AKMANG papaandarin na ni Georgette ang minamanehong kotse nang mapatigil siya nang makita ang isang itim na plastic na nakalapag sa sahig ng passenger. Mukhang kulang ng isang plastic ang na-i-deliver niya sa customer niyang babae kanina. Hindi na niya iyon na-check at mukhang hindi na din na-check ng customer kung kompleto ba ang order nito. Repeat buyer na kasi niya ang babae, at siguro may tiwala na ito sa kanya kaya hindi na nito iyon na-check no’ng ideniliver niya.
Dinampot ni Georgette ang plastic at tumingin sa labas ng bintana ng kotse. Tiningnan niya kung hindi pa nakakaalis ang babae sa restaurant kung saan sila nag-meet na dalawa. At nang makita niyang nandoon pa ang babae ay lumabas siya ng kotse at bumalik sa loob ng restaurant.
Isang online Seller si Georgette. Nakapagtapos naman siya ng pag-aaral. Kumuha siya ng kursong Business Administration Major in Marketing Management sa kilalang Unibersidad sa Cebu. Mas pinili na lang niyang maging online seller kaysa mag-apply sa isang kompanya dahil walang magbabantay at mag-aalaga sa anak niya. Eight working hours ang dapat bunuin kapag nagta-trabaho sa isang kompanya. Kung minsan ay lumalagpas pa sa oras na iyon. Ayaw naman niyang iwan ang anak o ipagkatiwala ito sa iba. At gusto din niya na siya ang mag-aalaga sa anak. At sa pagiging online seller ay naalagan at natututukan niyang mabuti ang anak. Sapat na ang kinikita niya para masuportahan ang pag-aaral ng anak. And she was proud being an online seller.
“Ma’am,” agaw pansin na tawag niya sa babaeng nakaupo. Nag-angat naman ito ng tingin patungo sa kanya. “Pasensiya na po, naiwan sa kotse iyong isang in-order niyo.” Hinging paunmanhin niya. Inabot din niya dito ang plastic na in-order nito.
“Thank you,” sabi nito ng abutin nito ang plastic. Nginitian naman niya ito at nagpaalam na. Naglakad na siya palabas ng establishemento. Pero mayamaya ay napahinto siya sa paglalakad nang makita niya ang pamilyar na mukha ng lalaking kakalabas lang din sa pinto ng establishemento na nasa harap niya. Kahit mahigit limang taon na ang nakakaraan ay hindi pa rin nakakalimutan ni Georgette ang pagmumukhang iyon. Paano naman makakalimutan ni Georgette ang lalaki? Eh, ang lalaking iyon ay ang lalaking tanging minahal niya. Ang lalaking pinakasalan niya. Ang kanyang asawa—dating asawa. Ang ama ng anak niyang si Georgina.
Si Light.
Kinagat ni Georgette ang ibabang labi para pigilan ang emosyon na naramdaman sa sandaling iyon. Muli kasing bumalik iyong sakit na namayani sa puso niya ng muli niyang makita ang dating asawa.
At mukhang naramdaman nito na may nakatitig rito dahil tumingin ito sa dereksiyon niya. Kahit nakasuot ito ng shades ay alam ni Georgette na natigilan ito. Dahil dahan-dahan nitong ibinababa ang cellphone nitong nakatapat sa kanang tainga nito. Ilang segundong nakatingin sa dereksiyon niya si Light.
Kinabahan si Georgette nang makitang dahan-dahan na naglakad si Light patungo sa dereksiyon niya. At bago pa ito nakalapit ay tumakbo na siya patungo sa nakaparadang kotse niya
“Georgie!”
Kinagat ni Georgette ang ibabang labi nang marinig niya ang pagtawag nito sa pangalan niya. Pero hindi niya ito pinansin at pinakinggan. Agad siyang sumakay sa kotse at mabilis na umalis do’n. Ayaw niyang makausap si Light, ayaw din niyang makita ito. Hindi pa kasi siya handa na makausap at makita ang dating asawa.
