CHAPTER SEVENTEEN
Ilang oras na ang nakalipas ngunit hindi pa rin mawaglit sa akin ang lahat ng nangyari. Kakaiba, napakahaba ng araw na lumipas at napakaraming naganap. Ngayon ay nakasalampak na ako sa sala at hindi ko pa rin mapigilan mag-isip tungkol sa kung paanong sa susunod na pagbubukas ng pagdinig sa kaso ng pagkamatay ni papa ay dalawa na sina Ethan at Attorney Shim na magh-handle nito.
Malalim na ang gabi ngunit nakapagtatakang may naririnig pa rin akong mga pagkilos mula sa kwarto. Marahan naman akong tumayo mula sa aking pagkakaupo at hinawi ang kurtinang nagbubukod sa kwarto at sala. Nang mahawi ito ay nakita ko si Dalton na nakahiga sa papag at walang kumot. Ang musmos na hitsura ng kapatid ko ay banayad na hinihipan ng hangin at namasdan ko ang pagkilos niya at pagbaling sa kabilang direksyon upang magpalit ng puwesto.
Napangiti ako, matagal-tagal na rin nang huling beses kong lambingin si Dalton. Kinuha ko ang isang kumot saka kinumutan ang katawan ng kapatid ko, sandaling tinitigan ko ang kaniyang mukha at ginawaran ng halik ang kaniyang noo.
Kinabukasan ay maaga pa akong gumising, hindi dahil sa may pupuntahan o paalis ako ngunit para magluto. Sa aking tantiya ay ilang araw na rin na mga pagkaing mabilisan lang ang kinakain namin ni Dalton dahil palagi akong nagmamadali umalis. Since wala naman akong pupuntahan ngayong umaga at mamayang hapon pa ang napag-usapan namin ni Attorney Shim, muli kong ginampanan ang pagiging ate sa pamamagitan ng simpleng pagluluto ng almusal para kay Dalton.
Maaga pa ay natapos ko na ang pagluluto at paghahanda ng almusal. Kailangan ko na lamang hintayin magising si Dalton para makapag-almusal na kami. Kung sa bagay, maaga pa nga naman talaga para gumising si Dalton.
Itinutupi ko ang mga bagong laba na damit habang humihigop ng mainit na kape nang marinig ang mga kilos niya mula sa loob ng kwarto. Ilang sandali pa ay pupungas-pungas na lumabas siya ng kwarto at halatang inaantok pa.
“Good morning, Dalton, rise and shine!” masiglang bati ko sa kaniya na bahagya naman din niyang ikinagulat. “Ready na ang almusal sa kusina na niluto ni ate. But wait, hindi ka ba muna magbabayad?”
Nang marinig ang sinabi ko ay mas nagulat si Dalton. Hindi siya umimik ngunit naapakunot ang kaniyang noo.
“Para sa payment sa ating buffet, isang mainit at mahigpit na yakap lamang,” sambit ko pa at ngumiti sa kaniya.
Hindi siya gumalaw. Iniunat ko ang braso ko at hinintay na yakapin niya ngunit hindi siya umalis sa kaniyang kinatatayuan, nakatingin lamang siya sa akin at wari ay nag-iisip kung ano ang gagawin niya. Sa halip na gawin ang inaasahan, ngumiti lamang siya nang sobrang tipid saka nagtungo sa lamesa at sinimulan kumain.
Ako naman ay gulat sa mga ikinilos niya at walang nagawa kun’di ngumiti na lang din, kahit na ang totoo ay nalungkot ako sa nangyari.
Nang matapos kumain ay napansin kong hindi masyado kumikilos si Dalton. Nanatili siyang nakaupo sa harapan ng lamesa at tila nakikiramdam. Ako na hindi siya sinabayan sa pagkain ay sandaling pakunwari na nagtungo sa CR para masilip kung tapos na ba siya kumain.
Akmang papasok na ako pakunwari ng CR nang may maramdaman sa likod ko. Mabilis na niyakap ako ni Dalton mula sa likuran at ang kaniyang mukha ay inihilig niya sa aking likod. Hindi ko naman nagawang kumilos at nakaramdam ako ng kakaibang pakiramdam sa loob ko.
