapit niya kay Lorena. Nagsusulyapan sila nito na tila nangungusap sa isa’t-isa kung ano ang gagawin nila sa sandaling iyon. “Nababaliw ka na, Rafael! Ang dami mo nang nasaktang tao. Tigilan mo na kami. Sumuko ka na,” pakiusap ni Lorena. Pero alam ni Rosa na hindi madadaan sa pakiusap ang mga katulad ng lalaki na halang ang kaluluwa. Ang tanging paraan lamang para tapusin ang karumaldumal na gawain nito ay ang patayin ito. Bitayin at sunugin ang katawan hanggang sa abo na lamang ang matira. Kinabig niya ang kaibigang si Lorena at sinakal ito ng kanyang mga braso. Inilabas niya ang punyal na nakaipit sa tagiliran ng saya niya at iniumang dito. “Umarte kang pumipiglas, Lorena. Lalansiin natin ang demonyo,” bulong niya rito. Agad namang nakiayon ang kaibigan. Naging malalaki at mabibilis muli ang hakbang ni Rafael palapit sa kanila. Umatras silang dalawa upang makalayo ng bahagya rito. “Huwag kang lalapit, Rafael! Kung hindi itatarak ko sa dibdib ni Lorena ang punyal na ito,” sigaw babala niya sa lalaki nang halos makalapit ito sa kanila. Tumigil naman ito agad. Nanatili itong nakatayo roon na parang binabasa ang galaw niya. “Ihagis mo palayo sa ‘yo ang dala mong sundang,” utos niya rito. Sumunod naman ang lalaki. “Ibibigay mo sa akin ang kuwintas kapalit ni Lorena,” dagdag niya. Malakas na umismid ang lalaki. “¡Ladrona! Hindi pa ba sapat na ilang linggong nasa sa iyo ang kuwintas at gusto mong angkinin! Labis-labis ang kahibangan mo sa akin. Kung ipinagtapat mo lang sana ng mas maaga ay naranasan mo rin ang ligayang kaya kong ihandog,” anito at baliw na tumawa. “¡Sinvergüenza! Hindi ako nakikipaglokohan sa ‘yo, Rafael. Ibigay mo sa akin ang kuwintas at ibibigay ko sa ‘yo si Lorena. At hahayaan mo akong makaalis nang matiwasay!” “De puta ka, Rosa! Sino ka para utusan ako? Isa ka lamang hamak na babae. Ang pamilya n’yo ay pekeng mga manggamot. Ngunit mabuti na rin dahil napakabilis kong napaniwala ang mga tao na kayo ang may kagagawan ng lahat. Sana’y nakita mo ang pugot na ulo ng iyong mga magulang.” Bahaw na tumawa ito. Nagsumikip ang dibdib niya. Nag-igtingan ang mga bagang niya at biglang ginurlisan ang braso ni Lorena. Napahiyaw ito sa ginawa niya. “Punyeta ka, Rafael! Ibigay mo sa akin ang kuwintas o papaslangin ko sa harap mo si Lorena?” matigas na turan niya. Napipilan ang lalaki sa ginawa niya. Nakita niyang tila nag-apoy sa galit ang mga mata nito. Itinaas nito ang kuwintas na hawak at tinitigan iyon. Bakas sa mukha nito ng mga sandaling iyon ang panghihinayang. Marahang lumapit ito sa kanila sa pagkakataong iyon. Nang halos isang dipa na lamang ang layo nila sa isa’t-isa ay huminto ito. Inilahad nito ang kuwintas na nasa palad. Unti-unti silang lumapit ng kaibigan. Tinatantiya kung may balak gawin ang lalaki. Pero tahimik lamang itong nakatayo at hihintay na kunin niya ang kuwintas. Mabilis niyang inagaw sa palad nito ang kuwintas. Mabilis din nitong hinablot mula sa kanya si Lorena. Kinuha naman ng kaibigan ang hawak niyang punyal at iwinasiwas kay Rafael. Gumurlis iyon sa leeg ng lalaki at nakita nila ang pagtagas ng dugo mula roon ngunit hindi nito iyon ininda at hinila si Lorena palapit dito. Binigyan nito ng mag-asawang sampal ang kaibigan at isinadlak sa lupa pagkatapos maagaw ang punyal dito. “Tumakbo ka na, Rosa! Takbo!” sigaw sa kanya ng kaibigan. Pero bago pa man siya makapagdesisyon sa susunod na gagawin ay sinunggaban na siya ni Rafael. Tumumba silang parehas nito at nagpambuno. Ngunit wala siyang laban sa lakas nito. Sunod-sunod niyang naramdaman ang pag-ahon at pagtarak ng punyal sa kanyang dibdib. Sumuka siya ng dugo. Nang halos hindi na siya makagulapay ay saka lamang siya nilayuan nito at muling bumalik sa kaibigan na patuloy sa pagtangis. Itinaas