Nang makalayo siya sa lugar na iyon ay ginilid niya ang kotse sa kalsada. At doon niya napansin na nanginnginig ang kamay niya. At kahit pinipigilan niya ay hindi niya napigilan ang pagpatak ng luha sa mga mata niya.
Laging hinihiling ni Georgette na sana ay hindi na mag-krus ang landas nila ni Light. Tahimik na kasi ang buhay ni Georgette, kasama ang anak. At paniguradong gugulo iyon kapag bumalik ito sa buhay niya at kapag nalaman nito ang tungkol kay Georgina.
“SI MAMA hindi na naman nakikinig.” Napakurap-kurap ng mga mata si Georgette nang marinig niya ang boses na iyon ng anak. Nang balingan niya ito sa kanyang tabi ay nakita niyang humahaba ang nguso nito tanda ng pagsimangot.
“Ha?”
Lalong humaba ang nguso ng anak. “Hindi ka nakikinig sa `kin, Mama.”
“Nakikinig kaya si Mama,” pagsisinungaling niya.
Pinamaywangan siya ng anak. “Hindi kaya,” giit pa nito.
Nagpakawala na lang ng buntong-hininga si Georgette. “Sige na nga, hindi na ako nakikinig,” pag-aamin na lang niya, mukhang hindi kasi siya tatantanan ng anak. Naririnig niyang nagsasalita ito pero wala sa sinasabi nito ang atensiyon niya kundi nasa ama nito. Simula no’ng makita niya ito apat na araw na ang nakakaraan ay ginugulo na nito ang sistema niya.
Bakit kasi sa dinami-dami ng lugar na pupuntahan nito? Bakit do’n pa kung nasaan siya? At naiisip din niya kung bakit nandito si Light sa Maynila. Anong ginagawa nito ro’n?
At hindi din inaasahan ni Georgette ang naramdaman sa muli nilang pagkikita. Dahil no’ng makita niya itong muli makalipas ng ilang taon ay naramdaman niyang muli iyong sakit na naramdaman ng puso niya no’ng malaman niyang niloko siya nito. Bumukas muli iyong sugat sa puso niya na inaakala niyang naghilom na.
Ipinilig na lang ni Georgette ang ulo. At itinuon ang atensiyon sa anak. “Ano ba iyong sinasabi mo?” tanong niya sa anak.
Sa halip na sumagot ang anak ay pumunta ito sa harap niya. Hinawakan niya ito sa magkabilang baywang ng kumakandong ito sa hita niya. “Mama ko.” sa pagkakataong iyon ay malambing na ang boses ng anak.
Lihim na napangiti si Georgette. Kilala niya ang anak na si Georgina. Kapag ganoon ito kalambing sa kanya ay alam niyang may gusto itong i-request sa kanya. “Yes, baby?”
“Saturday po bukas. Wala akong pasok sa school. Ikaw din wala ka ding pasok sa work,” anang anak. Ang tinutukoy nito na wala siyang pasok ay iyong trabaho niya sa pagiging online seller niya. Wala kasi siyang delivery kapag weekends. Walang pasok ang anak sa school kaya quality time nila iyong dalawa.
“Oh, tapos?”
Niyakap siya ng anak saka ito tumingala sa kanya. Niyuko naman niya ito. “Punta po tayo sa Ocean Park, Mama. Gusto ko makita madami fish.”
Pumaikot ang isang kamay niya sa baywang nito. “Saka na tayo pumunta sa Ocean park, baby,” sabi niya sa anak. “Dito na lang tayo sa bahay. Ipagluluto kita ng favorite spaghetti mo na maraming hotdog at cheese and fried chicken.”
Ngumuso ito. “Gusto ko pong makita madaming fish,” giit pa nito.
“Uhm, `di manuod na lang tayo ng Finding Dory,” suhestiyon niya. “Marami kang makikitang fish do’n. Tapos nagta-talk pa iyong mga fish sa Finding Dory.”
Ayaw kasi ni Georgette na lumabas ng bahay. Lalo na kapag kasama niya ang anak na si Georgina. Mahirap na at baka muli na namang magkrus ang landas nila ni Light at baka makita nito si Georgina na kasama niya.
