Kabanata 1
S U N N Y
"Congratulations, Rain Vasquez. You're now a member of Gladiators," anang coach ng team na si Mr. Ryan Salvador pagkatapos kong pumirma ng kontrata.
Inabot niya ang kanyang kamay sa akin upang makipagkamay. Agad ko naman iyong tinanggap ng may malawak na ngiti sa labi. Sobrang sarap sa pakiramdam na ang dating hinahangaan kong coach ng Gladiators ay magiging coach ko na rin ngayon. Hindi ko alam kung anong sasabihin ko. Sobrang saya ko sa lahat ng mga nangyayari na hindi ko na magawang mag-isip ng maayos.
"Salamat, Sir," nakangiting turan ko. Mas lumawak ang ngiti niya.
"Coach na lang."
Napakagat ako sa ibabang labi ko upang pigilang mangiti ng husto. Nakakahiya naman kung mukha akong tanga dito kakangiti ng wagas.
"Okay, Coach," hindi ko mapigilang makaramdam ng pagkailang. Hindi naman maiiwasan dahil hindi pa ako sanay na may tinatawag na coach. Tapos yung idol ko pang coach ang tinatawag ko ng ganun.
"Halika ipapakilala kita sa teammates mo," aniya sabay giya sa akin papunta sa mga member ng Gladiators. Hindi ko mapigilang mangiti ng wagas nang sabihin niya iyon.
Sa wakas. Makakaharap ko na ang mga paborito kong gamer sa bansa. Hindi talaga ako makapaniwalang nangyayari itong lahat ngayon. Sa screen ko lang sila napapanuod dati tapos ngayon makakaharap ko na sila at makakasama ko pa sa iisang bahay. Ang hirap talaga paniwalaan ng lahat.
Nang makaharap na namin ang mga makakasama ko sa team ay hindi na nabura ang ngiti sa mga labi ko. Lalo na nang magpakilala sila isa-isa sa akin. Kinamayan nila ako habang nagpapakilala.
Unang nagpakilala ang tank ng team na si Bren na mas kilala sa bansag na Tsunami. Iyon ang in-game name na ginagamit niya. Nakangiti siya tulad ko habang inaabot ang kanyang kamay sa akin. Sunod na nagpakilala si Kean ang Offlaner ng team. Kilala naman siya bilang Dracula. Sumunod sa kanya ang pinakabatang member ng team na si Dylan. Siya ang Gold laner. Minsan nagiging core din siya depende sa makakatapat nilang kalaban. Magaling siya kahit medyo bata pa. Kilala siya sa tawag na Sniper. Ang IGN niyang iyon ay isinunod niya sa paborito niyang character sa laro. Madalas kasing long-range ang gamit niyang hero. Sunod nang nagpakilala ang sixth man na si Marcus. Kaya niya ang lahat ng role. Ganun naman talaga kapag sixth man ka. Kailangan kaya mong mag-multi-role. Kaya siguro Multiply ang ginawa niyang IGN. Nakakatawa pero mas nakakatawa naman ang IGN ko. Huling nagpakilala si Alistair na mukhang napilitan pa yata. Siya ang core ng team na kilala sa tawag na Joker. Schoolmate ko siya nung high-school pero hindi niya ako kilala. Ako lang itong nakakakilala sa kanya dahil matagal na akong may crush sa kanya pero hanggang doon na lang iyon.
Ako na mismo ang naunang mag-abot ng kamay kay Alistair nang hindi niya inilahad ang kamay niya sa akin. Matagal bago niya tinanggap ang pakikipagkamay ko. Medyo kinabahan ako doon. Akala ko mapapahiya pa ako. Kung sabagay dati pa namang suplado ang isang ito. Hindi talaga siya palakaibigan na tao kaya ayos lang iyon. Matalagal ko naman nang alam na ganun siya. Pero mabuti na lang talaga at tinanggap niya pa rin ang pakikipagkamay ko kung hindi napahiya na ako.
"Hello, ako naman si Sunny—" Agad akong natigilan sa pagsasalita nang mapagtanto ang kamaliang nagawa.
Tumikhim ako upang ulitin ang pagpapakilala.