niya ang kamay. Hawak pa rin niya ang kuwintas. Kumikinang ang mga bato niyon sa mga mata niya. Napakaganda niyon subalit alam niya ang lihim sa likod niyon. Ilang babae ang naghirap at pinaslang ng walang awa para makamit ang kariktang iyon. “Isinusumpa kita, Rafael! Isinusumpa kong magbabayad ka sa lahat ng kasalanang ginawa mo! Darating ang panahon na tadhana ang maniningil sa mga ninakaw mong buhay! Isinusumpa ko hanggang sa magiging kinaapu-apuhan mo! Dahil hindi magiging sapat ang isang walang kwenta mong buhay para sa lahat ng inagaw mo sa bayan na ito! Isinusumpa kitang demonyo ka! Isinusumpa kita!” palahaw niya hanggang sa unti-unting mahigitan ng hininga. Malahalimaw na humalakhak si Rafael sa huling mga tinuran ni Rosa. Muli nitong nilapitan ang kaibigan ni Lorena at kinuha ang kuwintas na nalaglag sa duguang dibdib ng babae. Punong-puno na iyon ng dugo at halos balutin ang kinang ng mga hiyas. Tinadyakan at dinuraan niya ang bangkay bago iyon tinalikuran. Binalikan nito si Lorena at kinaladkad ito palabas ng kakahuyan. Naiwang nag-iisa ang kalunos-lunos na si Rosa. LUMIPAS ang mga araw at nanumbalik ang katahimikan at kapanatagan ng kalooban ng mga mamamayan ng Pueblo del Rey. Masaya sa paniniwalang nagapi at naparusahan na nila ang may sala sa mga karumal-dumal na mga krimeng naganap sa kanilang bayan. Bumalik nang muli sa normal ang pamumuhay ng karamihan sa kanila. Ngunit para kay Lorena ay tila hindi na matatapos ang kalbaryo sa buhay niya. Matutuloy pa rin ang nakatakdang kasal niya kay Rafael. Mas nabalot siya ng takot sa nasaksihang pagpatay nito sa matalik na kaibigan. Ilang beses nang sinuheto niya ang sarili na huwag papatalo sa takot ngunit sa tuwina ay malinaw na gumuguhit sa isipan niya ang sinapit ng mga kababaihan sa mga kamay ni Rafael. At hindi niya maiwasang isipin na iyon din ang sasapitin nila sa oras na lumabag siya sa mga nais ng lalaki. Ang inaasahan niyang pag-asa na si Manuel ay hindi pa rin nakakabalik mula sa Espanya. Ni wala man lang itong telegrama para sa kanya. Halos nauubusan na rin siya ng lakas na umasa pero ayaw niyang bumitaw. Kailangan niyang mabigyan ng katarungan ang mga naging biktima ni Rafael. Siya na lamang ang nag-iisang nakakaalam ng mga tunay na nangyari at hindi niya hahayaang mawala ang kakarampot na liwanag ng hustisya dahil nagpadaig siya sa takot. Makakahanap din siya ng paraan upang pagbayarin ito sa lahat ng ginawa nito. Ipinapangako niya iyon sa kaibigan. Hindi niya hahayaang mauwi sa wala ang pagkamatay nito. “Lorena, anak, bakit nakatulala ka riyan?” sambot sa kanya ng ina. “Wala naman po. May mga iniisip lang.” Umupo ito sa tabi niya. “Alam kong mabigat ang pinagdadaanan mo. Pero kailangan nating bumangon at magpatuloy sa buhay. Lahat tayo ay nabigla at nagluksa sa mga nangyari. Maraming nawalan sa atin at masakit man ay hindi na natin sila maibabalik. Pero mananatili sila sa puso natin kahit ano pa man ang mangyari.” Yumakap siya sa ina. Ang dami niyang gustong sabihin dito. Gusto niyang ilahad ang lahat dito ngunit alam niyang hindi maaari dahil malalagay sa peligro ang buhay nito. “Salamat, ina,” tanging sambit niya. Lumipas pa ang ilang mga araw, linggo, buwan hanggang sa dumating ang araw ng kasal nila ni Rafael. Walang Manuel na nagparamdam o nagpakita sa kanya. Pakiramdam niya ay guguho ang mundo niya anumang sandali. Hindi niya makakayang matali sa isang halimaw na katulad ni Rafael. Sinubukan niyang kitlin ang buhay sa araw ng kanyang kasal ngunit hindi niya magawa. Lagi ay naririnig niya sa isip ang tinig ni Rosa. At binibigyan siya niyon ng lakas. Nagawa niyang tumuloy sa simbahan at harapin ang mga bisita. Harapin ang demonyo sa dambana ng Diyos. Inakala ng marami na luha ng