Kabanata 26
S U N N Y
Pagbalik namin sa bootcamp ay dumiretso agad si Alistair sa kwarto namin. Ganoon din si Dylan na mukhang humupa na ang init ng ulo dahil antok na antok na. Lasing na din kasi kaya wala na siguro sa mood makipagtalo pa ulit. Pansin ko lang din mas kalmado ngayon si Dylan kaysa kay Kean na parang napikon talaga sa mga ibinatong salita sa kanya no'ng isa.
Naisip ko tuloy na baka totoo iyong mga ibinatong akusasyon sa kanya ni Dylan kaya mas affected siya. Gano'n naman palagi, di ba? Mas naaapektuhan tayo sa katotohanan.
Ay ewan ko! Kung totoo man 'yon, ayoko nang makialam pa sa bagay na 'yan. Silang dalawa na ni Dylan ang mag-usap d'yan. Huwag lang sana silang umabot sa pisikalan dahil doon talaga ako papagitna sa kanila. Hindi pwede sa akin iyong ganoon. Mag-away na sila at magsigawan, huwag lang silang magkasakitan.
Naunang dumating sina Bren kaya nauna silang pumasok sa kanya-kanya nilang mga kwarto. Mabuti na lang at hindi na nagpang-abot ang dalawa. Baka kung nagka abot pa sila ay nagkaroon pa ng round two ang away nila kanina sa parking area ng bar. Dadalhin pa nila hanggang dito 'yong gulo, mapagalitan pa kami ni coach. Baka sa susunod hindi na kami payagan no'n na lumabas para gumimik.
Sinadya din yata talaga ni Alistair na magpahuli para hindi na mag-abot sina Dylan at Kean sa bahay. Anong oras na din kami nakauwi ng bahay. Mabuti at tulog na si coach, kaya hindi na namin kinailangang pang magpaliwanag sa kanya kung bakit kami na-late ng uwi.
Naunang pumasok ng kwarto namin si Alistair. Nauna din siyang pumasok sa loob ng banyo para siguro maglinis ng sarili or maligo. Hindi ko alam.
Inabangan ko talaga ang paglabas niya ng banyo dahil balak ko ding mag shower kahit sandali lang. Medyo nakakaramdam ako ng init kahit madaling araw na. Siguro dahil galing kami sa labas tapos nagkainitan pa 'yong dalawa.
Naupo ako sa dulo ng kama ko habang hinihintay ko si Alistair na matapos. Medyo inaantok na ako pero kaya ko pa naman maghintay. Hindi din kasi ako makakatulog nang hindi nakakapaglinis ng sarili. Nakasanayan na kasi ng katawan ko iyon.
Nang lumabas si Alistair sa banyo ay agad akong napatayo. Nagtama ang tingin namin ni Alistair pero agad din siyang nag-iwas. Kinagat ko ang labi ko at tahimik na pumasok na ng banyo.
Siguro sa antok na din at pagod kaya mabilis akong nakatulog sa gabing iyon. Kinabukasan paggising ko ay dirediretso akong pumasok sa banyo para makaligo na agad, dala ko na ang mga damit ko para sa loob na din ako magbibihis. Laging ganoon dahil hindi naman ako pwedeng kung saan saan na lang magbihis. May kasama ako dito sa kwarto baka mabisto pa ako.
Medyo antok pa ako nang pumasok sa banyo, ngunit agad ding nawala ang antok na 'yon nang maabutan ko si Alistair sa shower. Umawang ng napakalaki ang mga mata ko bago ako mabilis na tumalikod. Naka-glass wall ang shower kaya kitang-kita ko ang buong kahubdan niya.
Nag-init ng husto ang buong mukha ko. Hindi ako makapaniwala sa nakita ko. First time ko makakita ng hubad na katawan ng lalaki. Kaya hindi ko maipaliwanag ang nararamdaman ko ngayon. Masyado akong nababagabag sa nakita ko. Hindi tuluyang tinatanggap ng isip ko ang nakita. Parang hindi ako makapaniwala na nakita ko iyon. Parang mali na nakita ko iyon kahit hindi ko naman sinasadya.
Narinig kong namatay ang shower.
"Sorry! Sorry! Hindi ko alam na nandito ka pa. L-Lalabas na ako," mabilis kong sabi pero hindi naman makakilos sa kinatatayuan.
Parang biglang nanlambot ang mga tuhod ko at hindi ko na magawang ihakbang ang mga paa ko. Sobrang tulala ko lang, hindi ako makapag-isip ng maayos.
Narinig ko ang pagbukas ng glass door ng shower room at ang paglabas niya mula doon. Napapikit ako ng mariin sa takot na baka bigla siyang lumapit sa akin at makita ko nanaman ang mga bagay na hindi ko naman dapat makita.
Naramdaman ko ang paglalakad niya palapit sa kinatatayuan ko. Muli akong sumubok na dumilat.
"Ayos lang. Tapos na ako," aniya nang dumaan sa harapan ko para lumabas ng banyo. May nakatapis ng tuwalya sa kanyang baywang.
Nang tuluyan na siyang makalabas ay saka lamang ako nakahinga ng maluwag. Agad akong sumandal sa pader na nasa tabi ko. Hindi talaga ako makapaniwala na nakita ko iyon. Nakita kong hubad si Alistair! What the hell!
Kinurot ko ang sarili ko para pigilan ang pag-usbong ng kung ano-anong ideya sa isip ko. Gusto kong alisin sa isipan ko ang nakita ko, pero hindi ko mapigilang paulit-ulit na isipin iyon. Pumikit ako at ipinilig ang ulo sa ibang direksyon, pilit winawaglit sa isipan ko ang naabutan.
"Hindi pwede na ganito ako mag-isip," bulong ko sa sarili.
Pinilit kong alisin sa isip ko ang nakita. Naligo na lang ako at binilisan ko na ang kilos ko. Para kasing hindi ko na kayang mag stay dito sa loob ng banyo. Kusa na lang kasing pumapasok sa isip ko ang nakita ko kanina kapag napapatingin ako sa shower.
Ugh! Hindi dapat ganito. Hindi pwede ito. Pero kasi naman, eh! First time ko makakita ng hubad na katawan ng lalaki tapos sa crush ko pa. Sinong hindi matutuliro ng ganito?
Tapos 'yong katawan niya pa… sunod-sunod akong umiling upang patigilin ang sarili sa pag iisip ng kung ano-ano. Ahh! Gusto kong sumigaw para mailabas itong kung anumang nararamdaman ko. Pakiramdam ko napakarami ko ng kasalanan. Hindi ko dapat nakita iyon. Kapag nalaman ni Alistair na babae ako, ano na lang ang iisipin niya sa akin? Ngayon siguro wala lang sa kanya na makita ko siyang ganoon kasi akala niya lalaki din ako tulad niya. Pero paano kapag nalaman niyang babae pala ako? Anong iisipin niya sa akin? Ano ang magiging reaksyon niya?
Napapikit ako ng mariin. Ayoko ng isipin kung ano ang pupwedeng maging reaksyon ni Alistair dahil panigurado namang kaiinisan nanaman ako ng isang iyon. Baka kamuhian na ako no'n kapag nalaman niyang babae ako at nakita ko siyang ganito. Baka din mandiri pa iyon sa akin at sabihing sinadya kong silipan siya.
Ugh! Ayoko ng mag-isip pa. Ginugulo ko lang ang sarili ko.