"A-Ang ibig kong sabihin ako si Rain at SunnySideUp ang IGN ko," nanginginig ko pang sabi. Muntik na ako doon, ah!
"SunnySideUp?" nangingiting ulit ni Dylan.
"Ayos ah. Unique nun, bro," tumatawang sabi naman ni Bren. Sinabayan ko ang tawa niya. Siya yata ang pinakamasiyahin sa team. Palaging nakangiti at tumatawa.
"Bakit iyon ang IGN mo? Paboritong luto mo siguro ng itlog yun."
Nakisali na rin sa biruan sina Marcus at Kean. Si Alistair lang itong parang may sariling mundong nakatingin lamang sa phone niya. Napailing ako habang pinagmamasdan siya. Wala pa rin talagang nagbago sa kanya. Suplado pa rin. Ayos lang. Hindi naman niya kailangang maging friendly para manalo ang team namin sa mga laro. Kahit ganyan yan magaling makipag-cooperate yan pagdating sa game. Siya ba naman ang pinakamalakas na player ng team. Kaya nga siya ang core. Wala kasing pumapantay sa bilis ng kamay niya kapag gumagamit siya ng assassin na hero. Doon kasi siya malakas pero kaya din niyang mag multi-role katulad na lang ng sixth man na si Marcus. Kaya kahit may ugali si Alistair hindi yan binibitiwan ng company. Magaling kasi talaga. Isa rin yung dahilan kung bakit sobrang idol na idol ko siya. Gusto kong maging kasing galing niya. May tiwala ako sa sarili kong kakayahan pero alam kong mas magaling pa rin siya sa akin.
"Streamer ka ba, Rain?" pag-iiba ni Kean ng usapan. Umiling ako agad.
"Hindi pero may kaibigan akong sikat na streamer," nakangiting sabi ko.
"Talaga? Sino 'yan? Baka kakilala ko?" pang-uusisa naman ni Bren.
"Silvester Verano."
"Si Silver?"
Tumango ako kay Bren. Alam kong magkakilala sila. Marami talagang kakilalang professional gamer ang kaibigan ko na yun. Sikat naman kasi talaga ang mokong na yun sa gaming community. Magaling kasi yun pero hindi ko alam kung bakit ayaw niyang maging professional gamer tulad nila Alistair na lumalaban sa ibat-ibang tournament. Paniguradong maraming kukuhang koponan sa lalaking yun. Magaling eh.
"Magaling ba yun?" tanong ni Kean habang nakakunot ang noo. Ang alam ko minsan nang nakabangga ni Silver itong si Kean. Hinamon niya yata itong si Kean kaya mainit ang dugo sa kanya.
"Sakto lang. Tamang galaw lang ng mga streamer," tumatawang kumento naman ni Marcus.
"Baka kung pinatulan mo yun, tol, mapahiya yun. Hindi manlang maka-score. Puro yabang lang," naiiling na sabi ni Dylan.
Hindi naman ako naniwala doon. Kahit hindi lumalaban si Silver sa ibat-ibang tournament tulad nila, alam kong may ibubuga siya. Parang si Alistair lang din yun na kaya ang multi-role pero mas naging mahusay lang si Alistair sa kanya ng konti dahil sa training bilang pro-player. Kapag naging professional player ka kasi hahasain pa talaga nila ang galing mo kaya mas lalo ka pang gagaling. Isa ding rason yun kung bakit gustong-gusto kong makapasok dito. Gusto kong mag-training kagaya ng mga malalakas na player. Gusto kong mas lalong gumaling hanggang sa mapatunayan ko na kaya ding sumabay ng isang babaeng gamer na tulad ko sa mga lalaking gamer. Hindi ako susuko hanggat hindi ko napapatunayan na kaya kong maging kagaya ni Alistair. Isa rin sa mga pangarap ko ay ang matalo sa isang laban si Alistair. Magsasanay ako ng husto para matalo ko siya.
Napatingin akong muli kay Alistair. Hindi ko mapigilang mapangisi habang tinititigan ko siya.
Balang araw matatalo rin kita sa isang laban. Sisiguraduhin ko yun.