kasiyahan ang pag-iyak niya ngunit hindi batid ng mga ito na para siyang pinapatay sa bawat sandali na mapalapit siya kay Rafael. Nang dumapo ang mga labi nito sa mga labi niya upang selyuhan ang pag-iisang dibdib nila ay halos bumaliktad ang sikmura niya. Hindi niya maatim na ito ang magiging asawa niya. Na wala na siyang magiging kawala sa mga galamay nito. Na habang-buhay siyang makukulong kasama ang halimaw na ito at magsisilang din siya ng mga halimaw na katulad nito. “Mabuhay ang bagong kasal! Mabuhay!” sunod-sunod na sigawan ng mga tao sa simbahan. Sinalubong sila ng mga butil ng bigas na isinaboy ng mga ito at mga kalapating pinakawalan na siyang sumisimbolo raw ng kanilang pag-ibig. Nang matapos ang pagdadaos ng kasal at nabusog ng mga handa ang mga bisita ay sumapit na rin ang gabi. Ang inaasam na sandali ni Rafael. Ang kinakatakutan naman ni Lorena. Iyon ang unang gabi na tutuloy siya sa tahanan ng lalaki. Unang pagkakataon na hindi siya makararamdam ng sekyuridad sa tahanan nila, sa piling ng kanyang mga magulang. Halos ayaw niyang bumitaw sa pagkakayakap sa mga magulang nang magpaalamanan sila ngunit hinila na siya ni Rafael at isinakay sa kalesa. Ilang saglit lang ay narating na nila ang tahanan nito. Noong una nilang pinaplano ang pagpapakasal at hindi pa niya batid ang mga ginagawa nito ay tila palasyo iyon sa isipan niya. Ngunit ngayon ay impyerno iyon para sa kanya. Inalalayan siya nito hanggang sa makapasok sila sa kabahayan. Sinara at kinandado nito pagkatapos ang tarangkahan, pati ang mga pinto at bintana. Dinala nito ang mga bagahe niya sa isang silid at naiwan siya sa salas. Nang balikan siya nito ay malapad ang mga ngiti nito sa labi. Sinapo nito ang pisngi niya gamit ang likod ng palad nito. Pumiksi siya sa naramdamang pansusulasok. Tumikhim ito. “Asawa na kita, Lorena. Akin ka na. Pag-aari kita at gagawin ko ang gusto ko sa ‘yo nang hindi ako nakakatanggap nang pag-hindi mula sa ‘yo. Naiintindihan mo ba?” mariing sabi nito. Muli nitong tinangkang hawakan siya. Hinayaan niya ito sa pagkakataong iyon. Unti-unti nitong hinubad ang suot niyang damit hanggang sa lumadlad sa sahig ang mga tela niyon. Tumambad ang kahubdan niya sa mga mata nito. Hinila siya nito papasok sa malaking silid at inutusan siyang mahiga sa kutson. Tumalima naman siya. Tumalikod ito sa kanya at tinungo ang aparador sa gilid nito. Binuksan nito iyon at may kinuha sa loob niyon. Nang muli itong humarap sa kanya ay may hawak na itong latigo. “Anong gagawin mo, Rafael?” nahihintakutan niyang tanong. Hinataw nito sa hangin ang latigo. “Pinakaayaw ko sa lahat ay iyong niloloko ako, Lorena. Mabuti pang habang maaga ay malaman mo ang mangyayari sa ‘yo sa oras na magloko ka.” “Anong sinasabi mo, hindi kita maintindihan.” Nayakap niya ang sarili sa kilabot na gumapang sa sistema niya. “Akala mo ba’y hindi ko batid ang ugnayan ninyo ni Manuel? May binabalak ka ba, Lorena? Balak mo ba akong iputan sa ulo? O magtatangka ka na namang magsuplong? Sino ba ang gusto mong isunod ko? Ang iyong ina?” May baliw na ngiti na gumuguhit sa mukha ng lalaki. Nahihibang ang anyo nito. “Pakiusap, Rafael. Susundin ko ang lahat ng gusto mo. Isa pa’y walang katotohanan ang kung ano mang nalaman mong ugnayan namin ni Manuel. Matagal na kaming hindi nagkikita at wala akong balak na muling magpakita sa kanya.” Muli nitong hinataw sa hangin ang latigo. “Malalaman natin. Lumuhod ka sa harap ko!” Nag-alinlangan may sinunod niya ang utos nito. Sa unang pagkakataon ay lumapat ang latigo sa balat niya. Sa pangalawa, pangatlo, at sa hindi mabilang na sandali. Ang mga latay na iyon ay magiging tanda na hindi na siya makakaalis sa kasumpa-sumpang impyernong iyon!
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD