9. How They Meet (Part 2)

2056 Words
Juan Miguel Santos – Jon’s Brother Kakauwi lang namin ni Kuya Jon galing sa ukay-ukayan upang bumili ng bagong damit para sa susuotin namin mamayang hapon. Kahapon kasi ay sabi niya na invited daw kami sa welcome party nila Ate Sofia dahil dumating daw ang Tita nito at ang kapatid nitong lalaki na ngayon ko lang nalaman. Kababata at matalik na kaibigan ni Kuya si Ate Sofia. Sa kanilang pagiging magkaibigan ay kilala na rin ako ni Ate Sofia, hindi lang ako kundi ang buong pamilya ko, lalo na sina Tatay at Nanay. Nang makauwi kami ay nakita namin si Nanay na bihis na bihis na rin. Pero hindi nga pala siya sasama sa amin dahil may pupuntahan siyang importante sa bayan. Kahit pilitin man namin siya ni Kuya na sumama ay ayaw niya talaga dahil nahihiya siya. Kaya hindi na lang namin siya pipilitin na sumama kasi baka magalit pa ito. Excited akong pumasok sa kuwarto upang sukatin ‘yong damit na binili sa akin ni Kuya. Isang kulay puti na polo shirt iyon. May kasama iyong maong short na kulay itim na hanggang tuhod ko lang. Binilhan din niya ako ng bagong sandals na kulay itim para raw bumagay sa suot ko. Sabi niya rin kasi sa akin ay hindi naman daw gaanong formal ‘yong party kaya ito ang binili niya sa akin. Isang puting polo naman ang binili ni Kuya Jon para sa sarili niya. Tapos isang maong na brown ang pang-ibaba niya. Dahil may sapatos naman siya ay hindi na siya bumili ng bago. Maga-alas dos na ng hapon nang sabihan na ako ni Kuya na maligo dahil alas kwatro raw magsisimula ang party. Mabilis naman akong naligo sa may poso na malapit sa bahay namin at nagbihis ng damit. Nag-ayos din ako ng sarili ko sa harapan ng luma naming salamin sa cabinet doon sa kuwarto. Nadatnan naman ako ni Kuya roon na kagagaling lang niya sa pagligo. “Tama na yan. Baka matunaw ang salamin,” pagbibiro niyang sabi sa akin. Ngumiwi lang ako sa kanya at nang makita ang sarili na maayos na ay humarap ako kay Kuya. “Kuya, pahingi naman ng pabango, oh.” “Nasa bag ko. Tatlong spray lang, ah. Mahal ‘yan.” Kinuha ko naman ang pabango na tinutukoy niya sa kanyang bag at nag-spray lang ng tatlong beses sa leeg ko. At saka naman ako lumabas ng bahay at doon na lang siya hinintay. Wala pang sampung minuto nang lumabas si Kuya sa kuwarto. Sabay kaming lumabas ng bahay at sumakay sa kanyang motor upang pumunta na kina Ate Sofia. Malapit lang naman ang bahay nila rito pero kinakailangan ding sumakay sa motor para maging mabilis ‘yong pagdating namin. Pagkarating namin doon ay kaagad na sinalubong kami ni Ate Sofia. Aaminin ko, hanggang ngayon ay nagagandahan talaga ako kay Ate Sofia. Sa suot niyang kulay violet na dress ay hindi ko maiwasan na kiligin sa kanya. Pero hindi kami bagay. Bata pa kasi ako saka medyo adult na si Ate. Mas bagay sila ni Kuy Jon. Nakakapagtaka nga lang kasi bakit hindi pa nililigawan ni Kuya Jon si Ate Sofia, eh, bagay naman silang dalawa. Minsan tinanong ko siya kung may gusto ba siya kay Ate. Sabi niya wala. Hindi naman ako naniniwala roon kasi para sa akin may gusto siya kay Ate Sofia. Hindi lang niya yata inaamin sa akin. Mabilis akong niyakap ni Ate Sofia nang makita niya ako sa likuran ni Kuya Jon. Niyakap ko rin naman siya at nagkausap lang kami ng kaunti bago kami pumasok sa malaki nilang bahay. Kahit nakapasok na ako rito noon pa man ay hindi ko pa rin talaga maiwasan na mamangha sa sobrang ganda at laki ng bahay nila. Sobrang yaman talaga nila, ‘no. Nagmano naman kami ni Kuya Jon sa papa at mama ni Ate Sofia. Kilala na rin nila ako kasi nga minsan din akong pumupunta rito sa kanila kapag may mga okasyon. “Oh, Hijo, pumunta na lang kayo roon sa likod ng bahay at pumuwesto kung saan niyo gustong umupo. Kumuha kayo ng pagkain at magpakabusog. Lalo na ikaw, JM, kumain ka at ang payat-payat mo,” sabi pa sa akin ng mama ni Ate Sofia. Mahinang tumawa lang ako at nahihiyang tumango ng ulo. Bago pa man kami pumunta ni Kuya roon sa likuran ng malaking bahay ay sinabihan muna niya ako na mauna na at mag-uusap muna raw sila ni Ate Sofia. Kahit medyo nahihiya ako ay wala akong nagawa kundi umalis mag-isa upang pumunta roon sa likod. Hindi ko masyadong kilala ‘yong mga tao na naroon pero sa hitsura at pamorma nila ay nahuhulaan ko na mga mayayaman silang tao. Hindi naman ganun ka-pormal ang suot nila pero kitang-kita sa kutis nila ang pagiging mayaman. Medyo naiilang lang ako pero binale-wala ko na lang. Patuloy lang ako sa paglalakad. Nakita ko kaagad ang magarbong disenyo ng likod ng bahay. Punong-puno ito ng mga lamesa na maraming mamahaling baso at plato na nakapatong. May apat na tao rin ang nagsi-serve ng pagkain doon sa may parihabang lamesa na punong-puno ng pagkain. May mga bisita naman ang nakapila roon upang kumuha ng pagkain. Naririnig ko rin ‘yong music na nanggagaling sa dalawang speaker para makadagdag ng magandang ambience sa party. Dahil naroon pa rin ang pagkamangha ko sa malaking bahay na iyon ay hindi ko na nakikita ang dinadaanan ko. Hanggang sa may nabunggo akong isang lalaki na hindi ko naman sinasadya. Nang humarap ako sa kanya ay nakita ko na nabuhusan ng pulang tubig ang puti niyang damit. Narinig ko naman siyang nagmura sa pagkakabangga naming dalawa. “F*ck!” Bigla siyang tumingin sa akin matapos niyang tingnan ang mantsa sa kanyang puting damit, at mabilis na nanlilisik ang mata niya nang hawakan niya ako sa aking kuwelyo. “Are you blind!? Look what you did!” sigaw niya sa akin. “Sorry. Hindi kita nakita, eh. Pasensya na,” kinakabahan kong sabi sa kanya dahil galit na galit siya sa akin. Napansin ko rin na may mga tao na ang nakatingin sa aming dalawa. Pinapanuod lang nila kami. Mukhang wala silang plano na awatin itong lalaki na ka-edad ko lang. Nakatingala akong nakatingin sa kanya kasi sobrang tangkad niya. Hanggang dibdib lang niya ako. “Sorry? Look what you did to my shirt, you moron! Did you know how much is this!?” nanlilisik pa ang mga mata na sabi niya sa akin. Mabuti na lang may isang babae ang lumapit sa amin galing sa loob ng bahay. Nakasuot siya ng magarbong damit at pula ang labi niya dahil sa lipstick na gamit. “CJ, what are you doing!?” sabi pa nito sabay awat sa matangkad na lalaking galit sa akin. Mayamaya ay napatingin ang babae sa akin at kaagad siyang humingi ng dispensa sa nangyari. At saka niya muling inilinga ang sarili doon sa lalaking kanina pa nakatitig ng masama sa akin. “CJ, what did you do!?” “Why you’re blaming me? That geek’s fault! He didn’t watch on his step! Look at my shirt. It’s messy!” pagrereklamo pa niya sa babae habang tinuturo-turo niya ako. Nakakagawa na rin kami ng gulo kaya marami na rin akong nakikitang mga matang nakatingin sa amin. Dumating naman sina Kuya Jon kasama si Ate Sofia upang makisali sa usapan. Sumunod naman ang mama at papa ni Ate Sofia. Nagtatanong ang mukha ng mga ito sa nangyayari. Mabilis din nilang nilapitan ‘yong matangkad na lalaki upang pakalmahin ito. “JM, ano’ng nangyayari?” tanong ni Kuya nang makalapit siya sa akin. Hindi kaagad ako nakapagsalita ng maayos sa kanya kasi nga nakatingin pa rin ako roon sa matangkad na lalaking galit na galit sa akin. “I told you this geek messed my shirt!” patuloy na pagrereklamo pa niya roon sa babaeng naka-red lipstick. Tumingin siya sa akin at nasa mukha pa rin niya ang paghihingi ng dispensiya sa nangyayari. “Sorry for my nephew’s behavior, Hijo. He’s just a little sensitive,” sabi pa no’ng babae sa akin. “Okay lang po. Ako naman po ang may kasalanan kaya natapunan siya ng