"Ano kayang pwedeng maging pangalan ng baby girl natin?" wala sa sariling tanong ko habang maiging nakatitig sa hawak-hawak kong ultrasound.
Kagagaling lang namin ni Calvin sa isang Clinic malapit lang sa Dela Vega Publishing House para magpakonsulta. Dumeretso na kami roon pagkatapos kong mag-out sa trabaho. Mamaya ay uuwi rin para naman ibalita kay Mama at excited din siya.
Four months na ang tiyan ko. Grabe lang ang bilis ng panahon at parang kailan lang noong naglayas ako, parang kahapon lang noong makabungguan ko si Calvin sa isang Restaurant ng Isla Mercedes.
Iyon ang unang pagkikita namin sa isla, sumunod iyong sa bar na nauwi sa unang experience ko. Wala akong idea noon na isang beses na rin pala kaming nagtagpo rito sa Manila. Wala akong alam, kasi sa ibang lalaki pa nakatuon ang atensyon ko.
Akalain mo iyon, kung gaano kabilis nagdaan ang panahon ay ganoon din kabilis na nawala sa puso ko iyong pait. Lalo iyong sakit na tinamasa ko noon kay Andrew. At the same time, marami rin akong natutunan.
Hindi lang dahil sa pinagdaanan ko, kahit ngayon na kasa-kasama ko si Calvin ay patuloy akong natututo sa mga bagay na hindi ko pa alam. Siya ang naging daan para mamulat ako sa katotohanan.
Aniya, kung may mawala man sa atin, may darating din na kapalit. Hindi lahat ay nagtatagal, pero hangga't nariyan ay dapat nating pahalagahan. Kung sakali mang mawala, matuto tayong magparaya. Para bang dumaan lang sila para magbigay ng aral sa buhay natin.
Sa buhay natin ay may pagkakataong nalulungkot tayo ngunit sa ganoong sitwasyon, mas dapat nating isipin iyong mga araw na masaya tayo. Marami mang dumaang problema, pasakit, lugmok at hinanakit, pasasaan ba't malalampasan din natin iyon bandang huli?
Ang sabi nga ng karamihan; the greater your storm, the brighter your rainbow.
Gaano man kahaba ang pagsubok natin sa buhay, gaano man kadilim ang naging karanasan natin, sa dulo ay naroon ang isang liwanag na magpapaahon sa atin.
And there is; you must work hard to become a rainbow despite all challenges.
"I want it Jillian Caleigh," sagot ni Calvin na siyang nasa tabi ko.
Narito kami ngayon sa Mall of Asia, malapit sa seaside. Pareho kaming nakaupo sa nguso ng kaniyang kotse. Pasado alas singko na ng hapon, wala nang masyadong araw at papalubog na rin iyon mula sa kanlurang bahagi ng Manila Bay.
"Para may resemblance sa pangalan natin. And I want our baby to be like you, matapang na kayang lumaban, matatag... at the same time, mabait, matulungin at mapagmahal," dagdag niya kaya napangiti ako.
"Just like you, Calvin, sa ating dalawa ay mas mabait ka, matulungin na nagagawa pang bumisita sa babaeng kaibigan—"
Hindi ko na natuloy ang gusto ko pang sabihin nang bigla siyang mapalingon sa akin. Napipilan niya akong tinitigan, tila ba nababaliw na ako sa paningin niya.
"Na sa sobrang mapagmahal, lahat din ng tao ay gusto kang mahalin—"
"Stop it, Verra," malambing niyang wika, kapagkuwan ay hinawakan ang magkabilaan kong balikat para iharap sa kaniya. "Mahal kita. Ikaw lang ang mahal ko. At ilang beses ko mang sabihin ito, o marindi man ang tainga mo ay hindi ako magsasawa. Araw-araw kong ipaparamdam sa 'yo na ikaw lang ang babaeng pinakamaganda sa paningin ko, ikaw lang, wala namang iba."