“Ayaw, Mama. Gusto ko sa Ocean Park.” sa pagkakataong iyon ay nagmamaktol na ang anak.
“Georgina.” banggit niya sa pangalan ng anak. Sumeryoso din ang ekspresyon ng mukha niya. Ayaw na ayaw kasi niya na pinagmamaktulan siya ni Georgiona. “Hindi magandang gawain ang pagmamaktol,” Pangaral niya sa anak sa seryosong boses. “Lalo na kung ang pinagmamaktolan mo ay ang Mama mo. Bad iyon.”
Kinagat ni Georgina ang ibabang labi nito. Napansin din niya ang pamamasa ng mata nito. “S-sorry po, Mama,” anang anak. Pagkatapos niyon ay umalis ito mula sa pagkakakandong nito sa hita niya at umupo ito sa katabi niya. Kinuha nito ang librong nakalapag sa ibabaw ng bedside table at kunwaring nagbasa do’n. Gusto niyang suyuin ang anak pero nagpigil siya. Kasi kapag ginawa niya iyon ay lalong titigas ang ulo nito. At ayaw niyang mangyari iyon.
Aaminin naman ni Georgette na kung minsan ibinibigay niya kay Georgina ang gusto nito. Pero may limitasyon din iyon. Ayaw niyang maging spoiled ang anak.
Mayamaya ay napatingin siya sa labas ng pinto ng apartment niya nang makarinig siya nang mahinang katok mula ro’n.
Napakunot ang noo ni Georgette. Sino kaya ang kumakatok sa labas? Sinulyapan muna niya ang anak sa tabi bago siya tumayo mula sa pagkakaupo at naglakad patungo sa pinto para buksan iyon. Bumungad sa kanyang mata ang nakangiting mukha ni Christian.
“Hi.” bati nito nang magtama ang mata nila.
“Oh, Christian,” banggit niya sa pangalan nito. “Anong ginagawa mo rito?”
Malaki ang utang na loob ni Georgette kay Christian at sa pamilya nito mismo. Ang mga ito kasi ang tumulong sa kanya noon. Pamilya din nito ang nagdala sa kanya sa Maynila para makapagsimula siya ng panibagong buhay malayo kay Light...sa dati niyang asawa.
“Well, I’m here to visit...little Georgina.” anito sabay tingin sa anak niyang nakaupo sa sofa.
Niluwagan naman niya ang pagkakabukas ng pinto. “Pasok ka,” paanyaya niya kay Christian.
Nginitian siya nito bago pumasok. “Hi Georgina,” bati ni Christian sa anak. Nag-angat ng tingin ang anak sa lalaki. “May pasalubong ako sa `yo.” sabi ni Christian sabay taas sa plastic na hawak nito. “Ayaw mo sa mga pasalubong ko?” sabi nito ng hindi pa kumikilos ang anak sa kinauupuan nito.
“G-gusto po,” sabi ng anak. Pagkatapos niyon ay bumaba ito mula sa pagkakaupo nito at lumapit kay Christian.
“Salamat po sa pasalubong, Ninong Christian.” sabi ni Georgina nang makuha nito ang pasalubong nito galing kay Christian.
“Oh, bakit parang ang lungkot mo? May problema ba?” tanong ni Christian. Mukhang napansin nito ang matamlay na hitsura at boses ng anak.
Tumingin muna ang anak sa kanya bago ito sumagot. “Wala po.” sagot nito bago ito nagpaalam at bumalik sa sofa na inuupuan nito kanina.
“Anong problema no’n?” tanong ni Christian sa kanya ng balingan siya nito.
“Gusto niyang magpunta sa Ocean Park pero hindi ko pinagbigyan.” sagot niya habang nakatitig sa anak habang nilalabas nito isa-isa ang laman ng plastic na pasalubong ni Christian.
“Oh, bakit hindi mo pinagbigyan?”
Isang malalim na buntong-hininga ang isinagot niya kay Christian. “May problema ba?”
“I saw him,” halos pabulong lang na wika ni Georgette.
“Who?”
“Georgie’s father.”