Jon
Sampung minuto bago mag-alas diyes ng gabi ay naisipan ko nang pumunta sa locker room upang magpalit ng damit. Medyo kumukonti na rin ang tao sa coffee shop dahil malapit na ang closing time nito.
Tinanggal ko ang itim na apron at sombrero na suot ko at inilagay ito sa locker ko. Hinubad ko rin ang brown na polo shirt na suot ko at itinupi muna bago ko ito ipasok sa bag na dala ko. Nakakapagod ang gabing ito dahil marami-rami rin ang mga customers na dumating sa Brew Haven. At masaya rin ako kasi nakaharap ko sa personal si Angela.
Iyon nga lang, hindi ko pa rin maalis sa isip ko ang nakita kong pag-uusap nina Sofia at Angela. Nababahala ako kung ano ‘yong pinag-usapan nila. Mamaya siguro ay kakausapin ko ‘yong kaibigan ko para itanong kung ano ang pinag-usapan nila.
“Bro, uuwi ka na?” Napalingon ako bigla sa kanan ko nang makita kong nagsalita si Leonard—yong kapwa ko barista rito sa Brew Haven. Tipid na ngumiti ako sa kanya.
“Oo.”
“Ang aga pa, ah.”
“Sira! Mag-a-alas-diyes na ng gabi. Saka kailangan ko na umuwi. Ihahatid ko pa si Sofia.”
“Sofia?” narinig kong sambit niya nang makaupo ako sa isang upuan habang nagpapalit ng damit. “Tell me, Bro. Matagal ko na kayong napapansin ng kaibigan mong ‘yan. Noong first year pa tayo actually.”
“Oh, eh, ano ngayon?” sagot ko naman. Tumayo ako matapos kong magpalit ng damit. Muli akong lumapit sa locker ko upang ayusin ‘yong mga gamit ko roon.
“Gusto ko lang naman kasi itanong kung girlfriend mo siya?”
Napatingin ako bigla kay Leonard at kunot-noong nagtataka sa tanong niya. “Hindi, ‘no? Kababata ko siya.”
“Talaga ba?” nang-aasar pa niyang tanong sa akin. “Do you have plans to court her?”
Napailing ako. “Wala. Sabi ko nga sa iyo, kababata ko siya. Para ko na ‘yong kapatid. Bakit mo ba naitanong ‘yan?”
“Wala lang.” Umiling siya at ngumuso. Tapos muli siyang ngumiti. Sa pagkakataong ito, nakakaloko ang ngiti niya. Mabilis ko kaagad napansin iyon at alam ko na kaagad ang motibo niya.
“Hoy, Leonard! Sinasabi ko sa ‘yo. ‘Wag si Sofia. Dahil kung may plano ka sa kanya, ako muna ang makakaharap mo,” pagbabanta ko sa kanya. Parang wala lang sa kanya ang sinabi ko.
“You’re so overprotective, Bro. Ano ka ba niya? Kuya?” pamimilosopo pa niyang sagot sa akin. Medyo nainis ako roon pero sinubukan kong pigilan ang inis ko kay Leonard. Hayop talaga ‘tong lalaking ‘to! Kahit sino’ng babae, basta maka-score lang, walang pinipili!
“Parang ganun na nga,” seryoso kong sagot sa kanya. “Hoy! Kilala kitang, hayop ka. Kung may balak kang mangbabae, ‘wag si Sofia. Dahil hindi ko alam kung ano ang gagawin ko sa iyo sa oras na hawakan o saktan mo siya,” pagbabanta ko pa. Seryoso ako sa sinasabi ko ngayon.
Gusto kong ma-offend o magalit si Leonard. Pero mukhang ‘di pa rin effective ang pagbabanta ko sa kanya kasi nakita ko na nakangisi lang siya at parang tuwang-tuwa pa siya sa usapan namin ngayon.
“Don’t be so hot-tempered, Bro. Umuwi ka na nga haha,” pang-iinis pa niya sa akin habang tumatawa nang malakas. Bago ako lumabas ng locker room ay mahinang binatukan ko siya sa ulo.
“Seryoso ako sa iyo, Leo. ‘Wag si Sofia,” sabi ko at saka ako lumabas ng locker room.
Pagkalabas na pagkalabas ko sa locker room ay napansin kong wala na si Sofia sa table na ino-okyupa niya kanina. Nilinga ko ang tingin ko sa paligid at mabilis ko siyang nakita sa labas ng coffee shop. Doon, nakita ko na kasama niya si Yvonne habang nag-uusap silang dalawa.
Bumuntong-hininga ako dahil sa pagod na nararamdaman ko ngayon bago ako lumabas ng coffee shop. Pagkalabas ko ay sabay na luminga silang dalawa sa akin tapos may narinig akong sinabi si Yvonne kay Sofia na siyang ipinagtataka ko.
“Speaking of him, nandiyan na siya. Mauna na ako sa iyo, sis. Magpaka-martir ka riyan hanggang sa gusto mo.”
Nagbeso-beso pa silang dalawa bago umalis si Yvonne. Ni wala man lang siyang salita o tingin na ibinaling sa akin bago siya umalis. Pagkatapos ay lumapit ako kay Sofia at napansin kong parang wala siya sa mood.
“Ano ‘yong pinag-uusapan niyo ni Yvonne?” tanong ko. Sinubukan kong ngumiti para maging masaya ang mood niya. Ngunit ‘di yata effective. Nakasimangot pa rin siya nang tumingin siya sa akin. ‘Tapos sinabayan pa niya iyon ng pag-irap.
Bumuntong-hininga ulit ako. “Hayyys! May problema ka na naman?” tanong ko sa kanya na mabilis naman niyang ikinailing ng ulo.
“Wala.”
Naisip ko na baka wala siya sa mood dahil gabi na at mukhang inaantok na yata siya. “Sabi ko naman sa iyo ihahatid na kita sa bahay niyo bago ako magsimulang magtrabaho. Baka nababagot ka na kaya ka nakabusangot diyan.”
Wala siyang imik sa sinabi ko pero muli niya akong inirapan. Dahil sa pagiging moody niya, inakbayan ko siya at ginulo ang kanyang buhok. “Sabihin mo nga sa akin. Ano ang problema mo? Baka makatulong ako sa iyo,” ani ko habang nananatiling nakangiti. Nananatiling positive ang awra ko sa kanya.
Napangiwi siya at parang ang lalim nang iniisip niya. Iniisip niya kung sasabihin ba niya sa akin ang problema niya o hindi.
Sa huli, umiling lang si Sofia sa akin. Pagkatapos ay may inabot siya sa akin na isang maliit na papel.
“Oh, para sa ‘yo.”
“Ano ‘to?” tanong ko. Hindi pa niya nasasagot ang tanong ko nang buksan ko ang papel na iyon at may nakita akong cell phone number na nakasulat doon.
“Cell phone number ni Angela. You can text her,” wala sa mood na saad niya sa akin.
Ikinabilog naman iyon ng mga mata ko. “Ito ba ‘yong pinag-usapan niyo kanina? Pinag-uusapan niyo ako?” Bigla tuloy akong kinabahan. Pero napawi iyon nang umiling si Sofia.
“No. I just remember that we have an upcoming culmination in Literature next month for our final exam. Ina-announce kanina ng instructor namin, and Angela and I became group mates. So I got her number so I can contact her for an updates. Matagal pa naman but I intended to kasi alam ko na gusto mo siyang makausap.”
Hindi ako makapagsalita sa sinabi niya. “K-Kinuha mo ang number niya p-para sa akin?” tanong ko, na labis ko namang ikinatuwa.
Inalis niya ang pagkakaakbay ko sa kanya, humarap sa akin at napa-ekis siya ng dalawang braso habang seryoso pa rin siyang nakatingin sa akin. “No. As I said lately, I did that kasi kailangan ko rin ang number niya.”
“P-Pero p-paano kung magtanong siya kung saan ko nakuha ang number niya?”
Bigla siyang nagkibit-balikat. “I doubt if she ask. Once you tell her kung sino at anong pangalan mo, I think she’ll not ask you where did you find her number. Kung magtanong man siya, ikaw na bahala magbigay ng dahilan. Malaki ka na, ‘di ba?” pagsusungit pa rin niya sa akin. Kahit masungit siya, mabilis ko siyang niyakap nang mahigpit dahil sa tuwa; dahil sa ginawa niya para sa akin para maging masaya ako at makapag-first move na ako kay Angela.
“Salamat. Salamat talaga. You’re the best!” Ito ‘yong sinasabi ko kay Sofia habang niyayakap ko siya nang mahigpit. Pagkatapos ay hinalikan ko siya sa kanyang pisngi bilang pasasalamat. Saka ako bumitaw sa kanya at tiningnan muli ‘yong papel na may cell phone number ni Angela. Napawi naman ‘yong pagkakabahala ko kanina kung ano talaga ang pinag-uusapan nilang dalawa. ‘Yon pala, gumagawa lang ng paraan si Sofia na makuha ang number ni Angela.
“Tara na! Umuwi na tayo!” sabi pa niya sa akin at mabilis na hinawakan niya ang kamay ko. Kinuyog niya ako para makapaglakad. ‘Yong motor ko kasi ay nakaparada sa basketball court malapit lang din sa coffee shop na iyon.
Mabilis ko namang inilagay sa wallet ko ang papel na iyon at saka kami sumakay ng motor para makauwi na.
Sampung minuto ang nakakalipas nang makarating kami sa bahay ng magulang ni Sofia kung saan siya nakatira. Hinubad niya ang helmet na suot at saka niya ito ibinigay sa akin.
“Thanks for the ride,” wala pa rin sa mood na sabi niya sa akin bago siya naglakad papunta sa gate ng bahay. Pero bago pa siya makapasok ay muli siyang humarap sa akin. “Jon?” tinawag niya ako.
“Hmmm?” nagtataka ulit kong sagot sa kanya.
“Are you busy tomorrow?” tanong niya.
Umiling naman ako. “Wala naman. Sabado bukas. Walang pasok. Wala rin akong duty sa coffee shop. Bakit?”
“I know. So you’re free tomorrow?”
Tumango ako ng ulo. “Oo.”
“Bukas, sumama ka sa amin nina mommy at daddy. Susunduin namin si CJ sa airport, ang kapatid ko.”
Mas ikinagulat ko naman ang balitang iyon. Si CJ kasi ay ang bunso at nag-iisang kapatid ni Sofia na nakatira sa Australia kasama ang Tita nito. Bata pa lang ay kilala ko na si CJ. Pero apat na taong gulang pa siya niyon no’ng makilala ko siya. Pagtungtong ni CJ ng lima, at matapos nilang magbakasyon sa Australia noong 2006, umuwi sila na hindi kasama si CJ.
Naalala ko pa iyon; iyak ng iyak si Sofia kasi nga iniwan nila si CJ sa Tita niya. Sa musmos na edad, mahal na mahal ni Sofia ang bunso niyang kapatid. Kitang-kita ko kung paano siya nagdusa kahit na lagi siyang kinakausap ng mga magulang niya na babalik din ang kapatid niya balang-araw.
Kung ano man ang dahilan kung bakit iniwan ng mga magulang ni Sofia si CJ sa Australia kasama ang Tita nito ay hindi ko na alam. Wala kasing naibubukang-bibig sa akin si Sofia tungkol kay CJ kasi nga gusto na niyang kalimutan ang nakaraan.
“Uuwi na si CJ dito?” tanong ko pa sa kanya at saka siya tumango ng ulo. Ngumiti ako kay Sofia, bumaba ng motor, at mahigpit na niyakap ko ulit siya.
“Why did you hug me?” narinig kong tanong niya.
“Wala lang. Masaya lang ako sa iyo ngayon kasi makikita mo na ang kapatid mo.”
Pagkatapos niyon ay hindi na siya nagsalita pa. Nang kumalas ako sa pagkakayakap sa kanya ay ngumiwi siya sa akin. “It’s been 12 years, Jon. Siguro naman sa 12 years na iyon marami na ang nangyari kay CJ. I heard from my Dad and Mom that he’s stubborn. Iyon siguro ang dahilan kung bakit isasauli na siya ng Tita Elena ko. I heard that he is already 17 years old. He’s quite a man now.”
Napatango lang ako sa pagkukuwento niya. Hindi ko alam ang lahat ng iyon kasi ‘di naman niya naiku-kuwento ang lahat sa akin. Kaya hindi ko alam kung ano ‘yong tamang sasabihin sa kanya. Pero kahit na; masaya pa rin ako sa kanya kasi makikita na niya ang kapatid niya.
“17? Pareho sila ng edad ni JM,” nasabi ko na lang. Napatango lang ng ulo si Sofia at saka siya nagpaalam sa akin na papasok na siya ng bahay. Sinabihan lang niya ako na mag-ingat sa pag-uwi at magkita na lang kami bukas nang alas-diyes.
Pagkatapos niyon ay sumakay na ako sa motor ko. Sinuot ko muna ang helmet bago ko ibinuhay muli ang makina ng motor at saka umalis doon.
Limang minuto lang ang oras nang makarating ako sa munting bahay namin na malapit sa dagat. ‘Yong bahay namin ay hindi gaanong malaki o maganda kaysa sa bahay ng magulang ni Sofia.