Napanguso ako sa tinuran nito. Hindi ba pwedeng mag-joke? Binibiro ko lang naman siya at kita mo saan na napunta ang pagbibiro ko. Halos umusok ang ilong ko sa sobrang pamumula ng mukha ko.
Honestly, kahit hindi rin sabihin ni Calvin nang paulit-ulit ay nararamdaman ko naman. Hindi lang siya sa words of affirmation magaling, binibigyan niya rin ako palagi ng assurance at consistency.
Wala akong masabi patungkol doon, sobrang lala niyang magpakilig at ako na lang itong sumusuko dahil pati buto ko ay nanlalambot. Can you imagine? Araw-araw ko siyang kasama, araw-araw din akong nangingisay sa tuwing ganito siya.
Ang masasabi ko lang din, settle with someone who is 100% sure about you. We, people, deserve someone who chooses us every single day.
Isang halik pa sa labi ang ginawa niya ay tuluyan na akong namatay sa kilig. Please lang, awatin niyo si Calvin Frias!
"I love you," aniya pagkatapos ng halik.
"I love you, too, Calvin."
Sabay kaming napangiti, sa paglubog ng araw ay ang mas mabilis na pagdaan pa ng mga araw na tipong halos hindi ko na masundan pa ang mga nangyayari. Partikular ang tiyan kong sobrang laki na.
Nakaharap ako sa tapat ng malaking salamin na kita ang kabuuan katawang ko. Rito ko na lang kasi nakikita ang dalawang paa ko, kapag yumuyuko kasi ako ay ang laking harang ng tiyan ko.
Kitang-kita ko pa ang stretch mark na nakapaligid sa tiyan ko, may parteng nangingitim, para rin bang ano mang oras ay puputok iyon at mukha iyong bulkan. Marahan kong hinawakan ang tiyan ko at dinama si Jill sa loob.
Ang sabi ng OB ko ay next week pa ang expected kong panganganak. Pinaghalong kaba at excitement ang nararamdaman ko. Hindi na ako mapakali. Kating-kati na akong ipakilala ang anak ko sa mundo.
"I promise to be a good mother to you, Jill. Pangako na ikaw ang isa sa magiging swerteng anak at naging ina mo ako, hindi ka magsisisi. Ibibigay ko sa 'yo ang lahat ng pagmamahal na mayroon ako. Hindi ko ipaparanas sa 'yo iyong mga masasakit na napagdaanan ko. Kakayanin ko na igapang lahat ng mga gusto mo, magiging spoiled ka sa akin. That's my promise."
Wala sa sarili nang mapangiti ako. Isang tadyak sa tagiliran ko ang naramdaman ko dahilan para iinda ko iyon. Hindi ko rin alam kung ipagpapatuloy ko ba ang ngiti ko nang magtuluy-tuloy ang sakit.
Dalawang kamay na ngayon ang nakahawak sa tiyan ko, ramdam kong tila malalaglag iyon. Nataranta ako, lalo pa nang dumaloy ang masaganang tubig sa magkabilaan kong hita. Malakas akong napatili.
"Calvin!! Mama!" sigaw ko, napaupo ako sa dulo ng kama habang paulit-ulit na umaaray sa sakit na nanunuot sa akin. "Mama!"
Padarag na bumukas ang pinto sa kwarto ko. Iniluwa nito si Mama na kaagad nanlaki ang mga mata nang matunghayan niya ako. Umabante ito ngunit mabilis ding umatras. Animo'y hindi alam ang gagawin.
"Omo! Jinky! Haru, Diyos ko! Calvin!!" matinis niyang sigaw at sumungaw pa ang ulo sa kung saan siguro naroon si Calvin.
Mayamaya ay nilapitan din niya ako. Tangkang bubuhatin ako nito ngunit mabilis na nag-marterialize sa likod niya si Calvin. Gumilid si Mama upang bigyan daan ito. Natataranta man din ay seryoso akong binuhat ni Calvin.