“S-sorry po, Ate,” sambit ni Dalton ay bakas sa boses nito ang paghikbi.
Kumawala ako sa yakap niya at humarap sa kaniya. Lumuhod ako sa harap niya upang maging magkasingtaas kami at pinawi ang mga luha niya.
“Shh, ‘wag kang umiyak. Okay lang iyon, naiintindihan ka ni ate. Alam ko na nagawa mo lang iyon kasi nasaktan ka,” sambit ko habang pinupunasan ang mga luhang pumatak sa pisngi niya.
“Sorry po talaga, Ate. Alam ko naman na hindi ako p’wede magalit kasi bata lang po ako, sorry po, nalungkot lang po kasi talaga ako.”
“Dalton, huwag mo isipin iyan. Nagkamali ako, iyon ang dahilan kaya nagalit ka, at naiintindihan ko iyon. P’wede kang magalit, hindi lang dahil sa may pagkakamali ako, ngunit dahil ay pakiramdam ka. Bata ka man o matanda, p’wede kang magalit dahil nasaktan ka.” Hinaplos ko ang ulo niya.
Tumango siya.
“Opo, Ate, pero hindi na po ako ulit magagalit sa’yo. Ayaw ko na po.”
“At hindi na rin kita ulit sasaktan,” saad ko at hinila siya palapit sa akin para bigyan ng isang mahigpit at mainit na yakap.
Nagbuntong hininga ako. Ilang oras na ang nakalipas at maghahapon na. Hindi ko pa rin mapigilan mapangiti sa saya kapag naaalala kong nagkaayos na kami ni Dalton. Nakatutuwa dahil sa mura niyang edad ay nauunawaan niya ang napakaraming bagay na itinuturo ng buhay. May kakaiba siyang pag-iisip at pananaw sa takbo ng pamumuhay hindi katulad ng ibang mga bata.
Alas dos ng hapon, kasalukyang pinupunasan ko ang lamesa nang marinig na tumunog ang phone ko indikasyon ng mensahe. Kinuha ko ito at nabasa ang message ni Attorney Shim.
Tumawag ang staff ng PMC, p’wede na raw natin kuhanin iyong autopsy report.
Hindi na ako nag-abalang magreply at ilang minuto lamang ay nakita ko ang aking sarili na naglalakad sa hallway ng Playa Medical Center at kasama ko si Attorney Shim.
“Uh, Attorney, hindi ba nagpresent na si Ethan kahapon ng autopsy report? Bakit kailangan pa natin kumuha ulit ngayon?” nagtatakang tanong ko habang patuloy na naglalakad.
“Aeshia, tayo ang nagrequest directly sa kanila ng autopsy report kaya kailangan natin kuhanin pa rin. Besides, confirmation na rin. Hindi natin alam baka fake ang ni-present ng mokong na ‘yon.”
Ilang sandali pa ng paglalakad at huminto kami sa harap ng isang nakasaradong pintuan. Matapos naman kumatok ay pinagbuksan kami at pinapasok. Bumungad sa amin ang ilang bilang ng babae na abala sa pagt-trabaho. Sandaling nagtanong si Attorney Shim sa isang babae at saka itinuro nito ang pinakadulong doktor.
Tinahak namin ni Attorney Shim ang daan papunta sa doktor na nasa pinakadulo ng kwarto at agad naman kaming binati nito. Sandali itong nagpakilala at iniabot sa amin ang autopsy report.
Naunang binasa ito ni Attorney Shim at pagkatapos ay iniabot niya sa akin. Mabilis ko namang binasa ang nilalaman at walang duda, totoo ang ipinakita ni Ethan noong paglilitis. Matapos makumpirma ay muli kong binasa ang nilalaman nito.
The patient was a forty two year old healthy male that showed no sign of pre-existing diseases and had no significant past medical history. Upon PMC arrival, there was a visible massive blood loss and preliminary reports stated the reason—two eight to eleven inches deep stab. However, after series of pathological tests performed, it was found that at approximately 8:11 in the evening of February 4, 2017, the patient experienced muscle paralysis and respiratory arrest mainly caused by pancronium bromide. Several minutes after being taken down by pancronium bromide, the patient’s heart stopped functioning due to exposure to potassium chloride. Sedation also occurred during the process because of midazolam.