Gawa sa hollow blocks ang bahay. Pero dahil kinapos sa budget, ‘yong kalahating parte ng bahay ay gawa na sa nipa, lalo na ang bintana. Pero ‘yong bubong naman ay maayos pa at gawa sa yero. May parang terrace ang unahan ng bahay namin na gawa sa nipa at kawayan. Ang bakuran at gate ay gawa rin sa kawayan at maraming nakapalibot na santan na hitik sa bulaklak.
Sa unahan ng bahay namin ay makikita ang dalampasigan. Nakahilera rin doon ang mga malalaking bangka na ginagamit ng mga mangingisda na nakatira sa barangay na iyon kung saan kami nakatira. Kaya naman kahit nakapuwesto ka sa bahay namin ay maaamoy mo na kaagad ang malansang amoy ng dagat. Pero para sa akin sobrang sarap amuyin iyon dahil ito na ang buhay na nakasanayan ko.
Pagkarating ko sa bahay ay kaagad kong ipinasok sa bakuran namin ang motor ko. Nagtataka rin ako kasi wala man lang isang ilaw ang nakasindi sa labas o sa loob ng bahay. Bago pa man ako makapasok ay sinalubong kaagad ako ng kapatid kong lalaki na si JM.
“Kuya,” tawag niya sa akin. Patpatin siya na lalaki. Hindi gaanong matangkad. Hanggang dibdib ko lang siya. Katulad ko ay maitim ang maikli niyang buhok. Kayumanggi rin ang balat niya at kung tutuusin hindi kami masyadong magkahawig ng hitsura. Nagmana kasi ako kay nanay habang si JM naman ay nagmana sa hitsura ni tatay. Nakasuot si JM ng lumang t-shirt na pinaglumaan ko at saka short na bigay ko sa kanya noong nakaraang Pasko.
Nagmano siya sa akin nang lumapit ako sa kanya, pagkatapos ay ibinigay ko sa kanya ‘yong isang supot na naglalaman ng tinapay na binili ko bago ako umuwi rito. Alam kong paborito niya ang tinapay. Iyan ang lagi niyang hanap sa akin kapag umuuwi ako.
“Ba’t ang dilim dito? Saka nasaan si Nanay?”
“Nasa kusina, Kuya. Naghahanda sa tatahiin niyang basahan bukas.”
Pagkapasok ko sa bahay ay nakita ko kaagad ang lamesa na maraming kalat ng papel, notebook, at libro ni JM. May nakasindi ring lampara roon na nagsisilbing ilaw sa ngayon.
“’Nay!?” tawag ko kay Nanay habang nasa maliit na sala pa ako ng bahay namin. Lumabas naman galing sa dirty kitchen ang isang ginang na kuwarentay nuwebe na ang edad. Itim at may kakaunti puting buhok na ito na hanggang balikat ang haba, at may nunal siya na nakikita sa gilid ng kanyang ilong. Nakabestida itong suot at maamo ang mukha. Lumapit ako kay Nanay Lorena at saka nagmano.
“Kumain ka na?”
Umiling ako. “Hindi pa po, eh.”
“May niluto akong paksiw riyan. Kumain ka ng marami.”
“Sige po.” Inilagay ko muna ‘yong dala kong bag at hinubad ang luma kong sapatos. Bago pa man ako pumunta sa dirty kitchen ay nagtanong ako kay Nanay kung bakit walang ilaw.
“Eh… naputulan tayo, anak. Pasensya na. Ang tumal kasi ng bentahan ngayon ng basahan kaya hindi ako nakapagbayad. Pinakiusapan ko na ‘yong taga-kuryente. Pero hindi sila nadadala sa pakiusap. Ito pa naman ang unang beses na naputulan tayo, eh.”
“Ho? Dapat po sinabi niyo po sa akin para ako na po ang magbabayad. Magkano po ba ang babayaran?” sabi ko kay Nanay at saka ako pumunta sa dirty kitchen.
Walang semento roon at gawa sa kahoy ang dirty kitchen namin. Napapalibutan ng kalderong lutuanan na sobrang itim na dahil kahoy ang gamit naming pangluto. Sa isang tabi naman ay naroon ang maliit na lababo. Katabi niyon ang lumang lagayan ng plato at baso na iba’t ibang klase. Walang gripo rito pero may malapit na poso naman sa labas na puwede naming pag-igiban. Doon na rin kami naliligo kung tutuusin.
Sa kanang bahagi naman na malapit sa pinto ng dirty kitchen papuntang labasan ay may maliit na lamesa roon. Nakita ko roon ang nakalatag na mga tela na gagamiting pangtahi ni Nanay para gawing basahan. May nakasindi ring lampara roon upang magsilbing ilaw sa madilim na bahay.
“Nandiyan ‘yong bill ng kuryente. Nakasabit sa sabitanan ng mga susi,” sabi ng aking nanay. Kinuha ko ang bill at tiningnan kung magkano ang babayaran. Nasa mahigit 300 pesos ang babayaran at kayang-kaya ito ng bulsa ko.
“’Nay, kapag po wala po kayong maipangbabayad sa kuryente, sabihan niyo po ako. Ako na po ang magbabayad.”
“Eh, sa nahihiya ako sa iyo, anak. Nagma-matrikula ka pa. Kailangan mong mag-ipon para sa pag-aaral mo,” sagot pa ni Nanay sa akin.
“Okay lang po sa akin, ‘Nay. Kaysa naman po wala tayong ilaw rito at nagtitiis tayo sa lampara.”
“Oh sige. Ikaw bahala. Salamat, anak.”
Tumango lang ako sa kanya at saka na ako kumuha ng plato at kutsara para makakain na.
Maga-ala una na ng madaling araw nang madatnan ko ang sarili kong hindi makatulog. Ang dami ko kasing iniisip sa ngayon. Bukod sa mga problema sa buhay, iniisip ko rin si Angela. Oo, siya nga lagi ang laman ng isip ko tuwing gabi.
Kapag iniisip ko siya, parang nawawala bigla ang lahat ng problema ko sa buhay. Kapag iniisip ko siya, nagiging masaya na ako.
Dahan-dahan akong bumangon sa pagkakahiga ko para hindi magising si JM na katabi ko lang sa pagtulog. Dahil kasalukuyang nakasindi ang lampara sa maliit na lamesa na katabi ko lang, tumayo ako at kinuha ang wallet na nasa bag.
Doon, kinuha ko sa loob ang papel na binigay ni Sofia sa akin. Naroon nakasulat ang cell phone number ni Angela. Muli akong napangiti at napaupo sa kama na gawa sa kahoy. Iniisip ko kung ano ang mangyayari kapag tinext ko ang number na ito. Kahit nagdadalawang isip, sa huli ay naisip ko ngang gawin na i-text siya.
Kinuha ko ang cell phone ko na nasa bag. Lumang brand iyon ng cell phone na touchscreen. ‘Yon nga lang, basag ang screen nito dahil maraming beses na itong nahuhulog. Mabuti na lang at gumagana pa ito.
Nang buksan ko ang cell phone na iyon ay nakita ko na 1% na lang ang battery percent niyon. Malapit na siyang ma-lowbat. Pero nagawa ko pa ring gawin ang gusto ko.
Pinindot ko ang messages. Doon, pinindot ko ang new message at sinimulang tinipa ang cell phone number ni Angela sa recipient box. Pagkatapos ay nagtipa na ako ng ite-text ko.
Isang simpleng “Hi” lang ang itinipa ko at nanginginig ang daliri ko na pinindot ang send.
Send at 1:35 am…
Muli akong humiga sa kama at hinintay kung magre-reply si Angela. Nandoon pa rin ‘yong kaba ko sa dibdib. Habang hinihintay ay nakatingin lang ako sa text message kong iyon. Tatlong minuto ang nakakalipas pero wala akong natanggap na reply galing sa kanya.
Bumuntong-hininga ako. Inisip ko na baka tulog na si Angela dahil ala una na ng madaling araw. Wala na akong nagawa pa kundi ilagay ang cell phone ko sa lamesa katabi ng lampara.
Pero nang tatagilid na ako sa pagkakahiga ay bigla na lang itong tumunog. Bigla akong na-excite sa narinig ko at sinabayan pa iyon ng kaba habang dali-dali ko itong kinuha. Ini-expect ko na si Angela ‘yong nag-reply sa text ko.
Pero na-disappoint ako bigla nang makita ko na hindi si Angela iyon.
Kundi si Sofia.
Hindi nag-text si Sofia sa akin kundi nag-chat siya sa akin sa Messenger ng saktong 1:40 am.
Nang pipindutin ko na ‘yong chat niya sa akin, bigla na lang namatay ‘yong cell phone ko dahil lowbat na ito. Mas ikinais ko pa nang ma-realize ko na wala nga pala kaming kuryente. Hindi ako makakapag-charge ng cell phone.
‘Di bale, makiki-charge na lang ako ‘kina Sofia bukas. Kung ano man ‘yong chat niya sa akin, itatanong ko na lang bukas sa kanya ng personal.