Nagpatiuna naman si Mama upang mas buksan nang maluwang ang pinto. Nang makalabas ng bahay, si Mama ang naging traffic enforcer namin sa mga taong humaharang sa daanan.
"Tumabi kayo, mga hudas! Manganganak na ang anak ko! Tabi!!" paulit-ulit siya sa ganoon, gusto kong tumawa ngunit masyado akong apektado sa sakit na nararamdaman. "Tabi sabi! Kulit mo, ah!"
Wala pang pang-itaas si Calvin, mukhang nasa kalagitnaan siya kanina ng pagluluto para sa tanghalian namin. Mabuti rin at palagi niyang dala ang kotse nito sa tuwing pumupunta siya sa amin.
Si Mama na ang nagbukas ng pinto sa passenger's seat at doon ako inupo ni Calvin. Sumunod din naman si Mama. Maagap niya akong dinaluhan. Kita sa mukha niya ang labis na pag-aalala at pagkatakot.
Ilang sandali nang makapasok si Calvin sa driver's seat. Wala na itong pinalampas na segundo at mabilis ding pinausad ang kotse. Ni hindi na siya nagsuot ng damit, pero hindi na niya iyon pinansin pa.
Wala siyang imik ay katulad ni Mama ay bakas sa mukha niya ang pagkataranta. Panay ang sulyap niya sa akin mula sa rear view mirror. Gusto kong magsalita ngunit sa tuwing gagawin ko ay ngiwi ang kinalalabasan.
Bulto-bulto ng pawis ang namumuo sa noo at leeg ko. Nanlalamig din ang mga palad ko. Hindi ko masyadong ma-explain, basta ay sobrang sakit. Idagdag pa na bumubuka ang pwerta ko, literal na nagpaparamdam na malapit nang lumabas si Jill.
Napahinga ako nang malalim, pero ano mang langhap ko ng hangin ay naninikip ang dibdib ko. Mahigpit akong napakapit kay Mama, panay lang din ang pag-alo niya sa akin habang hinahagod ang braso ko.
"Kaya mo 'yan, Jinky. Sinasabi ko sa 'yo at para ka lang umiri ng pakwan. Wala lang 'yan... para lang 'yan kagat ng langgam... este ng dinosaur. Oo, masakit talagang manganak, pero pagtapos niyan ay kasiyahan ang magiging kapalit kapag nakita mo na ang anak mo. Marinig mo pa lang ang iyak niya ay para nang may humaplos sa puso mo, mahihimasmasan ka at mawawala ang agam-agam sa 'yo. Ganiyan din ang naramdaman ko noon sa 'yo, Jinky... sa inyong mga anak ko."
Naiiyak na ako sa sobrang sakit, dumagdag pa itong mga naging salita ni Mama. Nakagat ko ang pang-ibabang labi ko, kasabay nang pagtulo ng luha ko. Madali naman iyong pinahid ni Mama.
"Pasensya ka na, ha? Kung naging malupit man ako sa 'yo, kung ipinaramdam kong ikaw ang dahilan kung bakit namatay ang Papa mo. Pasensya na, anak, sa mga naging kasalanan ko, sa mga pagkukulang ko sa 'yo, sa atensyon na inaasam mo pero hindi ko maibigay, lalo sa pagmamahal na kulang na kulang para sa 'yo. Pasensya na talaga..."
Matapos iyon ay nag-unahan sa paglabas ang mga luha ni Mama dahilan para dumoble ang pagtangis ko. Pareho kaming nag-iiyakan. Halu-halo na iyong nararamdaman ko na hindi ko na alam paano pa iyon iibsan.
Hindi rin naman nagtagal nang huminto ang kotse. Kaagad na bumaba si Calvin at nagtawag ng assistant. Binuksan niya ang pinto sa gilid ko, saka niya ako dahan-dahan na binuhat. Napasubsob ako sa pagitan ng kaniyang leeg at balikat.
"Don't worry, Verra, I'm here. Hindi kita iiwan, hindi ako aalis," bulong niya sa tainga ko habang patuloy siyang naglalakad. "Just promise me one thing..."
Marahan akong nag-angat ng tingin sa kaniya. Makailang beses na umigting ang panga ni Calvin. Deretso lang din ang mga mata niya sa dinaraanan namin, ganoon pa man ay tanaw na tanaw ko ang pagkislap doon, ang pangingilid ng mga luha niya.
"Hmm?" ungot ko para ipahiwatig na narinig ko siya.
"Babalik ka sa akin," segunda niya sa mababang boses.
Tipid akong napangiti, kapagkuwan ay tumango bilang tugon. Doon siya kumalma, kahit papaano ay nawala ang takot sa kaniyang itsura. Bago pa ako ibigay sa mga Doctor na nakaabang ay hinalikan niya ang noo ko, rason para mapapikit ako.
Gusto rin sana niyang pumasok sa loob ng operating room ngunit pinagbawalan siya. Wala na itong nagawa kung 'di ang magpakumbaba. Nang magmulat at ngiti sa labi niya ang nabungaran ko.
"Sabay ko kayong sasalungin ng anak natin. So please, be strong, Verra. Hihintayin ko kayo rito sa labas."
Sinuklian ko ang ngiti niyang iyon. Kumaway siya sa akin, kasunod nang pagsarado ng pinto. Kaagad na dumungaw ang mukha ni Mama roon habang paulit-ulit na bumubuka ang kaniyang labi.
Hindi ko na masyadong marinig dahil iba't-ibang tunog na ng makina ang pumuno sa tainga ko. Inihiga ako sa hospital bed, may kung anu-anong mga ikinabit at mga ginawa na hindi ko na masundan.
"The opening is complete. Push when I tell you to push, okay?" anang babaeng Midwife.
Huminga ako nang malalim. Ginawa ko ang sinabi nito. Ilang malalakas na sigaw ang pinakawalan ko, sagad sa buto rin ang pag-ire ko, tila ba ano mang oras ay mapuputulan ako ng litid sa leeg.
"More push, Mommy!"
God! Nasa isip ko na noon na mahirap ang manganak, ngayon ko lang iyon napatunayan. At tingin ko pa ay hindi na ako uulit. Bahala na si Calvin sa buhay niya!
"Ahh!" Pikit ang mga mata ko at sabi nga ni Mama, para lang akong lumuwa ng pakwan.
Nahigit ko ang hininga ko. Pakiramdam ko pa'y saglit na tumigil ang pag-ikot ng mundo ko nang marinig ang mumunting pagtangis ng isang sanggol. Gustuhin ko mang magdilat ay masyado nang mabigat ang talukap ko.
"Finally, the baby is born."
Kasabay nito ay ang pagtulo ng luha ko. Napangiti ako, hindi nagtagal ay tuluyang nang nawalan ng ulirat. Hindi ko alam kung ilang oras akong nakatulog. Paggising ko ay sobrang tahimik ng paligid.
Inakala kong nasa langit na ako kung hindi ko lang nakita si Calvin na nakatunghay sa akin. Nang makita akong gising ay mabilis na lumarawan ang tuwa sa kaniyang mukha. Mas humigpit pa lalo ang pagkakayakap niya sa isang kamay ko.
"Verra! Thank you," bulalas niya, ang ngiti sa labi niya ay hindi matatawaran. "Thank God, you're awake. I love you."
"Nasaan si Jill?" mahinang tanong ko ngunit sapat na rin para marinig niya.
"Oh, the baby!" Galak na galak niyang palatak, saka pa dinungaw ang isang baby crib na nasa gilid niya. "Here she is, our little angel, Jillian Caleigh Bolivar-Frias."
This— this is the life I wanted, the world I want to live.