dala niya. Hindi po ako tumitingin sa daan. Pasensya na rin po talaga,” sagot ko naman. Doon ko napagtanto na ang babaeng iyon ay Tita ng lalaking nakabangga ko. Matapos kong magsalita ay muling ibinaling no’ng babae ang tingin niya roon sa katabi niyang lalaki. “Say sorry to him, CJ.” “What? Why do I need to say sorry to him, eh, siya nga itong nakabangga sa akin,” mainit pa rin ang ulo niyang sagot sa kanyang Tita. Sa pananalita pa lang nito ng tagalog ay alam ko na kaagad na hindi siya sanay. Sumabat naman sa usapan ang mama ni Ate Sofia sa tabi nito. Hinawakan niya ito sa balikat. “Anak, be calm okay. Aksidente lang ang nangyari.” Doon ko na rin napagtanto na anak niya ang lalaking ito. Marahil ay ito na ‘yong tinutukoy ni Kuya Jon sa akin na lalaking kapatid ni Ate Sofia. So, CJ pala ang pangalan niya? Nakita ko kung paano ibiniklas nang malakas ni CJ ang nakahawak na kamay ng kanyang ina sa kanyang balikat. At doon na nga siya galit na galit na sumigaw rito. “Don’t touch me and don’t act like you’re concern to me. You’re not my mom!” Mabilis na tumakbo si CJ papasok sa malaking bahay. Sinubukang tawagin naman ng ama ni Ate Sofia si CJ pero parang wala itong naririnig. Daretso lang itong nagtatakbo papasok sa bahay. Mabilis din niyang sinundan ito sa loob, at doon ako nilapitan ng mama ni Ate Sofia. “JM, are you alright?” tanong niya sa akin. Tumango naman ako ng ulo bilang sagot. “Okay lang po.” “Pagpasensyahan mo na si CJ. Medyo mainit lagi ang ulo niyon. But he’s nice. Wala lang sa mood ang batang ‘yon,” sabi pa niya at saka niya hinawakan ang balikat ko. “Naiintindihan ko po.” “He’s my son actually. Kapatid ng Ate Sofia mo. I’m sorry if hindi naging maganda ang unang pagkikita ninyong dalawa. Balak ko sana siyang ipakilala sa inyo para naman maging kaibigan mo siya. He doesn’t have a friend here kasi matagal siyang nanirahan sa Australia.” “Ganun po ba. Okay lang po iyon. Ako nga po sana ang hihingi ng sorry sa kanya, eh. Hindi ko siya nakita kanina. I’m sorry po.” Tumango at ngumiti lang siya sa akin bago siya umalis sa harapan ko. Sinabihan na rin niya ang mga tao na tapos na ang gulo at puwede na sila bumalik kung ano man ang kanilang ginagawa. Mabilis na nagsibalikan ang mga tao sa kani-kanilang lamesa. Sinamahan naman ako ni Kuya Jon at Ate Sofia papunta sa isang bakanteng upuan. Kanina pa humihingi ng dispensya sa akin si Ate Sofia dahil sa ginawang paninigaw ni CJ sa akin kanina. “Hindi ko po alam na may kapatid po pala kayong lalaki, Ate,” sabi ko na lang sa kanya no’ng nagsisimula na kaming kumain. Katabi ko siya ngayon at napapagitnaan nila ako ni Kuya Jon na busy ring kumakain. “Now you know,” tipid na sagot ni Ate Sofia sa akin. “Pagpasensyahan mo na lang si CJ. Naninibaguhan pa siguro rito. Saka nalaman ko na magka-edad lang pala kayong dalawa. Akala ko pa naman magiging magkaibigan kayo kapag nagkakilala kayong dalawa. Naging magulo pa ang nangyari. Pasensya ulit, ah,” nakangiti niyang dagdag. Ginantihan ko na lang siya ng ngiti at tahimik na kumain doon. Mayamaya ay nahagip ng mga mata ko si CJ nang pumanhik siya sa bulwagang iyon kasama ang kanyang papa. Napansin kong iba na ang kanyang suot. Pumuwesto naman siya roon sa unahang lamesa malayo sa kinauupuan namin. Katabi niya ngayon ang kanyang papa, mama, at ang tita niya na umawat sa amin kanina. Napatingin siya sa akin at naroon pa rin ‘yong galit niya. Medyo nakakaramdam ako ng guilt sa sarili ko kasi kasalanan ko naman talaga kung bakit namantsahan ‘yong damit niya. Hindi ko iyon sinasadya. ‘Di bale, tityempo na lang ako na makausap siya at hihingi na lang ako ng sorry kasi ayoko na may taong galit sa akin. Hindi kasi ako napapanatag.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD